2015
Maging Payapa
Disyembre 2015


Maging Payapa

Umaasa ako na sa Kapaskuhang ito ay mag-uukol kayo ng oras para maupo at magnilay-nilay at hayaang panatagin kayo ng Espiritu ng Tagapagligtas at tiyaking muli sa inyo ang pagiging marapat ng inyong paglilingkod, ng inyong mga handog, at ng inyong buhay.

The Carl Bloch exhibit at the Brigham Young University Museum of Art, December 2010.

Detalye mula sa Christ Healing the Blind, ni Domenico Fiasella, sa kagandahang-loob ng John and Mable Ringling Museum of Art; kanan: The Holy Night, ni Carl Heinrich Bloch

Laging nakasisiya sa akin na pagnilayan ang paglilingkod at pagsasakripisyo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang pamilya, sa kanilang ward, at sa kanilang Ama sa Langit. Ito ay banal at sagradong bagay. Palagay ko wala nang karangalang hihigit pa kaysa sa ituring ng Panginoon na karapat-dapat at angkop ang ating handog at na Kanyang pagpipitaganan at tatanggapin ito.

Iyan ang dakilang parangal ng Ama sa Anak kapag Siya ay tinutukoy Niya na “minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan” (3 Nephi 11:7; tingnan din sa Mateo 3:17; Marcos 1:11; Lucas 9:35; D at T 93:15; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Ito ay napakagandang pagturing. Wala nang karangalan ang hihigit pa kaysa sa masabihan ng Diyos na, “Aking minamahal na anak na lalaki” o “Aking minamahal na anak na babae,” at papurihan ka na katanggap-tanggap sa Kanya ang iyong handog, “na siya kong labis na kinalulugdan.”

Dalangin ko na sa Kapaskuhang ito ay madama ninyo kung gaano kahalaga sa Panginoon ang inyong handog, kung ano kayo sa Kanyang paningin, kung ano ang katayuan Ninyo bilang Kanyang anak na lalaki o anak na babae. At dalangin ko na ang pagkaalam sa katayuang iyan ay magbigay sa inyo ng matinding kapanatagan, katiyakan, at tiwala na kayo ay karapat-dapat sa Kanyang paningin.

Ang Pagsilang ng Tagapagligtas

Kapag pinag-uusapan natin ang pagsilang ni Jesucristo, napagninilayan din natin ang sumunod na naganap. Lubhang mahalaga ang Kanyang pagsilang dahil sa mga bagay na Kanyang mararanasan at pagdudusahan upang higit Niya tayong matulungan—na magtatapos lahat sa Kanyang Pagkapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Alma 7:11–12). Ngunit kabilang din sa Kanyang misyon ang kagandahan ng Kanyang paglilingkod, ang mga himala ng Kanyang ministeryo, ang kapanatagang dulot Niya sa mga nagdurusa, at ang galak na inalay Niya—at patuloy na iniaalay—sa mga nagdadalamhati.

Nais ko ring isipin ang nangyari kalaunan. Dalawa sa aking mga paboritong talata na tumutukoy sa panahong iyan ay matatagpuan sa dulo ng kabanata 7 sa aklat ng Apocalipsis:

“Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init.

“Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata” (Apocalipsis 7:16–17; tingnan din sa 21:4).

Naipaunawa niyan sa akin ang banal na pag-asa sa mangyayari, sa magiging kalagayan sa panahon ng dakilang Milenyo at ng selestiyal na paghahari ni Cristo na kasunod nito.

Gayunman, bago isipin ang lahat ng magaganap na iyan, palagay ko sa panahong ito ng taon, pagtuunan na lang muna natin ang sanggol na iyon sa sabsaban. Huwag mag-alala o magtuon nang labis sa magaganap; isipin lamang ang munting sanggol na iyon. Mag-ukol ng tahimik at payapang sandali na pagnilayan ang simula ng Kanyang buhay—ang pagwawakas at bunga ng propesiya ng langit ngunit pagsisimula ng buhay Niya sa lupa.

The holdings attached to this bib record are part of the 1990 acquisition of Carl Bloch paintings. The painting was cleaned and restored prior to being photographed by Danish photographer Hans Petersen.

Detalye mula sa Christ Healing the Blind, ni Domenico Fiasella, sa kagandahang-loob ng John and Mable Ringling Museum of Art; kanan: The Holy Night, ni Carl Heinrich Bloch

Mag-ukol ng panahon na magpahinga, maging payapa, at isipin ang musmos na sanggol na ito. Huwag alalahanin o pagtuunan nang labis ang magaganap sa buhay Niya o sa buhay ninyo. Sa halip, mag-ukol ng tahimik na sandali na pagnilayan ang marahil ay pinakapayapang sandali sa kasaysayan ng mundo—kung kailan nagalak ang kalangitan hatid ang mensaheng “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14).

Hayaang Panatagin Kayo ng Espiritu

Ilang taon na ang nakararaan narinig ko sa radyo ang panayam kay Bishop Desmond Tutu, ang archbishop Anglican sa South Africa. Kalalathala pa lang nila ng kanyang anak na babae ng aklat tungkol sa pagkakasundong naganap sa South Africa matapos ang apartheid.1 Sa kabuuan, nais iparating ng mensahe ng aklat na may taglay na kabutihan ang lahat ng tao.

Isang maganda at mapamukaw na tanong ang ibinigay ng host kay Bishop Tutu: “Nagbago ba ang pakikipag-ugnayan ninyo sa Diyos habang nagkakaedad kayo?”

Tumahimik sandali si Bishop Tutu bago sumagot ng, “Oo. Mas tumatahimik na ako kapag nasa presensya ng Diyos.”

Naalala niya na kapag nagdarasal siya noong kanyang kabataan, napakarami niyang hinihiling at isinasamo. Para siyang may bitbit na “listahan ng mga bibilhin.” Ngunit ngayon, sabi niya, “Palagay ko sinisikap [ko] na mas mapalapit sa Kanya habang nagdarasal. Tulad ng pag-upo ninyo sa harap ng apoy sa panahon ng taglamig, na naroon lang kayo sa harap ng apoy, at hindi kailangang magpakatalino o anupaman. Pinapaginhawa kayo ng init.”2

Palagay ko ay magandang metapora iyan—makipag-usap lang sa Panginoon at hayaang panatagin Niya kayo tulad ng init ng apoy sa panahon ng taglamig. Hindi ninyo kailangang maging perpekto o maging pinakadakilang tao na nabuhay sa mundo o maging pinakamahusay na tao para makasama Siya.

Umaasa ako na sa Kapaskuhang ito ay mag-uukol kayo ng oras na maupo at magnilay-nilay at hayaang panatagin kayo ng Espiritu ng Tagapagligtas at tiyaking muli sa inyo ang pagiging marapat ng inyong paglilingkod, ng inyong mga handog, at ng inyong buhay. Maupo nang tahimik kasama ang munting sanggol na iyon at espirituwal na mapalakas at mas handa sa lahat ng magaganap kalaunan. Hayaan na ang sandaling iyon ay maging pagpapahinga at pagpapanariwa at kapanatagan at pagpapanibago.

Nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos ang pagpapalang iyan sa Paskong ito habang kayo, kasama ko, ay nagpapatotoo sa Tagapagligtas na si Jesucristo—sa kahalagahan Niya sa ating buhay, sa lahat ng buhay ng tao, at sa pinakalayunin ng buhay.

Sinasamba natin Siya, naglilingkod tayo sa Kanya, at mahal natin Siya. Nawa’y makitaan ang buhay ninyo ng pagmamahal na iyan sa ihahandog ninyo sa Kapaskuhang ito at sa tuwina.

Mga Tala

  1. Desmond Tutu at Mpho Tutu, Made for Goodness: And Why This Makes All the Difference (2011).

  2. Desmond Tutu, sa “Desmond Tutu, Insisting We Are ‘Made for Goodness’” (NPR panayam ni Renee Montagne, Mar. 11, 2010), npr.org.