2015
Mga Tali ng Sakripisyo
Disyembre 2015


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Tali ng Sakripisyo

Candice A. Grover, Idaho, USA

illustration of a dress and gift packages

Paglalarawan ni Allen Garns

Isang Pasko maraming taon na ang nakararaan napakarami kong iniisip kaya hindi ko maramdaman ang kapaskuhan. Ang asawa kong si Andy, ay nagkaroon ng ubo, at matapos ang ilang pagsusuri, ay mabilis na nauwi sa pinsala sa baga, operasyon, pag-ooperang muli ng kanyang esophagus, at mga biopsy—“para mapaghandaan ang anumang resulta.” Inopera siya isang linggo bago kami lumipat sa bagong tirahan.

Ilang linggo bago sumapit ang Pasko, nakakuwentuhan ko ang kapitbahay kong si Janae. Itinanong niya kung nakahanda na ako para sa Pasko. Nagawa kong sabihin na maghahanda ako hangga’t maaari. Binanggit ko na lagi kaming gumagawa ng cookies kasama ang lola ko bago sumapit ang Pasko, at na gusto kong gawan ng mga apron ang mga anak kong babae pero malamang na hindi ko na ito kayanin.

Pagkaraan ng isang linggo naupo ako sa malambot na silya sa tabi ng aming Christmas tree. Natutulog na ang mga bata, at nagtatrabaho naman sa kanyang opisina si Andy nang may tumimbre sa pinto. Binuksan ko ang pinto at nakita ko si Janae sa pintuan, may hawak na tatlong kahon habang banayad na bumabagsak ang niyebe sa bandang likuran niya.

“Tuloy ka,” sabi ko, at alam kong nakita niya na nagulat ako.

“Salamat, pero kailangan ko nang umuwi,” sabi niya. “Para sa mga anak mo ito.”

Iniabot ni Janae ang mga kahon.

“Mga apron iyan,” sabi niya. “Simple lang ang mga iyan, pero natapos kong tahiing lahat ngayong gabi.”

Sa sandaling iyon ng pinaghalong saya at pagkagulat, sinambit ko ang mahinang pasasalamat. Nagyakapan kami, at sinundan ko siya ng tingin sa kanyang pag-uwi.

Nang umupo akong muli, maingat kong kinalag ang puting satin na laso ng isang kahon. Nang mabuksan ito, nakita ko ang isang apron na sariling-gawa na yari sa telang Pamasko. Hinawakan ko ang laylayan ng apron habang iniisip ko si Janae. Mayroon siyang apat na maliliit na anak, kabilang na ang kambal na mahigit isang taong gulang pa lang. Nagtuturo siya ng piano, at mayroon siyang matrabaho at mahalagang tungkulin sa ward namin.

Pinilit kong isipin kung paano at kailan siya nagkaroon ng oras na gumawa ng mga apron, at nalaman ko agad na wala siyang oras. Talagang nag-ukol siya ng oras.

Naluha ako sa nadamang pagmamahal ng Ama sa Langit na ibinigay Niya sa pamamagitan ni Janae—isang haplos ng pagmamahal at kapanatagan habang ako ay niyayakap “sa bisig ng [Kanyang] pagmamahal” (D at T 6:20).

Maraming taon na ang lumipas mula nang matanggap namin ang mga apron. Nakaliitan na ito ng aking mga anak, ngunit itinatabi ko pa rin ito sa aking paminggalan, nakasabit ang mga tali nito sa makintab na kawit na nakapailalim sa mga bagong apron. Sa tuwing nakikita ko ang mga regalo ni Janae, naalala ko ang kapanatagan at pagmamahal na nadama ko nang gabing iyon. Ipinapaalala nito sa akin ang gusto kong maging—isang disipulo ni Jesucristo na karapat-dapat sa paghahayag at handang maglingkod.