Institute
Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo


“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Mga Ordenansa at Pagsamba sa Templo

babae sa harap ng templo

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Tayo ay mga taong laging nagtatayo ng templo at mga taong mapagdalo sa templo” (“Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 5). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, pag-isipan kung bakit napakahalagang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw ang mga ordenansa sa templo. Pagpasiyahan kung ano ang magagawa mo para maging mas mahalagang bahagi ng iyong buhay ang pagsamba sa templo.

Bahagi 1

Paano mapagpapala ng pagsamba sa templo ang aking buhay?

Noong 2019, ipinahayag ng Unang Panguluhan:

Tuwing ang Panginoon ay may mga tao sa mundo na susunod sa Kanyang salita, sila ay inuutusan na magtayo ng templo. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang mga huwaran ng pagsamba sa templo mula sa panahon nina Adan at Eva, Moises, Solomon, Nephi, at ng iba pa.

Sa panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito, ipinanumbalik din ang pagsamba sa templo upang pagpalain ang buhay ng mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo at gayon din sa kabilang panig ng tabing. … Ang templong inilaan ang pinakasagrado sa lahat ng lugar ng pagsamba sa buong mundo. (“First Presidency Statement on Temples,” Ene. 2, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org)

Adam and Eve Offering Sacrifices, ni D. Keith Larson

Nag-aalay ng mga Hain sina Adan at Eva (Moises 5:5–7)

Moses’ Tabernacle in the Wilderness, ni Jerry Thompson

Ang Tabernakulo (Exodo 26–28.)

Paglalarawan sa Templo ni Solomon, ni Sam Lawlor

Ang Templo ni Solomon (I Mga Hari 6)

King Benjamin Preaches to the Nephites, ni Gary L. Kapp

Nangangaral si Haring Benjamin sa mga Nephita (2 Nephi 5:16; Mosias 2:1; 3 Nephi 11)

Ang unang templong naitayo sa ating dispensasyon ay ang Kirtland Temple noong 1836. Nagsimula sa paglalaan ng templong iyon ang isang pambihirang panahon ng mga espirituwal na pagpapakita. Naramdaman ng matatapat ang Espiritu Santo, at ang ilan ay nagsalita ng iba’t ibang wika, nagkaroon ng mga pangitain, o nakakita ng mga anghel. Ang pinakatampok na kaganapan sa panahong ito ay ang pagpapakita ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple hindi pa nagtatagal matapos itong ilaan. Noong panahong iyon, sinabi ng Tagapagligtas, “Tinanggap ko ang bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 110:7).

Kirtland Temple
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-isipan ang ilang bagay na nadama mo o nais mong madama sa pagpasok mo sa templo ng Panginoon.

Noong Marso 27, 1836, nag-alay si Joseph Smith ng panalangin sa paglalaan (ang mga salita para rito ay natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Panginoon) para sa Kirtland Temple. Ang panalangin na ito sa paglalaan ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109. Sa panalanging ito, hiniling ni Joseph sa Panginoon na magbigay ng mga tiyak na pagpapala sa mga taong sumasamba sa templo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:13, 22–26.

Ganito ang sinabi ni Sister Jean A. Stevens, dating Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin sa templo:

Sister Jean A. Stevens

Kung gusto nating matanggap ang lahat ng pagpapalang bukas-palad na ipagkakaloob sa atin ng Diyos, ang tinatahak natin sa lupa ay dapat patungo sa templo. Ang mga templo ay tanda ng pagmamahal ng Diyos. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit, matuto sa Kanya, madama ang Kanyang pagmamahal, at tanggapin ang mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa buhay na walang hanggan sa piling Niya. Bawat tipan ay ginagawa ng bawat isa. Bawat malaking pagbabago ng puso ay mahalaga sa Panginoon. At ang pagbabago ng iyong puso ay makagagawa ng malaking kaibhan sa iyo. Sapagkat sa pagpunta natin sa Kanyang banal na bahay, tayo ay “[masasakbitan ng Kanyang] kapangyarihan, … Ang [Kanyang] pangalan … ay mapapasa[atin], … Ang [Kanyang] kaluwalhatian … ay [babalot sa atin], at ang [Kanyang] mga anghel ay [mangangalaga sa atin]” [Doktrina at mga Tipan 109:22].

… Sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ang lahat ng inaasam, lahat ng pangako, at lahat ng pagpapala ng templo ay natutupad. (Jean A. Stevens, “Mga Anak na Babae ng Diyos na Nakipagtipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 117)

icon, talakayin

Talakayin sa Iba

Itanong sa isang kapamilya o kaibigan kung anong mga partikular na pagpapala ang nadama niya sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo at pakikibahagi sa pagsamba sa templo. Paano nadama ng taong ito ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagdalo sa templo?

Bahagi 2

Bakit iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo?

Bago pa man iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Kirtland, ang mga Banal sa Missouri ay naglaan na ng isang lugar na pagtatayuan ng templo sa Independence, Missouri. Kalaunan, naglagay sila ng mga batong panulok para sa isang templo sa Far West, Missouri. Kapwa hindi natapos ang dalawang ito dahil pinalayas ang mga Banal sa kanilang mga tahanan at ari-arian. Noong kumperensya ng Oktubre 1840, tinanggap ng mga Banal ang panawagan ng Propeta na magtayo ng templo sa Nauvoo. Muli, taglay ang diwa ng pagsasakripisyo, nagsimulang mag-ambag ng lakas, pera, at iba pang mga resource ang mga banal para makatulong sa pagtatayo ng templo. Noong Enero 1841, nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagbigay ng mga karagdagang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon na itayo ang templong ito. Ang payong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124. Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na talata, isipin ang ilan sa mga dahilan kung bakit iniutos sa atin ng Panginoon na magtayo ng mga templo sa mga huling araw.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:27–28, 40–42.

Sa templo, nakatanggap ang mga Banal ng mahahalagang ordenansa na inihayag ng Panginoon sa Propeta, kabilang na ang seremonya ng endowment.

Isa sa mga ordenansang ito [sa templo] ay isang seremonyang tinatawag na endowment, na pinalawak mula sa seremonya ng paghuhugas at pagpapahid ng langis na pinasimulan ni Joseph sa Kirtland Temple noong 1836. Natatakot na siya ay mapapaslang bago matapos ang templo, tumawag si Joseph Smith ng ilang mga lalaki noong Mayo 3, 1842, upang ayusin ang silid sa itaas ng kanyang Red Brick Store [Tindahan na Yari sa Pulang Laryo] upang kumatawan “sa loob ng isang templo hangga’t maaari.” Kinabukasan, pinangasiwaan ni Joseph ang endowment sa unang pagkakataon sa isang pangkat ng siyam na lalaki. (“Temple Endowment,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, ChurchofJesusChrist.org/study/church-history)

Tindahan na Yari sa Pulang Laryo

Ang seremonya na ito ng endowment ay “nagtuturo ng mga nagpapadakilang katotohanan. Ito ay mula sa tala ng mga banal na kasulatan tungkol sa Paglikha at sa Halamanan ng Eden … na gagabay sa mga tao sa bawat hakbang sa plano ng kaligtasan. Katulad ni Abraham at ng iba pang sinaunang propeta, nakatanggap sila ng kaalaman na makakatulong sa kanila na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos. Sa pagpapatuloy, nakipagtipan ang mga tao na magkaroon ng matwid at malinis na buhay at ilaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Panginoon.” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 518).

Noong [o bago ang] Setyembre 28, 1843, si Emma Smith ang naging unang babae na nakatanggap ng endowment. Ang pangako ni Joseph na makikita ng mga miyembro ng Relief Society na “patuloy ang biyaya ng endowment” ay napagtibay nang magsimulang tumulong si Emma sa pangangasiwa ng ordenansa sa iba pang mga kababaihan. (Jill Mulvay Derr at iba pa, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History [2016], 10)

makasaysayang larawan ng Nauvoo Temple

Bagamat noong una ay inanyayahan lamang ni Joseph ang iilang mga tao na makibahagi sa endowment, malinaw na nilayon niyang matanggap din ng karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga seremonya sa templo. … Ipinaliwanag ni Willard Richards na, “Walang ipinaalam sa [amin], maliban sa mga bagay na ipaaalam sa lahat ng Banal sa mga huling araw, sa panahong handa na silang tumanggap, at isang [templo] ang inihanda upang maipaalam ang mga ito.” (“Hinirang na Korum (‘Banal na Orden’),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, ChurchofJesusChrist.org/study/church-history)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang mga kautusan sa mga Banal na magtayo ng mga templo? Bakit nais ng Panginoon na matanggap ng Kanyang mga tao ang endowment sa templo?

Bahagi 3

Paano ako mapagpapala at ang mga mahal ko sa buhay ng endowment sa templo?

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2019, inanyayahan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng miyembro ng Simbahan na maging pamilyar sa mga resource na makukuha sa temples.ChurchofJesusChrist.org (tingnan sa “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 103–4). Mula sa website na ito, natutuhan natin ang sumusunod tungkol sa endowment sa templo:

Ang salitang endowment ay nangangahulugang “isang kaloob.” Sa kontekstong ito, ang endowment sa templo ay literal na kaloob mula sa Diyos kung saan nagkakaloob Siya ng mga banal na pagpapala sa iyo [sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo]. Ang endowment ay matatanggap lamang sa Kanyang paraan at sa Kanyang banal na templo. Ang ilan sa mga kaloob na natatanggap mo sa pamamagitan ng endowment sa templo ay kinabibilangan ng:

  1. Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at mga turo ng Panginoon.

  2. Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Diyos na gawin natin.

  3. Banal na patnubay at proteksyon habang naglilingkod tayo sa Panginoon, sa ating mga pamilya, at sa iba pa.

  4. Karagdagang pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.

  5. Mga ipinangakong pagpapala ngayon at magpakailanman. …

Kaugnay ng mga ordenansang ito, aanyayahan kang gumawa ng mga partikular na tipan sa Diyos. Kabilang sa mga tipang ito ang:

  • Batas ng Pagsunod

  • Batas ng Sakripisyo

  • Batas ng Ebanghelyo

  • Batas ng Kalinisang-Puri

  • Batas ng Paglalaan

Bilang kapalit, nangangako ang Diyos ng magagandang pagpapala sa buhay na ito at ng pagkakataong makabalik upang makapiling Siya magpakailanman. (“About the Temple Endowment,” temples.ChurchofJesusChrist.org)

Ganito ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa espirituwal na kahalagahan ng endowment:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang endowment sa templo ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag. Dahil dito, mauunawaan itong mabuti sa pamamagitan ng paghahayag, na marubdob na hinahangad nang may dalisay na puso. Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young na “ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik na muli kayo sa piling ng Ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay, … at kamtin ang inyong walang hanggang kadakilaan” [Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 416]. (Russell M. Nelson, “Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 42)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Ano ang maimumungkahi mong gawin ng isang tao para makapaghanda na matanggap ang kanyang endowment? Bakit mahalaga mismo sa iyo ang templo at mga ordenansa nito? Isulat ang iyong mga naisip sa iyong journal o sa espasyong nakalaan sa ibaba.