Institute
Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon


“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon,” Materyal sa Paghahanda para sa Klase Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal sa Paghahanda para sa Klase Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagsunod sa mga Buhay na Propeta ng Panginoon

Si Pangulong Russell M. Nelson na nakikipagkamay sa isang kabataan

Isipin kung paano maiiba ang buhay mo kung wala ang impluwensya at mga turo ng mga buhay na propeta. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano ka lubos na magagabayan at mapagpapala sa iyong buhay sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.

Bahagi 1

Paano napagpapala ang buhay ko sa pagpiling sundin ang mga propeta ng Panginoon?

Noong araw na inorganisa ang Simbahan ni Jesucristo, ipinahayag ng Panginoon na si Propetang Joseph Smith ay “tatawaging tagakita, tagapagsalin, propeta, isang Apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan” (Doktrina at mga Tipan 21:1).

si Joseph Smith na nakatayo sa harap ng kongregasyon

Pagkatapos ay nagbigay ang Panginoon ng isang kautusan sa mga Banal tungkol sa pagsunod sa Kanyang propeta at inilarawan ang mga pagpapalang darating kapag ginawa nila ito.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6.

Nang sumunod na taon muling binigyang-diin ng Panginoon ang kaugnayan ng Kanyang tinig at ng tinig ng Kanyang mga propeta. Sa isang paghahayag na nagsilbing paunang salita sa Book of Commandments, na magiging Doktrina at mga Tipan kalaunan, muling itinuro ng Panginoon na “bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38).

Pinatotohanan ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipinapakita nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao. …

Sa pagsunod sa [mga propeta ng Panginoon], ang ating buhay ay magiging mas masaya at hindi masyadong komplikado, ang ating mga pagsubok at problema ay mas gagaan, at makakagawa tayo ng espirituwal na baluti sa paligid natin na poprotekta sa atin mula sa mga pagsalakay ng kalaban sa panahon natin ngayon. (Ulisses Soares, “Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 99)

young adult na nag-aaral ng mensahe sa kumperensya
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano napagpala ang iyong buhay sa pagsunod sa mga turo at mga payo ng mga propeta?

Bahagi 2

Paano ko matatanggap ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon nang buong “pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5)?

Kung minsan, maaaring mahirapan ka na tanggapin at sundin ang mga payo at mga turo ng mga propeta ng Panginoon. Maaaring mangyari ito kapag hindi mo lubos na nauunawaan kung bakit nila sinabi ang mga salitang iyon. O maaaring salungat ang kanilang mga turo sa popular na mga pananaw at mga gawain ng lipunan o sa iyong sariling personal na pananaw at mga tradisyon ng pamilya.

Ibinigay ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod na payo at pangako:

Huwag kayong mabibigla kung ang inyong mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga pagkakataon ng pagkatuto, ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod para manalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit. …

… Nalaman ko na kapag mapanalangin kong pinag-aralan ang mga salita ng propeta ng Panginoon at maingat at matiyaga kong espirituwal na iniayon ang aking kalooban sa kanyang mga turo, ang aking pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay palaging nadaragdagan. Kung pipiliin nating isantabi ang kanyang payo at sabihing mas nakaaalam tayo, hihina ang ating pananampalataya at magiging malabo ang ating walang hanggang pananaw. Ipinapangako ko na kung mananatili kayong di-natitinag sa pagsunod sa propeta, madaragdagan ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 26–27)

Itinuro ni Sister Carol F. McConkie, na naglingkod bilang unang tagapayo sa Young Women General Presidency:

Kapag ating pinakinggan, pinanindigan, at sinang-ayunan ang sinasabi ng propeta, ating pinatototohanan na tayo ay may pananampalataya na mapagpakumbabang sumunod sa kalooban, sa karunungan, at itinakdang panahon ng Panginoon.

Sinusunod natin ang salita ng propeta kahit ito ay tila hindi makatwiran, hindi angkop, at mahirap gawin. Sa mga pamantayan ng mundo, ang pagsunod sa propeta ay maaaring hindi gusto ng lahat, salungat sa pulitika, o hindi tanggap ng lipunan. Ngunit ang pagsunod sa propeta ay laging tama. …

Kapag pinakinggan natin ang mga salita ng mga propeta, itinatayo natin ang ating mga tahanan at ating buhay sa isang tiyak na saligan na walang hanggan, “sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos” [Helaman 5:12]. (Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77, 79)

ang Unang Panguluhan

Makatutulong ang sumusunod na halimbawa mula sa kasaysayan ng Simbahan para maipakita ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga salita ng mga buhay na propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya. Tinutukoy ang pangitain tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 76, sinabi ni Pangulong Brigham Young:

Nang ihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na may isang lugar na inihanda para sa lahat, alinsunod sa liwanag na kanilang tinanggap at sa kanilang pagtakwil sa masama at sa paggawa nila ng mabuti, ito ay naging isang malaking pagsubok sa marami, at ang iba ay lubusang tumalikod dahil hindi ipadadala ng Diyos sa walang katapusang kaparusahan ang mga pagano at mga sanggol, bagkus sila ay may [lugar] ng kaligtasan, sa akmang panahon, para sa lahat, at bibiyayaan ang tapat at mabuti at makatotohanan, kabilang man sila o hindi sa anumang simbahan. Isa [itong] bagong doktrina para sa salinlahing ito, at marami ang natisod dahil dito. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 326–27)

Si Brigham Young mismo ay nahirapang tanggapin ang doktrinang ito noong una. Sinabi niya: “Iba ito sa mga paniniwala ko, kaya nang una kong marinig ang tungkol sa Pangitaing ito, kabaligtaran at salungat ito sa aking dating natutuhan. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko tinatanggihan ito; ngunit hindi ko ito nauunawaan. … “[Kinailangan] kong mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip, hanggang sa lubos ko na itong nauunawaan sa aking sarili” (sa Journal of Discourses, 6:281).

icon, talakayin

Talakayin sa Iba at Maghandang Magbahagi sa Klase

Maaari mong ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan ang natutuhan mo tungkol sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya. Pagkatapos ay itanong, “Ano ang nakatulong sa iyo na sundin ang mga propeta ng Panginoon nang buong pagtitiis at pananampalataya?” Dumating sa klase na handang ibahagi ang natutuhan mo.

Bahagi 3

Ano ang papel na ginagampanan ng mga propeta sa pagtuturo sa akin ng totoong doktrina?

Sa naunang kasaysayan ng Simbahan, humingi si Joseph Smith ng tulong sa Panginoon hinggil sa mga miyembro ng Simbahan na nalinlang ng maling doktrina.

[Ilang buwan matapos maorganisa ang Simbahan,] nalaman [ni Joseph Smith] na si Hiram Page, isa sa Walong Saksi [ng Aklat ni Mormon] at isang teacher sa Aaronic Priesthood, ay nagsimulang maghanap ng mga paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng inaakala niyang isang bato ng tagakita. Maraming Banal … [ang] naniwala na ang mga paghahayag na ito ay mula sa Diyos.

Alam ni Joseph na nahaharap siya sa isang krisis. Ang mga paghahayag ni Hiram ay iginaya sa pananalita ng banal na kasulatan. Nagsasaad ang mga ito ng pagtatatag ng Sion at [ng] pag-organisa ng simbahan, ngunit kung minsan ay sinasalungat ng mga ito ang Bagong Tipan at ang mga katotohanang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph.

Hindi tiyak kung ano ang gagawin, magdamag na nanalangin si Joseph, humihingi ng patnubay. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 111)

Bilang tugon sa panalangin ni Joseph Smith, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28, kung saan nilinaw ang natatanging tungkulin ni Joseph bilang Propeta ng Simbahan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 28:2, 7.

Ipinahayag din ng Panginoon na ang mga bagay na isinulat ni Hiram Page ay hindi sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:11). Matapos ibigay ang paghahayag na ito, kaagad na “itinatwa ng mga Banal ang mga paghahayag ni Hiram at buong pagkakaisang sinang-ayunan si Joseph bilang tanging makatatanggap ng paghahayag para sa simbahan” (Mga Banal, 112–13).

Dahil ang mga buhay na propeta ng Panginoon ang may hawak ng mga susi sa pagtanggap ng paghahayag para sa Simbahan, mayroon din silang responsibilidad na magturo at maglinaw ng doktrina para sa mga miyembro ng Simbahan. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang pagbuo ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol. …

Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan. …

Paano inihahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang kalooban at doktrina sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Maaari Siyang magsugo o Siya mismo ang mangusap. Maaaring Siya mismo ang magsalita o sa pamamagitan ng tinig ng Banal na Espiritu … (tingnan sa 1 Nephi 17:45; Doktrina at mga Tipan 9:8). Maaari Siyang mangusap sa bawat isa sa Kanyang mga lingkod o sa lupon (tingnan sa 3 Nephi 27:1–8). …

… Dapat ding alalahanin na hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang isang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan. (D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 86–88)

Ipinaliwanag ni Elder Andersen na patuloy na itinuturo ang totoong doktrina ng mga pinili ng Panginoon, ang mga buhay na propeta:

Pinagdududahan ng ilan ang kanilang pananampalataya kapag nakakakita sila ng pahayag ng isang pinuno ng Simbahan noong araw na tila hindi tugma sa ating doktrina. May mahalagang alituntuning sumasaklaw sa doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe. Ang tunay na mga alituntunin ay itinuturo nang madalas at ng maraming tao. Ang ating doktrina ay hindi mahirap hanapin. (Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 41)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga pagpapala ang dumating sa iyong buhay nang sundin mo ang mga turo at payo ng mga propeta ng Panginoon sa ating panahon?