2015
Isang Regalong Nagpapabago ng Buhay sa Thrift Store
Disyembre 2015


Isang Regalong Nagpapabago ng Buhay sa Thrift Store

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Wala akong gaanong pera para ibili ng regalo ang aking amain, kaya bago kami nag-shopping, nagdasal ako.

illustration of a boy and a store clerk at a cash register

Paglalarawan ni J. Beth Jepson

Isang taon kaming walang gaanong pera para sa Pasko, kaya humingi ako ng tulong sa panalangin para maibili ko ng regalo ang aking amain na si Adrian (na tinatawag namin ng ate ko na Weegee). May dalawang dolyar lang kaming magkapatid para ipambili ng mga regalo.

Nang sabihin ni Inay na pupunta kami sa kalapit na thrift store para bumili ng mga regalo para sa Pasko, tumakbo ako sa kuwarto ko at humingi ng tulong sa panalangin: “Tulungan po sana Ninyo kaming makahanap ng regalo sa halagang dalawang dolyar.”

Sa tindahan tiningnan namin ni Elaina ang mga aklat at nakakita kami ng triple combination na mukhang bago pa. Tuwang-tuwa kami nang makita namin ito. Mahigpit ko itong hinawakan habang tumatakbo kami sa pasilyo papunta kay Inay. Nagtatalon kami at sabay na nagsabing, “Nakakita na kami ng regalo para kay Weegee!” Tinanong ni Inay ang kahera, “Magkano ito?” Sagot ng babae, “Dalawang dolyar po.” Nasagot ang panalangin ko.

Sa panahong iyon hindi miyembro ang aming amain. Ayaw niya sa mga Mormon, ayaw niyang maniwala sa “Aklat ni Mormon,” at ayaw niyang sinusundo kami ng mga miyembro para sa mga aktibidad ng Young Men at Young Women. Itinataboy pa niya ang mga Elder. Pero hindi sumuko sa kanya ang mga miyembro at missionary ng ward.

Sa araw ng Pasko huli naming ibinigay ang regalo namin sa kanya. Sabi namin ni Elaina, “Ito po ang pinakamagandang regalong maibibigay sa inyo ninuman! Pasasayahin kayo nito.” Ilang beses itong hinulaan ni Weegee, at pinagtawanan namin ang mga sagot niya. Sabi namin sa kanya, “Kamangha-mangha ang regalong ito! Babaguhin nito ang buhay ninyo. Binago nito ang buhay namin.”

Nag-alala si Inay na baka magalit siya sa regalo namin sa kanya, pero alam namin ni Elaina na iyon ang tamang gawin.

Nang buksan niya ito, pinasalamatan niya kami sa regalo at sinabing babasahin niya ito.

Dahil mahal namin si Weegee, gusto naming malaman niya ang tungkol kay Jesucristo at ang regalo Niyang Pagbabayad-sala. Gusto naming maniwala siya tulad namin, manalangin siya at magsisi, at tanggapin niya ang ebanghelyo sa kanyang buhay.

Binasa niya at ipinagdasal ang Aklat ni Mormon, at sa tulong ng mga elder at miyembro ng ward, nabinyagan siya at miyembro na ngayon ng Simbahan. Napakasaya namin na mabuklod sa templo, at alam namin na magsasama-sama kami magpakailanman bilang pamilya.