Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan
Paano Makikita ang Tunay na Kahulugan ng Pasko
Mula sa 2010 Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan.
Kapag naghahanda tayo para sa Pasko sa pamamagitan ng pagninilay sa tunay na kahulugan nito, naghahanda tayong madama si Cristo at ang Kanyang mensahe. Magmumungkahi ako ng tatlong bagay na maaari nating pag-aralan, pagnilayan, at isagawa sa panahong ito ng paghahanda.
Una, magalak sa pagsilang ng ating Tagapagligtas. Ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng Anak ng Diyos, ang Lumikha, ang ating Mesiyas. Nagagalak tayo na ang Hari ng mga hari ay pumarito sa lupa, isinilang sa isang sabsaban, at namuhay nang sakdal. Nang isilang si Jesus, napakalaki ng kagalakan sa langit na hindi ito mapigilan (tingnan sa Lucas 2:8–14).
Pangalawa, pagnilayan ang Kanyang impluwensya sa ating buhay ngayon. Ang Pasko ay panahon ng pag-alaala sa Anak ng Diyos at pagpapanibago ng ating determinasyong taglayin ang Kanyang pangalan. Panahon ito upang muling suriin ang ating buhay at ating isipan, damdamin, at mga kilos. Gawin itong panahon ng pag-alaala, ng pasasalamat, at panahon ng pagpapatawad. Gawin itong panahon ng pagninilay sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa personal na kahulugan nito sa bawat isa sa atin. At higit sa lahat gawin itong panahon ng pagpapanibago at muling pangangako na ipamuhay ang salita ng Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Sa paggawa nito, higit natin Siyang naigagalang kaysa sa pamamagitan ng mga christmas light, regalo, o party.
Pangatlo, matatag na hintayin ang Kanyang pagdating. Bagama’t ang Kapaskuhan ay karaniwang isang panahon ng paglingon sa nakaraan at pagdiriwang sa pagsilang ng ating Panginoon, para sa akin ay dapat din itong maging panahon ng pag-asam sa hinaharap. Asamin natin ang hinaharap. Paghandaan natin ang pinagpalang araw na muli Siyang paparito. Maging matalino tayong tulad ng mga tao noong araw na naghintay sa Kanyang pagdating.
Dalangin ko na sa panahong ito at sa araw-araw, makita natin ang kadalisayan ng kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas at taos-puso tayong magpasalamat sa Kanyang buhay, mga turo, at nakapagliligtas na sakripisyo para sa atin. Nawa’y maging dahilan ang pasasalamat na ito para mag-ibayo ang ating determinasyong sumunod sa Kanya. Nawa’y akayin din tayo nito na mas mapalapit sa ating pamilya, sa ating simbahan, at sa ating kapwa. At nawa’y matatag nating hintayin ang pinagpalang araw na iyon na muling pumarito sa lupa ang nabuhay na mag-uling Cristo bilang ating Panginoon, ating Hari, at ating banal na Tagapagligtas.