Institute
Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion


“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion

estatwa ng anghel na si Moroni

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 216). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, alamin ang mga katotohanan na tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang Sion, bakit kailangan nating itayo ang Sion, at kung ano ang magagawa mo para makatulong sa pagsisikap na ito.

Bahagi 1

Ano ang ibig sabihin ng itatag ang Sion?

Noong Disyembre 1830, habang ginagawa ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Biblia, inihayag ng Panginoon, na nakatala ngayon sa Moises 7, na ang propetang si Enoc sa Lumang Tipan ay nagtayo ng isang lungsod na tinawag na Sion.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moises 7:18–21.

City of Zion Translated, ni Del Parson

Panoorin ang video na “Teachings of Joseph Smith: Preparing for Zion” (1:42), o pag-aralan ang pahayag ni Propetang Joseph Smith sa ibaba:

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:

Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; … malugod nilang inasam ang ating panahon; at bunga ng makalangit at pag-asam na puno ng galak sila’y umawit at nagsulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; … tayo ang mga hinirang ng Diyos na Kanyang pinili upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa Huling Araw; narito ito upang ating makita ito, maging bahagi nito, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw.

Saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion, na itatayo ng bawat [lalaki at babae na] matwid para sa [isang lugar ng] kaligtasan ng [kanilang] mga anak. …

…Malapit nang dumating ang panahon, na hindi makatatagpo ng kapayapaan ang sinuman maliban sa Sion at sa kanyang mga stake. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 216, 601)

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na ang Sion ay tumutukoy din sa “ang may dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang Sion ay kapwa isang lugar at isang lahi. …

Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito. … Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, … kailangan [dito] ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang nangangailangan sa paraang mapapalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito. …

Magkakaisa ang ating puso’t isipan kapag ginawa nating sentro ng ating buhay ang Tagapagligtas at sinunod natin ang mga hinirang Niyang mamuno sa atin. (D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 37–38)

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga katangian ng mga tao na tulad ng sa Sion, tingnan sa 4 Nephi 1:1–4, 15–18.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano makatutulong ang pagtutuon ng aking buhay sa Tagapagligtas at sa pagsunod sa mga lider ng Simbahan para maging tulad ako ng mga taong inilarawan sa Moises 7:18 at Doktrina at mga Tipan 97:21?

Bahagi 2

Ano ang nangyari sa mga Banal sa Missouri na nagsikap na itayo ang Sion?

Isang taon matapos maorganisa ang Simbahan, itinalaga ng Panginoon ang Independence, Jackson County, Missouri, bilang “ang tampok na lugar” (Doktrina at mga Tipan 57:3) ng Sion kung saan ang mga Banal ay magtitipon at magtatayo ng banal na lunsod ng Sion, na tinawag ding Bagong Jerusalem (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:64–66; 57:1–3).

plano para sa Lunsod ng Sion

Ang mapa ng plano para sa Lunsod ng Sion ay inihanda sa ilalim ng pamamahala ni Propetang Joseph Smith at ipinadala sa mga Banal sa Missouri noong Hunyo 1833, kalakip ang mga plano ng arkitektura para sa unang templo sa Sion.

Sa ilalim ng pamamahala ng propeta, sinubukan ng mga naunang miyembro ng Simbahan na itayo ang lunsod ng Sion sa Jackson County ngunit nahirapan silang magkaroon ng mabuting ugnayan sa mga mamamayan doon. Ang pagtatalo sa mga usaping nauukol sa relihiyon, pang-aalipin, pulitika, at ang dumaraming populasyon ng mga Banal ay nag-udyok sa iba pang mga mamamayan ng Jackson County na palayasin ang mga Banal dito.

Noong Hulyo 20, 1833, hinarap ng mga mamamayan ng Jackson County ang mga lokal na lider ng Simbahan sa isang pulong sa korte at mariing iniutos sa mga Banal na isara ang kanilang palimbagan at tindahan at lisanin ang lugar. Hindi pumayag ang mga lider ng Simbahan, kung kaya’t winasak ng mga mandurumog ang palimbagan ng Simbahan at binuhusan ng alkitran at balahibo si Bishop Edward Partridge at ang miyembro ng Simbahan na si Charles Allen. Makalipas ang tatlong araw, nagbanta pa ang mga mandurumog. Dahil napilitan, pumayag ang mga lokal na lider ng Simbahan na lisanin ang lugar sa kasunod na tagsibol. Gayunman, nang magpasiya kalaunan ang mga lider at mga miyembro na manatili at ipaglaban ang kanilang mga karapatan noong taglagas ng 1833, nagpatuloy ang karahasan ng mga mandurumog.

Ikinuwento ni Parley P. Pratt:

Ang mga grupo ng mararahas na tao ay lumilibot sa lugar sa lahat ng dako; nanloloob sa mga bahay nang walang takot, … tinatakot ang mga kababaihan at mga bata, at binabantaang papatayin sila kung hindi sila kaagad magsisitakas. …

… Ang mga kababaihan at mga bata ay nagsitakas sa lahat ng dako. Isang grupo na binubuo ng mga isang daan at limampu ang tumakas patungo sa parang, kung saan sila ay nagpagala-gala nang ilang araw, kadalasan ay walang makain; at walang masilungan kundi ang malawak na [kalangitan]. Ang ibang mga grupo ay tumakas patungo sa Ilog Missouri. Sa pagkakawatak-watak ng mga kababaihan at mga bata, tinugis ng mga mandurumog ang mga kalalakihan, binaril ang ilan sa kanila, iginapos at nilatigo ang iba, at ang iba naman ay tinugis nang ilang milya. …

Makikita sa pampang [ng Ilog Missouri] ang bangka na nagsisimulang mapuno ng mga kalalakihan, kababaihan at mga bata; mga pagkain, bagon, kahon, suplay, atbp., habang patuloy na ginagamit na pantawid ang bangka. … Daan-daang tao ang makikita sa lahat ng dako, ang ilan ay nasa mga tolda, at ang ilan ay nasa labas sa palibot ng isang siga, habang malakas ang buhos ng ulan. Hinahanap ng mga kalalakihan at kababaihan ang kanilang mga asawa; hinahanap ng mga magulang ang kanilang mga anak, at hinahanap ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ang ilan ay masuwerteng nakasama sa pagtakas ang kanilang pamilya, nakapagdala ng gamit sa bahay, at ilang suplay; samantalang hindi alam ng iba kung ano ang nangyari sa kanilang mga kaibigan, at nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian. …

… Lahat ng miyembro ng [aming] komunidad ay pinalayas sa lugar, at winasak at sinira ang mga taniman ng mais; sinunog ang imbakan ng mga trigo, ninakaw ang mga gamit sa bahay, at sinira ang lahat ng uri ng ari-arian. (Autobiography of Parley Parker Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 101–3)

Saints Driven from Jackson County, Missouri, ni C. C. A. Christensen

C. C. A. Christensen (1831–1912), Saints Driven From Jackson County Missouri, mga bandang 1878, (ipininta gamit ang) tempera na pintura sa muslin na tela, 77 1/4 x 113 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C.C.A. Christensen, 1970.

Mahigit 1,000 Banal ang pinaalis sa Jackson County, at mahigit 200 sa kanilang mga tahanan ang sinunog.

Bahagi 3

Ano ang nakahadlang sa mga Banal sa pagtatatag ng Sion sa Jackson County, Missouri?

Sa mga buwang kasunod ng marahas na pagpapaalis sa mga Banal sa Jackson County, inihayag ng Panginoon kay Propetag Joseph Smith ang mga dahilan kung bakit tinulutan Niyang mausig at mapalayas ang mga Banal sa kanilang mga lupain at mga tahanan. Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na scripture passage mula sa Doktrina at mga Tipan 101 at 105, alamin kung anong mga asal at pag-uugali ang nakahadlang sa mga Banal sa pagtatatag ng Sion sa Jackson County, Missouri.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:2–3, 6–8 at Doktrina at mga Tipan 105:3–6.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sa pagbasang muli ng mga banal na kasulatang ito, markahan o ilista ang mga asal at pag-uugali na hinihingi ng Panginoon sa mga tao sa mga huling araw na naghahangad na itatag ang Sion.

Bahagi 4

Ano ang hinaharap ng Sion?

Itinuro ni Elder Christofferson na habang itinatatag natin ang Sion, inihahanda natin ang ating sarili at ang sanlibutan na tanggapin ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito:

Ang una, at napakahalaga para sa pagbabalik ng Panginoon ay ang pagkakaroon ng mga tao sa mundo na handang tumanggap sa Kanya sa Kanyang pagdating. …

Noong sinaunang panahon, kinuha ng Diyos ang matwid na lungsod ng Sion sa Kanyang sarili. Sa kabilang banda, sa mga huling araw, isang bagong Sion ang tatanggap sa Panginoon sa Kanyang pagbabalik. …

Habang nagsisikap tayong maging masigasig sa pagtatayo ng Sion, kabilang na sa ating bahagi sa pagtitipon ng mga hinirang ng Panginoon at sa pagtubos sa mga patay, dapat tayong tumigil sandali para alalahanin na ito ay ang gawain ng Panginoon at Siya ang gumagawa nito. …

Ang dakila at huling dispensasyong ito ay tuluy-tuloy ang paglago patungo sa kasukdulan nito—Sion sa lupa na sasamahan ng Sion mula sa itaas sa maluwalhating pagbabalik ng Tagapagligtas. … Gumawa tayo tungo sa pagtatayo ng Sion para pabilisin ang araw na iyon. (D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 82–84)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ginagawa mo upang makatulong sa pagtatayo ng Sion bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? Ano pa ang maaari mong gawin?