2015
Ang Puzzle ng Panunumbalik
Disyembre 2015


Ang Puzzle ng Panunumbalik

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ano ang ibig sabihin ng salitang Panunumbalik?

“Sapagkat aking iginawad sa inyo ang mga susi at kapangyarihan ng priesthood, kung saan ibabalik ko ang lahat ng bagay” (D at T 132:45).

Product Shot from December 2015 Liahona

Sa daan pauwi mula sa simbahan, naalala ni Anna ang maliit na papel na bigay sa kanya ng kanyang guro. “Inay, hulaan po ninyo! Magbibigay po ako ng mensahe sa Primary sa isang Linggo.”

“Magaling,” sabi ni Inay. “Tungkol saan?”

“Magsasalita po ako tungkol sa Panunumbalik. Pero hindi ko po tiyak kung ano ito.”

“Ang ibig sabihin ng Panunumbalik ay ibinalik, o ipinanumbalik, ng Diyos ang lahat ng nais Niyang taglayin ng Kanyang Simbahan,” sabi ni Inay. “Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ibinalik Niya ang mga templo, ang priesthood, pagbinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. Kung wala ang Panunumbalik, hindi mapapasaatin ang Simbahan!”

Tumango si Anna. “Sa tingin ko tama po kayo. Pero parang hindi ko po kayang ipaliwanag ito gaya ng ginawa ninyo.”

“Teka, may naisip ako,” sabi ni Inay nang makauwi na sila. “Halika.”

Sinundan ni Anna si Inay papunta sa sala ng pamilya. Sinimulan nilang buuin ang isang puzzle sa nagdaang gabi, at nagkalat pa ang mga piraso sa isang maliit na mesa.

“Isipin mo na ang ebanghelyo ay tulad sa isang nabuong puzzle.” Dinampot ni inay ang isang piraso. “Maraming piraso ng larawan ang nasa mundo sa iba’t ibang panahon. Pero nang mamatay si Jesus at ang mga Apostol, maraming katotohanan ng ebanghelyo ang nawala o binago. Ang mga pirasong iyon ng katotohanan ay kailangang maibalik.”

“Pagkatapos ano po ang nangyari?” Hinalu-halo ni Anna ang ilang piraso.

“Pagkaraan ng maraming taon tinawag ng Diyos ang isang batang taga-bukid para ibalik at buuin ang lahat ng piraso tulad noong nasa lupa si Jesus. Sino iyon sa palagay mo?”

“Si Joseph Smith!” nakangiting sabi ni Anna. “Parang naiintindihan ko na po.” Nag-usap pa sila ni Inay tungkol kay Joseph Smith at sa iba’t ibang piraso ng ebanghelyo na ibinalik ng Diyos sa pamamagitan niya.

Sa natitirang mga araw ng linggo, isinulat at pinraktis ni Anna ang kanyang mensahe. Nanalangin siya sa Ama sa Langit na magkaroon siya ng lakas-ng-loob at sana maibahagi niya ang kanyang mensahe sa Primary.

Pagsapit ng Linggo, nang ibibigay na ni Anna ang kanyang mensahe, tumayo siya, huminga nang malalim, at ipinakita ang isang puzzle na nasa tabla para makita ng lahat. Buo na ang mga piraso ng puzzle.

“Noong unang panahon, marami sa mahahalagang piraso ng ebanghelyo ang nasa lupa. Nang mamatay si Jesus at ang Kanyang mga Apostol, ang ilang piraso ay nawala.” Kinuha ni Anna ang ilang piraso sa puzzle at inilapag ito. “Pagkatapos ay tinawag ng Ama sa Langit at ni Jesus si Joseph Smith bilang propeta para ibalik ang nawawalang mga piraso ng ebanghelyo. Ito ang tinatawag na Panunumbalik.” Dinampot niya ang isang piraso ng puzzle para ipakita sa Primary. Nasa likod ang mga salitang “Kapangyarihan ng priesthood.”

Pagkatapos ay ipinakita ni Anna ang iba pang mga piraso. Binasa niya ang nasa likod ng bawat piraso bago niya ito inilagay sa lugar nito sa puzzle. “Isang buhay na propeta … labindalawang Apostol … gawain sa templo para sa mga walang-hanggang pamilya … binyag sa pamamagitan ng paglulubog … pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.”

Itinaas ni Anna ang nabuong puzzle. “Ngayon nasa atin na ang lahat ng piraso ng ebanghelyo. Ibig sabihin makikita nating mabuti kung paano tayo liligaya at muling mabubuhay sa piling ng Ama sa Langit balang-araw. Nagpapasalamat ako sa Panunumbalik. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”