2015
Isang Saksi ng Tagapagligtas na si Jesucristo
Disyembre 2015


Isang Saksi ng Tagapagligtas na si Jesucristo

Sa kanyang 54 na taon bilang General Authority at sa kanyang 45 taon bilang Apostol, isang natatanging saksi “ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23), mapagpakumbabang ibinahagi ni Pangulong Packer ang patotoong iyan. Bago siya namatay noong Hulyo 3, 2015, hiniling ni Pangulong Packer na ibahagi sa Liahona ang sumusunod na mga hango mula sa kanyang ministeryo. Sa diwa ng Kapaskuhan, binibigyang-diin ng mga ito ang kanyang pagsaksi at pagmamahal sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Carl Bloch's painting depicting Christ with a  boy.  The painting is cropped to show only Christ.  There is a halo of light around Christ's head.

Detalye mula sa Si Cristo at ang Batang Musmos, ni Carl Heinrich Bloch

Mahal ko ang Panginoon

“Mahal ko ang Pasko. May espiritu sa Kapaskuhan. Bumababa ito sa mundo—hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan kundi sa iba’t ibang panig ng mundo—isang patotoo at isang pagsaksi na si Jesus ang Cristo. … Bilang lingkod ng Panginoon, bilang isa sa Labindalawa, alam ko na si Jesus ang Cristo. …

“Mahal ko ang Panginoon. Mahal ko ang Kanyang gawain. Mahal ko Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at pinatototohanan ko Siya na ating Guro at ating Kaibigan.”1

Sa Kanya ay Sumasaksi Ako

“May ilang bagay na napakasagrado talaga para talakayin. …

“Hindi dahil lihim ang mga ito, kundi sagrado; hindi dapat talakayin, kundi dapat pangalagaan at protektahan at igalang nang husto.

“Nalaman ko kung ano ang ibig sabihin ng propetang si Alma:

“‘… Ibinigay sa marami na malaman ang mga hiwaga ng Diyos; gayunpaman, sila ay pinasailalim sa isang mahigpit na pag-uutos na hindi nila ipamamahagi tanging alinsunod lamang sa bahagi ng kanyang salita na ipinagkaloob niya sa mga anak ng tao, alinsunod sa pagtalima at pagsusumikap na kanilang ibinigay sa kanya.

“‘At kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito’ (Alma 12:9–10). …

“Ngayon, nagtataka tayo pareho kung bakit dapat tawagin ang isang katulad ko sa banal na pagkaapostol. Napakaraming katangiang kailangan na wala sa akin. Kulang na kulang ang pagsisikap kong makapaglingkod. Nang pag-isipan ko ito, isang bagay lang ang pumasok sa isipan ko, isang katangian na maaaring may dahilan, at iyon ay, dahil nasa akin ang patotoong iyon.

Ipinapahayag ko sa inyo na alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Siya ay isinilang sa kalagitnaan ng panahon. Itinuro niya ang Kanyang ebanghelyo, nilitis Siya, at ipinako sa krus. Nagbangon sa ikatlong araw. Siya ang unang bunga ng pagkabuhay na mag-uli. Siya ay may katawang may laman at buto. Ito ay pinatototohanan ko. Sa Kanya’y sumasaksi ako.”2

Tinanggap Niya ang Parusa

Jesus Christ depicted leaning on a rock in the Garden of Gethsemane. The image depicts the Atonement of Christ.

DETALYE MULA SA HINDI AKING KALOOBAN, KUNDI ANG IYONG KALOOBAN, ANG MASUNOD, ni Harry Anderson

“Bago ang Pagpapako sa Krus at pagkatapos niyon, maraming tao ang kusang nag-alay ng kanilang buhay sa di-makasariling mga hakbang ng kabayanihan. Ngunit walang sinumang dumanas ng tiniis ni Cristo. Nasa Kanya ang bigat ng kasalanan ng buong sangkatauhan, lahat ng kasalanan ng tao. At sa di-tiyak at kritikal na kalagayan ay naroon ang Pagbabayad-sala. Sa Kanyang kusang pagkilos, maaaring magkasundo ang awa at katarungan, maitaguyod ang walang hanggang batas, at makamtan ang pagpapamagitan dahil kung wala ito ay hindi matutubos ang tao.

“Pinili Niyang tanggapin ang parusa alang-alang sa buong sangkatauhan para sa lahat ng kasamaan at kabuktutan; sa kalupitan, kahalayan, paglabag, at katiwalian; sa pagkalulong; sa mga pagpatay at pagpapahirap at paninindak—para sa lahat ng nangyari o lahat ng mangyayari sa mundong ito. Sa pagpiling ito ay dinanas Niya ang kahindik-hindik na kapangyarihan ng diyablo, na hindi nagkaroon ng laman ni dumanas ng hirap sa buhay na ito. Iyon ang Getsemani!

“Kung paano naisagawa ang Pagbabayad-sala ay di natin alam. Walang taong nakakita nang lumayo ang diyablo at magtago dahil sa kahihiyan sa harap ng Liwanag ng dalisay na nilalang na iyon. Hindi kayang patayin ng lahat ng kasamaan ang Liwanag na iyon. Nang mangyari ang nangyari, ang hinihinging halaga ay nabayaran. Kapwa ang kamatayan at impiyerno ay wala nang kapangyarihan sa lahat ng magsisisi. Sa wakas ay naging malaya ang tao. Pagkatapos ay maaari nang sundan ng bawat kaluluwang nabuhay ang Liwanag na iyon at matubos.

“Sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang sakripisyo, ‘sa pamamagitan ng Pagbabayad-salang [ito] ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).”3

Ang Dalubhasang Guro

“Sa pagsisikap kong ituro ang Kanyang ebanghelyo, nakilala ko Siya, si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama. Nagpipitagan ako sa Kanyang harapan na may matinding pagsasaalang-alang sa itinuro Niya, at matinding pagpapahalaga sa kung paano Siya nagturo. Hindi masamang hangarin ng sinuman sa atin na magturo na katulad ng pagtuturo Niya. Hindi masamang hangarin ng sinuman sa atin na maging katulad Niya. Hindi lamang Siya isang guro; Siya ang dalubhasang guro.”4

Mga Katotohanang Mahalagang Malaman

“Bilang mga mortal, maaaring hindi, sa katunayan talagang hindi natin lubos na nauunawaan kung paano isinakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit sa ngayon ang paraan ay hindi kasinghalaga ng dahilan ng Kanyang pagdurusa. Bakit Niya ito ginawa para sa inyo, para sa akin, para sa buong sangkatauhan? Ginawa Niya ito dahil sa pag-ibig sa Diyos Ama at sa buong sangkatauhan. ‘Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ (Juan 15:13).

“Sa Getsemani, humiwalay si Cristo sa Kanyang mga Apostol para manalangin. Anuman ang nangyari ay wala tayong kakayahang malaman! Ngunit alam natin na naisagawa Niya ang Pagbabayad-sala. Handa Siyang akuin ang mga pagkakamali, mga kasalanan at bigat ng konsiyensya, mga pag-aalinlangan at takot ng buong mundo. Nagdusa Siya para sa atin para hindi na tayo magdusa pa. Marami ang dumanas ng pagdurusa at masakit at malagim na kamatayan. Ngunit saklaw ng Kanyang pagdurusa ang lahat ng ito. …

“Ang Kanyang pagdurusa ay kaiba sa lahat ng pagdurusa bago o pagkatapos niyon dahil pinasan Niya ang lahat ng kaparusahan na ipinataw sa lahat ng tao. Isipin ninyo iyan! Wala Siyang utang na dapat bayaran. Wala Siyang nagawang kasalanan. Gayunman, ang lahat ng kasalanan, pagdurusa at lungkot, sakit at kahihiyan, lahat ng pagdurusa sa isipan, damdamin, at katawan na naranasan ng tao—ay naranasan Niyang lahat. Iisang Tao lamang sa buong talaan ng kasaysayan ng sangkatauhan ang walang kasalanan, na karapat-dapat na magbayad para sa mga kasalanan at paglabag ng lahat ng tao at makayanan ang sakit na kaakibat ng pagbabayad para sa kanila.

“Inialay Niya ang Kanyang buhay at sinabing, ‘Ako ang magdadala ng mga kasalanan ng sanlibutan’ (Mosias 26:23). Siya ay ipinako; Siya ay namatay. Hindi nila makukuha ang Kanyang buhay mula sa Kanya. Pumayag Siyang mamatay. …

“Kung nagkamali o nalihis kayo sa loob ng maikling panahon, kung nadarama ninyo na bihag kayo ng kaaway, maaari kayong sumulong nang may pananampalataya at hindi na magpagala-gala pa sa mundo. May mga taong handang gabayan kayo pabalik sa kapayapaan at katiwasayan. Ang biyaya ng Diyos, tulad ng pangako sa mga banal na kasulatan, ay dumarating ‘sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ (2 Nephi 25:23). Ang posibilidad nito, para sa akin, ang katotohanan na napakahalagang malaman.

“Ipinapangako ko na maaaring dumating ang maningning na umaga ng kapatawaran. Pagkatapos ‘ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip’ (Mga Taga Filipos 4:7) ay muling darating sa buhay ninyo, na parang pagsikat ng araw, at kayo at Siya ay ‘hindi na aalalahanin [pa ang inyong kasalanan]’ (Jeremias 31:34). Paano ninyo malalaman? Malalaman ninyo! (Tingnan sa Mosias 4:1–3.)”5

Ang Aking Patotoo

“Matapos ang maraming taon na ako ay nabubuhay at nagtuturo at naglilingkod, matapos ang milyun-milyong kilometro ng paglalakbay ko sa mundo, sa lahat ng aking naranasan, may isang dakilang katotohanan akong ibabahagi. Iyan ay ang aking pagsaksi sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

“Itinala nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang sumusunod matapos ang espirituwal na karanasan:

“‘At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“‘Sapagkat siya ay aming nakita’ (D at T 76:22–23).

“Ang kanilang mga salita ay aking mga salita.”6

“Kaylaki ng pribilehiyong napasaakin sa buong buhay ko na maibigay ang aking natatanging patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko nang buong pagpapakumbaba, ngunit may lubos na katiyakan, na Siya ang Bugtong na Anak ng Ama. Ito ang Kanyang Simbahan; Siya ang nangungulo rito at namamahala sa gawaing ito. Siya ang ating Manunubos. Alam ko na Siya ay buhay, at kilala ko Siya. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.”7

Mga Tala

  1. “Our Witness of the Lord,” General Authority training, Dis. 5, 1974.

  2. “The Spirit Beareth Record,” Ensign, Hunyo 1971, 87, 88.

  3. “Sino si Jesucristo?” Liahona, Mar. 2008, 15.

  4. Mine Errand from the Lord: Selections from the Sermons and Writings of Boyd K. Packer (2008), 337.

  5. “Ang Di-Makasarili at Sagradong Sakripisyo ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2015, 37–38; tingnan din sa “Truths Most Worth Knowing,” Church Educational System Devotional, Nob. 6, 2011.

  6. “Ang Saksi,” Liahona, Mayo 2014, 97.