Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Apendise A: Para sa mga Magulang—Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos


“Apendise A: Para sa mga Magulang—Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Apendise A,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024

Apendise A

Para sa mga Magulang—Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos

Dahil mahal ka Niya, nagtitiwala Siya sa iyo, at alam Niya ang iyong potensyal, binigyan ka ng Ama sa Langit ng pagkakataong tulungan ang iyong mga anak na pumasok at umunlad sa landas ng Kanyang tipan, ang landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Kabilang dito ang pagtulong sa kanila na maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, tulad ng tipan sa binyag at mga tipang ginagawa sa templo. Sa pamamagitan ng mga tipang ito, ibibigkis ng iyong mga anak ang kanilang sarili sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Maraming paraan para maihanda ang iyong mga anak sa paglalakbay na ito sa landas ng tipan, at tutulungan ka ng Ama sa Langit na matuklasan ang pinakamainam na paraan para matulungan sila. Habang naghahangad ka ng inspirasyon, isaisip na hindi lahat ng pagkatuto ay nangyayari sa oras ng nakaiskedyul na mga lesson. Sa katunayan, bahagi ng pagiging napakabisa ng pagkatuto sa tahanan ay ang pagkakataong matuto sa pamamagitan ng halimbawa at sa maliliit at simpleng sandali—ang uri na likas na nangyayari sa daloy ng pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pagsunod sa landas ng tipan ay isang palagian at habambuhay na proseso, at ang pag-aaral tungkol sa landas ng tipan ay ganoon din. (Tingnan sa “Tahanan at Pamilya,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 30–31.)

mag-ina

Maraming paraan para maihanda ang iyong mga anak sa kanilang paglalakbay sa landas ng tipan ng Diyos.

Nasa ibaba ang ilang ideya na maaaring humantong sa dagdag na inspirasyon. Makakakita ka ng mga karagdagang ideya sa pagtuturo sa mga batang Primary sa “Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”

Binyag at Kumpirmasyon

Itinuro ni Nephi na “ang pasukan kung saan [tayo] papasok” sa landas ng tipan “ay pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17). Ang mga pagsisikap mong tulungan ang iyong mga anak na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon ay maaaring magpatatag sa determinasyon nilang manatili sa landas na iyon. Ang mga pagsisikap na ito ay nagsisimula sa pagtuturo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi. Kabilang din dito ang pagtuturo kung paano natin pinaninibago ang ating mga tipan sa binyag sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento bawat linggo.

Narito ang ilang resources na makakatulong sa iyo: 2 Nephi 31; espesyal na isyu ng magasing Kaibigan tungkol sa binyag; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” Gospel Library.

  • Tuwing may karanasan ka na nagpapalakas sa iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ibahagi ito sa iyong anak. Ipaunawa sa kanya na ang pananampalataya ay isang bagay na maaaring lumakas nang lumakas habambuhay. Ano ang ilang bagay na magagawa ng iyong anak para magkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Cristo bago siya mabinyagan?

  • Kapag mali ang piniling gawin ng iyong anak, magsalita nang may kagalakan tungkol sa kaloob na pagsisisi. At kapag ikaw ay nakagawa ng maling pagpili, ibahagi ang kagalakang dumarating kapag nagsisisi ka. Magpatotoo na dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan, binigyan Niya tayo ng kapangyarihang magbago. Kapag humihingi ng kapatawaran ang iyong anak, magpatawad nang bukal sa puso at may kagalakan.

  • Magkuwento sa iyong anak tungkol sa iyong binyag. Magpakita ng mga larawan at magbahagi ng mga alaala. Pag-usapan kung ano ang nadama mo, paano nakatulong sa iyo ang iyong mga tipan sa binyag na mas makilala si Jesucristo, at kung paano patuloy na pinagpapala ng mga ito ang buhay mo. Hikayatin ang iyong anak na magtanong.

  • Kapag may binyag sa inyong pamilya o sa inyong ward, dalhin ang iyong anak para makita ito. Sama-samang pag-usapan kung ano ang nakita at nadama ninyo ng iyong anak. Kung maaari, kausapin ang taong binibinyagan at magtanong ng tulad ng mga sumusunod: “Paano mo ginawa ang desisyong ito? Paano ka naghanda?

  • Tuwing napapansin mo ang iyong anak na gumagawa ng isang bagay na ipinangako niyang gawin, magbigay ng taos-pusong papuri. Ipaliwanag na ang pagtupad sa mga pangako ay tumutulong sa atin na maghandang tuparin ang mga tipang ginagawa natin kapag bininyagan tayo. Ano ang ipinapangako natin sa Diyos kapag binibinyagan tayo? Ano ang ipinapangako Niya sa atin? (tingnan sa Mosias 18:8–10, 13).

  • Kapag kayo ng iyong anak ay may sagradong karanasan na magkasama kayo (tulad sa simbahan, habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, o habang naglilingkod sa isang tao), ikuwento sa kanya ang iyong mga espirituwal na damdamin o impresyon. Anyayahan ang iyong anak na ibahagi ang nadarama niya. Pansinin ang iba’t ibang paraan na maaaring mangusap ang Espiritu sa mga tao, kabilang na ang mga paraan na personal Siyang nangungusap sa iyo. Tulungan ang iyong anak na matukoy ang mga sandali na maaaring nararanasan niya ang impluwensya ng Espiritu Santo.

  • Magkasamang panoorin ang ilan sa mga video sa Gospel Library collection na may pamagat na “Pakinggan Siya!” Pag-usapan ninyo ang iba’t ibang paraan na napapakinggan ng mga lingkod ng Panginoon ang Kanyang tinig. Anyayahan ang iyong anak na magdrowing ng isang larawan o gumawa ng video kung paano niya napapakinggan ang tinig ng Tagapagligtas.

  • Sabihin kung paano ka napagpala ng pagiging miyembro Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Paano ka mas napalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang mapaglingkuran mo ang iba at mapaglingkuran ka ng iba? Tulungan ang iyong anak na mag-isip ng mga paraan para mapaglingkuran at mapalakas ang iba bilang miyembro ng Simbahan.

  • Gawing sagrado at masayang kaganapan ang sakramento sa inyong pamilya. Tulungan ang iyong anak na magplano ng mga paraan para makapagtuon kay Jesucristo sa oras ng sakramento. Paano natin ipapakita na sagrado ang sakramento sa atin?

  • Maraming isyu ng magasing Kaibigan ang may kasamang mga artikulo, kuwento, at aktibidad na tumutulong sa mga bata na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon. Hayaang pumili ang iyong anak ng ilang babasahin at ikasisiya ninyo. Tulungan ang inyong anak na maghanda para sa binyag.

    batang lalaking binibinyagan

    Itinuro ni Nephi na “ang pasukan kung saan [tayo] papasok” sa landas ng tipan “ay pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17).

Kapangyarihan, Awtoridad, at mga Susi ng Priesthood

Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos na ginagamit Niya para basbasan o pagpalain ang Kanyang mga anak. Ang priesthood ng Diyos ay nasa lupa ngayon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Lahat ng miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan—pati na ang mga bata—ay napagpapala ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa kanilang tahanan para palakasin ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, Gospel Library). Ang kapangyarihang ito ay tutulong sa mga miyembro sa paggawa ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pamilya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk2.2).

Tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay naglilingkod sa mga calling sa Simbahan, ginagawa nila iyon nang may awtoridad ng priesthood, sa ilalim ng patnubay ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Lahat ng anak ng Ama sa Langit—ang Kanyang mga anak na lalaki at Kanyang mga anak na babae—ay pagpapalain kapag mas nauunawaan nila ang priesthood.

Para malaman ang iba pa tungkol sa priesthood, tingnan ang Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; Russell M. Nelson, “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2016, 66–69; “Mga Alituntunin ng Priesthood,” kabanata 3 sa Pangkalahatang Hanbuk.

  • Gawing palagiang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang mga ordenansa ng priesthood. Halimbawa, tulungan ang iyong anak na espirituwal na maghanda para sa sakramento bawat linggo. Hikayatin ang iyong anak na hangarin ang mga basbas ng priesthood kapag siya ay maysakit o nangangailangan ng pag-alo o patnubay. Ugaliing ituro ang mga paraan na pinagpapala ng Panginoon ang inyong pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

  • Habang magkasama ninyong binabasa ang mga banal na kasulatan, maghanap ng mga pagkakataon para talakayin kung paano pinagpapala ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Ibahagi ang sarili mong mga karanasan kung kailan napagpala ka ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang priesthood. Para sa mga halimbawa ng mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.23.5.

  • Alamin ang linya ng awtoridad ng priesthood ng isang tao sa inyong pamilya. (Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring tumanggap ng kopya ng kanilang linya ng awtoridad sa pamamagitan ng pag-email sa LineofAuthority@ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa “Request a Priesthood Line of Authority” sa Help Center sa ChurchofJesusChrist.org.) Pag-usapan kung bakit mahalagang malaman na ang awtoridad ng priesthood ay nagmumula mismo kay Jesucristo. Bakit Niya ito ibinabahagi sa atin?

  • Ituro sa iyong anak na pagkatapos ng binyag, maaari siyang tumanggap ng kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng pagtupad ng tipan sa binyag. Magkasamang rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Mga Espirituwal na Kayamanan” (Liahona, Nob. 2019, 76–79). Sabihin sa iyong anak kung paano naghatid ng kapangyarihan ng Diyos ang mga ordenansa ng priesthood sa iyong buhay. Para sa listahan ng ilan sa mga paraan na pinagpapala tayo ng kapangyarihan ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk3.5.

  • Talakayin ang tanong na “Ano ang pakiramdam ng maging lingkod ng Panginoon?” Magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:36–42, at maghanap ng mga sagot. Tuwing mapapansin mo ang iyong anak (o ang ibang tao) na ipinamumuhay ang isa sa mga alituntunin o katangian sa mga talatang ito, banggitin iyon.

  • Kapag gumagamit ka o ang iyong anak ng mga susi para buksan ang isang pinto o paandarin ang isang kotse, mag-ukol ng sandali para ikumpara ang mga susing iyon sa mga susing hawak ng mga lider ng priesthood. (Para sa kahulugan ng mga susi ng priesthood, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.4.1). Ano ang “binubuksan” o “pinaaandar” ng mga susi ng priesthood para sa atin? Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” Liahona, Mayo 2016, 29–32; “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?” (video), Gospel Library.

  • Kapag ikaw ay ise-set apart para sa isang calling, anyayahan ang iyong anak na dumalo, kung maaari. Ipakita sa iyong anak na ginagampanan mo ang iyong calling. Maaari ka pa ngang maghanap ng angkop na mga paraan na matutulungan ka niya. Ilarawan kung paano mo nadarama ang kapangyarihan ng Panginoon sa iyong calling.

Pagpunta sa Templo—Mga Binyag at Kumpirmasyon para sa mga Patay

Ang mga templo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa mga templo, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan sa Ama sa Langit kapag nakikilahok tayo sa mga sagradong ordenansa, na pawang nakaturo kay Jesucristo. Naglaan na ng paraan ang Ama sa Langit para ang lahat ng Kanyang mga anak ay makagawa ng mga tipan at makilahok sa mga ordenansa, kabilang na ang mga hindi tumanggap ng mga iyon sa buhay na ito. Sa simula ng taon na siya ay magiging 12 anyos, nasa edad na ang iyong anak para mabinyagan at makumpirma sa templo para sa mga yumaong ninuno.

  • Dumalo sa templo nang madalas ayon sa ipinahihintulot ng iyong sitwasyon. Kausapin ang iyong anak kung bakit ka pupunta at paano ka tinutulungan ng templo na madama na mas napapalapit ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Rebyuhin at talakayin ang mga tanong para sa temple recommend nang magkasama. Kausapin ang iyong anak tungkol sa nangyayari sa interbyu para sa temple recommend. Ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo ang pagkakaroon ng temple recommend.

  • Magkasamang basahin ang Malakias 4:6. Pag-usapan kung paano maaaring bumaling ang inyong puso sa inyong mga ninuno. Alamin ang iba pa tungkol sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng pagsisikap na magkasamang saliksikin ang inyong family history sa FamilySearch.org. Hanapin ang mga ninunong kailangang mabinyagan at makumpirma. Maaaring makatulong sa inyo ang isang ward temple and family history consultant.

  • Magkasamang rebyuhin ang ilan sa resources sa Gospel Library.  ChurchofJesusChrist.org

Pagtanggap ng Patriarchal Blessing

Ang patriarchal blessing ay maaaring pagmulan ng patnubay, pag-alo, at inspirasyon. Naglalaman ito ng personal na payo sa atin mula sa Ama sa Langit at nagpapaunawa sa atin ng ating walang-hanggang identidad at layunin. Tulungan ang iyong anak na maghandang tumanggap ng patriarchal blessing sa pagtuturo sa kanya ng kabuluhan at kasagraduhan ng mga patriarchal blessing.

Para malaman ang iba pa, tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Patriarchal Blessing,” Gospel Library.

  • Ibahagi sa iyong anak ang iyong karanasan sa pagtanggap ng patriarchal blessing. Maaari mong ibahagi ang mga bagay na tulad ng paano ka naghandang tanggapin ito, paano ito nakatulong sa iyo na mas mapalapit sa Diyos, at paano mo ginagamit ang blessing sa iyong buhay. Maaari mo ring anyayahan ang iyong anak na kausapin ang iba pang mga kapamilya na tumanggap na ng kanilang patriarchal blessing.

  • Mag-ukol ng oras na magkasamang rebyuhin ang ilan sa resources sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Patriarchal Blessing.” Para malaman ang proseso ng pagtanggap ng patriarchal blessing, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk18.17.

  • Kung may mga ninuno ka na tumanggap ng mga patriarchal blessing, maaaring makahikayat na basahin ninyo ng iyong anak ang ilan sa mga iyon. Para mahiling ang mga basbas ng mga ninunong namatay na, mag-log in sa ChurchofJesusChrist.org, i-klik ang account icon sa kanang sulok sa itaas ng screen, at piliin ang “Patriarchal Blessing.”

  • Matapos matanggap ng iyong anak ang patriarchal blessing, anyayahan ang sinumang sa mga kapamilyang naroon na itala ang kanilang damdamin at ibahagi ang mga iyon sa iyong anak.

Pagpunta sa Templo—ang Endowment

Nais ng Diyos na pagkalooban, o biyayaan, ang lahat ng Kanyang mga anak ng “kapangyarihan mula sa itaas” (Doktrina at mga Tipan 95:8). Nagpupunta tayo sa templo para tanggapin ang sarili nating endowment nang minsan lamang, ngunit ang mga tipang ginagawa natin sa Diyos at ang espirituwal na kapangyarihang ibinibigay Niya sa atin bilang bahagi ng endowment ay magpapala sa atin araw-araw sa ating buhay.

  • Magdispley ng isang larawan ng templo sa inyong tahanan. Ikuwento sa iyong anak ang damdaming nararanasan mo sa templo. Pag-usapan nang madalas ang iyong pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang bahay at ang mga tipang nagawa mo roon.

  • Magkasamang saliksikin ang temples.ChurchofJesusChrist.org. Magkasamang magbasa ng mga artikulo tungkol sa endowment sa templo. Hayaang magtanong ang iyong anak ng anumang bagay tungkol sa templo. Para sa patnubay tungkol sa maaari ninyong pag-usapan sa labas ng templo, tingnan ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay” (Ensign o Liahona, Mayo 2019, 101–4; tingnan lalo na ang bahaging may pamagat na “Pag-aaral at Paghahanda sa Templo na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan”).

  • Habang nakikilahok o sumasaksi kayo ng iyong anak sa iba pang mga ordenansa (tulad ng sakramento o basbas ng pagpapagaling), talakayin sandali ang simbolismong nakapaloob sa ordenansa. Ano ang kinakatawan ng mga simbolo? Paano pinatototohanan ng mga ito si Jesucristo? Matutulungan nito ang iyong anak na maghandang pagnilayan ang simbolikong kahulugan ng mga ordenansa sa templo, na nagpapatotoo rin kay Jesucristo.

  • Tulungan ang iyong anak na mapansin kung paano niya tinutupad ang tipan sa binyag na inilarawan sa Mosias 18:8–10, 13. Tulungan din ang iyong anak na mapansin kung paano siya pinagpapala ng Panginoon. Patatagin ang tiwala ng iyong anak sa kanyang kakayahang tumupad ng mga tipan.

  • Pag-usapan nang hayagan at madalas kung paano ka ginagabayan ng iyong mga tipan sa templo sa iyong mga pagpapasiya at tinutulungang mas mapalapit kay Jesucristo. Maaari mong gamitin ang Pangkalahatang Hanbuk, 27.2, para rebyuhin ang mga tipang ginagawa natin sa templo.

Pagmimisyon

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Mahal kong mga batang kapatid, ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod ay ang maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon. … Hindi ang pagpunta sa misyon ang isyu; sa halip, ang isyu ay ang pagiging misyonero at paglilingkod natin habambuhay nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. … Naghahanda kayo para sa habambuhay na gawaing misyonero” (“Pagiging Misyonero,” Liahona, Nob. 2005, 45–46). Ang mga karanasan ng iyong anak sa pagiging missionary ay magpapala sa kanya nang walang hanggan, hindi lamang sa panahong maaari siyang maglingkod bilang missionary.

Para malaman ang iba pa, tingnan ang Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6–7; M. Russell Ballard, “Ang Paglilingkod Bilang Missionary ay Nagpala sa Buhay Ko Magpakailanman,” Liahona, Mayo 2022, 8–10; Paghahanda ng Missionary: Pag-adjust sa Buhay-Missionary, Gospel Library.

  • Ipakita kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa natural na mga paraan. Laging maging alerto sa mga pagkakataong ibahagi sa iba ang iyong damdamin tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at ang mga pagpapalang natatanggap mo bilang miyembro ng Kanyang Simbahan. Anyayahan ang iba na sumama sa inyong pamilya sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Simbahan at sa pamilya.

  • Humanap ng mga pagkakataon na makausap ng inyong pamilya ang mga missionary. Anyayahan silang turuan ang iyong mga kaibigan, o paturuan sa kanila ang mga tao sa inyong tahanan. Tanungin ang mga missionary tungkol sa mga nararanasan nila at kung paano sila natutulungan ng paglilingkod bilang missionary na mas mapalapit kay Jesucristo. Itanong din kung ano ang ginawa nila (o sana’y nagawa nila) para makapaghandang maging mga missionary.

  • Kung nagmisyon ka, magsalita nang hayagan at madalas tungkol sa iyong mga karanasan. O anyayahan ang mga kaibigan o miyembro ng pamilya na nagmisyon na magkuwento tungkol sa kanilang mga karanasan. Maaari mo ring banggitin ang mga paraan na naibahagi mo ang ebanghelyo sa iba sa buong buhay mo. Tulungan ang iyong anak na mag-isip ng mga paraan na maaari niyang ibahagi ang ebanghelyo.

  • Bigyan ang iyong anak ng mga pagkakataong ituro sa inyong pamilya ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaari ding magpraktis ang iyong anak na ibahagi ang kanyang mga paniniwala sa iba. Halimbawa, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad ng “Paano natin ipapakilala ang Aklat ni Mormon sa isang taong hindi pa nakarinig tungkol dito?” o “Paano natin ilalarawan ang pangangailangan sa Tagapagligtas sa isang taong hindi Kristiyano?”

  • Tulungan ang iyong anak na maging komportableng makipag-usap sa mga tao. Ano ang ilang mabubuting paraan para masimulan ang pakikipag-usap? Hikayatin ang iyong anak na matutong makinig sa sinasabi ng iba, unawain ang nasa puso nila, at ibahagi ang mga katotohanan ng ebanghelyo na maaaring magpala sa kanilang buhay.

  • Humanap ng mga pagkakataon na matuto ang iyong anak tungkol sa iba pang mga kultura at relihiyon. Tulungan siyang kilalanin at igalang ang mabuti at tunay na mga alituntunin sa mga paniniwala ng iba.

Pagpunta sa Templo—Pagbubuklod

Sa templo, maaaring ikasal ang mag-asawa para sa buong kawalang-hanggan. Nangyayari ito sa isang ordenansang tinatawag na pagbubuklod. Kahit maaaring maraming taon pa bago matanggap ng iyong anak ang ordenansang ito, ang mga bagay na maliit, simple, at patuloy na magkasama ninyong ginagawa sa mga taon na iyon ay makakatulong sa kanya na maghanda para sa napakagandang pagpapalang ito.

  • Magkasamang basahin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa Gospel Library. Ano ang itinuturo ng pagpapahayag na ito tungkol sa kaligayahan sa buhay-pamilya at tungkol sa matagumpay na pagsasama ng mga mag-asawa? Kasama ang iyong anak, pumili ng isa sa mga alituntuning nakalista sa pagpapahayag para pag-aralan. Maaari kang maghanap ng mga talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa alituntuning iyon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari ka ring magtakda ng mga mithiin na ipamuhay nang mas lubusan ang alituntuning iyon sa inyong pamilya. Habang sinisikap mong tuparin ang iyong mga mithiin, magkasamang talakayin ang epekto ng pagsasabuhay ng alituntuning iyon sa buhay-pamilya.

  • Kasama ang iyong anak, basahin ang mensahe ni Dieter F. Uchtdorf na “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 77–80). Kapag nakarating ka sa bahaging may pamagat na “Isang Lipunan ng mga Puwedeng Itapon,” maaari kayong maghanap ng mga bagay sa bahay ninyo na puwedeng itapon at iba pang mga bagay na hindi puwedeng itapon. Pag-usapan kung paano mo tinatrato ang mga bagay-bagay sa ibang paraan kapag gusto mong magtagal pa ang mga ito. Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano natin dapat tratuhin ang relasyon ng mga mag-asawa at pamilya? Ano pa ang natututuhan natin mula sa mensahe ni Pangulong Uchtdorf kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng matibay na pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya?

  • Kung may-asawa ka, maging tapat sa iyong anak tungkol sa mga bagay na sa pakiramdam mo ay maayos ninyong ginagawa bilang mag-asawa, mga bagay na natututuhan ninyo, at mga paraan na sinisikap ninyong pagbutihin pa. Kung nabuklod na kayong mag-asawa sa templo, ipakita sa inyong anak sa pamamagitan ng halimbawa kung paano ninyo sinisikap na tuparin ang inyong mga tipan sa isa’t isa at sa Panginoon. Sabihin sa inyong anak kung paano ninyo sinisikap na gawing sentro ng inyong relasyon ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas at kung paano Nila kayo tinutulungan.

  • Kapag kailangang gumawa ng mga desisyon sa pamilya, magdaos ng mga family council at talakayan. Tiyaking pinakikinggan at pinahahalagahan ang mga opinyon ng lahat ng miyembro ng pamilya. Gamitin ang mga talakayang ito bilang pagkakataon para magpakita ng magandang komunikasyon at kabaitan sa mga relasyon ng pamilya, kahit hindi pare-pareho ang tingin ng lahat sa mga bagay-bagay.

  • Kapag may di-pagkakasundo o pagtatalo sa pamilya, magpakita ng pasensya at habag. Tulungan ang inyong anak na makita kung paano makakatulong sa kanya ang pagharap sa mga pagtatalo sa mga paraang katulad ng kay Cristo para makapaghanda sa isang masayang pagsasama ng mag-asawa. Magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:41–42, at pag-usapan kung paano maiaangkop ang mga alituntunin sa mga talatang ito sa pagsasama ng mag-asawa.