Ang Bago at Walang-Hanggang Tipan
Sa pag-unawa at pamumuhay natin ayon sa bago at walang-hanggang tipan, magmamana tayo ng buhay na walang hanggan.
Ang Layunin ng Buhay
Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.1 Ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ay naglalaan sa bawat isa ng pagkakataong tumanggap ng buhay na walang hanggan, na siyang uri ng pamumuhay ng Diyos.2 Wala nang mas dakilang kaloob kaysa rito.3 Ipinaliliwanag ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ang layunin ng buhay at, kung pipiliin natin, papatnubayan tayo sa ating pagpapasiya taglay ang walang-hanggang pananaw.
Ang plano at kahalagahan nito sa buhay na ito ay makapangyarihang ipinaliwanag sa isang artikulo sa Oktubre 2015 Liahona tungkol sa paksa ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.4 Bilang bahagi ng Kanyang plano, itinakda ng Ama ang bago at walang-hanggang tipan para makabalik ang Kanyang mga anak sa Kanyang piling at magmana ng buhay na walang hanggan.
Sa Kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Panginoon: “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan; …
“Nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay.”5
Ang tipang ito, na madalas tukuyin ng Panginoon bilang “bago at walang hanggang tipan,” ay sumasakop sa kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang lahat ng ordenansa at tipan na kailangan para sa kaligtasan ng sangkatauhan.6 Bagama’t ang pagtatakda ng Panginoon ng bago at walang-hanggang tipan sa lupa ay isang pangunahing layunin ng Panunumbalik, hindi nauunawaan ng ilang Banal sa mga Huling Araw ang kahalagahan ng tipan at ang pangakong mabubuting bagay na darating sa mga taong sumusunod dito. Layunin ng artikulong ito na tulungan ang bawat isa sa atin na mas maunawaan at maipamuhay ang bago at walang-hanggang tipan upang magmana tayo ng buhay na walang hanggan. Ipinaliliwanag din nito kung paano umaakma ang isa sa mga pinakamahalagang ordenansa at tipan ng ebanghelyo—ang walang-hanggang kasal—sa loob ng bago at walang-hanggang tipan ng ebanghelyo.
Ang Kahulugan at Layunin ng Bago at Walang-Hanggang Tipan
Ang isang tipan sa pakahulugan ng ebanghelyo ay isang usapan, isang kontrata, o isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao (o mga tao) na tumatanggap ng mga ordenansa ng priesthood na isinasagawa ng isang taong may awtoridad ng priesthood at sumasang-ayon na susunod sa mga tuntunin at kundisyon ng kaugnay na tipan. Ang mga tuntunin at kundisyong ito ay itinakda ng Diyos.7
Ang bago at walang hanggang tipan “ang kabuuan ng lahat ng tipan at obligasyon ng ebanghelyo”8 na ibinigay noong unang panahon9 at muling ibinalik sa lupa sa mga huling araw na ito. Ipinaliwanag ito sa Doktrina at mga Tipan 66:2: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, pinagpala ka sa pagtanggap mo sa aking walang hanggang tipan, maging ang kabuuan ng aking ebanghelyo, na ipinadala sa mga anak ng tao, upang sila ay magkaroon ng buhay at gawing kabahagi ng mga kaluwalhatiang ipahahayag sa mga huling araw, gaya ng isinulat ng mga propeta at apostol noong unang panahon.”10 Dahil naipanumbalik na ang tipan sa huling dispensasyon ng panahon, ito ay “bago,” at dahil laganap ito sa buong kawalang-hanggan,11 ito ay “walang hanggan.”
Sa mga banal na kasulatan binanggit ng Panginoon “ang” bago at walang-hanggang tipan at ang “isang” bago at walang-hanggang tipan. Halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 22:1, tinukoy Niya ang binyag bilang “isang bago at walang hanggang tipan, maging yaon na mula sa simula.” Sa Doktrina at mga Tipan 132:4, tinukoy rin Niya ang walang hanggang kasal bilang “isang bago at isang walang hanggang tipan.” Kapag binabanggit Niya ang “isang” bago at walang-hanggang tipan, tinutukoy Niya ang isa sa maraming tipan na nakapaloob sa Kanyang ebanghelyo.
Kapag binabanggit nang lahatan ng Panginoon “ang” bago at walang-hanggang tipan, tinutukoy Niya ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na sumasakop sa lahat ng ordenansa at tipang kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan. Hindi ang binyag ni ang walang-hanggang kasal “ang” bago at walang-hanggang tipan; bagkus, bawat isa sa mga ito ay bahagi ng kabuuan.
Ang mga Nagtitiis Hanggang Wakas sa Bago at Walang-Hanggang Tipan ay Tatanggap ng Buhay na Walang Hanggan
Dakila at walang-hanggang mga pagpapala ang ipinangako sa mga tumatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo na isinasagawa ng wastong awtoridad ng priesthood at ibinubuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako,12 at pagkatapos ay sumusunod sa mga sagradong tipan na may kaugnayan sa mga ordenansa. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang pagpapatawad sa mga kasalanan,13 ang kapangyarihan ng kabanalan,14 at ang patnubay ng Espiritu Santo,15 pati na ang mga patnubay, inspirasyon, kapanatagan, kapayapaan, pag-asa, at pagpapabanal na kaakibat ng kaloob na iyon.16
Ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala at kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan—na siyang ipinamumuhay ng Diyos!17 Ang kaloob na ito ay ibinibigay lamang sa mga taong tumatanggap ng lahat ng ordenansa ng ebanghelyo at sumusunod sa mga tipan na nakapaloob sa bago at walang-hanggang tipan.18 Sa mga salita ng Panginoon: “[Ang] bago at walang hanggang tipan … ay pinasimulan para sa kaganapan ng aking kaluwalhatian.”19 Tunay ngang ang mga pumapasok sa bago at walang-hanggang tipan at nagtitiis hanggang wakas ay “magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli … at magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, lahat ng taas at lalim.”20 Mariing ipinahayag ng Panginoon na “ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon[g ito], at sa [buo]ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig; at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, na ibinuklod sa kanilang mga ulo, kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan. Pagkatapos sila ay magiging mga diyos.”21
Bilang buod, ang mga pumapasok sa bago at walang-hanggang tipan at matapat na nagtitiis hanggang wakas ay (1) tatanggap ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos, (2) magtatamasa ng kapangyarihan ng kabanalan sa panahong ito at sa kawalang-hanggan,22 (3) dadakilain, (4) matatamasa ang walang-hanggang kasal at pag-unlad, at (5) magiging mga diyos. Kung pagsasama-samahin, ang mga pagpapalang ito ay hahantong sa kaloob na buhay na walang hanggan.
Kailangan Nating Sundin ang Bawat Tipan sa Loob ng Bago at Walang-Hanggang Tipan
Maliwanag na ipinahayag ng Panginoon na tinatanggap lang natin ang makalangit na mga pagpapalang ito kapag sinusunod natin ang Kanyang mga batas na nakatakda sa bago at walang-hanggang tipan: “[Ang] bago at walang hanggang tipan … ay pinasimulan para sa kaganapan ng aking kaluwalhatian; at siya na tumatanggap ng kaganapan nito ay kailangan at dapat na sumunod sa batas, o siya ay mapapahamak, wika ng Panginoong Diyos.”23 Ipinahayag din Niya, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.”24 Sa bahagi ring iyon ng Doktrina at mga Tipan, inulit ng Panginoon ang bagay na ito: “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.”25
Ang tuwirang utos na kailangan nating sundin ang mga batas ng Diyos upang matanggap ang kaluwalhatiang alok Niya sa matatapat ay angkop sa lahat ng ordenansa at tipang nakapaloob sa bago at walang-hanggang tipan. Halimbawa, kung hindi ako tumanggap ng ordenansa at sumunod sa tipan ng binyag, ako ay mapapahamak, ibig sabihin ay hindi ako maaaring umunlad—hindi ko maaaring manahin ang kaganapan ng Kanyang kaluwalhatian. Gayundin kung hindi ako tumanggap ng mga ordenansa sa templo at sumunod sa kaugnay na mga tipan o, tunay ngang kung tumanggi akong tanggapin ang alinman sa mga ordenansa ng ebanghelyo o kung tumanggi akong sundin ang alinman sa kaugnay na mga tipan, hindi ako dadakilain. Sa halip, ako ay mapapahamak, ibig sabihin ay matitigil ang aking paglago. Sa madaling salita, kailangan kong matanggap ang bawat ordenansa ng ebanghelyo at sundin ang bawat kaugnay na tipan kung nais kong magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang mga kundisyon ng mga tipan na sinang-ayunan nating mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ay maaaring igrupo sa apat na kategorya: (1) taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas, lagi Siyang alalahanin, at sundan ang Kanyang halimbawa; (2) sundin ang lahat ng Kanyang kautusan; (3) maging handang paglingkuran ang mga anak ng Diyos bilang bahagi ng Kanyang gawain ng kaligtasan, kahit personal tayong magsakripisyo; at (4) ilaan ang ating sarili at ang ating kabuhayan sa gawain ng Panginoon.
Ayon sa batas ng Diyos, ang ebanghelyo (at ang mga kaluwalhatiang alok nito) ay natatanggap sa pamamagitan ng nakatakdang mga ordenansang pinangangasiwaan ng awtoridad ng priesthood. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood naipapakita ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay—ngunit ayon lamang sa pagtupad natin sa kaugnay na mga tipan. Ang tipan ay nagpapasigla, o nagbibigay-buhay, sa ordenansa, tulad ng pagpapaandar ng makina ng isang sasakyan at paghahatid sa mga sakay nito sa iba’t ibang lugar. Sa madaling salita, basta tinutupad natin nang taimtim at tapat ang mga tipang nauugnay sa mga ordenansang tinatanggap natin, lalago ang ating kaalaman tungkol sa Diyos at mararanasan natin ang “kapangyarihan ng kabanalan”26 dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.27
Ang Lugar ng Kasal sa Bago at Walang-Hanggang Tipan
Sa Doktrina at mga Tipan 132:4, sinabi ng Panginoon na maghahayag Siya ng “isang” bago at walang-hanggang tipan at idinagdag na, “Kung ikaw ay hindi tutupad sa tipang iyon, kung gayon ikaw ay mapapahamak; sapagkat walang sinuman ang makatatanggi sa tipang ito at mapahihintulutang pumasok sa aking kaluwalhatian.” Ang mga salitang ito ay tumutukoy sa tipan ng walang-hanggang kasal28 na isinasagawa ng wastong awtoridad ng priesthood,29 na siyang sentro at mahalagang bahagi “ng” bago at walang-hanggang tipan (ang kabuuan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo).30 Binigyang-diin ng Panginoon ang malaking kahalagahan ng tipan ng walang-hanggang kasal sa pagsasabi sa atin na ang mga tumatanggi sa tipang ito ay hindi tatanggap ng buhay na walang hanggan.31
May ilang tao, kabilang na ang ilang miyembro ng Simbahan, na mali ang pakahulugan sa Doktrina at mga Tipan 132:4 na ang pag-aasawa ng mahigit sa isa ay kailangan para sa kadakilaan, na naghihikayat sa kanila na maniwalang ang pag-aasawa ng mahigit sa isa ay kailangan para sa kadakilaan sa walang-hanggang kaharian. Gayunman, hindi ito pinagtibay sa mga paghahayag. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131 at 132, pinasimulan ng Panginoon ang batas ng walang-hanggang kasal sa malinaw na pagtukoy sa pagbubuklod ng isang lalaki at isang babae (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:4–7, 15–25). Sa pagtatakda ng batas ng walang-hanggang kasal sa konteksto ng pagpapakasal sa iisang tao, nilinaw ng Panginoon na ang mga pagpapala ng kadakilaan, na ibinibigay sa bawat lalaki at bawat babaeng pumapasok nang marapat sa tipan ng walang-hanggang kasal na isinasagawa ng wastong awtoridad ng priesthood, ay walang kinalaman sa pagpapakasal sa mahigit sa isa o sa iisang tao lamang.32
Nilinaw sa Doktrina at mga Tipan 132:19 na ang buhay na walang hanggan ay ipinangako sa isang mag-asawang parehong walang ibang asawa na ibinuklod ng awtoridad ng priesthood at sumusunod sa tipan—nang wala ng iba pang kundisyon o kailangang gawin. Sinumang lalaki at babae na ibinuklod sa ganitong paraan at sumusunod sa tipan ay dadakilain.33 Ang ginawa sa Simbahan noong unang panahon ay naaayon sa doktrina ng walang-hanggang kasal ayon sa ipinaliwanag dito.34 Kabilang sa ordenansang nagbubuklod sa mga mag-asawa para sa kawalang-hanggan ang katulad na mga tipan at pagpapala sa mga mag-asawang walang ibang asawa at para sa awtorisadong pagpapakasal sa mahigit sa isa na isinagawa noong araw. Ang mga tipan at pagpapala ring ito ay makukuha sa kabilang-buhay ng matatapat na hindi nagkaroon ng pagkakataong mabuklod sa buhay na ito.35
Matapos ihayag ang batas at tipan ng walang-hanggang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith na ang isang butihing lalaki ay maaaring makasal sa mahigit sa isang babae sa loob ng tipan ng walang-hanggang kasal kapag pinahintulutan o inutusan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang inorden na propeta (na mayhawak ng kaugnay na mga susi ng priesthood).36 Ang pahintulot at utos na magpakasal sa marami, na ibinigay ng Panginoon kay Abraham at sa iba pang mga propeta noong unang panahon,37 ay ibinigay rin kay Propetang Joseph Smith: “Aking ibinibigay sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, ang isang pagtatalaga, at panumbalikin ang lahat ng bagay.”38
Pagkaraan ng ilang taon, pinawalang-bisa ng Panginoon ang Kanyang pahintulot at utos sa mga miyembro ng Simbahan na magpakasal sa marami (sa madaling salita, mabuklod sa mahigit sa isang buhay na asawa) nang ilabas ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ang Pahayag ng 1890.39 Ito ay humantong sa pagwawakas ng pagpapakasal sa marami, na ibig sabihin ay walang miyembro ng Simbahan ang maaaring ikasal o ibuklod sa mahigit sa isang buhay na asawa. Kapansin-pansin na hindi hinahadlangan ng Pahayag ang sinumang karapat-dapat na lalaking nabuklod sa isang pumanaw nang asawa na mabuklod sa isa pang buhay na asawa. Ang nabanggit na ito ay naaayon sa inihayag na doktrina na ang pagpapakasal sa iisang asawa ang pamantayan ng Panginoon sa kasal maliban kung iba ang ipahayag at ipahintulot Niya sa pamamagitan ng hinirang Niyang kinatawan, ibig sabihin ay ang Pangulo at propeta ng Simbahan.40
Para sa Unang Panguluhan at bilang sagot sa tanong na “Mahalaga ba ang magpakasal sa marami o ang selestiyal na kasal sa kaganapan ng kaluwalhatian sa daigdig na darating?” Isinulat ni President Charles W. Penrose (1832–1925): “Ang selestiyal na kasal ay mahalaga sa kaganapan ng kaluwalhatian sa daigdig na darating, tulad ng ipinaliwanag sa paghahayag hinggil dito; ngunit hindi isinaad na mahalaga rin ang magpakasal sa marami.”41
Noong 1933 ipinahayag ng Unang Panguluhan: “Ang selestiyal na kasal—ibig sabihin, ang kasal para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan—at ang poligamya o pagpapakasal sa marami ay hindi pareho ang kahulugan. Ang mga pagpapakasal sa iisang tao para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, na idinaraos sa ating mga templo alinsunod sa salita ng Panginoon at sa mga batas ng Simbahan, ay mga Selestiyal na kasal.”42
Ayon sa mga pahayag na ito, isinulat ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapakasal sa marami ay hindi kailangang-kailangan sa kaligtasan o kadakilaan. Ipinagkait kay Nephi at sa kanyang mga tao ang kapangyarihang magkaroon ng mahigit sa isang asawa subalit maaari nilang makamtan ang lahat ng pagpapala sa kawalang-hanggan na iniaalok ng Panginoon sa sinumang tao. Sa ating panahon, ibinuod ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ang buong doktrina ng kadakilaan at isinalalay ito sa pagpapakasal ng isang lalaki sa isang babae. (D at T 132:1–28.) Pagkatapos noon idinagdag niya ang mga alituntunin tungkol sa pagkakaroon ng maraming asawa sa malinaw na kundisyon na anumang gayong kasal ay may bisa lamang kung pinahintulutan ng Pangulo ng Simbahan. (D at T 132:7, 29–66.)”43
Ngayon, ayon sa tagubilin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta, wala nang plural marriage o pagpapakasal sa marami sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang mga taong gumagawa nito ay hindi tinutulutang sumapi sa Simbahan o manatiling mga miyembro nito. Pinagtitibay ng Simbahan na monogamya ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa maliban kung iba rito ang ipahintulot o ipag-utos Niya sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Hindi itinuturo ng Simbahan na kailangang magpakasal sa marami para sa kadakilaan.
Katapusan
Marami tayong hindi alam tungkol sa kabilang-buhay; gayunman, alam natin na ang pagtanggap at pagsunod sa bago at walang-hanggang tipan ay kailangan upang magmana ng buhay na walang hanggan. Alam din natin na para dito, “yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito”—sa buhay na ito—“ang iiral sa atin doon”—sa kabilang-buhay—“lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian.”44
Ang makalangit na mga pagpapala na makakamtan sa pamamagitan ng bago at walang-hanggang tipan ay mahalaga sa dakilang layunin ng plano ng Ama at sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw na ito. Ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa”45 na binibigyang-inspirasyon ng maluwalhating tipang ito sa matatapat ay naglalaan ng “isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.”46 Para sa lahat ng sumusunod sa mga kundisyon ng bago at walang-hanggang tipan, ang gantimpala ay kagalakan at kapayapaan sa mundong ito at buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay.47