“Pagtitipon para sa mga Kritikal na Insidente: Isang Maikling Sanggunian para sa mga Lider at Organisasyon ng Simbahan,” Kahandaan sa Emergency (2023)
Pagtitipon para sa mga Kritikal na Insidente: Isang Maikling Sanggunian para sa mga Lider at Organisasyon ng Simbahan
Pambungad
Kapag ang isang kritikal na insidente tulad ng hindi inaasahang pagkamatay ng isang tao, sakuna na dulot ng kalikasan, digmaan, mga aksidente, o kaguluhan ay nakaapekto sa maraming Banal sa mga Huling Araw, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring magtipun-tipon para magbigay impormasyon, makiramay, at patatagin ang isa’t isa. Kapag nagpaplano ng gayong mga pagtitipon, humingi ng payo sa mga lider ng Simbahan at maghangad ng patnubay mula sa Diyos para maunawaan ang mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos at makapagplano kung paano tutugunan ang mga pangangailangang ito (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 4.3). Mapanalanging isaalang-alang ang layunin ng pagtitipon at kung ano ang magiging saklaw nito. Ang mga lider ay maaaring sumangguni sa isang counselor sa Family Services ng Simbahan o iba pang mapagkakatiwalaang professional counselor.
Iba-iba ang epekto ng mga trahedya at kamatayan sa mga tao. Kapag nagsasalita sa isang malaking grupo pagkatapos ng kritikal na mga kaganapan, ang paghiling sa mga tao na magbahagi ng kanilang damdamin o detalyadong karanasan ay kadalasang hindi nakatutulong. Sa halip, magtuon sa pagbibigay ng pangkalahatang patnubay, pagtuturo ng mga alituntunin, at pagbibigay ng mahabaging suporta. Isipin ang mga sumusunod na rekomendasyon.
Magtatag ng Ligtas at Masayang Kapaligiran
Nakakatulong
-
Isaalang-alang ang mga dadalo. Ang mga bata, kabataan, at adult ay maaaring mangailangan ng hiwalay na mga pagpupulong.
-
Batiin ang mga tao ng may kabaitan at makihalubilo sa kanila sa masayang paraan at huwag manghimasok sa kanilang personal na buhay.
-
Malinaw na ipahayag ang layunin ng pulong at kung ano ang saklaw nito.
-
Tiyakin sa mga kalahok na maaari silang umalis anumang oras kung hindi sila komportable. Maaari silang bumalik sa pulong kung kaya na nila.
-
Anyayahan ang mga mapagkakatiwalaang adult na tingnan kung may mga nakadarama ng pagkabalisa o kung sino ang mga umalis sa pulong para makamusta nila ito at makapagbigay ng pribadong suporta at resources.
-
Tiyakin na mayroong mga tissue sa pulong.
-
Magbigay ng tubig at kaunting meryenda.
Hindi nakakatulong
-
Huwag pilitin ang mga tao na makipag-usap o magbahagi ng kanilang nadarama.
-
Huwag magsalita sa masayahin o nakakabalisang paraan.
-
Huwag masyadong mapag-utos sa mangyayari sa pagpupulong.
-
Huwag subukang pangatwiranan o ipaliwanag ang nangyaring insidente.
Kapag may namatay: Kilalanin o banggitin ang mga namatay at ang lahat ng nagluluksa. Isiping magkaroon ng sandali ng katahimikan.
Kapag may nagpakamatay: Dahil sa maraming hindi masagot-sagot na katanungan, ang ilan ay mas matindi ang nadaramang pagdadalamhati. Ipaalala sa mga dumadalo na sa kabila ng ating pagmamahal at pinakamahusay na pagsisikap, hindi lahat ng pagpapakamatay ay maiiwasan. Hindi tayo nanghuhusga.
Magpakita ng Pagkahabag
Nakakatulong
-
“Mahal ka namin at nagmamalasakit kami sa iyo.”
-
“Nakikiramay kami sa iyo.”
-
“Narito kami dahil nagmamalasakit kami.”
-
“Narito kami para sa iyo, at maaari kaming makinig.”
-
OK lang na tahimik na maupo sa tabi ng mga tao. Ang presensya lamang ay nagpapadama ng suporta.
Hindi nakakatulong
-
Huwag iwasang banggitin ang nangyaring trahedya o ang mga naging biktima.
-
Huwag magsabi ng hindi matapat na pagpapahayag ng pagmamalasakit.
-
Huwag pisikal na hawakan, akbayan, o yakapin ang tao kapag hindi naman niya ito hiniling.
-
Huwag maging mapanghusga sa mga sitwasyon, biktima, nakaligtas, tumulong, o organisasyon.
Unawain ang Kanilang mga Tugon
Nakakatulong
-
Magbigay ng impormasyon tungkol sa karaniwang mga tugon (tingnan sa “Facing Challenges: A Self-Help Guide [Pagharap sa mga Hamon: Isang Gabay sa Pagtulong sa Sarili]).
-
“Hindi namin lubos na maunawaan ang sakit na nadarama ng bawat isa sa inyo, at alam namin na maaaring napakabigat nito.”
-
“OK lang na madama ang nadarama ninyo ngayon.”
-
“Karaniwan ang pakiramdam na parang hindi natin makokontrol ang ating mga iniisip at nadarama.”
-
“Magkakaiba ang pagtugon ng bawat tao. OK lang na madamang malakas kayo at nakakayanan ninyo, at OK din na nahihirapan kayo.”
Hindi nakakatulong
-
Huwag sabihin na alam mo ang nadarama nila.
-
Huwag sabihin sa mga tao kung ano dapat ang madarama nila o kung ano ang dapat nilang paniwalaan.
-
Huwag magsabi ng mga pahayag na nagsisimula sa “buti na lang” (tulad ng “buti na lang OK ka ngayon,” “Buti na lang walang ibang nasaktan,” o “Buti na lang hindi ito mas malubha”).
-
Huwag sikaping pigilin ang pagpapahayag ng nadarama nila (tulad ng “Huwag kayong umiyak,” “Huwag kayong malungkot,” o “Hindi kayo dapat makonsensya”).
-
Huwag magbigay ng mga tanong na mag-aanyaya sa mga tao na ibahagi ang kanilang mga iniisip, nadarama, o detalyadong karanasan sa isang malaking pulong.
-
Huwag sabihin na ang kanilang mga sagot ay sensyales ng depresyon, pagkabalisa, post-traumatic stress disorder (PTSD), at iba pa.
Talakayin ang mga Praktikal na Estratehiya para Makayanan ang mga Pagsubok
Nakakatulong
-
Magbigay ng impormasyon tungkol sa mabubuting gawi para makayanan ang mga pagsubok (tingnan sa “Facing Challenges: A Self-Help Guide [Pagharap sa mga Hamon: Isang Gabay sa Pagtulong sa Sarili]”).
-
“Ano ang mga estratehiya mo para makayanan ang mga bagay-bagay?”
-
“Ano ang nakatulong sa iyo na makayanan ang mga paghihirap noon?”
-
“Kung minsan tayo ay nahihikayat na gawin ng mga bagay na hindi tama para maging manhid tayo sa sitwasyon. Kausapin ang isang pinagkakatiwalaang kapamilya, kaibigan, o lider para makapagtuon sa mabubuting paraan sa pagharap sa hamon.”
Hindi nakakatulong
-
Huwag tangkaing ayusin o solusyunan ang kanilang pangangamba at pagkabalisa.
-
Huwag magtuon sa sarili mong mga karanasan.
-
Huwag kaagad pag-usapan ang mga solusyon. Karamihan sa mga tao ay nangangailangan ng oras para lubos na maunawaan ang trahedya bago nila simulang resolbahin ang kanilang mga pangamba o pagkabalisa.
Kapag may nagpakamatay: Ang pag-iisip ng pagpapakamatay ay karaniwan na kapag may kakilala tayong nagpakamatay. Magbigay ng impormasyon at resources para matulungan ang ibang tao. Halimbawa, ibahagi ang website ng Simbahan na Pagpigil sa Tangkang Pagpapakamatay at ang Ministering.
Magturo Kung Paano Tumulong sa Iba
Nakakatulong
-
Tulungan silang maunawaan na ang bawat tao ay may iba-ibang paraan ng pagtugon at landas na tatahakin sa pagbangon.
-
Hikayatin sila na maging mapagpasensya, maunawain, at magalang sa mga pagkakaiba-ibang ito.
-
Talakayin ang mga paraan na matutulungan nila ang kanilang mga mahal sa buhay, kabilang na ang mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay, mas nakatatanda, kabataan, at mga bata.
-
Ibahagi ang resource na “Discussion Guide: How Can I Minister to Others During a Crisis.”
Hindi nakakatulong
-
Huwag hilingin o asahan ang mga taong may mabigat na pinagdaraanan na paglingkuran ang ibang tao.
-
Huwag magbahagi ng mga paraan at payo para “maayos iyon.”
-
Huwag ipahiwatig na ang kalungkutan ay may sinusunod na partikular na yugto o timeline.
Karagdagang resources tungkol sa pagpapakamatay:
Magbigay ng Pag-asa
Nakakatulong
-
“Narito lang kami; makikinig kami sa iyo.”
-
“May kilala kaming mga taong makakatulong.”
-
“Palagi ka naming kukumustahin.”
-
“Hahayaan ka naming mag-isa kung kailangan mo ito. Pero nandirito lang kami anumang oras para samahan at tulungan ka kung kailangan mo.”
-
“Kasama mo kami sa paglutas nito.”
-
Ang pananatiling tahimik at pagtabi sa kanila ay maaaring makapagbigay ng pag-asa.
Hindi nakakatulong
-
“Lahat ito ay bahagi ng plano ng Diyos.”
-
“Nasa mas magandang lugar na sila.”
-
“May dahilan kung bakit nangyari ito.”
-
“Nais ng Diyos na makasama na sila.”
-
“Panahon na nila.”
-
“Mas kailangan sila roon kaysa rito.”
Sa mga matitinding krisis, isaalang-alang ang panahon kung kailan magpapahayag ng malalim na pananampalataya at pag-asa. Maaaring hindi ito makatutulong sa gitna ng isang krisis.
Maglaan ng Resources
Nakakatulong
-
Magbahagi ng mga handout, app, website, numero na tatawagan para sa isang krisis, at contact information ng Family Services ng Simbahan o ng mga mapagkakatiwalaang organisasyon sa komunidad.
-
Magbigay ng impormasyon tungkol sa kung paano malalaman kung kailan hihingi ng propesyunal na tulong. Ibahagi kung anong tulong ang makukuha sa inyong lugar.
-
Anyayahan ang mga gustong may makausap tungkol sa kanilang nadarama at karanasan na makipagkita sa ibang tao na may kaparehong karanasan.
-
Ikonekta ang mga interesado sa isang counselor.
Hindi nakakatulong
-
Huwag imungkahi na karamihan sa mga tao ay nangangailangan ng counseling o dapat nilang makipag-usap sa isang propesyunal.
-
Huwag ituro na ang espirituwal na resources at resources ng Simbahan ang tanging kailangan nila.
Magpulong pagkatapos ng Pagtitipon bilang Isang Leadership Council
Nakakatulong
-
Pag-usapan ang mga bagay na naging mabuti at ang mga bagay na babaguhin ninyo sa mga pagpupulong para sa isang krisis sa hinaharap.
-
Tukuyin ang mga pamilya at indibiduwal na maaaring mangailangan ng karagdagan o patuloy na suporta.
-
Gumawa ng mga ministering assignment.
-
Talakayin ang inyong plano sa pangangalaga sa sarili.
-
Mag-iskedyul ng oras kung kailan magbibigay ng ulat tungkol sa mga pagsisikap sa ministering at pangangalaga sa sarili.
Maraming salamat sa ginagawa ninyong pag-aliw sa yaong mga nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:9).
Kaugnay na mga Link
-
“Mga Tip para Mapagbuti ang Pangangalaga sa Iyong Damdamin,” sa Kahandaan sa Emergency, Gospel Library
-
“Tips para sa Kahandaan ng Damdamin,” sa Kahandaan sa Emergency, Gospel Library
-
“Facing Challenges: A Self-Help Guide [Pagharap sa mga Hamon: Isang Gabay sa Pagtulong sa Sarili]”