2015
Bisperas ng Pasko Kasama ang mga Córdoba
Disyembre 2015


Bisperas ng Pasko Kasama ang mga Córdoba

Ang awtor ay naninirahan sa Peru.

Iisa lang ang regalo namin ni Marycielo. Paano kami maghahati?

“Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

Product Shot from December 2015 Liahona

Noong Bisperas ng Pasko dalawa lang ang regalo sa ilalim ng aming maliit na puno. Isa para sa aking dalawang-taong-gulang na kapatid na babaeng si Marycielo at isa para sa akin. Gipit kami sa pera, sabi ni Mama, kaya iyon lang ang matatanggap namin.

Nang gabing iyon binasa ni Mama ang isang kuwento mula sa Liahona tungkol sa Pasko na walang anumang mga regalo. Habang nagbabasa siya, sumaya ako at napayapa. Siguro hindi naman masamang makatanggap ng iisang regalo lang. Pagkatapos ay sinabi ni Mama, “Sa halip na maglaro tulad ng karaniwan nating ginagawa sa Bisperas ng Pasko, ano kaya kung magdala tayo ng mga regalo sa isang pamilya sa ward?”

“Pero ano po ang maibibigay natin sa kanila?” tanong ko.

“Mayroon tayong kaunting maibibigay.”

Sumulyap ako sa dalawa naming regalo, at sa larawan ni Jesus sa dingding. “Siguro po ibibigay ni Jesus kung ano ang mayroon Siya.”

Ipinagdasal namin kung aling pamilya ang bibisitahin namin. Marami sa mga pamilyang kilala namin ang medyo hikahos sa taong iyon. Matapos magdasal, nadama namin na dapat naming bisitahin ang pamilya Córdoba. May tatlong anak sila, at nawalan ng trabaho ang papa nila.

Pumunta kami sa tindahan at bumili ng panetón (isang holiday bread), isang hinurnong manok, at tatlong maliliit na regalo. Masaya naming pinili ang mga iyon. Ginastos ni Mama ang lahat ng pera niya, mga 30 Peruvian soles (mga U.S. $10).

Nang matapos na kami, nagpunta na kami sa mga Córdoba. Hinawakan ko ang kamay ni Marycielo habang naglalakad kami papunta sa pintuan.

Nakita kami ni Sister Córdoba at lumabas siya para yakapin kami. “Napakagandang sorpresa! Tuloy kayo! Maupo kayo,” sabi niya. Habang naglalakad kami sa loob ng bahay, pinisil niya ang kamay ni Mama at tinapik niya ang balikat ko. “Matutuwa si Rolando at ang mga bata na makita kayo,” sabi niya sa akin.

Lupa ang sahig sa loob ng bahay. Walang kuryente, mga kandila lamang. Medyo nalungkot ako para sa pamilya Córdoba. Sana marami pa kaming maitulong sa kanila. Pero parang hindi pansin ni Mama ang lupa o mga kandila. Basta masaya lang siyang makasama si Sister Córdoba.

“Naparito kami para batiin kayo ng feliz Navidad!” sabi ni Mama. “Natutuwa kami’t magkakaibigan tayo.” Ibinigay niya ang pagkain at mga regalo kay Sister Córdoba, na napangiti nang husto at nagpasalamat.

Tumakbong papasok sina Rolando, Madeline, at Raquel mula sa kabilang kuwarto para bumati. Sumilip si Marycielo na nakakapit sa binti ko at ngumiti. Tumawa siya nang mag-funny face si Rolando sa kanya. Hindi nagtagal nag-uusap na ang lahat, nagbibiruan, at nagtatawanan.

“Mas mainam ito kaysa kami-kami lang ang naglalaro,” naisip ko. Masaya ako na nagpunta kami. Hindi mahalaga na wala kaming gaanong naibigay. At hindi mahalaga kung lupa ang sahig nila. Ang Pasko ay hindi tungkol sa kung ano ang mayroon tayo. Tungkol ito sa pagsasama-sama.

Nang maghanda kaming umalis, niyakap kaming muli ni Sister Córdoba. “Maraming salamat,” sabi niya. Garalgal ang boses niya, at nakita ko ang luha sa kanyang mga mata. Tumingkayad ako at hinalikan ko si Sister Córdoba sa pisngi.

“Feliz Navidad,” sabi ko.