Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Tunay na Pasko
Mula sa “Ang Tunay na Pasko”, Liahona, Dis. 2005, 12–15.
Ang tunay na Pasko ay dumarating sa mga taong nagpapasok kay Cristo sa kanilang buhay.
Sa maikling liham ni Pablo sa mga taga-Galacia, nagpakita siya ng matinding pag-aalala sa kawalan nila ng paniniwala at sa pagtalikod nila sa kanyang mga turo tungkol kay Cristo. Isinulat niya sa kanila: “Datapuwa’t mabuti ang ipagmalasakit sa mabuting bagay sa lahat ng panahon, at hindi lamang samantalang ako’y kaharap ninyo. Maliliit kong mga anak, na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Cristo ay mabadha sa inyo” (Mga Taga Galacia 4:18–19). Sa madaling salita, ipinahayag ni Pablo na nasasaktan siya at nababalisa hanggang sa “mabadha o mabuo” si Cristo sa kanila. Ibang paraan ito ng pagsasabing “kay Cristo,” dahil ang pahayag na iyan ay paulit-ulit na ginamit ni Pablo sa kanyang mga sulat.
Posibleng isilang si Cristo sa buhay ng mga tao, at kapag talagang naranasan nila iyon, ang isang tao ay “kay Cristo”—si Cristo ay “nabuo” sa kanya. Ibig sabihin ay taglay natin si Cristo sa ating puso at Siya ay nabubuhay sa atin. Hindi lamang Siya pangkalahatang katotohanan o tunay na nangyari sa kasaysayan, kundi ang Tagapagligtas ng mga tao sa lahat ng lugar at sa lahat ng oras. Kapag sinisikap nating tularan si Cristo, Siya ay “nabubuo” sa ating kalooban; kung bubuksan natin ang pintuan, Siya ay papasok; kung hahangarin natin ang Kanyang payo, papayuhan Niya tayo. Para “mabuo” si Cristo sa atin, kailangan tayong maniwala sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang gayong paniniwala kay Cristo at pagtupad sa Kanyang mga utos ay hindi paghihigpit sa atin. Sa pamamagitan nito, ang mga tao ay lumalaya. Ang Prinsipe ng Kapayapaan na ito ay naghihintay na magbigay ng kapayapaan ng isipan, at maaaring gawing daluyan ng kapayapaang iyon ang bawat isa sa atin.
Ang tunay na Pasko ay dumarating sa kanya na tumanggap kay Cristo sa kanyang buhay bilang isang buhay, makapangyarihan, at nagpapalakas na puwersa.
Sa kanyang pagmumuni-muni ukol sa Kapaskuhan, isinulat ni James Wallingford ang mga linyang ito:
Ang Pasko ay hindi isang araw o panahon, kundi isang kalagayan ng puso’t isipan.
Kung mahal natin ang ating kapwa tulad sa ating sarili;
kung sa kabila ng ating kayamanan tayo ay maralita sa espiritu at sa kabila ng ating kahirapan tayo ay mayaman sa biyaya;
kung ang ating pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi nagmamapuri, kundi nagtitiis nang matagal at mabait;
kung kapag ang ating kapatid ay humingi ng tinapay, sa halip ay ibinibigay natin ang ating sarili; kung bawat bukang-liwayway ay may pagkakataon at nagwawakas sa tagumpay, gaano man ito kaliit—
kung gayon bawat araw ay araw ni Cristo at ang Pasko ay laging nariyan lang.
(Sa Charles L. Wallis, ed., Words of Life [1966], 33) …
Kung gusto ninyong mahanap ang tunay na diwa ng Pasko at makabahagi sa tamis na dulot nito, ito ang imumungkahi ko sa inyo. Sa kaabalahan ng masayang pagdiriwang ng Kapaskuhang ito, humanap ng oras para ibaling ang inyong puso sa Diyos. Marahil sa tahimik na mga sandali, at sa isang tahimik na lugar, at sa pagluhod—nang mag-isa o kasama ang mga mahal sa buhay—magpasalamat sa mabubuting bagay na dumating sa inyo, at hilinging mapasainyo ang Kanyang Espiritu habang masigasig ninyong sinisikap na paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos. Aakayin Niya kayo at tutuparin ang Kanyang mga pangako.