Mga Bagay na Natutuhan Ko Bilang Isang Kabataang Nabinyagan
Noong bago pa ako sa Simbahan, nakita ko ang isang magandang halimbawa ng sakripisyo mula sa ibang mga kabataan sa aking ward. Mula noon, marami na akong natutuhang magagandang aral.
Sumapi ako sa Simbahan noong 17 taong gulang ako. Nalaman ko ang tungkol dito dahil sa mga Amerikanong nagmula sa isang base-militar sa bayan kong sinilangan sa Germany. Walang German-speaking ward sa lugar namin, kaya nagsimba ako kasama ng mga Amerikano sa base-militar sa maliit na army chapel na ginagamit ng iba’t ibang relihiyon.
Isang araw ng Linggo matapos akong mabinyagan, sa pagtatapos ng serbisyo, tumayo ang bishop at nagtanong, “Puwede po bang maiwan ang lahat ng magulang na may mga estudyante sa seminary?” Pinasama rin niya ako sa kanila.
Nang ang mga pamilyang ito, ang bishop, at ako na lang ang nasa chapel, ipinaliwanag ng bishop na puwede na akong sumali sa klase nila sa seminary sa susunod na pasukan. Ngunit nag-aaral ako noon sa German school sa lugar, na mas maaga nang isang oras ang simula kaysa sa American school na pinapasukan ng lahat ng kabataan sa base-militar. Para may sapat na oras akong tumakbo pababa ng burol at makarating sa paaralan ko sa oras, kailangan nilang ilipat ang oras ng klase nila sa seminary nang alas-6:00 n.u., na mapapaaga nang mahigit isang oras kaysa dati nilang klase.
Pagkatapos ay hiniling ng bishop na pagbotohan ng lahat kung handa silang gawin ang sakripisyong ito para makasali ako sa klase. Agad nagtaas ng kamay ang lahat ng magulang at lahat ng estudyante at pumayag sila.
Kahangang-hanga ang sandaling iyon para sa akin. May natutuhan akong aral doon tungkol sa sakripisyo. Ang mga kabataang estudyanteng ito ay handang isakripisyo ang kanilang sariling kaginhawan—hindi lang para sa isang araw o isang linggo kundi sa buong taon ng pag-aaral—alang-alang sa isang bagong binyag na hindi sana makakasali sa seminary.
Nagpapasalamat pa rin ako sa kanilang sakripisyo, batid kung gaano kahalaga ang isang taon na iyon sa seminary (sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan) noong bago pa lang ako sa Simbahan. Kung walang seminary wala sana akong gaanong kaugnayan sa Simbahan maliban sa araw ng Linggo. Ang daily seminary ay napakagandang paghahanda para sa misyon. Marami itong itinuro sa akin tungkol sa disiplina, at, mangyari pa, biniyayaan ako nito ng walang-katapusang kaalaman sa ebanghelyo at mga banal na kasulatan. Itanong mo sa akin ang lahat ng scripture mastery verse sa seminary noon sa Doktrina at mga Tipan, at alam ko pa rin iyon ngayon. Ang mga karanasang ito ay nakatulong sa akin na mapalapit sa Ama sa Langit at makayanan din ang mga hamon ng pagiging kaisa-isang miyembro ng Simbahan na nagsasalita ng German sa aking bayan.
Makipag-ugnayan sa Diyos
Nang makatapos ako ng pag-aaral at bago ako nagmisyon, natapos ko ang sapilitang serbisyo sa militar. Noong nasa militar pa ako, nakagawian ko ang isang bagay hanggang sa araw na ito: ang manalangin tuwina.
Alam naman natin na ang kapaligiran sa militar ay hindi laging napaka-espirituwal—mga locker, retrato, usapan, pelikulang pinanonood sa gabi. Pero alam kong magmimisyon ako. Gusto kong manatiling matatag. Ayaw kong mabigo. Ayaw kong magpatangay sa pamimilit ng barkada. Kaya inugali kong manalangin nang tahimik sa lahat ng oras.
Palipat-lipat ng gusali, akyat-baba ng burol sa kagubatan, nakahiga sa mga foxhole, naglalaro ng war games—saanman ako naroon, lagi akong nagdarasal sa Ama sa Langit hangga’t kaya ko, na umaabot nang ilang minuto at oras kung minsan sa pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit para mapalapit sa Kanya at manatiling matatag. Kadalasan, nagpapasalamat lang ako.
Gawi ko pa rin ito. Kapag nagmamaneho ako sa kung saan o nakaupo sa bus o naglalakad sa isang lugar, likas na sa akin ang manalangin nang tahimik palagi o “manalangin tuwina” gaya ng sabi sa mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa 2 Nephi 32:9). Magandang makagawian ito sa murang edad.
Alam nating dapat tayong manalangin, ngunit hindi lang iyan nangangahulugan ng pagluhod sandali sa umaga at gabi alang-alang sa Ama sa Langit. Ang panalangin ay dapat mauwi sa matapat, malalim, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa inyong Ama, na, sa paglipas ng panahon, ay tutulong sa inyo na lalong mapalapit sa Kanya. Kapag nakagawian ninyong manalangin tutulungan kayo nitong harapin ang lahat ng tuksong nasa mundo (tingnan sa 3 Nephi 18:15, 18). Kaya nga, habang naglalakad kayo, o tuwing may libreng oras kayo, isiping bawasan ang oras sa pakikinig ng musika o pagte-text at dagdagan ang oras sa tahimik na pagdarasal.
Ipamuhay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Lahat ng Oras
Habang patuloy kayong nananalangin at nag-aaral ng ebanghelyo, makikita ninyo na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nariyan para sa inyo oras-oras, araw-araw, upang tulungan kayong “panatilihin ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (tingnan sa Mosias 4:11–12). Makakalapit kayo sa Ama sa Langit para hingin ang kapangyarihang ito at talagang maging malinis anumang oras, hindi lamang sa araw ng Linggo, hindi lamang kapag lumapit kayo sa bishop para ipagtapat ang isang mabigat na kasalanan.
Nais ng Panginoon na umasa kayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo araw-araw para maging malinis at karapat-dapat kayo, madama ninyo ang Espiritu, at magabayan kayo sa lahat ng oras sa halip na paminsan-minsan lang kayo patnubayan ng Espiritu. Sa pag-asa sa Pagbabayad-sala araw-araw, maaaring mapasainyo ang pagpapalang ito anuman ang mga pagkakamaling nagawa ninyo noon. Nadarama ng maraming kabataan na ang pagsisisi ay pagpunta lamang sa bishop at pagsasabi sa kanya ng mabibigat na kasalanan. Ngunit ang pagsisisi ay higit pa riyan. Ang ibig sabihin nito ay mapagpakumbaba, palagian, mapanalangin, at araw-araw na pagsikapang (1) pag-aralan ang mga banal na kasulatan, lalo na ang mga nagtuturo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo, at pagkatapos ay (2) matutong iangkop ito sa inyong buhay sa bawat sandali araw-araw. Para diyan ito. Ipaalam sa Ama sa Langit araw-araw na ito ang nais ninyo—na maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon.
Huwag hayaang ilayo kayo ng kaaway sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapadama sa inyo na hindi sapat ang inyong kabutihan, na mas mabuti ang ibang tao kaysa sa inyo—na para bang nakabitin sa harapan ninyo ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon ngunit hindi ninyo kailanman kayang abutin. Hindi iyan totoo. Mahal kayo ng Ama sa Langit kung ano kayo ngayon, ngunit, siyempre, dapat ay palagi ninyong paghusayin at sikaping sundin ang mga kautusan at iangkop ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay araw-araw, sa lahat ng oras. Tulad ng sabi ni Apostol Pablo, “Siyasatin ninyo ang inyong sarili” (II Mga Taga Corinto 13:5). Ngunit kapag nalaman na ninyo ang tungkol sa Pagbabayad-sala at kung paano umasa rito, makikita ninyo na madarama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon sa kabila ng inyong mga pagkukulang.
Unawain kung sino kayo, at unawain kung sino si Cristo at kung ano ang ginawa Niya para sa inyo. Pagkatapos ay pagsamahin ang dalawang ito para maging malinis kayo sa lahat ng oras at magkaroon ng tiwala sa sarili at sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Pagkatapos, habang nagtatagal, magkakaroon kayo ng mabuting pagpapahalaga at tiwala sa sarili.
Pagdating ng panahon, ito ang mga bagay na natutuhan ko bilang bagong binyag, at labis nitong pinagpala ang buhay ko. Kapag nagsakripisyo, nag-aral, at nagsikap kayong manatiling malapit sa Ama sa Langit, pagpapalain din Niya kayo. Huwag sumuko kailanman!