2015
Tumatakbong Patungo sa Templo
Disyembre 2015


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tumatakbong Patungo sa Templo

Antonella Trevisan, Udine, Italy

Illustration depicting a couple running towards the temple during a snowstorm.

Paglalarawan ni Stan Fellows

Noong Disyembre 1999 naghahanda kami para sa taunang pagbiyahe sa Switzerland Temple tuwing Kapaskuhan. Ang pagbiyaheng iyon, na isang espesyal na tradisyon na sinimulan namin kaagad matapos kaming ikasal, ay isang paraan ng paggunita namin sa pagsilang ng Tagapagligtas.

Walong oras na biyahe sa kotse ang layo ng bahay namin sa templo, at masama na ang panahon bago pa man kami umalis. Dahil sa mga nabunot na puno, malakas na hagupit ng hangin, at maniyebeng daan magiging mapanganib ang paglalakbay.

Hindi ko talaga maunawaan kung bakit napakaraming sagabal gayong alam namin na nais ng Panginoon na pumunta kami sa templo. Hindi ba Niya aalisin ang sagabal sa aming daraanan?

Kami ng asawa kong si Antonio at ang aming mga anak ay lumuhod at nanalangin at sinabi sa ating Ama sa Langit na kung hindi Niya kami pipigilang umalis, tutuloy kami sa pagpunta sa Bern kinabukasan.

“Kung talagang hindi madaraanan ang kalsada” sabi ni Antonio pagkatapos naming magdasal, “babalik tayo.”

Alam ko tama ang desisyon namin, ngunit kinakabahan pa rin ako. Kinaumagahan, atubili pa rin ako kaya nagpasiya akong magdasal muli. Sinabi sa akin ni Antonio na natanggap na namin ang sagot, pero magiliw at matiyaga pa rin siyang lumuhod na katabi ko.

Nang umalis kami, nagbubukang-liwayway pa lang at maiitim na ulap ang nakalambong sa amin. Habang nasa biyahe, nabanaag ko ang mangasul-ngasul na kalangitan malapit sa mga bundok. Sumilay ang manipis na sinag ng araw sa mga ulap.

Ang aandap-andap na sikat ng araw ay nagpalakas sa aking nanghihinang pananampalataya. Himalang sumikat ang araw at tumaas ang temperatura. Walang hamog, walang niyebe, walang hangin—kundi isa lamang maaliwalas, at di-pangkaraniwang init sa panahon ng taglamig. Napuno ng luha ang mga mata ko. Tila sinagot ng Ama sa Langit ang aming mga panalangin.

Nang makarating kami sa Bern, nagsimulang bumuhos ang niyebe at nagpatuloy ito sa buong pamamalagi namin doon. Habang papunta kami sa templo bago sumapit ang madaling-araw kinabukasan, sinabayan na ng pagbagsak ng mga niyebe ang bagyo. Sandali akong natakot, at tumakbo na ako patungo sa templo.

Pagkatapos ay may naisip ako: “Ganito talaga ang mangyayari. Gagambalain tayo ng mundo ng mga ligalig, ngunit dapat tayong tumakbo sa kapayapaan ng Panginoon na matatagpuan sa Kanyang bahay.”

Napakasaya namin sa templo nang Kapaskuhang iyon, ngunit nag-alala kami sa paglalakbay pauwi. Patuloy ang pagbagsak ng niyebe, at nilagnat pa nang mataas ang aming bunsong anak. Sa araw ng paglisan namin, gayunman, himalang tumigil ang pagbagsak ng niyebe, at humupa ang lagnat ng aming anak nang matanggap niya ang basbas ng priesthood.

Sa lakas na dulot sa amin ng kapayapaan ng templo, isang talata sa Biblia ang naisip ko: “May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon?” (Genesis 18:14). Dama ang pasasalamat, natanto ko na walang napakahirap sa Panginoon.