“Ang Aking Landas ng Tipan,” Ang Aking Landas ng Tipan (2020)
“Ang Aking Landas ng Tipan,” Ang Aking Landas ng Tipan
Ang Aking Landas ng Tipan
Malugod na pagbati mula sa pamilya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw! Ikaw ay nasa isang landas na maghahatid sa iyo ng maraming bagong karanasan. Bilang iyong mga kapatid at kaibigan, nais ka naming tulungang tahakin ang landas na ito upang manatili kang nakaangkla sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at maging komportable sa Simbahan.
Alam namin na ang pagsunod sa landas ng tipan ng Panginoon ay maaaring naiiba para sa iyo, ngunit bilang panimula, inilista na namin dito ang mahahalagang bagay na posible mong maranasan. Kung bago kang miyembro, maaari mong maranasan ang halos lahat ng nakalista sa gabay na ito sa loob ng isang taon ng iyong binyag at kumpirmasyon. Ang pagtanggap ng iyong endowment at pagkabuklod sa iyong pamilya ay maaaring mangyari nang maaga sa ikalawang taon ng pagiging miyembro mo.
Kung mahigit isang taon ka nang miyembro, matatamo mo ang lahat ng karanasang ito sa sandaling handa ka na. Marahil ay nagsimula ka nang makaranas ng ilan sa mga ito; kung gayon, tutulungan ka ng gabay na ito na mas mapagbuti pa ang ginagawa mo ngayon. Tandaan, ang pagkakasunud-sunod at bilis ng pagsunod mo ay dapat na nakabatay sa iyong indibiduwal na sitwasyon, kahandaan, at hangarin.
Habang binabasa mo ang gabay na ito, makikita mo na ang paglalarawan sa bawat karanasan ay may kasamang mga bagay na gagawin at isang listahan ng mga sanggunian na maaari mong pag-aralan. Ang mga bagay na gagawin at mga sanggunian na ito ay maaaring makatulong nang malaki sa iyo habang sumusulong ka sa iyong landas.
Simulan na natin!
Sa mga ministering brother at sister at sa mga missionary:
Ang tungkulin ninyo sa pagtulong sa bago o nagbabalik na mga miyembro ng Simbahan ay simple ngunit napakahalaga. Ang pinakamahalaga ninyong pagkakataon ay maging tunay nilang kaibigan. Magiging mentor at gabay rin nila kayo sa unang dalawang taon ng pagiging miyembro nila.
Ang sanggunian na ito ay tutulong sa inyo sa mahalagang tungkuling ito. Basahin isa-isa ang bawat karanasan sa sanggunian na ito kasama ang bago o nagbabalik na mga miyembro, at tulungan silang kumpletuhin ang mga gagawin. Para sa mga gagawin na nagsisimula sa “Alamin ang tungkol sa,” rerebyuhin at tatalakayin ninyo ang mga sanggunian na nakalista kasama ang bago o nagbabalik na miyembro. Gawin ang lahat ng makakaya ninyo para matulungan ang bagong miyembro na madama ang pagmamahal ng Diyos, madama ang inyong pagmamahal, at manatili sa landas ng tipan.