2015
Ang Kuwento ng Pagsilang ni Cristo
Disyembre 2015


Para sa Maliliit na Bata

Ang Kuwento ng Pagsilang ni Cristo

Product Shot from December 2015 Liahona
Product Shot from December 2015 Liahona
Product Shot from December 2015 Liahona

Noong unang panahon, isang babaeng nagngangalang Maria at isang lalaking nagngangalang Jose ang malapit nang ikasal. Sina Maria at Jose ay mabubuting tao na sumunod sa nais ipagawa sa kanila ng Diyos.

Isang araw isang anghel ang dumalaw kay Maria at sinabi sa kanya na magkakaanak siya! Sinabi ng anghel na dapat ay Jesus ang ipangalan niya sa sanggol. Ang sanggol ang magiging Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas.

Kinailangang maglakbay nina Maria at Jose papunta sa bayan ng Betlehem para magbayad ng buwis.

Ang bayan ay puno ng mga tao. Kaya pinalipas nina Maria at Jose ang gabi sa isang kural ng mga hayop. Nang gabing iyon ang sanggol na si Jesus ay isinilang!

Isang bagong bituin ang lumitaw sa kalangitan.

Binabantayan noon ng mga pastol ang mga tupa sa kalapit na parang. Dumating ang mga anghel at sinabi sa mga pastol na isinilang na ang Tagapagligtas. Humayo ang mga pastol para hanapin at sambahin ang sanggol na si Jesus.

Sa malayong lugar, nakita ng mga Pantas ang bagong bituin. Alam nila na tanda iyon na isinilang na ang Tagapagligtas. Sinundan nila ang bituin hanggang sa matagpuan nila si Jesus. Nagbigay sila sa Kanya ng mga regalo at sumamba sa Kanya.

Pagkaalis ng mga Pantas, binisita ng isang anghel si Jose. Sinabi ng anghel na gustong saktan ng isang masamang hari si Jesus. Sinabi ng anghel na dapat pumunta ang kanilang pamilya sa Egipto para maging ligtas.

Sina Jose, Maria, at Jesus ay nanirahan sa Egipto hanggang sa ligtas nang bumalik sa Israel. Si Jesus ay lumaki sa bayan ng Nazaret. Natuto siyang maging matulungin, mabait, at masunurin. Nalaman niya ang lahat ng bagay na kailangan Niyang matutuhan para maging Tagapagligtas natin. Sinunod Niya palagi ang plano ng Diyos para sa Kanya.

Tuwing Pasko ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo. Ituro ang mga larawan ng mga taong ito, na naging bahagi ng kuwento ng Pagsilang ni Jesus.

Maaari nating tularan sina Maria at Jose sa paggawa ng nais ipagawa sa atin ng Diyos.

Maaari nating tularan ang mga pastol at mga Pantas sa pagsunod kay Jesucristo.

Maaari nating tularan ang mga anghel sa pagbabahagi sa iba ng totoong kuwento ng Pasko.

At maaari nating tularan si Jesus sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang halimbawa!