2015
Napaagang Pag-uwi mula sa Misyon
Disyembre 2015


Napaagang Pag-uwi mula sa Misyon

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang pumasok ako sa missionary training center hindi ko inakala na maiiba sa inaasahan ko ang misyon ko.

Women walking along a dirt road.  She is carrying a suitcase and umbrella

Paglalarawan ng Massonstock/iStock/Thinkstock

Ang pagtanggap ng mission call ay isa sa mga pinakamaganda at maligayang sandali ng buhay ko. Maraming beses ko nang inisip ang pagmimisyon mula nang magkaroon ako ng patotoo sa ebanghelyo sa edad na 18. Naaalala ko na noong matanggap ko ang tawag na maglingkod sa Taiwan Taichung Mission, alam ko na tama ito, at sabik na akong makapaglingkod.

Binasa ko ang aking mga banal na kasulatan araw-araw, dumalo sa aking missionary at temple preparation class, at binalak pang matuto ng Mandarin Chinese sa sariling sikap. Bilang solong anak sa pamilya, alam ko na ang pagmimisyon ko ay magdudulot ng karangalan hindi lang sa aking sarili kundi pati sa aking mga magulang at sa aking Ama sa Langit. Pagpasok ko sa missionary training center (MTC), wala akong naramdamang magiging problema sa susunod na 18 buwan. Sabik ako sa lahat ng mangyayari tulad ng pagsaksi sa mga pagbibinyag at pagkain ng lutong Taiwanese na madalas kong marinig na pinag-uusapan. Nang pumasok ako sa MTC hindi ko inakala na maiiba sa inaasahan ko ang misyon ko.

Pagkakasakit

Noong mga apat na buwan na ako sa misyon, nagsimula akong makaramdam ng sakit—hindi lamang sa tuwing nagbibisikleta ako o nag-eehersisyo sa umaga kundi kahit natutulog o nag-aaral mag-isa. Mabilis na bumaba ang timbang ko. Kahit pag-inom lang ng tubig ay nagpapasama na ng pakiramdam ko. Hindi masuri ng mga doktor kung ano ang problema. Wala akong mga parasite o virus sa katawan. Ipinagtaka namin ng mission president ko at ng kompanyon ko ang patuloy na paghina ng aking kalusugan.

Nang sumunod na buwan, malakas pa rin ang pananampalataya ko na ikinagulat ko mismo. May nadarama mang lungkot, tiwala pa rin ako na kung patuloy akong magsisipag, magbibisikleta nang mas mabilis, at kakausapin ang lahat ng makita ko kahit sa baluktot na pagsasalita ng Chinese, ay mahimala akong pagagalingin ng Diyos. Naniwala ako sa mga kuwento tungkol sa pagpapagaling ng maysakit at pagbuhay ng patay ni Cristo, at buong puso akong naniwala na gagawin din Niya iyon para sa akin—na isang sakitin ngunit masigasig na missionary. Isang araw ng Linggo habang nagbibisikleta kami ng kompanyon ko papunta sa meetinghouse ng Simbahan para makipagkita sa isang investigator, hindi ko na nakayanan ang sakit at panginginig ng aking katawan. Nang makarating kami sa meetinghouse, humingi ako ng basbas sa mga elder, na nakatulong sa akin. Sa pagdaan ng mga araw, naging mas madalas ang mga paghingi ng basbas ng priesthood at ang mga dalangin na mapagaling.

Pinakamalungkot na araw iyon sa misyon ko nang magising ako isang umaga sa napakainit na panahon ng Taiwan at matuklasang hindi ko kayang ibangon ang sarili ko mula sa higaan. Nang sandaling iyon dama ko na hindi na magtatagal ang pagiging missionary ko. Binisita ako ng aking mission president, at nag-usap kami. Pinag-usapan namin ang lahat ng mga posibilidad, at matapos ang maraming panalangin at pagluha, pinagtibay ng Espiritu na kailangan kong umuwi at magpagaling.

Napaagang Pag-uwi

Sa halip na umuwi at salubungin ng mga lobo at pagbati ng “Welcome Home,” sinalubong ako ng nababagabag na mga magulang pagkababa ko sa eroplano at kaagad akong dinala sa emergency room ng ospital. Nagsimula ang maraming buwan ng pagsusuri, ngunit walang makitang karamdaman sa akin ang mga doktor. Bukod pa rito, ang mga taong nagmamalasakit sa akin ay nagtatanong ng, “Kailan ka babalik sa misyon?” “Hindi ka na ba babalik?” “Siguro dapat mag-asawa ka na.” “Siguro mas mabuti pang hindi ka na lang nagmisyon.”

Nakaramdam ako ng hiya at pag-aalinlangan. Karapat-dapat ba ako sa pagmamahal ng Diyos? Bakit nangyayari ito gayong masigasig naman akong naglingkod? Hindi ba ako mabuting missionary? Pinapakinggan ba ako ng Diyos? Matatanggap ba ng mga kaibigan ko na parang “may pagkukulang” sa aking misyon?

Nang sumunod na anim na buwan, nahirapan akong panatilihing malakas ang aking patotoo, na ikinabagabag ng konsensya ko. Inisip ko kung ako ba ay nahulog mula sa biyaya at kung talagang mahal ako ng Ama sa Langit. Kahit unti-unti nang bumubuti ang pakiramdam ko, hindi ko na maibalik ang siglang taglay ko noong bago ako magmisyon. At hanggang sa sandaling iyon ay wala pa rin akong ganang magpatuloy sa buhay.

Pagkatapos, isang gabi ay nagkausap kami ng kaibigan ko. Naranasan din niya ang sakit at lungkot ng mapaaga ng pag-uwi mula sa misyon dahil sa karamdaman at sinisikap niyang muling makabalik sa misyon. Naalala ko na ang gabing iyon ang unang pagkakataon sa loob ng anim na buwan na nakadama ako ng tunay na kapayapaan. Ang tinig ng Espiritu ay bumulong sa akin, “Kailangan mong bumalik.” Nakahinga ako nang maluwag dahil nalaman ko na kung anong direksyon ang patutunguhan ko. Nakipagkita ako sa aking bishop kinabukasan. Pagkatapos ay sumulat ako sa Missionary Department para taimtim na itanong kung maaari pa akong bumalik sa misyon. Pinagbigyan nila ang kahilingan ko, at pagkaraan ng isang buwan ay suot ko na muli ang aking name tag.

Gayunman, pagkaraan ng anim na buwan, naramdaman ko na naman ang dati kong sakit. Natatandaan kong nakahiga ako sa kama ng isang ospital, nagdedeliryo dahil sa dami ng pagsusuri at itinusok na gamot sa akin. Hindi ako makapaniwala sa nangyayaring ito. Sa pagkakataong ito alam kong iyon na ang katapusan ng misyon ko. Habang lumuluha sa lungkot at panghihinayang, pinakinggan ko ang sinabi ng aking matalinong mission president: “Sister Romanello, lubus-lubos ang pagmamahal mo sa Panginoon, dahil bumalik ka.” Napanatag ako sa mga sinabi niya. Habang sakay ng eroplano pauwi, sa pagkakataong ito ay nangako ako sa aking Ama sa Langit na mananatili akong tapat kahit hindi ako nakatanggap ng sagot.

Napagaling ng Pagbabayad-sala ni Cristo

Photo of a woman standing in a field.  She is looking upward and holding an umbrella.

Mahigit dalawang taon na ngayon mula nang makauwi ako. Maysakit pa rin ako, at hindi na nabalik ang dating lakas at sigla na taglay ko bago ako magmisyon. Hindi kailanman nalaman ng mga doktor ang sakit ko. Hindi naging madali para sa akin na maging returned missionary na hindi nakakumpleto ng nakatakdang haba ng panahon sa misyon. Gayunpaman, mahal ko pa rin ang bawat isa sa mababait na convert ko. Matagal bago ko natanto at napatunayan na ang napaikli kong paglilingkod sa misyon ay mahalaga tulad din na ang 18 o 24 na buwang pagmimisyon ay mahalaga sa ibang mga missionary.

Ang Panginoon ay nagbigay sa akin ng maraming oportunidad na makausap ang iba na ikinalungkot din ang di-inaasahang maagang pag-uwi. Alam ko na inakay ako sa kanila ng Ama sa Langit para ibahagi ang aking patotoo at tulungan silang matanto na ang mapauwi nang maaga dahil sa problema sa kalusugan ay hindi pagkukulang na dapat ilihim kundi isang karanasang dapat pag-usapan.

Sa unang pag-uwi ko, naranasan ko kung ano ang pakiramdam ng panghinaan ng pananampalataya, ngunit sa aking pangalawang pag-uwi, nadama ko kung paano manatiling tapat. Ginawa ko ang mga una at simpleng dapat gawin: pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdalo sa institute, pakikibahagi sa simbahan, at pagganap sa aking mga tungkulin. Maraming beses kong ipinagdasal na malaman kung bakit naging ganoon ang mga pangyayari. Tinigilan ko ang paninisi sa aking sarili, at hindi na sinisi pa ang Ama sa Langit. Nang tingnan ko ang naging buhay ko mula nang ako ay umuwi at ang mga pagbisita ko sa mga kapatid nating Intsik na nakatira sa aming lungsod, hindi nawala sa akin ang matibay na paniniwalang may walang hanggang layunin para sa ating lahat.

Gustung-gusto ko ang mga salita sa Mosias 5:15: “Sa gayon, nais kong kayo ay maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa, upang si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya, upang kayo ay madala sa langit, upang kayo ay magkaroon ng walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng karunungan, at kapangyarihan, at katarungan, at awa niya na lumikha sa lahat ng bagay na nasa langit at sa lupa, na siyang Diyos ng lahat.”

Naniniwala ako na kung ako ay mamumuhay nang matapat sa Panginoon, pagpapalain ako magpakailanman. Sa gayong paraan, alam kong pinagaling ako sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, dahil hindi man 100 porsiyentong napagaling ang aking katawan, ang puso ko naman ay mas handa na ngayong maglingkod sa layunin ng Panginoon.