Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Hindi Ako Nag-iisa
Robert Hoffman, Washington, USA
Habang alistong nakaupo sa loob ng hukay na taguan, tinanaw ko ang buhanginan sa gawing hilaga—sa bandang Iraq. Ika-24 ng Disyembre iyon sa panahon ng Desert Shield, at ako ang naatasang magbantay simula hatinggabi.
Ako lang ang Banal sa mga Huling Araw sa aming batalyon, kaya mas lalong naging malungkot sa akin ang kapaskuhan. Nasa disyerto kami ng Saudi Arabia simula pa noong Agosto, at ngayon sumapit na ang Pasko sa gabing malamig at puno ng mga bituin. Tahimik na ang kampo, at may ilang oras pa ako para pagmasdan ang mangasul-ngasul at abuhing buhanginan at ang mga nasa isipan ko.
Naisip ko ang aking asawa at anak sa Georgia, USA, at ang mga kasayahang di ko madadaluhan—ang Christmas tree, ang mga regalo, at ang mga pagkain tuwing Pasko. Sinimulan kong pagnilayan ang kuwento ng Pasko.
Inisip ko ang gabi nang isinilang si Cristo. Inisip ko kung gaano ito kadilim at kung may sinag ba ng buwan na magpapaliwanag sa lupain o mga kutitap lang ng mga bituin. Dahil walang de-kuryenteng ilaw sa Kanyang pagsilang, tiyak na ang gabing iyon ay kasing-dilim ng namamasdan ko ngayon. Walang mga kasayahan—madilim at tahimik na gabi lamang.
Pagkatapos ay may naisip akong bagay na napakaganda. Nakasaad sa Biblia na may mga Pantas na Lalaki na nagsidating mula sa Silangan, na ginabayan ng isang bituin na lumitaw sa kalangitan sa gabi. Habang minamasdan ko ang madilim na kalangitan, natanto kong nasa gawing silangan ako ng Betlehem at ang isa sa mga sentro ng kaalaman sa panahong iyon ay ang Baghdad. Nagmula kaya ang mga Pantas na Lalaki sa lugar na di-kalayuan sa kinaroroonan ko? Anong bituin ang nagningning? Naroon pa rin kaya ito sa kalangitan? Makikita ko ba ito?
Tumingala ako sa langit na namamangha sa mga likha ng Diyos at sumaya ang pakiramdam ko. Hindi na mahalaga kung ang kinaroroonan ko ay ang mismong lugar o kung nasa langit man ang bituin ding iyon. Ang mahalaga, tulad ng mga Pantas na Lalaki, ay alam ko ang tungkol sa sanggol na isinilang sa Betlehem na siyang Hari ng mga hari.
Hindi ako nag-iisa sa Paskong iyon; sa halip, ako ay nakikiisa sa lahat ng mga naghahanap sa Kanya, maging sila man ay mga Pantas na Lalaki, mga propeta, o nalulumbay na sundalo sa isang hukay na taguan. Nang gabing iyon ang aking patotoo sa pagsilang ng Tagapagligtas ay napalakas, at ang Banal na Espiritu ay dama ko pa rin kinabukasan.
Sa halip na maging malungkot ang Pasko sa taong iyon, naging isa ito sa mga pinaka-itinatangi kong Pasko.