Kilala Nila si Joseph
Anong klaseng tao si Joseph Smith, ang Propeta ng Panunumbalik? Marami pa tayong malalaman tungkol sa kanya sa pagbabasa kung ano ang sinabi ng mga taong nakakilala niya at ng mga taong kilalang-kilala siya.
Mga Hindi Mormon na Nakakilala ni Joseph
Humanga ang maraming hindi Mormon na nakakilala ni Joseph. Halimbawa, si Josiah Quincy, na isang Harvard graduate at kalaunan ay naging mayor ng Boston, ay bumisita kay Joseph Smith sa Nauvoo. Sinabi niya na si Joseph ay isang “di-pangkaraniwang tao,” isang lalaking isinilang upang mamuno, “kagalang-galang … na tila likas mong susundin.” Sinabi niya na maaaring tukuyin sa mga textbook sa hinaharap si Joseph Smith bilang isang taong “malaki ang impluwensya sa tadhana ng kanyang mga kababayan.”1
Mga Bagong Miyembrong Nakakilala Niya
Ang mga bagong miyembrong nakakilala ni Joseph sa unang pagkakataon ay nagpahayag din ng paghanga sa kanya. Limang araw pagkarating sa Nauvoo mula sa England, lumiham si William Clayton sa kanyang pamilya: “Kagabi marami sa amin [ang] kasama ni Brother Joseph, nagalak ang aming puso na marinig siyang magsalita tungkol sa mga bagay ng Kaharian, isa siyang mapagmahal na tao at kasimbait ng sinuman sa atin. Mahal na mahal namin siya at gayon din ang madarama ninyo.”2
Sinabi ni Mary Alice Cannon Lambert, na 14 na taong gulang nang dumating sa Nauvoo, “Sinalubong ng ilang namumunong kapatid ang pangkat ng mga banal na [dumating na sakay ng bangka]. Kabilang sa mga kalalakihang iyon si Propetang Joseph Smith. Nang mapako ang tingin ko sa kanya, nakilala ko siya kaagad at natanggap ko nang sandali ring yaon ang aking patotoo na siya ay Propeta ng Diyos.”3
Mga Taong Kilalang-Kilala Siya
Si John M. Bernhisel, isang naunang miyembro ng Simbahan, ay isang doktor. Umupa siya sa tahanan ng mga Smith nang ilang buwan. Sinabi niya na si Joseph Smith ay “matalino,” puno ng sigla, “maalam sa likas na katangian ng tao,” “may mahinahong pagpapasiya,” “malawak na pananaw,” at “makatarungan.” “Mabait at mapagbigay siya, bukas-palad at magiliw, marunong makisama at masayahin, at mapag-isip ng mabuti. Siya ay tapat, prangka, matapang, at nakatatayo sa sariling paa, at hindi mapagbalatkayo [hindi mapagkunwari] na tulad ng mga taong nakikita ninyo.”4
Si Howard Coray, isa sa mga clerk ni Joseph, ay humanga sa kakayahan ng Propeta na humarap sa lahat ng klase ng tao—mga doktor, abugado, pari, at iba pa—na nagpunta sa kanya para “magtanong ng mahihirap na bagay.” Isinulat niya na si Joseph “ay laging handang gawin ang ipinagagawa sa kanya. … Talagang natuwa ako, na makita kung gaano siya kahinahon palagi, kahit kahalubilo niya ang mga dalubhasa, at ang kahandaan [pagiging alisto] niyang sumagot sa kanilang mga tanong.”5
Sinabi ni Daniel D. McArthur, na kalaunan ay namuno sa isang handcart company papunta sa Salt Lake Valley, “Pinapatotohanan ko na siya ay totoong Propeta ng Diyos na buhay; at kapag lalo kong naririnig ang kanyang mga sinasabi at nakikita ang kanyang mga ginagawa lalo akong nakukumbinsi na totoong nakita niya ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo.”6
Mga Propetang Nakakilala sa Kanya
Sinabi ni John Taylor, na naging ikatlong Pangulo ng Simbahan, “Kung tatanungin ninyo si Joseph kung ano ang hitsura ni Adan, sasabihin niya sa inyo kaagad; sasabihin niya ang laki at hitsura nito at lahat ng tungkol sa kanya. Itatanong ninyo siguro kung anong klaseng tao sina Pedro, Santiago at Juan, at sasabihin niya sa inyo. Bakit? Dahil nakita niya sila.”7
Ang pamangkin ng Propeta na si Joseph F. Smith ang naging ikaanim na Pangulo ng Simbahan. Isinulat niya na si Joseph Smith “ay punong-puno ng karingalan at kadalisayan ang … pagkatao, na kadalasa’y naipapahayag niya sa simpleng paglilibang—sa paglalaro ng bola, sa pakikipagbuno sa kanyang mga kapatid … na ikinatutuwa niya; … puno siya ng galak; puno siya ng saya; puno ng pagmamahal, at ng bawat katangiang nagpapadakila at nagpapabuti sa tao, at kasabay niyon siya ay simple at tila walang muwang; … may kapangyarihan siya, sa tulong ng Diyos, na maunawaan din ang mga layunin ng Pinakamakapangyarihan. Iyan ang pagkatao ni [Propetang] Joseph Smith.”8