2015
Ako’y Nangako sa Diyos
Disyembre 2015


“Ako’y Nangako sa Diyos”

Naitatag ang Simbahan sa Guayacana, Ecuador, dahil na rin sa malaking itinulong ni Virgilio Simarrón, na gumawa ng mahirap na desisyon para manatiling tapat sa kanyang patotoo.

Group of people in the Guayacana, Ecuador Branch

Mga retrato sa kagandahang-loob ng awtor

Si Virgilio Simarrón Salazar ay isang lider sa kanyang sinilangang bayan sa Chachi ng hilagang Ecuador. Hanggang ngayon, pinananatili ng Chachi ang kanilang kakaibang pamumuhay at sariling sistema ng hustisya na may pampamayanang konseho, mga gobernador, at mga hukom. Ang mga tungkuling ito ng pamumuno ay karaniwang mga katungkulang ikinararangal na ilang henerasyon nang iniingatan ng mga pamilya at lubos na iginagalang at pinahahalagahan ng pamayanan. Ang paggalang sa posisyon ay pagtitiwalang dapat ingatan at ipasa sa susunod na henerasyon.

Ngunit ang mga plano sa buhay ni Virgilio Simmarón ay nagbago noong 1996, nang ang kanyang anak na si Wilson, ay nagbalik mula sa pag-aaral sa Quinindé na may dalang mga kopya ng Aklat ni Mormon at matibay na patotoo sa kanyang bagong relihiyon. Puspos ng pananampalataya at kasigasigan ng isang taong natagpuan ang katotohanan, ibinahagi ni Wilson ang mensahe ng ebanghelyo sa kanyang pamilya, at di nagtagal ay nabinyagan sila sa Canandé River.

Subalit nang ibahagi ng pamilya Simarrón ang ebanghelyo sa Chachi sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay, nagkaroon ng matinding di-pagkakasundo. Itinuring ng ilang taga Chachi na isang erehe si Virgilio Simarrón dahil sa kanyang mga paniniwala at tinangkang gawan siya ng karahasan. Ipinalagay ng iba, na bilang gobernador, hindi siya dapat nakikilahok sa bagong relihiyon na maaaring maging dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga tao. Dahil sa alalahaning ito, iniharap nila siya sa pampamayanang konseho para litisin. Ito ay isa sa magiging pinakamahirap na mga karanasan sa buhay ni Virgilio.

Ikinuwento ni Wilson ang nangyari: “Ang buong konseho ay nagsabi ng ganito sa aking ama, ‘Ikaw ay mananatiling gobernador namin kung tatalikuran mo ang Simbahan ni Jesucristo; dapat kang tumiwalag.’ Sabi ng aking ama, ‘Ako’y nangako sa Diyos, at kapag nangako ang isang tao sa Diyos, hindi ito maaaring bawiin. Hindi ko maaaring talikuran ang Simbahan. Kung sa palagay ninyo isa akong gobernador na nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng mga taga-Chachi, kung gayon mga kababayan ko, pumili kayo ngayon sa araw na ito ng ipapalit sa akin.’ Pagkatapos ay nakita kong umiyak ang aking ama. Lubos na tumahimik ang konseho nang mahigit limang minuto—wala ni isang nagsalita. Pagkatapos ay may nagsabing, ‘Kung gayon Gobernador, umalis ka na.’ Dahan-dahang tumayo ang aking ama, gayundin ang aking ina, ang kapatid kong babae, at ako at bumaba at iniwan ang konseho.”

Matapos tanggalin si Brother Simarrón sa katungkulan, maraming hirap ang dinanas ng pamilya. Dahil sa pang-aalipustang dinanas mula sa maraming tao na dating gumagalang sa kanila, nagtuon ang pamilya sa relihiyong tinanggap nila at ipinangaral ang ebanghelyo nang buong sigasig. Ang kanilang stake president na si Omar Intriago Cesar, ay naglahad: “Sinimulan nilang ipangaral ang ebanghelyo sa bahay-bahay sa bawat pamilya ng komunidad na ito. Ang Guayacana Branch ay nagsimula kay Virgilio Simarrón at sa kanyang anak na si Wilson. Naitatag ang Simbahan dahil sa kanyang pananampalataya, sa kanyang lakas, at sa kanyang patotoo.”

Baptism at the Canandé River

Sa loob lamang ng ilang taon, ang pagsisikap ng pamilya Simarrón ay nagbunga nang lubos. Ang Mayo 30, 1999, ay naging araw ng pagdiriwang sa Guayacana nang idaos ang pagbibinyag para sa malaking bilang ng mga tao. Paggunita ni President Intriago, “Dumating kami kasama sina Roberto Garcia, ang mission president, at kapwa kami nakilahok sa dakilang araw na iyon, kung saan sa mga dalampasigan ng Canandé River, dalawang missionary ang nagbinyag ng 60 katao. Pagkatapos, kinumpirma namin ni President Garcia ang mga miyembro ng Simbahan na nabinyagan. Ito ay isang pribilehiyo na hindi ko kailanman malilimutan sa aking buhay.”

Bagama‘t iniwan ni Virgilio ang kanyang pagiging gobernador upang manatiling tapat sa kanyang patotoo, naipasa niya ang isa pang pamana sa sumunod na henerasyon; iyan ay ang paglilingkod sa mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo. Nasaksihan niya ang paglilingkod ni Wilson sa full-time mission at ang pag-uwi at pagpapakasal nito sa asawang si Ruth, at ang pagkakaroon nila ng mga anak. Pakaraan ng ilang taon, namatay si Virgilio nang tapat sa Simbahan. Nasaksihan pa ng kanyang asawang si Maria Juana Apa, ang pagtawag sa kanilang anak, noong 2014, bilang branch president sa Guayacana.

Lubos na batid ni Wilson ang pamanang nais ng kanyang ama na ibigay sa kanya noon pa man. “Ang aking mga ninuno ay pawang mga gobernador, pinuno ng mga kawal, magigiting na mandirigma,” sabi niya. “Pakiramdam ko lahat ng mga katangiang ito ng aking mga ninuno ay nananalaytay pa rin sa akin. Pero ngayong ako ay miyembro na ng Simbahan, lahat ng katangiang iyon ay nakatulong sa akin na maging isang mabuting kawal ni Jesucristo.”

Wilson and Ruth Simarrón Salazar in Guayacana, Ecuador Wilson is the son of Virgilio Salazar.

Itaas: Isang bagong henerasyon ng mga pinuno, sina Ruth at Wilson Simarrón ng Guayacana Branch (kasama ang mga miyembro ng branch na makikita sa kaliwa).