2015
Si Joseph Smith at ang Aklat ng Apocalipsis
Disyembre 2015


Si Joseph Smith at ang Aklat ng Apocalipsis

Si Propetang Joseph Smith ay tumulong na alisin ang ilan sa mga hiwagang bumabalot sa aklat ng Apocalipsis at ipinakita ang kaugnayan nito sa ating panahon.

Product Shot from December 2015 Liahona
Actor - Movie still from "Joseph Smith; Prophet of the Restoration"

Paglalarawan ni Christina Smith; John on Patmos, ni Mark Steiner © Providence Collection

Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat sa unang siglo a.d., ngunit ito ang huling aklat sa Bagong Tipan na tinanggap bilang kanoniko (banal na kasulatan na may awtoridad). Ilang Kristiyanong iskolar sa mga sumunod na siglo ang pinagdudahan ang tinukoy na may-akda nito, tinutulan ang ilan sa mga doktrina nito (halimbawa, ang mga turo tungkol sa Milenyo o ang turo na hahatulan ang mga tao ayon sa kanilang ginawa), at ipinalagay na ang mga pagbanggit nito sa mga bagay-bagay sa Lumang Tipan at paglalarawan sa mga pangitain ay kakatwa at ibang-iba sa mga nakasulat sa Bagong Tipan.

Ngunit ang ilang di mapapabulaanang katotohanan ang dahilan kaya tinanggap ng halos lahat ng tao ang aklat. Halimbawa, marami sa mga sinaunang manunulat na Kristiyano ang nagbanggit sa aklat ng Apocalipsis, na iniuugnay ito kay Juan ang Apostol, at madalas na binanggit at lubos na sinang-ayunan ito sa kanilang mga katha. Ang iba pang mga aklat na itinuturing nang banal na kasulatan ay walang gayong katibayan.

Sa mga unang taon ng ika-19 na siglo, kung kailan tinawag ng Diyos si Joseph Smith bilang Propeta ng Panunumbalik, ang aklat ng Apocalipsis ay kasama sa halos lahat ng bersyon ng Biblia at paborito ng maraming mambabasa. Ang matalinghagang paglalarawan ng pangitain ni Juan ay pumukaw sa imahinasyon ng mga tao at dahil dito naglabasan ang iba-ibang interpretasyon, na patuloy na nangyayari ngayon.

Bilang Propeta ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, si Joseph Smith ay may natatanging posisyon na magbigay-linaw sa aklat ng Apocalipsis at tumulong na padaliin ang pagbasa at pag-unawa rito. Ginawa niya ito sa dalawang paraan: (1) ipinaliwanag niya ang ilang partikular na bahagi ng aklat na Apocalipsis at pinalawak ang kabuuang konteksto nito, at (2) nilinaw at pinasimple ito.

Ipinaliwanag at Pinalawak

Ang pinakamagandang halimbawa ng pagpapaliwanag ni Joseph Smith sa aklat ng Apocalipsis ay mababasa sa Doktrina at mga Tipan 77. Natanggap noong Marso 1832, ang paghahayag na ito ay binubuo ng mga tanong at sagot tungkol sa partikular na mga talata sa Apocalipsis, mga kabanata 4–11. Sinabi ng Propeta na ang paliwanag na ito ay inihayag sa kanya habang ginagawa niya ang inspiradong pagsasalin ng Biblia (tingnan sa D at T 77, pambungad na bahagi).

Ang mga tanong ay tuwiran, na ang pinakanais alamin ay, “Ano ang kahulugan nito?” at “Kailan ito mangyayari?” Ang mga sagot ay tuwiran din, bagama‘t hindi laging naglalaman ng lahat ng posibleng sagot. Ang mga sagot na hiningi at natanggap ni Propetang Joseph Smith ay nagpawalang-saysay sa mga haka-haka tungkol sa aklat at nakatulong sa atin upang maiugnay ang pangitain ni Juan sa gawain sa mga huling araw.

Halimbawa, ang paghahayag na ito ay tumutulong sa atin na makita na ang pitong tatak na inilarawan ni Juan sa kabanata 5 ng Apocalipsis ay kumakatawan sa pitong pinakamalalaking kaganapan sa kasaysayan ng mundo at ang huling dalawang tatak ay nauukol sa ating panahon ngayon at sa hinaharap (tingnan sa D at T 77:6–7), na tumutulong sa atin na malaman kung bakit mas nagtuon ang pangitain ni Juan sa ikaanim at ikapitong tatak. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng paghahayag ni Joseph Smith kung paano nauugnay ang ilan sa mga numero sa ikaanim na tatak (ang apat na anghel at ang 144,000 lingkod na ibinuklod mula sa mga lipi ni Israel) sa gawain ng Panunumbalik at pagtitipon sa mga huling araw (tingnan sa D at T 77:9–11).

Ang paliwanag na ito sa paghahayag, mangyari pa, ay hindi nag-iisang kontribusyon ni Propetang Joseph Smith na ginawa upang maipaunawa sa atin ang aklat ng Apocalipsis mula sa kanyang pagsasalin ng Biblia. Habang nagsasalin, may mga pagkakataong nabigyan siya ng inspirasyon na palinawin lamang ang teksto,1 ngunit madalas siyang nabigyan ng inspirasyon na magdagdag o magbago ng teksto upang maiugnay ito sa iba pang mga banal na kasulatan nang sa gayon ay mapagtibay nito ang isa’t isa.2 Bahagi ng ginawa ni Joseph Smith sa Biblia, kung gayon, ang pag-ugnay-ugnayin ang magkakatulad na paksa mula sa iba’t ibang aklat upang pag-isahin ang mga turo at propesiyang matatagpuan sa mga aklat na ito, at ang prinsipyong ito ay akma rin sa aklat ng Apocalipsis.

John writing on s scroll about the second coming of Christ.

Detalye mula sa The Revelation of St. John the Divine, ni Paul Mann; detalye mula sa Christ of the Cornfield, ni Thomas Francis Dicksee

Bukod pa rito, sa pamamagitan ng iba pang mga paghahayag at pagsasalin, pinalawak ni Joseph Smith ang konteksto ng aklat ng Apocalipsis sa pagpapakita na naglalaman din ito ng mga pangitain na may mga detalyadong impormasyon na ibinibigay sa mga propeta sa paglipas ng panahon. Sa Aklat ni Mormon at sa mahalagang Perlas, nalaman natin na sina Nephi, kapatid ni Jared, Moises, at si Enoc ay nagkaroon lahat ng pangitain tungkol sa magiging takbo ng kasaysayan ng tao, kabilang na ang katapusan ng mundo. Nalaman din natin na bagama’t ang iba pang mga propeta ay pinakitaan ng katapusan ng mundo, sila ay pinagbawalang ibahagi ito sa mundo dahil si Juan ang inorden noon pa man na magsulat nito (tingnan sa 1 Nephi 14:25–26). Kaya nga, ang Aklat ni Mormon, na inilabas sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nagtuturo sa atin na nilayong mapasaatin ang paglalarawan ni Juan ng mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at na iyon ay mahalagang pag-aralan natin.

Dahil sa karagdagang liwanag na iyon na inihayag sa pamamagitan ni Joseph Smith, mas makikita natin ang pinakapangunahing tema ng Apocalipsis: na “Sa katapusan magtatagumpay ang Diyos laban sa diyablo sa mundong ito; walang katapusang tagumpay ng mabuti sa masama, ng mga Banal laban sa mga umuusig sa kanila, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas. … Ang tagumpay ay [m]atatamo sa pamamagitan ni Jesucristo.”3 Bukod pa rito, binigyang-diin ni Joseph Smith na ang mensahe ng Apocalipsis ay nakatuon kay Jesucristo bilang ating pag-asa at itinuturo sa atin na sa pagiging tapat sa Kanya at sa Kanyang gawain sa mga huling araw, madaraig natin ang mundo.

Linawin at Ipaunawa

Sa isang kumperensya ng Simbahan noong Abril 8, 1843, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang aklat ng Apocalipsis ay isa sa mga pinakasimpleng aklat ng Diyos na naisulat.”4 Ang pahayag na ito ay maaaring ikinagulat ng kanyang mga tagapakinig dahil lubhang salungat ito sa kanilang naranasan. Kaya ano ang ibig sabihin dito ng Propeta?

Bagama’t ipinaliwanag ni Joseph Smith ang ilang kahiwagaan ng aklat ng Apocalipsis, sa mensaheng ito tila layon din niyang linawin at simplihan ito. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita na ang matalinghagang paglalarawan ng aklat ay hindi laging matalinghaga na gaya ng maaari nating isipin at ang banal na kasulatan na mahirap maunawaan ay hindi nangangahulugang mas mahalaga o mas makabuluhan na ito sa atin.

Halimbawa, binanggit din ni Joseph Smith sa kanyang mensahe na kung masusing babasahin ang aklat ng Apocalipsis hindi makakaroon ng iba’t ibang interpretasyon. Binigyang-diin niya na ang unang tatlong kabanata ng aklat ay tungkol sa panahon ni Juan at “ang mga bagay na nararapat mangyaring madali” (Apocalipsis 1:1) at ang iba pang nilalaman ng aklat ay “mga bagay na dapat mangyari sa haharapin” (Apocalipsis 4:1), o lampas pa sa panahon ni Juan.5 Kung lilimitahan lang ang pinatutungkulan ng matalinghagang paglalarawan sa mga bahaging ito ng aklat, ang mga impormasyong ito tungkol sa panahon ay magpapalinaw at magpapasimple sa mga bahaging iyon.

Maliban diyan, itinuro ni Joseph Smith na kapag sinabing hayop, kung minsan ang kinakatawan nito ay talagang hayop lang. Ipinaliwanag niya na nang makakita si Juan ng mga nilalang sa kalangitan (tingnan sa Apocalipsis 4:6), ang nakita niya ay talagang … mga hayop sa langit. Ipinahiwatig ng Propeta kung gayon na ilan sa mga paglalarawan ni Juan ng kanyang mga pangitain ay literal habang ang ilan ay simboliko.6 Ipinaliwanag din niya ang isang alituntunin na nauugnay sa gayong simbolismo:

“Sa tuwing nagbibigay ang Diyos ng pangitain ng isang imahe, hayop, o anumang uri ng larawan, lagi Niyang itinuturing na responsibilidad Niya na magbigay ng paghahayag o interpretasyon ng kahulugan nito, at kung hindi magkagayon, hindi natin responsibilidad o pananagutan ang paniwala natin dito. Huwag mabagabag kapag hindi ninyo alam ang kahulugan ng isang pangitain o larawan, kung hindi nagbigay ng paghahayag o interpretasyon ang Diyos tungkol sa paksa.”7

Ang mabatid ang interpretasyon ng bawat detalye ng hiwaga ng mga pangitain ay hindi mahalaga sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang hiwaga at matalinghagang salita ng mga propeta ay hindi katulad ng hiwaga ng Diyos, na ibinibigay sa taong “nagsisisi at pinaiiral ang pananampalataya, at gumagawa ng mabubuting gawa, at patuloy na nananalangin nang walang hinto” (Alma 26:22).

Sa pagpapalinaw at pagpapaunawa ng aklat ng Apocalipsis, inaalis ng Propeta ang mga magiging hadlang sa mas mahahalagang aspeto ng ebanghelyo ni Jesucristo. Mangyari pa, ang pangitain ni Juan ay nagbibigay sa atin ng mahalagang impormasyon tungkol sa mga huling araw: ang Apostasiya at Panunumbalik, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang Kanyang tagumpay laban sa diyablo, ang Kanyang paghahari, at ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Huling Paghuhukom. Ang mga bagay na ito ay makakatulong sa atin habang sinisikap nating hanapin ang katotohanan at sundin ang kalooban ng Panginoon. Ngunit kung labis tayong magtutuon sa interpretasyon ng inilarawang imahe sa pangitaing iyon, baka makaligtaan natin ang mga bagay na pinakamahalaga.8

Kapag pinag-aralan natin ang aklat ng Apocalipsis at sinamantala ang pagkakataong maliwanagan sa kaalamang inihahayag nito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, makikita natin sa malawak na pananaw ang sariling katayuan natin sa kasaysayan ng daigdig at sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak. Sa kaalamang ito, makikita natin ang kahalagahan ng ating personal na patotoo kay Jesucristo at ang lubos na pakikibahagi sa Kanyang gawain sa mga huling araw. Pagkatapos ay madaraig natin ang mundo at, sa pamamagitan ni Cristo, ay magmamana ng lahat ng bagay mula sa Ama (tingnan sa Apocalipsis 3:21; 21:7).

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa ang, Apocalipsis 2:1, talababa a; o Apocalipsis 6:14, talababa a.

  2. Halimbawa, sa pagsasalin ni Joseph Smith sa Apocalipsis 1:7 (sa Bible appendix) ay ganito ang sinasabi: “Sapagkat masdan, siya ay paparito sa mga ulap kasama ang kanyang laksa-laksang banal sa kaharian, na nadaramitan ng kaluwalhatian ng kanyang Ama. At makikita siya ng bawat mata; at sila na sumibat sa kanya, at lahat ng lahi ng mundo ay mananaghoy dahil sa kanya.” Ang mga salitang idinagdag ni Joseph Smith (sa italics) sa talatang ito ay iniuugnay ang talatang ito sa iba pang mga turo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Cristo—halimbawa, Mateo 16:27 (“ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama”) at Judas 1:14 (“laksalaksang banal”).

  3. Bible Dictionary, “Revelation of John.”

  4. History of the Church, 5:342.

  5. Mangyari pa, tulad ng alam ni Joseph Smith, ang unang lima sa pitong tatak ay tumutukoy sa nakalipas na mga pangyayari, ngunit ang limang tatak na ito ay nagtuturo ng paksang umiikot sa layunin o huling yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan, na nagwawakas sa mga pangyayaring humahantong sa Ikalawang Pagparito—na lampas pa sa panahon ni Juan.

  6. Sa halimbawang ito, ang mga hayop mismo ay literal, na kumakatawan sa apat na uri ng hayop, bagama’t ang paglalarawan ni Juan sa mga ito ay naglalaman ng makahulugang elemento (maraming mata at pakpak) na kumakatawan sa kanilang abstraktong mga katangian sa halip na sa kanilang anyo (tingnan sa Apocalipsis 4:6–8; D at T 77:4).

  7. History of the Church, 5:343.

  8. Tila nadama ni Joseph Smith na akma ito lalung-lalo na sa mga missionary. Sabi niya: “Oh, kayong mga elder ng Israel, makinig sa aking tinig; at kapag ipinadala kayo sa mundo upang mangaral, sambitin ang mensaheng ipinahahatid sa inyo; ipangaral at ihiyaw, ‘Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit; magsisi at maniwala sa Ebanghelyo.’ Ipahayag ang mga pangunahing alituntunin, at hayaan ninyo ang mga hiwaga, at baka kayo malupig. Huwag mabahala kailanman sa mga pangitain ng mga hayop at paksa na hindi ninyo nauunawaan” (History of the Church, 5:344).