2015
Tamang Pagtatanong sa Tamang Paraan
Disyembre 2015


Tamang Pagtatanong sa Tamang Paraan

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Ang malaman kung paano maghanda, gumawa, magtanong, at sumagot ng mga tanong ay malaking tulong sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo.

People standing in the shape of a question mark.

Imaheng gawa ng Digitalstorm/iStock/Thinkstock

Napakaraming bagay na maaaring gamitin sa paggawa ng magandang lesson o makabuluhang pag-uusap ng pamilya. Ang mga aktibidad, tahimik na pag-aaral, at paghahanda kasama ang isang grupo ay ilan sa mga paraan na magagamit ng mga guro ng ebanghelyo—sila man ay may pormal na tungkuling magturo, mga boluntaryong guro sa seminary o institute teacher, o mga magulang—para mapaganda pa ang kanilang pagtuturo.

Pero kabilang sa dalawa o tatlong nangungunang kasanayan na dapat taglayin ng lahat ng guro ay ang mahusay na paggamit ng mga tanong: paggawa ng mga tanong, aktwal na pagtatanong, at paghikayat na makatanggap ng mga makabuluhang sagot. Sabi ni Pangulong Henry B Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang magtanong at sumagot ng mga tanong ay mahalagang alituntunin sa pag-aaral at pagtuturo.”1 Upang maging mahusay na guro, mahalagang taglayin ang ganitong kasanayan. Narito ang limang mungkahi para gawin iyan.

Hangaring Makuha ang Pinakamagagandang Sagot

Ang maupo sa isang klase bilang mag-aaral at makarinig ng magagandang tanong ay nagpapaalala sa atin ng bisa ng mahusay na pagtuturo. Ngunit ang paggawa at pagbibigay ng mabibisang tanong ay kailangang pag-isipang mabuti at tila mahirap para sa maraming guro. Mabuti na lang, ito ay kasanayang maaaring matutuhan ng guro.

Kapag gumawa kayo ng mga tanong, sikaping tukuyin kung anong uri ng sagot ang makukuha ng tanong. May mga tanong na humihingi ng partikular na sagot—sagot na talagang tugma sa itinanong. Ang gayong mga tanong ay angkop sa klase sa matematika (“Ano ang area ng kuwadradong ito?”) o sa klase ng siyensya (“Sa anong temperatura kumukulo ang tubig?”) dahil iisa lang ang natuklasan at napatunayang sagot. Makakatulong din ang mga ito sa pag-aaral ng ebanghelyo bilang paraan ng paglalahad ng impormasyon para mapasimulan ang talakayan ngunit hindi ito gaanong nagpapalawig ng talakayan. Sa pangkalahatan, gayunman, ang gayong uri ng mga tanong ang madalas na ginagamit dahil mas madali itong ihanda.

Itinatanong natin halimbawa ang, “Ano ang huling pinag-aralan natin?” o “Sabihin ninyo sa akin ang pangalan ng …” Ang mga tanong na ito ay kadalasang nagiging dahilan ng hindi pagsagot ng mga tinuturuan ninyo. Sa palagay nila alam nila ang sagot nila pero hindi sila sigurado kaya natatakot silang magbakasakali. Madalas iniisip ng guro na kaya walang sumasagot ay dahil napakahirap ng tanong, pero ang totoo napakasimple ng tanong kaya hindi na ito pinag-iisipan pa ng mga mag-aaral at kayang sagutin nang mabilisan.

Upang makahikayat ng talakayan, ang mas makakatulong na tanong ay yaong makakakuha ng iba-iba at pinag-isipang mga sagot. Kapag ganitong uri ng tanong ang ibinibigay ninyo, malalaman ninyo kung ano ang iniisip ng mga tinatanong ninyo tungkol sa paksa at kung ano ang nakakagulo sa isip nila habang nagtatalakayan kayo. Halimbawa, ang Moroni kabanata 1 ay naglalaman ng apat na talata, bawat isa rito ay puno ng masidhing damdamin. Ano ang mangyayari kung babasahin ninyo ang lahat ng apat na talata sa mga tinuturuan ninyo at pagkatapos ay magtatanong ng, “Alin sa mga talatang ito ang nakaantig nang lubos sa damdamin ninyo?” Bigyan sila ng isang minuto bago makapagsalita. Dahil hindi kayo humihingi ng partikular na sagot, halos lahat ng sasabihin nila ay katanggap-tanggap. Ginamitan ko ang mismong kabanatang iyan ng tanong na iyan at nakatanggap ako ng kahanga-hangang mga sagot na nagpalalim ng mga talakayan.

Ang gayong uri ng mga tanong ang nagpapaisip at nagpapadama kumpara sa mga tanong na kailangan lang alalahanin ang isang bagay o maglahad ng impormasyon. Mahalaga namang alalahanin ang impormasyon sa ilang pagkakataon o sitwasyon, ngunit maraming paraan na masasabi ng guro ang mga dapat alalahanin, tulad ng “Naaalala ninyo na pinag-usapan natin noong nakaraan ang Moroni 1 at kung paano nakapaloob sa bawat talata ang ilang nakakaantig na mga aral … .” Sa pagsabi lamang niyan, mapupukaw na ang isipan, at mas malamang na makilahok ang mga mag-aaral at magpatuloy sa talakayan. Gayunman, kung sasabihin kong, “Ano ang napag-usapan noong nakaraan?” Ang karaniwang itutugon lang sa akin ay katahimikan at pagkibit ng balikat.

Ibigay ang Pangalawang Tanong

Dominoes arranged in the shape of a question mark.  A finger is about to push over the first domino.

Mga imaheng gawa ng © iStock/Thinkstock

Ang karaniwang tanong na ginagamit ng guro ng ebanghelyo ay may pagkakatulad dito: “Kung gayon, gaano kahalaga ang pananampalataya sa buhay ninyo?” Sa una ay parang lubhang makabuluhang tanong iyan, ngunit kung pag-iisipan ninyo ito, iisa lang naman ang sagot: “Napakahalaga.” Siyempre, ang pananampalataya (at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo) ay napakahalaga, ngunit karaniwang walang kapupuntahan ang ganyang klaseng tanong dahil kailangan pa ninyong sundan ito ng isa pang tanong, na gaya ng: “Bakit napakahalaga nito?” o “Maaari mo ba kaming bigyan ng halimbawa kung kailan ito naging mahalaga sa buhay mo?” Ang ganyang mga tanong ay makapagsisimula ng talakayan sa klase, kaya ang mga iyon na kaagad ang itanong at huwag nang itanong ang una. Ang pagbibigay ng pangalawang tanong ay makapagtitipid ng oras at magpapaganda ng talakayan.

Isulat ang Inyong Tanong sa Simula pa lang

Napakalahagang gawin ninyo ang dalawang bagay habang naghahanda kayo ng aralin. Una, isulat ang mga tanong sa papel. Huwag lamang itong isipin; isulat ito. Piliing mabuti ang mga salita at basahin ito nang ilang beses para matiyak na naipaparating nito ang gusto ninyong itanong sa malinaw na paraan.

Ikalawa, tanungin ang inyong sarili, ano ang gagawin ng mga tinuturuan ko kapag ibinigay ko ang tanong na iyan? May mga pagkakataon na inakala ko na talagang maganda na ang naisulat kong tanong, pero nang sabihin ko ito nang malakas, at inilarawan sa isipan ko ang klase ko, alam ko na hindi maganda ang kalalabasan nito. Maaaring maganda ang epekto nito sa ibang klase, pero sa klase ko alam kong hindi ito epektibo, kaya bumalik ako sa simula. Alam ko na kung may dalawa o tatlong tanong ako na talagang pinag-isipan at isinulat sa aking lesson plan, makapagsisimula ako ng talakayan. Kusa nang susunod ang iba pang mga tanong, ngunit kailangan kong simulan sa magandang tanong.

Ang ganitong pamamaraan ay epektibo rin sa tahanan. Sa pamilya namin tila marami kaming biglang napag-uusapan tungkol sa ebanghelyo kapag may mga naiisip kaming itanong at isagot, ngunit may mga pagkakataon na kailangang sabihin nang mas tuwiran at seryoso ang isang bagay sa isa sa mga anak namin. Sa mga pagkakataong iyon nalaman ko na kung ako ay naghanda ng partikular na mga tanong, pinapraktis kung paano ko itatanong ang mga ito, at pinag-aralan kung ano ang maaaring kalabasan, mas nagiging maayos ang mga bagay-bagay Ang mga tanong ay hindi nakasulat sa papel; nakasulat ito sa aking puso, at magagamit ko kung kailangan.

Huwag Matakot sa Katahimikan

Illustration depicting a pencil drawing a speech bubble.

Mga imaheng gawa ng © iStock/Thinkstock

Kung nakagawa kayo ng talagang magandang tanong, na pag-iisipan at makakakuha ng iba’t ibang sagot, huwag kayong magtaka kung bakit kakailanganin ng ilang sandali bago makaisip ng isasagot ang mga tao. Maaaring tahimik ang lahat, ngunit huwag kayong mag-alala. Ang mabababaw na mga tanong—mga tanong na kailangan lang ng kaukulang mga sagot (hal., “Ilan ang Saligan ng Pananampalataya?”)—ay mabilis sagutin. Ang malalalim na mga tanong—yaong mga nangangailangan ng pagtugon—ay kadalasang kailangang matagal na pag-isipan ng isang mag-aaral. Sa ganitong sitwasyon, makakatulong sa inyo ang katahimikan. Hayaang mangyari ito, at kapag nagsimula nang sumagot ang mga tinuturuan ninyo, magugulat na lang kayo sa mga naisip nilang sagot.

Magtanong tungkol sa mga Banal na Kasulatan

Kung talagang gusto ninyong mapahusay ang inyong kakayahang gumawa at magtanong nang mahusay, kailangan ninyong matutuhang magbigay ng magagandang tanong tungkol sa mga banal na kasulatan sa oras ng inyong pag-aaral atpaghahanda.

Isang paraan sa pagbabasa ng banal na kasulatan ay gawin ito para makatanggap ng inspirasyon. Nagbabasa tayo ng mga kabanata at talata para madama ang kagandahan ng nilalaman nito at maturuan sa doktrina at katotohanan. Ang ibang pamamaraan, na mas nakakatulong sa mga magulang o mga guro na naghahanda ng mga aralin, ay ang basahin ang mga banal na kasulatan at maghanap ng maitatanong mula sa mga banal na kasulatan. Ginagawa ko ito upang pukawin ang isipan habang sinisikap kong magpasiya kung paano pinakamainam na maipaunawa sa mga tinuturuan ko ang mga banal na kasulatan. Narito ang isang halimbawa: ang Doktrina at mga Tipan 18:10 ay naglalaman ng isang parirala na maraming nakakaalam at nagpapagaan ng ating mga damdamin, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.” Gustung-gusto ko ang kaisipang iyon, pero kung ito ay isang inspirasyon lang sa akin, hindi ito ganoong kapaki-pakinabang sa klase.

Ano kaya kung pagnilayan ko ang tanong na ito habang nag-aaral at naghahanda: “Ano kung gayon ang kahalagahan ng isang kaluluwa? Alam kong ito ay dakila, pero maaari ba nating lagyan ng halaga ito?” Isang gabi habang kumakain kami itinanong ng isa sa mga anak ko ang mismong tanong na iyon, at bunga nito marami kaming napag-usapan. Dito kami nagtapos: Ang halaga ng isang kaluluwa ay ang handang isakripisyo ng isang tao para dito, at ano ang isinakripisyo ng ating Ama para sa ating mga kaluluwa? Isinakripisyo Niya ang buhay ng Kanyang sakdal na Anak. Dahil dito ang bawat kaluluwa ay nagkaroon ng halagang hindi kayang mailarawan. Hindi sana namin nakamit ang gayong pang-unawa kung hindi kami nagtanong tungkol sa mismong talatang iyon.

Ang pag-uusap na iyon sa hapunan ay madaling iangkop sa iba pa nating pagtuturo. Kung gusto ninyong makapagbigay ng mas magagandang tanong tungkol sa mga banal na kasulatan, magtanong tungkol sa mga banal na kasulatan habang nagbabasa at nag-aaral at naghahanda kayo. Maging mausisa at huwag matakot na magsaliksik ng sagot. Ang banal na kasulatan ay mananatiling totoo kahit masusing siyasatin ito. Kapag napahusay ninyo ang pagtatanong tungkol sa mga banal na kasulatan habang nag-aaral kayo, mas mahusay kayong makapagtatanong tungkol dito sa mga tinuturuan ninyo.

Paghusayin ang Kakayahan Ninyong Magturo

Likas na sa atin ang hangaan angmagagaling na guro at isipin na isinilang na talaga silang ganoon. Tila pinagkalooban sila ng talento na napakahirap matamo ng isang karaniwang tao. Mangyari pa, ang kakayahang magturo ay isa sa mga kaloob ng Espiritu (tingnan sa Moroni 10:9–10), kaya maaaring ang ilan sa mga kasanayang nakikita ninyo ay kaloob mula sa langit—subalit ito ay isang kaloob na bukas sa lahat ng naghahangad nito. Halos lahat ng ginagawa ng magagaling na guro ay maaari din ninyong makuha sa pag-aaral at pagpaparaktis. Ang matutong magtanong nang epektibo ay isang kasanayan. Kapag mapanalangin ninyong hinangad na makayang gawin iyon, makikita ninyo na malaking tulong ang makagawa ng mga tanong na magpapaisip sa mga tinuturuan ninyo, at ang kakayahan ninyong gawin iyon ay mag-iibayo.

Tala

  1. Henry B. Eyring, “The Lord Will Multiply the Harvest” (satellite broadcast address para sa mga tagapagturo ng relihiyon sa Church Educational System, Peb. 6, 1998), 5–6.