Institute
Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pag-aasawa nang Higit sa Isa


“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pag-aasawa nang Higit sa Isa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pag-aasawa nang Higit sa Isa

Abraham on the Plains of Mamre [Si Abraham sa Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson

Itinuro ng Panginoon kay Abraham na isa sa mga layunin ng mortalidad ay “susubukin” ang mga anak ng Diyos “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Tila napakahirap sundin ng ilan sa mga kautusan ng Diyos, lalo na kapag ang mga ito ay salungat sa mga nakaugalian na o sa mismong mga inaasahan natin. Sa iyong pag-aaral, pagnilayan ang maaari mong matutuhan mula sa pambihirang pananampalataya at pagsunod ni Propetang Joseph Smith at ng naunang mga Banal sa utos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa.

Bahagi 1

Bakit nag-asawa nang higit sa isa si Propetang Joseph Smith at ang marami sa naunang mga Banal?

Noong mga unang bahagi ng 1831, nang ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan, siya ay nanalangin upang maunawaan kung bakit nag-asawa nang higit sa isa ang ilan sa sinaunang mga propeta at hari ng mga Israelita (tingnan sa section heading at talata 1 ng Doktrina at mga Tipan 132). Nagbigay ang Panginoon ng isang paghahayag sa Propeta.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 132:34–37.

Sa talata 37, ang salitang kalunya ay tumutukoy sa isang babae na, sa panahon ng Lumang Tipan, ay legal na ikinasal sa isang lalaki ngunit mas mababa ang katayuan sa lipunan kaysa sa asawa. Ang mga kalunya ay hindi bahagi ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ating dispensasyon.

Sa isang pagkakataon matapos ipahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa, iniutos Niya sa Propeta na sundin ang alituntuning ito at ituro ito sa iba. Bagama’t hindi natin nauunawaan ang lahat ng mga layunin ng Diyos sa pagpapatupad ng pag-aasawa nang higit sa isa sa mga unang araw ng Simbahan, ang pagpapasimula nito ay bahagi ng pagpapanumbalik ng “lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 132:40, 45; tingnan din sa Mga Gawa 3:19–21) sa mga huling araw.

Bahagi 2

Ano ang alam natin tungkol sa karanasan ni Propetang Joseph Smith sa pag-aasawa nang higit sa isa?

Iniulat ng mga taong malapit kay Joseph Smith na sinabi niya sa kanila na nagpakita ang isang anghel ng Diyos sa kanya nang hanggang tatlong beses sa pagitan ng 1834 at 1842, at iniutos sa kanya na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. “Ang mga pira-pirasong ebidensya ay nagpapahiwatig na si Joseph Smith ay sumunod sa unang utos ng anghel na mag-asawa nang higit sa isa sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Fanny Alger sa Kirtland, Ohio noong kalagitnaan ng 1830s. … Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kasal na ito, at walang nakakaalam tungkol sa mga napag-usapan nina Joseph at Emma tungkol kay Alger. Matapos mauwi sa paghihiwalay ang kasal niya kay Alger, tila isinantabi muna ni Joseph ang paksa ng pag-aasawa nang higit sa isa hanggang sa matapos lumipat ang Simbahan sa Nauvoo, Illinois” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Simula noong 1841, pinakasalan ni Propetang Joseph Smith ang iba pang mga babae alinsunod sa kautusan ng Panginoon at ipinaalam ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa sa iilang miyembro ng Simbahan.

Naalala ni Eliza R. Snow, na ibinuklod kay Propetang Joseph Smith at kalaunan ay naglingkod bilang pangalawang Relief Society General President:

Inilarawan ni Propetang Joseph … ang paghihirap ng isip na naranasan niya upang mapaglabanan ang pagkarimarim na kanyang nadarama … tungkol sa pagpapasimula ng pag-aasawa nang higit sa isa. Alam niya ang tinig ng Diyos—alam niyang iniutos ng Makapangyarihang Diyos na gawin niya ito. … Alam niya na hindi lamang ang kanyang mga sariling palagay at dating pag-unawa [paniniwala] ang kailangan niyang harapin at daigin, kundi ang buong Kristiyanismo na babatikos sa kanya nang harap-harapan; ngunit ang Diyos, na nakatataas sa lahat, ang nagbigay ng utos, at dapat Siyang sundin. (Eliza R. Snow, sa Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 69)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang inihahayag ng kahandaan ni Propetang Joseph Smith na sundin ang mahirap na kautusang iyon tungkol sa kanyang pananampalataya at pag-uugali?

Isa sa mga dahilan kung bakit limitado ang alam natin tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ni Joseph Smith ay dahil siya at ang iba pa na nag-asawa nang higit sa isa sa Nauvoo ay bihirang banggitin ang paksang ito sa mga nakasulat na tala. Maraming detalye ng pag-aasawa nang higit sa isa ang pinanatiling kumpidensyal, at hindi lahat ng ating mga tanong ay masasagot ng mga tala ng kasaysayan.

Mula sa Gospel Topics essay tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ay natutuhan natin na:

Noong panahon na ginagawa ang pag-aasawa nang higit sa isa, ang dalawang uri ng pagbubuklod na kinikilala ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang pagbubuklod para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan at ang pagbubuklod para sa kawalang-hanggan lamang. Kabilang sa pagbubuklod para sa panahon at kawalang-hanggan ang pangako at pakikipag-ugnayan sa buhay na ito, at karaniwang kabilang dito ang posibilidad na may seksuwal na relasyon. Ang pagbubuklod na para lamang sa kawalang-hanggan ay ugnayan na iiral sa kabilang buhay lamang. …

Ilan sa mga babaeng naibuklod kay Joseph Smith ang nagpahayag kalaunan na ang kanilang pagsasama ay para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, samantalang nagpahayag naman ang iba na ang kanilang pagsasama ay para sa kawalang-hanggan lamang.

Karamihan sa mga naibuklod kay Joseph Smith ay nasa 20 hanggang 40 taong gulang nang maibuklod sila sa kanya. Ang pinakamatanda, si Fanny Young, ay 56 na taong gulang. Ang pinakabata ay si Helen Mar Kimball, … na naibuklod kay Joseph ilang buwan bago ang kanyang ika–15 na kaarawan. Ang kasal sa ganitong edad, na hindi na angkop sa mga pamantayan ng panahong ito, ay legal noong panahong iyon, at ilang kababaihan ang ikinasal kahit dalagita pa lamang. Sinabi ni Helen Mar Kimball na ang kanyang pagkakabuklod kay Joseph ay “para sa kawalang-hanggan lamang,” na nagpapahiwatig na wala silang naging seksuwal na relasyon. …

… Si Joseph Smith ay ibinuklod sa ilang babae na may-asawa na. Hindi gaanong nagpaliwanag ang mga babaeng ito o si Joseph tungkol sa mga pagbubuklod na ito, bagama’t may ilang kababaihan na nagsabi na ang mga ito ay para sa kawalang-hanggan lamang. …

Mayroong ilang mga posibleng paliwanag para sa gawaing ito. Ang mga pagbubuklod na ito ay isang paraan upang makalikha ng isang walang hanggang ugnayan sa pagitan ng pamilya ni Joseph at ng iba pang mga pamilya sa loob ng Simbahan. …

Ang mga pagbubuklod na ito ay maipaliliwanag din sa pag-aatubili ni Joseph na mag-asawa nang higit sa isa dahil sa kalungkutang idudulot nito sa kanyang asawang si Emma. Marahil inakala niya na sa pagkakabuklod niya sa mga babaeng may-asawa ay nasunod niya ang utos ng Panginoon nang hindi niya kinakailangang magkaroon ng relasyon sa mga ito bilang karaniwang asawa. …

Posible rin na, sa isang panahon kung kailan mas maikli ang itinatagal ng buhay ng mga tao kaysa ngayon, nadama ng matatapat na kababaihan na kailangang maibuklod sila sa isang may awtoridad ng priesthood. Ilan sa mga kababaihang ito ay ikinasal sa mga hindi Mormon o mga dating Mormon, at hindi lang isa sa mga kababaihang ito ang nagpahayag kalaunan na hindi sila naging masaya sa kanilang buhay may-asawa. Sa panahong iyon na mahirap makakuha ng diborsyo, marahil inisip ng mga kababaihang ito na ang pagpapabuklod kay Joseph Smith ay magbibigay sa kanila ng mga pagpapala sa kabilang buhay na hindi nila matatanggap sa ibang paraan. …

… Pagkaraan ng pagkamatay ni Joseph, karamihan sa mga kababaihang naibuklod sa kanya ay lumipat sa Utah kasama ng mga Banal, at nanatiling matatapat na miyembro ng Simbahan, at nagtanggol sa pag-aasawa nang higit sa isa at kay Joseph. (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org)

Bahagi 3

Paano tumugon ang mga miyembro ng Simbahan sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa?

Every Trial Can Bring Greater Faith, ni James Johnson

Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay di-karaniwan at mahirap para sa karamihan ng mga naunang Banal gayon din para sa mga miyembro ng Simbahan ngayon. “Sa maraming bahagi ng mundo, ang poligamya ay tanggap sa lipunan at legal sa batas. Ngunit sa Estados Unidos, itinuring ng karamihan sa mga tao na mali ang gawaing ito” (“The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Ang kautusan na mag-asawa nang higit sa isa “ay isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng Panunumbalik—para mismo kay Joseph at para sa iba pang mga miyembro ng Simbahan. … Para sa asawa ni Joseph Smith na si Emma, ito ay isang napakatinding pagsubok. … Pabagu-bago ang kanyang pananaw tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, may mga pagkakataong sinusuportahan niya ito at kung minsan naman ay binabatikos ito” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Hindi lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inaasahang mag-asawa nang higit sa isa. At ang ilang miyembro ng Simbahan na nahirapang sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa ay biniyayaan ng espirituwal na patotoo na nagbigay sa kanila ng lakas ng loob na sundin ang kautusang ito. Ang mga karanasan ng dalawa sa mga miyembrong iyon ay ibinuod dito:

Nang malaman ni Brigham Young ang tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, sinabi niya na, “iyon ang unang pagkakataon sa aking buhay na ninais kong mamatay na lang.” “Kinailangan kong manalangin nang walang humpay,” sabi niya, “at kinailangan kong manampalataya at inihayag sa akin ng Panginoon ang katotohanan nito at napanatag ako.” …

Naalala ni Lucy Walker ang kanyang pagkaligalig nang anyayahan siya ni Joseph Smith na maging asawa nito. “Bawat himaymay ng aking kaluluwa ay kumontra laban dito,” isinulat niya. Subalit, matapos ang ilang gabi na puno ng taimtim na panalangin, nakadama siya ng kapanatagan nang “mapuspos ng banal na impluwensya” na katulad ng “maningning na sikat ng araw” ang kanyang silid. Sinabi niya, “Ang kaluluwa ko ay napuspos ng masayang kapayapaan na hindi ko pa naranasan noon,” at “napakalaking kaligayahan ang nadama ng aking buong katauhan.”

Hindi lahat ay may gayong mga karanasan. Hindi tinanggap ng ilang Banal sa mga Huling Araw ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa at umalis sa Simbahan, samantalang ang iba naman ay tumangging sundin ang alituntuning iyon ngunit nanatiling tapat. Gayunman, para sa maraming kababaihan at kalalakihan, ang pagkamuhi at dalamhati na una nilang naramdaman ay nasundan ng pagtatalo ng damdamin, matibay na pananalig, at sa huli, liwanag at kapayapaan. Dahil sa mga sagradong karanasan, nakasulong ang mga Banal nang may pananampalataya. (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano maaaring makatulong ang mga karanasang ito ng mga naunang miyembro ng Simbahan sa isang tao na may mga tanong tungkol sa kung si Joseph Smith ay isang inspiradong propeta ng Diyos nang ipatupad niya ang pag-aasawa nang higit sa isa?

Bahagi 4

Paano nagwakas ang pag-aasawa nang higit sa isa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Hindi pa nagtatagal matapos mamatay si Propetang Joseph Smith noong 1844, nandayuhan na ang mga Banal sa Salt Lake Valley sa kanlurang Estados Unidos, kung saan kalaunan ay hayagang nag-asawa nang higit sa isa ang mga miyembro ng Simbahan. Mula 1860s hanggang 1880s, ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagpasa ng mga batas laban sa gawaing ito at kalaunan ay nagpataw ng mabibigat na parusa sa mga hindi sumunod, kabilang ang pagkabilanggo. Matapos hingin ang patnubay ng Panginoon at matanggap ang Kanyang tagubilin, si Pangulong Wilford Woodruff ay naghanda ng isang pahayag noong Setyembre 1890 na nakilala bilang “ang Pahayag” (Opisyal na Pahayag—1), na humantong kalaunan sa pagwawakas ng pag-aasawa nang higit sa isa ng mga miyembro ng Simbahan.

May iilan pang miyembro ng Simbahan na patuloy na nagsagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa pagkatapos maibigay ang Pahayag. Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1904, naglabas si Pangulong Joseph F. Smith ng pangalawang pahayag at inanunsyo “na lahat ng pagpapakasal [nang higit sa isa] ay ipinagbabawal, at kung sinumang opisyal o miyembro ng Simbahan ang gagawa ng gayong pagpapakasal ay … ititiwalag” (sa Conference Report, Abr. 1904, 75). Patuloy pa rin hanggang ngayon ang patakarang ito.

Bahagi 5

Kailangan ba ang pag-aasawa nang higit sa isa para sa kadakilaan?

Itinuro ni Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu:

May ilang tao … na mali ang pakahulugan sa [mga banal na kasulatan] na ang pag-aasawa ng higit sa isa ay kailangan para sa kadakilaan. … Gayunman, hindi ito pinagtitibay sa mga paghahayag. … Ang buhay na walang hanggan ay ipinangako sa isang mag-asawang parehong walang ibang asawa na ibinuklod ng awtoridad ng priesthood at sumusunod sa tipan—nang wala ng iba pang kundisyon o kailangang gawin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19]. … Pinagtitibay ng Simbahan na monogamya ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa maliban kung iba rito ang ipahintulot o ipag-utos Niya sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Hindi itinuturo ng Simbahan na kailangang magpakasal sa marami para sa kadakilaan. (“Ang Bago at Walang-Hanggang Tipan,” Liahona, Dis. 2015, 28, 30)

Muli, hindi natin nauunawaan ang lahat ng mga layunin ng Diyos sa pagpapasimula ng pag-aasawa nang higit sa isa sa mga unang araw ng Simbahan. Ngunit iginagalang ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga sakripisyo at tapat na pagsisikap ng mga taong nagsagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa bilang pagsunod sa utos ng Diyos.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Batay sa natutuhan mo, paano naipakita ng mga naunang Banal ng dispensasyong ito ang kanilang pananampalataya, pagtitiwala, at pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-aasawa nang higit sa isa?