“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pasimula sa Panunumbalik,” Materyal sa Paghahanda para sa Klase Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal sa Paghahanda para sa Klase Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pasimula sa Panunumbalik
Pagbati sa Mga Pundasyon ng Panunumbalik. Sa kursong ito, pag-aaralan mo ang pinagsasaligang mga paghahayag, doktrina, mga tao, at mga pangyayari sa kasaysayan na may kaugnayan sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw. Ang pag-aaral ng mga bagay na ito nang may panalangin ay makatutulong sa iyo na maiugnay ang mga konsepto at mga tao dito sa iyong buhay at mga kalagayan. Mas magtatamo ka rin ng espirituwal na kaalaman at mahihiwatigan ang katotohanan sa kamalian.
Ang materyal na ito sa paghahanda ay magbibigay sa iyo ng pundasyon para sa karanasan mo sa pag-aaral sa klase. Ang pag-aaral ng materyal sa paghahanda para sa bawat lesson bago magklase ay tutulong sa iyo na magkaroon ng mas malalim at mas makabuluhang pag-aaral.
Kapag pinag-aralan mo nang may panalangin ang kursong ito, makikita mo ang kapangyarihan ng Panginoon sa kasaysayan ng Panunumbalik at maririnig ang Kanyang tinig sa mga paghahayag tungkol sa Panunumbalik (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:34–36). Sa katapusan ng unang lesson na ito, maipapaliwanag mo kung bakit kinakailangang ipanumbalik ang Simbahan. Mauunawaan mo rin kung paano inihanda ng Panginoon ang daan para sa bagong dispensasyon ng katotohanan sa ating panahon.
Bahagi 1
Bakit nagkaroon ng Malawakang Apostasiya?
Pagkatapos ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, patuloy na pinamunuan ng Kanyang mga Apostol ang Simbahan habang lumalago ito. Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano humantong kalaunan sa apostasiya ang Simbahan ni Jesucristo:
Nakasaad sa Bagong Tipan na nagsikap nang husto ang mga Apostol noon para mapangalagaan ang simbahan na iniwan ni Jesucristo sa kanilang pangangalaga at pag-iingat, ngunit alam nila na ang kanilang mga pagsisikap ay mawawalan ng saysay sa huli. Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica, na sabik na inaasam ang Ikalawang Pagparito ni Cristo, na “ito’y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas” (2 Tes. 2:3). …
Sa huli, alam ng lahat na si Pedro at ang kapwa niya mga Apostol ay pinatay, maliban kay Juan ang Pinakamamahal. Nahirapan nang labis si Apostol Juan at ang mga miyembro ng Simbahan na madaig ang dinaranas na kakila-kilabot na pagmamalupit. Sa kanilang walang hanggang karangalan, ang Kristiyanismo ay talagang nanaig at nakilalang malaking impluwensya sa pagtatapos ng ikalawang siglo A.D. Maraming magigiting na Banal ang naging kasangkapan sa pagtulong na mapanatili ang Kristiyanismo.
Sa kabila ng kahalagahan ng mga paglilingkod ng mga Banal na ito, hindi nila hawak ang mismong awtoridad na natanggap ni Pedro at ng iba pang mga Apostol sa pamamagitan ng ordenasyon sa ilalim mismo ng mga kamay ng Panginoong Jesucristo. Nang mawala ang awtoridad na iyan, nagsimulang maghanap ang mga tao ng ibang mga mapagkukunan para maunawaan ang doktrina. Bunga nito, maraming malinaw at mahahalagang katotohanan ang nawala. (M. Russell Ballard, “Restored Truth,” Ensign, Nob. 1994, 65–66)
Nakita ng propetang si Nephi ang Malawakang Apostasiya sa pangitain. Nakita niya na sa panahon ng apostasiyang ito, na “[aalisin ng masasamang tao] mula sa ebanghelyo ng Kordero ang maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga; at inalis din nila ang marami sa mga tipan ng Panginoon” (1 Nephi 13:26). Nakita rin niya na “maraming malinaw at mahahalagang bagay ang [aalisin] sa” Biblia sa panahon ng Malawakang Apostasiya (1 Nephi 13:28). Sinabi ng isang anghel kay Nephi, “Dahil sa mga bagay na ito na inalis mula sa ebanghelyo ng Kordero, lubhang marami ang nangagkatisod, oo, kung kaya nga’t nagkaroon ng malaking kapangyarihan si Satanas sa kanila” (1 Nephi 13:29).
Bahagi 2
Paano inihanda ng Panginoon ang daan para sa Panunumbalik?
Pagkaraan ng maraming siglo ng apostasiya, kung saan kakaunting tao lamang ang nakakabasa ng mga banal na kasulatan, ginawa ng mga inspiradong kalalakihan at kababaihan ang lahat ng kanilang makakaya, kadalasan sa ikapapahamak nila, para tulungan ang iba na mahanap ang katotohanan. Sa mga huling taon ng 1300s sinimulan ni John Wycliffe ang pagsasalin ng Biblia sa Ingles at dahil dito siya ay hinatulang isang erehe ng mga pinuno ng relihiyon sa kanyang panahon. Ang imbensyon ng imprenta sa kalagitnaan ng 1400s ay nakagawa ng mga kopya ng Biblia na mabibili sa murang halaga ng mas marami pang tao. Noong 1500s, binigyang-inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon sina Martin Luther, Huldrych Zwingli, John Calvin, John Knox, Ann Askew, at maraming iba pa na nagsimulang magsalita laban sa mga kamalian ng mga makapangyarihang simbahan ng kanilang panahon. Gumawa si William Tyndale at ang iba pa ng bagong mga salin ng Biblia. Marami sa mga repormistang ito ang pinatay dahil sa mga ginawa nila. Ang pagsisikap nila ay humantong sa pag-organisa ng mga bagong simbahang Protestante. Dahil walang kalayaang pangrelihiyon sa Europa, ang pag-organisa ng mga bagong simbahang ito ay humantong sa malaking kaguluhan.
Dahil sa pang-uusig sa relihiyon nahikayat ang marami sa kanila at ang iba pang mga indibiduwal na maghanap ng bagong tirahan kung saan malaya silang makasasamba, kabilang ang mga Pilgrim, na naglakbay mula sa England patungo sa mga lupain ng Amerika noong unang mga taon ng 1600s. Nakita ng propetang si Nephi sa isang pangitain ang marami sa mga relihiyosong repormador na iyon na kalaunan ay maninirahan sa Amerika.
Ang mga inapo ng mga Pilgrim at iba pang mga imigrante na naghahanap ng higit pang kalayaan ay humiwalay sa Great Britain, na humantong sa American Revolutionary War. Isang kawal na nagngangalang Asael Smith ang nakipaglaban sa panig ng mga Amerikano. Naitala na sinabi ni Asael, ang ama ng tatay ni Propetang Joseph Smith, sa isang pagkakataon, “Nakatanggap ako ng inspirasyon na isa sa aking mga inapo ay magsasakatuparan ng isang gawain na lubusang magpapabago sa daigdig ng relihiyon” (Joseph Fielding Smith, Church History and Modern Revelation, 2 vols. [1953], 1:4). Nasaksihan ni Asael ang pagtatatag ng isang bagong bansa, isang bansa na ang isa sa mahahalagang bahagi nito ay kalayaang pangrelihiyon.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagkakatatag ng Estados Unidos ng Amerika ay isang hakbang sa paghahanda sa daigdig para sa Panunumbalik ng ebanghelyo:
Ang damdaming iyon tungkol sa relihiyon ay gumabay sa mga nagtatag ng bagong bansa sa kontinente ng Amerika. Sa kamay ng Diyos, nakakuha sila ng kalayaan sa relihiyon para sa lahat ng mamamayan sa tulong ng inspiradong Bill of Rights. Labing-apat na taon pagkaraan, noong Disyembre 23, 1805, isinilang si Propetang Joseph Smith. Malapit nang matapos ang paghahanda para sa Panunumbalik.
… Pinatototohanan ko na ang kamay [ni Jesucristo] ay gumagabay na bago pa inilatag ang pundasyon ng mundong ito. (Robert D. Hales, “Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: ‘Ang Aking Kamay ang Gagabay sa Iyo,’” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 90, 92)
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ang sumusunod:
Nagipit sa pera si Joseph Smith Sr., ang ama ng propeta. … Nagnegosyo [siya] kasama ang isang kasosyo. Kinuha ng kasosyo niya ang pera at naiwala ito. Bumili sila ng isang sakahan na hindi kumita. Bumili sila ng isa pa, at hindi kumita; bumili uli ng isa pa, at hindi na naman kumita. Sa huli lumipat si Joseph Smith Sr. sa Palmyra. Ang impluwensya ng Panginoon ay naroon, inililipat ang pamilya Smith kung saan Niya sila kailangan. (M. Russell Ballard, “The Tapestry of God’s Hand” [Joseph Smith Memorial Fireside, Peb. 13, 2011, Logan Institute of Religion, Utah State University])
Ayon sa banal na plano, isinilang si Joseph Smith sa tamang panahon, sa tamang lugar, at sa ilalim ng tamang mga kalagayan para pasimulan ang mga pagsasaligang pangyayari ng Panunumbalik. Pinatotohanan ni Pangulong Brigham Young:
[Si Joseph Smith] ay inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa huling dispensasyong ito. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 110.)