Isang Aral mula sa Aking Ama
Natutuhan ko ang malaking aral mula sa aking ama tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood.
Lumaki ako sa isang tahanang may matapat na ina at napakabait na ama. Ang tatay ko ay hindi miyembro ng ating Simbahan noon pero kasama pa rin siya ng aming pamilya sa mga miting ng Simbahan. Siya ang coach ng aming ward softball team at tumulong sa mga aktibidad ng Scouts.
Noong bata ako maraming beses kong tinanong ang tatay ko bawat linggo kung kailan siya magpapabinyag. Ang sagot ng tatay ko sa tuwina ay, “David, sasapi ako sa Simbahan kapag alam ko na ito ang tamang gawin.”
Isang araw ng Linggo tinanong ko ang tatay ko kung kailan siya magpapabinyag. Ngumiti lang siya at nagtanong sa akin. “David, itinuturo sa simbahan ninyo na ang priesthood ay inalis sa mundo noong unang panahon at ipinanumbalik na ng mga sugo ng langit. Kung talagang nasa simbahan ninyo ang ipinanumbalik na priesthood ng Diyos, bakit marami sa kalalakihan sa simbahan ninyo na gumaganap sa kanilang tungkulin sa priesthood ang hindi naman naiiba kumpara sa kalalakihan sa aking simbahan?”
Nablangko ang isipan ko. Wala akong maisagot sa tatay ko.
Alam ko na ang kalalakihang maytaglay ng priesthood ay dapat kakaiba ang kilos sa ibang mga lalaki. Ang mga maytaglay ng priesthood ay hindi lamang dapat tumanggap ng awtoridad ng priesthood kundi dapat ding maging tapat at karapat-dapat sa paggamit ng kapangyarihan ng Diyos.
Nagpasiya ako na hinding-hindi ako magiging masamang halimbawa sa tatay ko. Gusto ko lang maging mabuting bata. Tayong lahat na maytaglay ng priesthood ay kailangan ng Panginoon na maging mararangal, mababait, at mabubuting bata sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.
Pagkaraan ng ilang taon, ang tatay ko ay nabinyagan. Nagkaroon ako ng pagkakataong ipagkaloob sa kanya ang Aaronic at Melchizedek Priesthood. Isa sa mga dakilang karanasan ko sa buhay ang makitang tanggapin ng tatay ko ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood.