2015
Pakiramdam ko ay hindi sapat ang kakayahan ko na maging Young Women class president. Paano ako magiging mas mahusay na lider?
Disyembre 2015


Mga Tanong at mga Sagot

“Pakiramdam ko ay hindi sapat ang kakayahan ko na maging Young Women class president. Paano ako magiging mas mahusay na lider?”

Kung pakiramdam mo ay hindi sapat ang iyong kakayahan nang tumanggap ka ng tungkulin, karaniwan lang iyan. Sina Jeremias, Enoc, at Joseph Smith ay pawang mga bata pa at lahat ay nakadama ng kakulangan nang matanggap nila ang kanilang tungkulin bilang propeta, pero ginamit pa rin sila ng Panginoon upang isulong ang Kanyang kaharian. Tulad ng paggamit ng Panginoon sa mga propeta noon upang isagawa ang mga dakilang bagay, kapag nagdasal ka at umasa sa Kanya, magagamit ka Niya.

Marahil ang pinakamagandang magagawa mo para sa mga miyembro ng inyong klase ay maging kaibigan nila. Alamin ang kanilang mga pangalan. Maaari mo silang ipagdasal araw-araw at siguro’y mag-ayuno pa para sa kanila kung nahihirapan sila. Isiping tanungin sila sa mga ginagawa nila kapag wala sila sa simbahan, ngitian at batiin sila kapag nakita mo sila, at tabihan sila sa upuan sa simbahan o sa paaralan. Maging mapagmasid sa mga nangangailangan ng dagdag na pagmamahal at suporta.

At huwag matakot na humingi ng tulong. Hindi ka iiwang mag-isa ng Ama sa Langit—binigyan ka Niya ng mga counselor at mga adult adviser. Tutulungan ka nila, at tutulungan ka rin Niya.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Lumuhod kayo at hingin ang mga biyaya ng Panginoon; [pagkatapos ay] tumindig kayo at gawin ang ipinagagawa sa inyo. At ipaubaya ninyo ang lahat sa Panginoon. Makikita ninyo na hindi pala matatawaran ang nagawa ninyo” (“Sa mga Kababaihan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2003, 114).

Makipagkaibigan

Bilang class president, nakadama rin ako ng kakulangan. Ngunit mahalaga na sikaping ipadama sa mga kabataang babae na sila ay minamahal at kabilang. Maging matulunging kaibigan at makinig sa iyong mga counselor kapag gumagawa ng mga desisyon. Magpakita ng mabuting halimbawa at sikaping ipamuhay ang mga pinahahalagahan ng Young Women, pero huwag asahang maging perpekto ang iyong sarili. Ang inaasahan lang ng Ama sa Langit ay magsikap ka. Kung mananalangin ka sa Kanya, bibigyan ka Niya ng lakas at patnubay na kailangan mo.

Rebecca N., edad 16, New Hampshire, USA

Maging Handang Maglingkod

Ganyan din ang pakiramdam ko, dahil ako ang Mia Maid class president noon. Naaalala ko pa ang pakiramdam ko nang pumasok ako sa opisina ng bishop para sa interbyu. Tatanggihan ko sana, pero alam ko na hindi ito isang atas na nagmula sa bishop ko—ito ay isang calling na nagmula sa Diyos. Tutulungan tayo ng Ama sa Langit na gampanan ang ating mga calling kung handa tayong sumunod sa Kanya at magpakumbaba.

Nicole P., edad 16, Philippines

Mahalin ang mga Pinaglilingkuran Mo

Upang maging mas mahusay na lider, kailangan mo talagang mahalin ang mga pinaglilingkuran mo. Sa gayo’y kailangan mong alisin ang anumang hinanakit at magpatawad. Maaari mong ipagdasal na makita ang kahalagahan nila na tulad ng Diyos. Manalangin na madama ang pagmamahal Niya sa iyo at sa mga miyembro ng klase mo. Alam ko mula sa karanasan na makakatulong ang Pansariling Pag-unlad para magkaroon ka ng mga katangian at pinahahalagahang kailangan para gampanan ang iyong calling. Bibigyan ka ng Diyos ng lakas na kailangan mo kung hihingin mo ang tulong na iyan.

Mary B., edad 16, Washington, USA

Magsimulang Umunlad mula sa Kasalukuyan Mong Sitwasyon

Maaari kang maging mas mahusay na lider sa paggamit ng mga katangiang gusto mong taglayin. Ipagdasal na patnubayan ka ng Espiritu kapag gumagawa ka ng mga pagpapasiya. Ipagdasal na mapagtuunan mo ng pansin ang mga pangangailangan ng mga kabataang babae. Marami kang magagawa para maging mas mahusay na lider, pero nalaman ko na ang unang hakbang ay laging maniwala na kaya mo.

Savanna P., edad 15, Texas, USA

Pumunta sa Templo

Noong katatawag pa lang sa akin bilang deacons quorum president, hindi ko tiyak kung paano ko mapapalakas ang aking espirituwalidad. Sinimulan kong gumawa ng family history, karaniwan ay tuwing Linggo. Pumupunta ako sa templo tuwing Sabado ng umaga. Minithi kong magdala ng pangalan ng mga lalaking mabibinyagan at makukumpirma nang madalas hangga’t maaari. Pagkatapos kong magpunta sa templo linggu-linggo, mas espirituwal na ang pakiramdam ko, at dahil diyan ay mas natulungan ko ang korum ko.

Josh B., edad 13, Utah, USA

Kumilos Ayon sa Inspirasyon

Kung binigyan ka ng calling ng Panginoon, iyon ay dahil may isang gawaing kaya mong gawin. Kailangan nating humingi sa Diyos, tulad ng sabi sa Santiago 1:5. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ihahayag sa atin ang dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Sa tulong Niya, “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Pagkatapos ay kailangan nating sundin ang inspirasyong natanggap natin. Lubos akong naniniwala na yamang ang Panginoon ang gumagabay sa atin, magagampanan nating lahat ang ating mga calling.

Lucy D., edad 17, France

Magplano ng mga Aktibidad na Nagpapalakas ng Espirituwalidad

Magmiting nang regular kasama ang inyong presidency at magplano ng mga aktibidad na nagpapalakas ng espirituwalidad na tutugon sa mga pangangailangan at interes ng mga kabataan. Kapag hindi dumalo ang isang kabataang babae sa klase mo, ipaalam sa kanya na na-miss mo siya. Isa sa mga talata sa banal na kasulatan na nakatulong sa akin ay ang Mosias 18:9.

Karen P., edad 16, Mexico