Institute
Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagtitipon ng Israel


“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagtitipon ng Israel,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Pagtitipon ng Israel

mga kabataan na naglalakad malapit sa templo

Habang nagsasalita sa mga kabataan ng Simbahan, itinanong ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nais ba ninyong maging malaking bahagi ng pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon? Nais ba ninyong tumulong sa pagtipon ng Israel sa mahalagang mga huling araw na ito?” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa Liahona at New Era, 8, ChurchofJesusChrist.org; italiko sa orihinal).

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin kung bakit tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa bawat sulok ng mundo, at pag-isipan kung paano ka makatutulong sa Kanya na maisakatuparan ang dakilang gawaing ito.

Bahagi 1

Ano ang pagtitipon ng Israel?

Ang mga anak ni Israel ay mga inapo ng propeta sa Lumang Tipan na si Jacob, na ang pangalan ay pinalitan ng Israel. Sila ay kabilang sa tipan ding iyon na ibinigay ng Diyos sa ama ni Jacob na si Isaac at sa kanyang lolo na si Abraham (tingnan sa Genesis 26:3–4, 24; Abraham 2:6–11). Ang 12 anak na lalaki ni Jacob at ang kanilang mga inapo ay ang “sambahayan ni Israel” o ang “labindalawang lipi ni Israel.” Minsan noon, “ikinalat ng Panginoon at pinahirapan ang labindalawang lipi ni Israel dahil sa kanilang kasamaan at paghihimagsik. Gayunpaman, ginamit din ng Panginoon itong pagkalat ng Kanyang mga piniling tao sa mga bansa ng daigdig upang pagpalain ang mga yaong bansa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Maaari mong markahan ang ilan sa mga sumusunod na propesiya tungkol sa pagtitipon ng Israel.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Isaias 11:11–12 (tingnan din sa 2 Nephi 25:17; 29:1; Jacob 6:2).

Itinuturo sa Aklat ni Mormon na ang Tagapagligtas mismo ang magtitipon ng mga inapo ni Jacob.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 5:24–26.

Sa ating dispensasyon, lubhang naging interesado ang ilang naunang miyembro ng Simbahan sa propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitipon ng mga tao ng Diyos sa mga huling araw para itatag ang Sion bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 21:23–26). Ilang araw bago ang kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 1830, nagtanong si Joseph Smith at ang iba pa sa Panginoon hinggil sa propesiyang ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:1–2, 7.

Isang buwan matapos ibigay ang paghahayag na ito, si Oliver Cowdery at tatlong iba pa ay nagsimulang maglakbay bilang mga missionary para tumulong sa pagtipon ng mga hinirang ng Panginoon.

Go Into the Wilderness, ni Robert T. Barrett

Ang pinakamalaking tagumpay ng mga misyonero ay nangyari nang tumigil sila sa pook ng Kirtland, Ohio. Doon ay nakapagbinyag sila ng mga 130 tao, na karamihan ay mga miyembro ng Reformed Baptist ni Sidney Rigdon, kaya nabuksan ang lugar na pagtitipunan ng daan-daang miyembro ng Simbahan nang sumunod na taon. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 174)

Pagkatapos ng unang gawaing misyonero na ito, nagpatuloy ang Panginoon sa pagtawag ng mga missionary sa gawain ng pagtitipon ng mga taong makikinig sa Kanyang tinig.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:5–7.

trigo na maaari nang anihin

Sa pagtatapos ng Disyembre 1830, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith ang Kanyang kalooban para sa Simbahan hinggil sa isang lugar na pagtitipunan sa Ohio:

“Isang kautusang ibinibigay ko sa simbahan,” pahayag Niya, “na dapat sila ay sama-samang magtipun-tipon sa Ohio.” Magtitipon sila kasama ang mga bagong kasapi sa lugar ng Kirtland at hihintayin ang mga missionary na bumalik mula sa Kanluran. …

Ang tawag na lumipat sa Ohio ay tila nagdala sa mga Banal palapit sa katuparan ng sinaunang propesiya tungkol sa pagtitipon ng mga tao ng Diyos. Ang Biblia at Aklat ni Mormon ay kapwa nangako na titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao upang pangalagaan sila laban sa mga panganib sa mga huling araw. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 124–25)

mapa ng mga daan sa New York-Pennsylvania-Ohio

Sa pamamagitan nito at ng iba pang mga paghahayag, iniutos sa mga Banal na sama-sama munang magtipon sa Ohio at Missouri, pagkatapos sa Illinois, at pagkatapos sa Salt Lake Valley. Sa bawat isa sa mga lugar na ito ng pagtitipon, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang sila ay makasamba, makapagtayo ng Simbahan, mapangalagaan, at makatanggap ng payo at tagubilin. …

Inihayag ni Propetang Joseph Smith na sa lahat ng panahon ang banal na layunin ng pagtitipon ay para magtayo ng mga templo upang matanggap ng mga anak ng Panginoon ang pinakamatataas na ordenansa at sa gayon ay magtamo sila ng buhay na walang hanggan [tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 488–91]. (David A. Bednar, “The Spirit and Purposes of Gathering” [Brigham Young University–Idaho devotional, Okt. 31, 2006], byui.edu)

pamilya sa harap ng templo

Ngayon, pisikal na tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa mga stake ng Sion at sa mga templo sa mga bansa sa iba’t ibang dako ng mundo.

Espirituwal din Niya silang tinitipon sa kaalaman ng Kanyang ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 15:12–16).

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Panginoon at sa Kanyang katangian sa pamamagitan ng pagkalat at pagtitipon ng Kanyang mga pinagtipanang tao? Paano napagpala ang iyong buhay ng pagtitipon kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan sa mga ward, stake, at templo?

Bahagi 2

Paano ko matutulungan ang Panginoon sa pagtipon ng Israel sa mga huling araw?

Isang naunang convert sa kapapanumbalik na Simbahan na nagngangalang Heber C. Kimball ang tinawag kalaunan na maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nakadama ng pagkabalisa si Heber tungkol sa kanyang kakayahan na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Paggunita niya:

“Sa unang araw ng Hunyo 1837, nagpunta sa akin si Propetang Joseph, habang nakaupo ako sa … Templo, sa Kirtland, at bumulong sa akin, at nagsabi, ‘[Brother] Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin, “Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa [England] at ipahayag ang aking ebanghelyo at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon.”’” Nalula si Elder Kimball sa bigat ng gayong tungkulin: “Ipinalagay ko na isa ako sa pinakamahihinang tagapaglingkod ng Diyos. Tinanong ko si Joseph kung ano ang dapat kong sabihin pagdating ko roon; sabi niya’y lumapit ako sa Panginoon at gagabayan Niya ako, at magsasalita Siya sa pamamagitan ko sa espiritu ring yaon na [pumatnubay] sa kanya.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 383)

Isinulat ni Elder Kimball ang sumusunod sa kanyang journal:

Nadarama ang sarili kong kahinaan at pagiging hindi marapat para sa gayong gawain, ako ay nagsumamo nang husto sa Panginoon para sa karunungan at para sa kapanatagan at suportang iyon na kailangang-kailangan ko. …

Sinikap kong magtiwala sa Diyos, naniniwala na tutulungan niya ako sa pagpapahayag ng katotohanan, ipababatid sa akin ang dapat kong sabihin, at agad siyang magbibigay ng tulong sa oras ng pangangailangan. (Journal of Heber C. Kimball, ed. R. B. Thompson [1840], 15)

Naalala ni Heber C. Kimball kalaunan:

Ako ay humayo at isinagawa ko ang misyon ayon sa mga salita ng Propeta ng Diyos na buhay at nawala ako sa Kirtland nang labing-isang buwan at dalawang araw, … kung saan sa panahong ito ay may humigit-kumulang dalawang libong katao na sumapi sa simbahan at kaharian ng Diyos. (Heber C. Kimball, “Sermon,” Deseret News, Dis. 2, 1857, 3)

Itinuro rin ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na makaaasa tayo sa Panginoon habang tumutulong tayo sa pagtipon ng Israel sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo:

“Kailangan nating humingi ng tulong at patnubay sa Panginoon upang maging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay para sa taong handa na—isang tao na gusto Niyang tulungan natin ngayon. Pagkatapos, kailangan nating maging alisto para marinig at masunod natin ang mga pahiwatig ng Kanyang Espiritu tungkol sa kung paano tayo magpapatuloy.

Ang mga pahiwatig na iyon ay darating. Batid natin mula sa di-mabilang na mga personal na patotoo na naghahanda ang Panginoon ng mga taong tatanggap sa Kanyang ebanghelyo sa sarili Niyang paraan at panahon. Ang mga taong ito ay naghahanap, at kapag hinahangad nating matukoy sila, sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng pagsagot sa ating mga panalangin. Hihikayatin at gagabayan Niya ang mga nagnanais at taimtim na naghahangad ng patnubay kung paano, saan, kailan, at kanino ibabahagi ang ebanghelyo. (Dallin H. Oaks, “Sharing the Gospel,” Ensign, Nob. 2001, 8)

sister missionary

Itinuro pa ni Pangulong Nelson:

Ngayon, sa paglahok sa pagtipon ng Israel ay kakailanganin ang kaunting sakripisyo. Maaari nga na kailangan ninyong baguhin ang inyong buhay. Tiyak na kukunin nito ang ilan sa oras ninyo at lakas at mga talentong bigay ng Diyos sa inyo. Interesado ba kayo? …

… Ang pagtitipon ng Israel ay nangangahulugan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na hindi pa nakagagawa ng mga importanteng tipan sa Diyos o natatanggap ang mahahalagang ordenansa. …

… Ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.

… Ito ang misyon ninyo dito sa lupa. (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” 8; italiko sa orihinal)

icon, kumilos

Kumilos Ayon sa Natutuhan Mo

Ano ang gagawin mo sa mga darating na araw at linggo para mas aktibo kang makabahagi sa pagtitipon ng Israel?