2015
Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Mahabagin at Mabait
Disyembre 2015


Mensahe sa Visiting Teaching

Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Mahabagin at Mabait

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa mga banal na katangian ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

The daughter of Jairus in dressed in white and sitting up in bed. She is being held by her mother and her father holds her hand.

Anak na Babae ni Jairo, ni Wilson Ong

“Sa mga banal na kasulatan, ang pagkahabag ay literal na nangangahulugan ng ‘pakikiramay.’ Nangangahulugan din ito ng pagpapakita ng pakikidalamhati, pakikipighati, at awa para sa kapwa tao.”1

“Binigyan tayo ni Jesus ng maraming halimbawa ng mahabaging pagmamalasakit,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Ang taong pilay sa lawa ng Betesda; ang babaing nangalunya; ang babae sa balon ni Jacob; ang anak na babae ni Jairo; si Lazaro na kapatid ni[na] Maria at Marta—bawat isa’y kumatawan sa biktima sa landas ng Jerico. Bawat isa’y nangailangan ng tulong.

‘Sa pilay sa Betesda, sinabi ni Jesus, ‘Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’ Sa makasalanang babae ay ipinayo [N]iya, ‘Humayo ka, at huwag ka nang magkasala.’ Upang matulungan ang babaing dumating para umigib ng tubig, naglaan Siya ng balon ng tubig, ‘na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.’ Sa namatay na anak na babae ni Jairo ay dumating ang utos, ‘Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.’ Sa nakalibing na si Lazaro ay, ‘Lumabas ka.’

“Lagi nang nagpapakita ang Tagapagligtas ng walang hanggang kakayahang mahabag. … Buksan natin ang pintuan ng ating mga puso, upang Siya—ang buhay na halimbawa ng tunay na pagkahabag—ay makapasok.”2

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 145:8; Zacarias 7:9; I Ni Pedro 3:8; Mosias 15:1, 9; 3 Nephi 17:5–7

Mula sa mga Banal na Kasulatan

“Lumuhod kaming mag-asawa sa tabi ng aming 17-taong-gulang na anak na babae at nagsumamong palawigin pa ang kanyang buhay,” sabi ni Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency. “Ang sagot ay hindi, ngunit . … nalaman namin … na … kinahahabagan tayo [ng Tagapagligtas] sa ating mga kalungkutan.”3

“Isa sa mga paborito kong kuwento sa buhay ng Tagapagligtas ang kuwento tungkol kay Lazaro. Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na ‘Iniibig nga ni Jesus si Marta, … ang kaniyang kapatid [na si Maria], at [ang kapatid nilang] si Lazaro.’”4 Nang magkasakit si Lazaro, dumating ang balita kay Jesus, ngunit nang dumating Siya ay patay na si Lazaro. Tumakbo si Maria kay Jesus, lumuhod sa Kanyang paanan, at nanangis. Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, “nalagim siya sa espiritu, at … tumangis” (Juan 11:33, 35).

“Iyan ang ating tungkulin. Kailangan nating madama at makita mismo at pagkatapos ay tulungan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit na madama at makita at malaman na pinasan ng ating Tagapagligtas hindi lamang ang lahat ng ating kasalanan kundi maging ang ating mga pasakit at pagdurusa at pighati upang malaman Niya kung ano ang nadarama natin at kung paano tayo aaliwin.”5

Mga Tala

  1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkahabag.”

  2. Thomas S. Monson, “Ang Kaloob na Pagkahabag,” Liahona, Mar. 2007, 4–5, 8.

  3. Linda S. Reeves, “Hindi Kayo Nalilimutan ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 120.

  4. Linda S. Reeves, “Hindi Kayo Nalilimutan ng Panginoon,” 118.

  5. Linda S. Reeves, “Hindi Kayo Nalilimutan ng Panginoon,” 120.