Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Isang Handog na Buhay at Pagmamahal
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ipinakita sa amin ng kaloob ng aking ina ang tunay na kahulugan ng Pasko.
Noon pa man ay nakakahawa na ang pagmamahal sa buhay ni Tiyo Ed. Sa kasamaang-palad, may sakit siya sa bato. Ilang taon nang napaglalabanan ni Ed ang sakit sa bato sa tulong ng dialysis. Ang mga panggagamot ay masakit at madalas. Sa bawat panggagamot ay pagod na pagod siya hanggang sa susunod na panggagamot, at pagsapit ng taglagas ng 1995, wala na siyang kasigla-sigla.
Sa wakas ay sinabihan ng doktor si Ed na kung hindi siya makakahanap ng bagong bato sa lalong madaling panahon, hindi na magtatagal ang buhay niya. Kahit isang bato lang ang kailangan para mabuhay, ayaw humingi ni Ed ng isang bato kaninuman dahil sa panganib na talagang kaakibat ng anumang operasyon. Pero wala siyang pagpipilian. Ilang malalapit na kaibigan at kapamilya ang sinubukan upang malaman kung magkatugma ang mga bato nila. Iisa lang ang nakitang tugmang-tugma: ang sa kapatid na babae ni Ed na si Dottie—ang aking ina.
Noong Disyembre 7, marami sa mga kaibigan at kapamilya ni Ed ang nakiisa sa pag-aayuno at pagdarasal para sa kanya at kay Dottie. Ang mga surgeon na nagsagawa ng operasyon ay magkapatid na kambal. Ang mas nakakatuwa, isa sa kanila ang nagbigay ng isang bato sa isa. Humanga si Ed at ang aking ina nang malaman nila na sa bawat operasyon, ginawa ng dalawang doktor na ito ang lahat at pagkatapos ay iniyuko ang kanilang ulo at ipinaubaya sa Panginoon ang kahihinatnan nito.
Sa araw ng operasyon, tinanggal ng isang doktor ang isa sa mga bato ng aking ina. Nang tahiin niya ang hiwa, maingat na inilagay ng kanyang kapatid ang donasyong bato sa loob ng tiyan ni Ed.
Tagumpay ang operasyon, ngunit hinintay nila kung tatanggapin ng katawan ni Ed ang bagong bato. Pinigil ang mga antibody sa kanyang immune system para mapaganda ang kanyang tsansa, kaya kinailangang ibukod si Ed sa intensive care unit para maprotektahan siya sa mga virus. Kahit nakalabas na siya ng ospital, kinailangan siyang ilayo sa lahat maliban sa kanyang sariling pamilya. Gayunman, pagsapit ng Bisperas ng Pasko, binigyan si Ed ng espesyal na pahintulot na dumalo sa taunang pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko ng lolo’t lola ko.
Nakasuot ng face mask, pumasok si Ed sa pintuan, dumiretso kay Dottie, at niyakap ito nang mahigpit. Habang magkayakap sila, lahat ay napaiyak. Nadama ng lahat ang pagmamahal na nagmumula sa kanila. Isang kapatid na babae ang nagsakripisyong ibigay sa kanyang kapatid na lalaki ang handog na buhay. Ito ay isang handog na pagmamahal, isang handog na sakripisyo, isang handog na hindi niya mailalaan para sa kanyang sarili.
Habang pinagmamasdan ko sila, na dumadaloy ang mga luha sa aking pisngi, bigla kong naisip: ganito yata ang pakiramdam ng makaharap ang Tagapagligtas. Ginawa Niya ang isang bagay para sa atin na hindi natin kayang gawin para sa ating sarili. Dahil banal, Siya lamang ang nakapagtiis na magsakripisyo nang labis upang matugunan ang batas ng katarungan. At dahil sakdal, Siya lamang ang karapat-dapat na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan upang ang batas ng awa ay maibigay sa lahat ng tatanggap sa Kanya bilang kanilang Tagapagligtas.
Nang namnamin ko ang mga ideyang ito, nangako akong muli na gagawin ang lahat para ipakita ang aking pasasalamat sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo. Sisikapin kong mamuhay bilang disipulo upang balang-araw ay maging marapat akong pumasok sa Kanyang kinaroroonan, yakapin Siya, at personal Siyang pasalamatan sa pagmamahal sa akin nang sapat para magsakripisyo nang gayon.