2015
Ang Bagong Lipat na Lalaki
Disyembre 2015


Ang Bagong Lipat na Lalaki

Ako lang ang aktibong priest sa bago kong ward. Paano ko mapapasimba ang iba pang mga priest?

A young man holding a volleyball and standing next to a net.  A group of young men are standing together in the distance.

Mga paglalarawan ni Greg Newbold

Nang lumipat ang pamilya ko ilang buwan matapos akong mag-18 anyos, natagpuan ko ang aking sarili sa isang bagong ward na nahaharap sa isang hamon. Sa loob ng dalawang linggo ng paglipat ko, halos lahat ng priest ay inorden nang mga elder. Tinawag din ako bilang first assistant sa priests quorum.

Sa pagbibigay sa akin ng calling na ito, ipinaliwanag ng bishop na maraming priest sa attendance roll, pero halos walang nagsisimba sa kanila. Marami kaming gagawin para mahikayat na magsimba ang mga tao.

“Basta anyayahan mo lang magsimba ang mga tao,” sabi niya.

Iisang priest lang ang nagsimba, isang lalaking nagngangalang Ryan, na dalawang beses lang sa isang buwan kung magsimba. Nagpasiya akong puntahang isa-isa ang di-gaanong aktibong mga miyembro namin sa korum at anyayahan sila sa aming mga aktibidad. Kabado ako, takot na baka mainis sila sa akin sa pag-anyaya sa kanila sa simbahan. Naisip ko na hindi sila nagsisimba dahil ayaw nila sa simbahan. Pero naisip ko rin na makakabuti para sa nalalapit kong pagmimisyon na subukang mag-anyaya, kaya nilakasan ko ang loob ko at sinimulan kong tawagan ang iba pang mga priest o puntahan sila sa bahay nila. Inanyayahan ko sila sa mga fireside, sa mga aktibidad, sa simbahan.

Nagulat ako na tumugon talaga ang ilan at nagpunta. Kalaunan ay nagkaroon kami ng isang grupo ng apat na priest na regular nang nagsisimba. Hindi dahil sa ayaw nila sa simbahan—naghintay lang silang maanyayahan. Kinakabahan lang din sila sa bagong sitwasyon—sa pagsisimba—tulad ko noon.

Mas matagumpay ang ilang aktibidad kaysa iba. Lahat ay nagdatingan para sa volleyball, pero nahirapan akong papuntahin sila sa iba pang mga aktibidad.

Ang youth conference sa taong iyon ay talagang masaya nang makita kong tumayo ang ilan sa mga kabataang lalaking ito at magbahagi ng kanilang patotoo. Nadama ko na parang nakagawa ako ng kaibhan sa kanilang buhay.

Isa sa mga kaibhang nakita ko ay ang pagsisimba ni Ryan linggu-linggo at naging mabuti kaming magkaibigan.

Kapwa kami tumanggap ni Ryan ng Melchizedek Priesthood mga anim na buwan pagkaraang malipat ako sa ward na iyon. Pinili kong unahin ang pagmimisyon bago mag-aral sa kolehiyo para makapagtrabaho at makaipon ako para sa pagmimisyon ko. May trabaho na si Ryan, at nagpasiya siyang huwag na ring mag-aral sa kolehiyo. Pagkatapos ng trabaho namin madalas kaming magkasama.

Minsan, halos magdamag kaming hindi natulog sa pagsisikap na tapusin ang pagbabasa ng aklat ni Alma dahil iyon ang unang pagkakataon na nabasa ni Ryan ang Aklat ni Mormon. Nakakapagod pero napalakas ang aming espiritu. Nakakatuwa ring makita ang mga pagbabagong ginawa ni Ryan sa kanyang buhay. Tinalikuran niya ang mga dati niyang gawi, at pinalitan ito ng mas mabubuti, at iniwanan ang ilan sa kanyang mga kaibigan para makasama niya ang mga taong katulad niya ang mga pamantayan.

Matagal ko nang inaasam ang aking pagmimisyon mula nang magsimba ako ilang taon na ang nakararaan. Hindi sigurado si Ryan kung magmimisyon siya. Habang magkasama, pinag-usapan namin ang pagmimisyon ko at ang kasabikan kong maglingkod. Nang hikayatin ko siya at sagutin ko ang kanyang mga tanong tungkol sa ebanghelyo, lalo akong nagtiwala sa sarili kong kakayahan na maglingkod bilang missionary. Nasa hustong gulang na si Ryan para magmisyon pero nahirapan siyang magpasiya.

“Hindi ako sigurado kung sapat na ang aking patotoo, kahit maganda ang pakiramdam ko noon tungkol sa Simbahan,” sabi niya. “Gusto ko talagang magmisyon, pero talagang mahirap iwanan ang pamilya.”

Sa wakas ay dumating ang araw na masisimulan ko nang punan ang mission papers ko. Nang sabihin ko ito kay Ryan, ginulat niya ako sa pagsasabing nagpasiya na rin siyang magmisyon. Sabay dumating ang aming mission call isang gabi. Umalis si Ryan para maglingkod sa Canada isang buwan bago ako nagsimulang magmisyon sa France.

Pagkauwi ko makalipas ang dalawang taon, hinanap ko ang lahat ng priest na nakasama ko. Nalungkot akong malaman na hindi na nagsimba ang ilan pagkaalis ko, ngunit masaya akong makitang muli si Ryan. Marangal siyang nakapaglingkod sa mission, at gaya ni Alma at ng mga anak ni Mosias, mas nagalak akong makita na kapatid ko pa rin siya sa Panginoon (tingnan sa Alma 17:2).