Institute
Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain


“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain

pangkalahatang kumperensya sa Conference Center

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Masasaya ang mga araw na ito. Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain at mga saksi tayo nito. Kapana-panabik ito. Mahirap ito. Mas marami ang hinihingi sa bawat isa sa atin—kaysa noon. At mas marami ang ibinibigay” (“A Personal Invitation to Participate in Seminary and Institute,” Peb. 4, 2019, ChurchofJesusChrist.org). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, maghanap ng mga paraan na makakabahagi ka habang pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain bilang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Bahagi 1

Ano ang tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Noong Martes, Abril 6, 1830, mga 50 katao ang nagtipon sa loob at paligid ng tahanan ni Peter Whitmer na yari sa troso sa Fayette, New York. Doon, sa ilalim ng pamamahala ni Jesucristo, inorganisa muli ni Joseph Smith ang Simbahan ng Panginoon sa lupa. Bagama’t nagsimula ang Simbahan sa kakaunting miyembro lamang, ang tadhana nito ay punuin ang buong mundo.

tahanan ni Peter Whitmer na yari sa troso

Sa panahon ng Lumang Tipan, ang hari ng Babilonia na si Nabucodonosor ay nagkaroon ng panaginip kung saan nakita niya ang “isang bato [na] natibag sa bundok, hindi ng mga kamay” (Daniel 2:45). Lumaki ang batong ito hanggang sa “naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa” (Daniel 2:35). Sa kanyang interpretasyon sa panaginip ng hari, ipinropesiya ng propetang si Daniel na sa mga huling araw, ang Diyos ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman ngunit lalagi magpakailanman (tingnan sa Daniel 2:28, 44).

Inulit ng Panginoon ang propesiya ni Daniel kay Propetang Joseph Smith 18 buwan matapos maorganisa ang Simbahan, sa panahong mga 600 Banal sa mga Huling araw pa lamang ang nasa mundo. Sa Doktrina at mga Tipan 65:2 mababasa natin: “Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.”

Pagkaraan ng dalawa at kalahating taon, noong Abril 1834, isang pambihirang propesiya ang ipinahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa tadhana ng Simbahan sa isang grupo ng mga mayhawak ng priesthood sa Kirtland, Ohio.

Naalala ni Pangulong Wilford Woodruff, na naroon sa pulong:

Pangulong Wilford Woodruff

Pinagtipon ng Propeta ang lahat ng maytaglay ng Priesthood sa munting paaralang yari sa troso na naroon. Maliit ang bahay na iyon, [isang kwadradong may habang 4.5 metro ang bawat gilid]. Gayunman nagkasya roon ang buong Priesthood ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na noon ay nasa bayan ng Kirtland. … Sinabi ng Propeta, “Mga kapatid, … gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan.” Medyo nagulat ako. Sabi niya, “Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.” (Wilford Woodruff, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 159–60)

Panoorin ang video na “The Gospel Shall Roll Forth [Ang Ebanghelyo ay Lalaganap]” (2:47), at pag-isipan kung paanong ang paglago ng ipinanumbalik na Simbahan ay katibayan ng hangarin ng Ama sa Langit na pagpalain ang buong mundo.

Pagkaraan ng mahigit 160 taon, matapos na ang Simbahan ay magkaroon ng mahigit 11 milyong miyembro at lumaganap sa halos buong mundo, itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga kapatid, alam ba ninyo kung ano ang mayroon tayo? Nalalaman ba ninyo ang ating lugar sa mahalagang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan? Ito ang pinakasentro ng lahat ng nauna sa atin. Ito ang panahon ng panunumbalik. Ito ang mga araw ng pagpapanumbalik. … Ito ang kabuuan ng lahat ng siglong nagdaan mula sa pagsilang ni Cristo hanggang sa kasalukuyan at kahanga-hangang panahong ito. (Gordon B. Hinckley, “At the Summit of the Ages,” Ensign, Nob. 1999, 74)

At wala pang isang dekada ang nakalipas, ipinahayag ni Pangulong Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

Isang malaking himala ang nagaganap sa harapan natin mismo. …

At simula pa lamang ito. Ang gawaing ito ay patuloy na uunlad at susulong at kikilos sa buong mundo. (Gordon B. Hinckley, “Ang Batong Tinibag mula sa Bundok,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 83–84)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ang tadhana ng Simbahan ng Panginoon at magkaroon ng patotoo tungkol dito?

Bahagi 2

Paano pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain ngayon?

Tungkol sa mabilis na paglago at impluwensya ng Simbahan ng Panginoon, itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

Lumalago ang Simbahan ngayon dahil sinabi ng Panginoon noon na mangyayari ito. Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi Niya, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” [Doktrina at mga Tipan 88:73].

Tayo, bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, ay ipinadala sa mundo sa panahong ito upang makabahagi tayo sa pagpapabilis ng dakilang gawaing ito. (Thomas S. Monson, “Pagpapabilis ng Gawain,” Liahona, Hunyo 2014, 4)

Ang mga sumusunod na halimbawa ay ilan sa mga paraan na inaanyayahan ka ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod na makibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan. Maaari mong markahan ang alinman sa mga alituntunin o ideya na tila pinakamahalaga para sa iyo, at maghandang ibahagi sa klase ang mga naisip mo tungkol sa mga ito.

Pagtitipon ng Israel

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:4, 7, na mga bahagi ng naunang paghahayag mula sa Panginoon para sa mga elder ng Simbahan.

Tungkol sa pagtitipong ito, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Mga kapatid kong kabataan, ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. …

Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa parehong panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa. (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa Liahona at New Era, 8, ChurchofJesusChrist.org; italics sa orihinal)

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 123:12, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith tungkol sa maraming tao na binubulag ng “pandaraya ng mga tao.”

Pag-isipan ang itinuro sa talatang ito habang pinagbubulayan mo ang paanyayang ito ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na naghihikayat sa atin na tumulong sa gawain ng kaligtasan sa mga bagong paraan:

Elder David A. Bednar

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, at hindi nagkataon lamang na ang mga kapaki-pakinabang na pag-unlad at imbensyong ito sa komunikasyon ay nangyari sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang mga social media channel ay kasangkapang magagamit ng buong mundo na personal at positibong makakaapekto sa maraming tao at pamilya. At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong kasangkapang ito nang tama at mas epektibo upang patotohanan ang tungkol sa Diyos Amang Walang Hanggan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang Tagapagligtas ng mundo; upang maipahayag ang katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw; at magawa ang gawain ng Panginoon. (David A. Bednar, “To Sweep the Earth as with a Flood” [debosyonal sa Brigham Young University Education Week, Ago. 19, 2014], ChurchofJesusChrist.org)

Paglilingkod

Sa Kanyang mortal na ministeryo, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na Siya ay “hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28). Siya ay naglingkod habang Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Sa isang paghahayag kay Joseph Smith, inanyayahan ng Panginoon si Frederick G. Williams na maglingkod sa iba.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 81:5.

Tayo rin ay tinawag na maglingkod. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Pinatototohanan ko na ang mga pagbabagong ito [mula sa home at visiting teaching papunta sa ministering] ay … mga ebidensya pa na minamadali ng Diyos ang kanyang gawain sa panahong ito. …

… Nawa’y gumawa tayo na kasama ang Panginoon ng ubasan, [tingnan sa Jacob 5:70–72], na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbigay ng alo, pagtuyo ng mga luha, at pagpapalakas ng mga nanghihina [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:5]. Kapag ginawa natin ito, tayo ay magiging mas tunay na dispulo ni Cristo na siyang dapat tayo maging. (Jeffrey R. Holland, “Makapiling at Palakasin Sila,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 101, 103)

Ibinahagi rin ni Sister Linda K. Burton, Relief Society General President:

Sister Linda K. Burton

Wariin natin ang ilang posibleng espirituwal na mga karatulang “help wanted” na may kaugnayan sa gawain ng kaligtasan:

  • Help wanted: mga magulang na palalakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan

  • Help wanted: mga anak, kapatid, tita at tito, pinsan, lolo’t lola, at matatapat na kaibigang magtuturo at mag-aalok ng tulong sa pagtahak sa landas ng tipan

  • Help wanted: mga nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo at kumikilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap

  • Help wanted: mga [ipinamumuhay ang] ebanghelyo araw-araw sa maliliit at mga simpleng paraan

  • Help wanted: mga family history at temple worker na mag-uugnay sa mga pamilya sa kawalang-hanggan

  • Help wanted: mga missionary at miyembro na magpapalaganap ng “mabuting balita”—ang ebanghelyo ni Jesucristo

  • Help wanted: mga tagasagip na maghahanap sa mga naligaw ng landas

  • Help wanted: mga tumutupad ng tipan na maninindigan para sa katotohanan at tama

  • Help wanted: mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo …

… Hindi mahalaga kung hindi pa tayo sakdal at ganap. … Maaari tayong magkaisa, bilang mga disipulo, bilang mga lingkod na kusang-loob na tumutulong para mapabilis ang gawain ng kaligtasan. Sa paggawa nito, magiging katulad tayo ng Tagapagligtas. (Linda K. Burton, “Wanted: Mga Kamay at mga Pusong Magpapabilis sa Gawain,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 124)

Paggalang sa Araw ng Sabbath

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–10 para malaman kung ano ang itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga Banal tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa paggalang sa araw ng Sabbath:

Pangulong M. Russell Ballard

Sa lahat ng mga pagbabago sa organisasyon o tuntunin o doktrinal na pagsasanay na magpapabilis sa gawain ng kaligtasan sa panahong ito, natukoy namin na ang pagpapaibayo ng diwa at bisa ng araw ng Sabbath ay pinakamalakas na makahihikayat sa mga miyembro at pamilya na mas lumapit sa Panginoong Jesucristo. (M. Russell Ballard, sa Chad H. Webb, “Ang Araw ng Sabbath” [Seminaries and Institutes training satellite broadcast, Ago. 4, 2015], ChurchofJesusChrist.org)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Ano pa ang nakita mong karagdagang katibayan na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain sa ating panahon? Ano ang ilang partikular na paraan na gusto mong higit na makatulong sa gawain ng Panginoon? Isulat ang mga naisip mo sa iyong journal o sa espasyong nakalaan sa ibaba.