“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Plano ng Ama sa Langit at ang Ating Banal na Potensyal,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Plano ng Ama sa Langit at ang Ating Banal na Potensyal
Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Ang dakilang plano ng kaligtasan ay isang temang dapat ay mahigpit nating pagtuunan ng pansin, at ituring na isa sa pinakamaiinam na handog ng langit sa sangkatauhan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 242). Sa pamamagitan ng paghahayag at mga pangitain, naunawaan ni Joseph Smith ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa mga paraan na magpapabago sa buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Ang lesson na ito ay makakatulong sa iyo na maunawaan kung sino ka at kung ano ang iyong banal na potensyal.
Bahagi 1
Paano nakaapekto sa aking buhay ang mga ipinanumbalik na katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos?
Isipin kunwari na bagong miyembro ka ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa panahon ni Joseph Smith. Malamang hindi lubos ang iyong pagkaunawa tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Kung pinalaki ka bilang isang Kristiyano, maaaring may mga paniniwala ka na katulad ng mga sumusunod: (1) ang Diyos, si Jesus, at ang Banal na Espiritu ay iisang Diyos, walang pisikal na katawan at damdamin; (2) ang mga tao ay hindi nabuhay noon bago ang buhay na ito, at sila ay nilikha ng Diyos mula sa wala; at (3) ang Diyos ay hindi makikilala at misteryoso—ang ideya na ang mga tao ay Kanyang mga anak ay isang talinghaga lamang.
Sa pamamagitan ng paghahayag, naunawaan ni Joseph Smith at ng mga naunang Banal ang katangian ng ating Ama sa Langit at ang Kanyang banal na plano ng kaligtasan. Isipin kung ano kaya ang nadama nila nang malaman nila ang ilan sa mga ipinanumbalik na katotohanan na pinahahalagahan natin ngayon tungkol sa plano ng Ama sa Langit.
Malaking bahagi ng pagkaunawa ni Joseph tungkol sa plano ng kaligtasan ay nagmula sa kanyang pagsasalin ng Aklat ni Mormon at inspiradong pagsasalin ng Luma at Bagong Tipan. Habang isinasalin ang aklat ng Genesis noong 1830, nalaman ni Propetang Joseph na si Moises ay dinala sa isang mataas na bundok at pinakitaan ng kalawakan ng mga likha ng Diyos. Ang paghahayag na ito ay kilala natin ngayon bilang ang unang kabanata ng aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas. Sinabi ng Panginoon kay Moises na siya ay anak ng Diyos. Itinuro rin ng Diyos ang isang mahalagang katotohanan na matatagpuan sa Moises 1 tungkol sa mga layunin ng Kanyang gawain.
Tungkol sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang kaloob na buhay na walang hanggan ay sulit sa anumang pagsisikap na pag-aralan, matutuhan, at ipamuhay ang plano ng kaligtasan. Ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli at bibiyayaan ng imortalidad. Ngunit ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan—ang uri ng pamumuhay ng Diyos—ay karapat-dapat sa pamumuhay natin ng plano ng kaligtasan nang buong puso, pag-iisip, kakayahan, at lakas. (Robert D. Hales, “Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Ensign o Liahona, Okt. 2015, 25)
Pansinin na binigyang-kahulugan ni Elder Hales ang buhay na walang hanggan bilang “ang uri ng pamumuhay ng Diyos.” Isipin kung ano ang ibig sabihin para sa iyo ng ang gawain ng Ama sa Langit ay dalhin ka pabalik sa Kanyang kinaroroonan upang matamasa mo ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.
Sa isang paghahayag na natanggap noong Mayo 6, 1833, itinala ni Joseph Smith, “Ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 93:29). Ang pagsasalin ni Joseph ng aklat ni Abraham, na inilathala noong 1842, ay naglaan ng mas malalim na kabatiran tungkol sa ating premortal na buhay at sa mga posibilidad sa kabilang buhay.
Bahagi 2
Anong mga turo tungkol sa mga katangian ng Diyos ang ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith?
Noong 1844, ilang buwan lamang bago ang kanyang pagpanaw, nagsalita si Joseph Smith sa masasabing kanyang huling kumperensya. Ang kanyang kaibigan na si King Follett ay namatay noon sa isang aksidente, at hiniling ng pamilya na magsalita si Joseph sa libing. Buong tapang na itinuro ni Joseph ang mga katangian ng Diyos at ang ating potensyal na maging katulad Niya. Sa tinawag kalaunan na King Follett discourse, ipinahayag ni Joseph:
Mangilan-ngilan lamang sa mga nilalang sa mundo ang nakauunawa nang wasto sa katangian ng Diyos. … Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili. …
Ang Diyos mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila, at nakaupo sa luklukan sa kalangitan! … Kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa hubog ng tao—katulad ng inyong buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao. …
Kapag nauunawaan natin ang pagkatao ng Diyos, at alam natin kung paano lumapit sa Kanya, sisimulan Niyang ihayag sa atin ang kalangitan, at sasabihin sa atin ang lahat ng tungkol dito. …
… Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya. Ang kaugnayan natin sa Diyos ay naglalagay sa atin sa isang sitwasyon na madaragdagan ang ating kaalaman. …
Narito, samakatwid, ang buhay na walang hanggan—ang makilala ang nag-iisang matalino at tunay na Diyos; at kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos, at maging mga hari at saserdote [at mga reyna at babaeng saserdote] sa Diyos, … sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, at mula sa maliit tungo sa malaking kakayahan; biyaya sa biyaya, kadakilaan sa kadakilaan. (Mga Turo: Joseph Smith, 46–48, 244, 257)
Paalala: Matatagpuan ang buong King Follett discourse sa “Classics in Mormon Thought: The King Follett Sermon,” Ensign, Abr. 1971, 12–17.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Layunin ng Diyos na tayo, na Kanyang mga anak, ay maranasan ang sukdulang kagalakan, makasama Siya nang walang-hanggan, at maging tulad Niya. (D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 97)
Bahagi 3
Paano ako magtatamo ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal?
Isipin muli na kunwari ay nabuhay ka noon bilang naunang miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan. Malamang naniniwala ka rin, tulad ng karamihan ng mga Kristiyano noon, na kapag namatay ang isang tao, mapupunta siya sa langit o sa impiyerno. Maraming tao noong panahon ni Joseph Smith ang kilala bilang mga Congregationalist o mga Universalist. Kung ikaw ay may “congregationalist” na pananaw, naniniwala ka na maliit na bilang lamang ng mga tao ang mapupunta sa langit. Kung ikaw ay may “universalist” na pananaw, malamang naniniwala ka na parurusahan ng Diyos ang mga makasalanan ngunit kalaunan ay mapupunta ang lahat ng tao sa langit.
Noong Pebrero 1832, nagkaroon sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ng isang pangitain na nakatulong sa atin na mas maunawaan ang kabilang buhay. Ginagawa ng dalawang lalaki ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Bagong Tipan sa itaas na palapag ng tahanan ni John Johnson at tumigil sila para pagnilayan ang Juan 5:29, na tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti at sa pagkabuhay na mag-uli ng masasama. Ilang kalalakihan ang nasa silid kasama nina Joseph at Sidney nang matanggap ng dalawang lalaki ang pangitain at ilarawan nila ang kanilang nakita. Ang pangitaing ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, ay tumutulong sa atin na mas maunawaan ang plano ng Ama sa Langit. Maaari mong markahan ang mga katotohanan mula sa bahaging ito na nagpapalawak ng ating pag-unawa tungkol sa kabilang buhay at naghahayag ng hangarin ng Ama sa Langit na pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak: