2015
Namumuhay Bilang Isang Saksi sa Germany
Disyembre 2015


Mga Young Adult Profile

Namumuhay Bilang Isang Saksi sa Germany

Ang awtor ay naninirahan sa Germany.

Ang pagtatanggol sa kanyang mga paniniwala ay nagpadali sa kanya na ibahagi ang mga ito.

Photo of a young adult woman, Esther Graf, in a field of flowers in Germany.

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Esther Graf

Mga 30 minuto lang na biyahe sa tren mula sa metropolis ng Hannover ay matatagpuan ang munting lungsod ng Stadthagen sa Germany na naliligiran ng mga bulaklak sa panahon ng tagsibol. Ito ang lugar na kinalakhan ng 19-na-taong-gulang na si Esther Graf. Isang lugar iyon kung saan lahat ng bagay ay kayang marating sa paglalakad o pagbibisikleta, nakahilera ang mga panaderya at tindahan ng ice cream sa tabing-daan, at puno ng mga paninda ang liwasan ng lungsod sa karaniwang araw.

Ang Stadthagen ay tahanan din ng maunlad na komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Bagama’t maliit ang lungsod, ang Stadthagen ay may malaking ward—na hindi karaniwan sa Germany, kung saan halos lima lang sa bawat 10,000 Aleman ang miyembro. Ngunit para kay Esther iyon ang perpektong lugar para matutuhan kung paano ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at paano gamitin ang mga alituntuning iyon para paglingkuran at pagpalain ang iba.

Noong 14 anyos si Esther, natanggap niya ang kanyang patriarchal blessing, na nagpaunawa sa kanya ng isang mahalagang bagay. “Naging malinaw sa akin kung gaano talaga ako kahalaga sa Ama sa Langit,” sabi niya. “Nalaman ko kung gaano tayo kahalagang lahat sa Kanya.”

Ginamit niya ang kaalamang iyan sa pakikitungo sa iba.

Sa kanyang calling sa stake young single adult council, halimbawa, responsibilidad niyang tiyakin na madama ng lahat na sila ay kabilang. “Natututo akong huwag mamintas sa iba kundi sa halip ay kilalanin sila.”

Nasa isip niya rin iyan kapag nasa paaralan siya. “Madalas akong tanungin tungkol sa aking relihiyon, pero hindi ko minamasama iyon,” sabi niya. “Lagi itong nagpapasaya sa akin dahil naipapaalala ko sa sarili ko kung gaano ito nakakatulong sa akin at gaano nito pinagpapala ang buhay ko. Sa pamamagitan ng ebanghelyo marami akong nalaman.

“Laging may mga tao na pinagtatawanan ang ating pananampalataya at hindi ito nauunawaan,” sabi niya, “pero hindi naman masamang ipagtanggol ang ating paniniwala.”

Ang pagmamahal at tiwala ni Esther sa Diyos ang higit na nakakatulong sa kanya na ipamuhay at ibahagi ang ebanghelyo.

“Bago kayo mag-alala,” sabi niya, “magtiwala muna kayo sa Diyos. Kapag ginagawa ko iyan at nananampalataya ako, madali na ang iba. Kapag nagtiwala tayo sa Diyos, makakasulong tayo sa buhay nang may pananampalataya at tiwala sa hinaharap. Kapag ginawa natin iyan, maaari tayong mamuhay bilang mga saksi ng Diyos.”