Mensahe ng Unang Panguluhan
Maglaan ng Oras para sa Tagapagligtas
Isa pang Kapaskuhan ang paparating at kasunod nito ang pagsapit ng isang bagong taon. Parang kahapon lamang tayo nagdiwang ng pagsilang ng Tagapagligtas at gumawa ng mga resolusyon.
Sa ating mga pagpapasiya para sa taon na ito, ipinasiya ba nating maglaan ng oras sa ating buhay at puwang sa ating puso para sa Tagapagligtas? Gaano man tayo katagumpay sa ngayon sa gayong pagpapasiya, tiwala ako na nais nating lahat na paghusayin pa ito. Ang Kapaskuhang ito ang tamang panahon para suriin at panibaguhin ang ating mga pagsisikap.
Sa kaabalahan natin sa buhay, dahil sa napakaraming iba pang bagay na umaagaw sa ating pansin, mahalagang gumawa tayo ng sadya at tapat na pagsisikap na gawing bahagi si Cristo ng ating buhay at tahanan. At mahalaga na tayo, gaya ng mga Pantas mula sa Silangan, ay manatiling nakatuon sa Kanyang bituin at “[lumapit] upang siya’y sambahin.”1
Sa buong kasaysayan, ang mensahe ni Jesus ay hindi nagbabago. Kina Pedro at Andres sa dalampasigan ng Galilea, sinabi Niya, “Magsisunod kayo sa hulihan ko.”2 Kay Felipe ay dumating ang panawagan na, “Sumunod ka sa akin.”3 Sa Levita na nakaupo sa paningilan ng buwis ay dumating ang utos na, “Sumunod ka sa akin.”4 At sa inyo at sa akin, kung makikinig lang tayo, darating din ang paanyayang iyan: “Sumunod sa akin.”5
Kapag sinundan natin ngayon ang Kanyang mga yapak at tinularan ang Kanyang halimbawa, magkakaroon tayo ng mga pagkakataong pagpalain ang buhay ng iba. Inaanyayahan tayo ni Jesus na ibigay ang ating sarili: “Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.”6
Mayroon ka bang dapat paglingkuran ngayong Pasko? Mayroon bang naghihintay sa pagbisita mo?
Ilang taon na ang nakararaan bumisita ako sa bahay ng isang matandang biyuda sa araw ng Pasko. Habang naroon ako, tumunog ang doorbell. Naroon at nakatayo sa may pintuan ang isang napakaabala at bantog na doktor. Hindi siya pinapunta; sa halip, nadama lang niya ang pahiwatig na bisitahin ang isang pasyenteng nalulumbay.
Sa Kapaskuhang ito, gustung-gusto ng mga taong nararatay sa sakit na mabisita sa araw ng Pasko. Isang araw ng Pasko nang bumisita ako sa isang bahay-kalinga, naupo ako at nakipag-usap sa limang matatandang babae, na ang pinakamatanda ay 101 anyos. Bulag siya, subalit nakilala niya ang boses ko.
“Bishop, nahuli ka yata ng dating ngayong taon!” sabi niya. “Akala ko hindi ka na darating.”
Masaya kaming nag-usap. Gayunman, isang pasyente ang may pananabik na dumungaw sa bintana at paulit-ulit na sinabing, “Alam kong dadalawin ako ngayon ng anak ko.” Inisip ko kung darating nga ito, dahil ilang Kapaskuhan na ang nagdaan na hindi ito nakadalaw.
May panahon pa ngayong taon na tumulong, magpadama ng pagmamahal, at magkusang-loob—sa madaling salita, tularan ang ipinakita ng ating Tagapagligtas at maglingkod sa paraang gusto Niya tayong maglingkod. Kapag naglingkod tayo sa Kanya, hindi tayo mawawalan ng pagkakataon, tulad ng bantay sa bahay-tuluyan noong araw,7 na maglaan ng oras sa ating buhay at puwang sa ating puso para sa Kanya.
Nauunawaan ba natin ang kagila-gilalas na pangakong nasa mensahe ng anghel na ibinigay sa mga pastol na nasa bukid: “Dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan. … Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon … ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon”?8
Habang nagpapalitan tayo ng mga regalo sa Pasko, nawa’y ating alalahanin, pasalamatan, at tanggapin ang pinakadakilang regalo sa lahat—ang handog ng ating Tagapagligtas at Manunubos, upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
“Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog? Masdan, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinigay sa kanya, ni nasisiyahan sa kanya ang siyang nagkaloob ng handog.”9
Nawa’y sundin natin Siya, paglingkuran Siya, igalang Siya, at tanggapin natin sa ating buhay ang Kanyang mga handog sa atin, upang tayo, sa mga salita ni Amang Lehi, ay “[mayakap] magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal.”10