Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Lepta ng Balo sa Panahon Ngayon
Stephanie H. Olsen, Utah, USA
Ang hiram na puting mantel at mga nakadispley na snowmen sa gitna nito ay nagpasaya sa cultural hall habang ginagawa ang ilang biglaang paghahanda para sa aming pampamilyang Christmas party.
Habang hinihintay namin ang mga bisita, natuon ang pansin ko sa mesa na may nakapatong na garapong walang laman—na may nakasulat na “Kahalili ni Santa.” Nagdasal ako na sana ay mapuno ang garapon bago matapos ang gabi.
Habang naghahanda para sa party nalaman ko na ang asawa ng pinsan ko ay mahigit isa’t kalahating taon nang walang trabaho. Ang pangunahing pinagkakakitaan ng kanyang pamilya ay paghahatid ng diyaryo, na nagsisimula nang alas-3:30 n.u. bawat araw. Malaki sa kanilang kinikita ang napupunta sa pambayad sa sangla at iba pang mga pangangailangan, at wala na halos natitira para sa mga gusto nila, tulad ng mga regalo sa Pasko.
Ang pamilya ng pinsan ko ang isa sa mga naunang dumating. Pinagmasdan ko sila habang naglalakad sa pagitan ng mga mesa, palampas sa aming Pamaskong garapon. Nang nakalapit na sila, huminto ang asawa ng pinsan ko para basahin ang nakasulat sa garapon. Walang pag-aatubiling inilabas niya ang kanyang lumang pitaka, kumuha ng ilang dolyares, at inihulog ito sa garapon, kahit hindi alam kung sino ang pamilyang “nangangailangan.”
Naantig ako nang lubos, at kaagad kong naalala ang kuwento sa Bagong Tipan tungkol sa balo at kanyang dalawang lepta. Ang mayayamang tao ay naghuhulog ng maraming salapi sa kabang-yaman nang “lumapit ang isang babaing bao, at siya’y naghulog ng dalawang lepta” (tingnan sa Marcos 12:41–42).
Pagkatapos ay sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo:
“Ang dukhang balong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman:
“Sapagka’t silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis, datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay” (Marcos 12:43−44).
Sinabi ni Cristo na nagbigay siya sa “kaniyang kasalatan” at inihulog maging “ang buong kaniyang ikabubuhay.” Maaari namang magbigay lang siya ng isang lepta. Malamang sapat na iyon para matugunan ang hinihingi, ngunit ang kanyang matapat na puso at kahandaang isakripisyo ang lahat ang napansin ng Anak ng Diyos.
Siguro wala ni isang mangungutya sa asawa ng pinsan ko kung lampasan man niya ang garapon na iniisip na, “kung ako ay mayroon ako ay magbibigay” (Mosias 4:24). Ang kanyang napakagandang halimbawa ng pagmamahal sa kapwa-tao ay hindi lamang nakaantig sa akin kundi maging sa iba pang mga miyembro ng aking pamilya na nagmamasid sa kanya. Alam kong magiging maayos ang kalagayan ng kanyang pamilya dahil “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, … at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya” (Moroni 7:47).
Inasam namin na may maibigay sa kanyang pamilya nang gabing iyon, na ginawa namin kalaunan, ngunit dahil nagbigay siya kahit na siya mismo ay nangangailangan, ipinakita niya sa amin na pagdating sa bagay na pinakamahalaga, siya ay isang mayamang tao na.