Learning Experience 12
Pagpapasiya Kung Paano Magtuturo: Epektibong Pagtatanong
Buod
Kabilang sa learning experience na ito ang mga sumusunod na konsepto:
-
Pag-unawa sa kahalagahan ng mga tanong
-
Pag-iisip at paggawa ng mga tanong para sa resulta na gustong makamtan
-
Epektibong pagtatanong
Mga Pangunahing Konsepto
Pag-unawa sa Kahalagahan ng mga Tanong
Maraming magagamit na epektibong pamamaraan sa pagtuturo sa iyong klase, kabilang ang mga talakayan sa klase, presentasyon ng titser, at pagsulat. Lahat ng pamamaraang ito ay nagpapasigla sa pag-aaral at pagtuturo, ngunit may isang paraan na mas mahalaga kaysa iba pa. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Ang pagtatanong at pagsagot sa mga tanong ay mahalagang bahagi sa lahat ng pag-aaral at pagtuturo” (“The Lord Will Multiply the Harvest” [an evening with Elder Henry B. Eyring, Peb. 6, 1998], 5–6, si.lds.org; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang matutuhang gumawa ng epektibong tanong ay nangangailangan ng oras, sigasig, at praktis. Tutulungan ka ng learning experience na ito na matutong magbigay ng mga tanong na magkakaroon ng malaking epekto sa iyong mga estudyante.
Panoorin ang video na “Pagtatanong” (2:42), na makukuha sa LDS.org. Habang pinanonood mo ang video, alamin ang kahalagahan ng epektibong pagtatanong.
Pag-iisip at Paggawa ng mga Epektibong Tanong nang may Layunin
Ang mga tanong mo ay dapat maghikayat sa mga estudyante na gawin ang mga bahagi sa learning pattern. Dahil magkakaiba ang kalalabasang resulta ng bawat bahagi, ang uri ng mga tanong na ibibigay mo ay magkakaiba ayon sa nais mong makamtang resulta.
Halimbawa, kung ang hangarin mo ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, magtanong tungkol sa mga tao, kuwento, at kultura. Gayunman, kung ang hangarin mo ay tulungan ang estudyante na ipamuhay ang isang doktrina o alituntunin, magtanong ng mga bagay na maghihikayat sa mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan na maipamumuhay nila ito.
Pangunahing Alituntunin sa Pag-aaral at mga Karaniwang Tanong
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng maaari mong itanong sa mga estudyante na may kaugnayan sa bawat pangunahing alituntunin sa pag-aaral. Pansinin kung paano nagkaugnay-ugnay ang mga tanong sa isa’t isa, simula sa unawain ang konteksto at nilalaman hanggang sa ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin.
-
Unawain ang Konteksto at Nilalaman
-
Sino ang mga taong kasama sa kuwentong ito?
-
Ano ang nangyari sa talatang ito?
-
Saan nangyari ang mga ito?
-
-
Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin
-
Anong doktrina at mga alituntunin ang nakita ninyo?
-
Ano ang mensahe o aral ng kuwento?
-
Ano sa palagay ninyo ang nais ng may-akda na matutuhan natin?
-
-
Unawain ang Doktrina at mga Alituntunin
-
Ano ang alam ninyo sa alituntuning ito?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang alituntuning ito sa atin sa panahong ito?
-
Paano ninyo ipapaliwanag ang alituntuning ito sa isang tao?
-
Anong mga pag-uugali at mga katangian ang makikita ninyo sa isang tao na ipinamumuhay ang alituntuning ito?
-
-
Damhin ang Katotohanan at Kahalagahan ng Doktrina at mga Alituntunin
-
Kailan ninyo nadama ang katotohanan ng alituntuning ito?
-
Paano ninyo nalaman na totoo ang alituntuning ito?
-
Kailan kayo napagpala sa pagsunod sa alituntuning ito?
-
-
Ipamuhay ang Doktrina at mga Alituntunin
-
Ano ang inyong gagawin dahil sa nadama ninyo sa araw na ito?
-
Anong mga pagbabago ang gagawin ninyo upang ipamuhay ang alituntuning ito?
-
Pagtatanong na Makatutulong sa mga Estudyante na Maunawaan ang Konteksto at Nilalaman
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto at nilalaman ng isang scripture block, magbigay ng mga tanong na maghihikayat sa mga estudyante na maghanap ng impormasyon tungkol sa kanilang binasa at na makatutulong sa kanila na suriin ang nalaman nila.
Mga Tanong na Tutulong sa mga Estudyante na Maghanap ng Impormasyon
Sa pagtulong sa iyong klase na maunawaan ang konteksto at nilalaman ng isang scripture block, magbigay ng mga tanong na maghihikayat sa kanila na maghanap ng impormasyon tungkol sa mga tao, kuwento, kultura, at iba pang mga detalye. Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay kadalasang matatagpuan nang direkta sa mga banal na kasulatan o sa mga tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at iba pa. Ang mga materyal na ito ay dapat makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga partikular na detalye tungkol sa scripture block. Halimbawa, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ayon sa 1 Nephi 3:1–4, sino ang nag-utos kay Nephi na pumunta kay Laban at kunin ang mga talaan?
-
Tingnan ang 1 Nephi 16:10. Ano ang hitsura ng Liahona?
-
Hanapin ang salitang Apostol sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ano ang ibig sabihin ng salitang ito? (Maaari mong itanong ito matapos basahin ng mga estudyante ang Lucas 6:13.)
Basahin ang bahagi 5.1.1 sa pahina 59–60 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Sa pagbabasa mo, markahan ang mga salita o parirala na makatutulong sa iyo na maunawaan kung paanong ang pagtatanong na naghihikayat sa mga estudyante na maghanap ng impormasyon ay makatutulong sa kanila na malaman ang konteksto at nilalaman ng scripture block.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Paghahanap ng Impormasyon” (1:36), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, isang titser sa seminary ang nag-isip at gumawa ng mga tanong na tutulong sa kanyang mga estudyante na maghanap ng mahalagang impormasyon tungkol sa nilalaman at konteksto ng Doktrina at mga Tipan 1:1–4.
Mga Tanong na Tutulong sa mga Estudyante na Masuri ang Konteksto at Nilalaman
Matapos maging pamilyar ang mga estudyante sa mahahalagang detalye ng isang talata, magbigay ng mga tanong na maghihikayat sa kanila na suriin ang mga detalye ng kuwento, ang mga tao at kanilang mga kalagayan, at iba pa.
Halimbawa, sa pag-aaral ng Lucas 5:1–11, malalaman ng mga estudyante na nangisda si Pedro nang buong magdamag na walang nahuling isda. Upang matulungan ang mga estudyante na masuri nang mas malalim ang talata, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, bakit nag-alangan si Pedro na mangisda muli?
-
Sa inyong palagay, bakit ito iniutos ng Tagapagligtas kay Pedro?
Pag-aralan ang mga talata sa ilalim ng subtitle na “Helping students better understand the context and content of the scriptures” sa bahagi 5.1.2 sa pahina 60 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Markahan ang mga salita o parirala na tutulong sa iyo na maunawaan kung paano makatutulong ang pagtatanong na tumutulong sa mga estudyante na suriin ang konteksto at nilalaman na magpapalalalim at magpapalawak ng kanilang pagkaunawa sa mga banal na kasulatan.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Pagsusuri sa Konteksto at Nilalaman” (1:45), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, isang titser sa seminary ang nagtanong sa mga estudyante na naghikayat sa kanila na suriin ang nilalaman at konteksto ng Doktrina at mga Tipan 1:1–4.
Pagtatanong na Makatutulong sa mga Estudyante na Matukoy ang Doktrina at mga Alituntunin.
Kapag nagbibigay ka ng mga tanong na makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang doktrina at mga alituntunin, hinihikayat mo sila na kapwa matuklasan at malinaw na maipahayag ang mahahalagang katotohanan na nalaman nila.
Halimbawa, matapos pag-aralan ang tungkol sa pagkuha ni Nephi ng mga laminang tanso, maaari mong itanong, “Anong alituntunin ang makikita sa pagtatagumpay ni Nephi na makuha ang mga laminang tanso kahit napakahirap gawin nito?” Naghihikayat ito sa mga estudyante na matukoy at mailahad ang doktrina o alituntunin sa kanilang sariling salita, tulad ng Magagawa ko ang mga dakilang bagay kapag ginawa ko ang iniuutos ng Panginoon.
Pag-aralan ang mga talata sa ilalim ng subtitle na “Helping students identify gospel principles and doctrines” sa pahina 60–61 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Markahan ang mga salita o mga parirala na makatutulong na maunawaan ang kahalagahan ng pagtatanong na naghihikayat sa mga estudyante na matukoy ang doktrina at mga alituntunin.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Pagtukoy sa Doktrina at mga Alituntunin” (0:42), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, tinalakay ng klase ang Exodo 17, na naglalaman ng tala tungkol sa pangangailangang itaas ni Moises ang kanyang mga kamay upang manalo ang hukbo ng mga Israelita sa digmaan. Habang pinanonood mo ang video, alamin kung paano nagtanong ang titser para matukoy ng klase ang isang alituntunin mula sa kuwento.
Pagtatanong na Makatutulong sa mga Estudyante na Maunawaan ang Doktrina at mga Alituntunin
Kapag natukoy ng mga estudyante ang isang doktrina o alituntunin, magbigay ng mga tanong na makatutulong sa klase na maunawaan (1) kung ano ang ibig sabihin ng doktrina o alituntuning iyon at (2) kung paano maiaangkop ang doktrina o alituntuning iyon sa panahong ito. Halimbawa, matapos matukoy ng klase ang alituntunin na Walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan (Lucas 1:37), maaari mong itanong ang ganito “Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng salitang di may kapangyarihan?” at “Bakit sa palagay ninyo kailangan nating maunawaan ang alituntuning ito sa panahong ito?”
Pag-aralan ang mga talata sa ilalim ng subtitle na “Helping students develop a deeper understanding of principles and doctrines” sa pahina 61 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Markahan ang mga salita o mga parirala na naglilinaw sa kahalagahan ng pagtatanong na humihikayat sa mga estudyante na maunawaan ang doktrina at mga alituntunin.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Pag-unawa sa Doktrina at mga Alituntunin” (0:41), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, ipinakilala ng isang titser sa institute ang isang alituntunin sa kanyang mga estudyante at nagbigay ng tanong na makatutulong sa kanila na mas mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa alituntuning iyon.
Pagtatanong na Makatutulong sa mga Estudyante na Madama ang Katotohanan at Kahalagahan ng Doktrina at mga Alituntunin
Matutulungan mo ang iyong mga estudyante na madama sa kanilang sarili ang katotohanan at kahalagahan ng isang alituntunin sa pamamagitan ng pagtatanong na nag-aanyayang magbahagi ng mga karanasan at patotoo. Magiging handa rin ang mga estudyante na tanggapin ang isang alituntunin matapos magpatotoo ang iba pang mga estudyante sa epekto nito sa kanilang buhay.
Halimbawa, matapos maunawaan nang lubos ng klase ang alituntunin na Walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan (Lucas 1:37), maaari mong itanong ang ganito “Isipin ang isang pagkakataon na tinulungan kayo ng Diyos o ang isang kakilala ninyo na magawa ang isang bagay na parang imposibleng gawin. Paano napalakas ng karanasang ito ang inyong patotoo sa kapangyarihan ng Diyos?”
Pag-aralan ang bahagi 5.1.3 sa pahina 61–62 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Markahan ang mga salita o mga parirala na nagpaunawa sa kahalagahan ng pagtatanong na nakatulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Pag-anyayang Magbahagi ng Damdamin at Patotoo” (0:48), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, tinalakay ng klase ang isang alituntunin mula sa Alma 7. Pansinin kung paano nagtanong ang titser na nakatulong sa mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntunin.
Pagtatanong na Makahihikayat sa mga Estudyante na Ipamuhay ang Doktrina at mga Alituntunin
Bagama’t naunawaan at nadama ng mga estudyante ang katotohanan at kahalagahan ng isang alituntunin, sila pa rin ang magpapasiya kung ipamumuhay nila ito. Ang responsibilidad mo bilang titser ay magbigay ng mga tanong sa mga estudyante na makatutulong sa kanila na pag-isipan kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang sitwasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap. Halimbawa, matapos talakayin ang alituntunin na Walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan (Lucas 1:37), maaari mong itanong ang ganito, “Paano kayo magtitiwala sa Diyos kapag naharap kayo sa isang sitwasyon na tila imposibleng gawin?”
Dahil maaaring personal o sensitibo ang ilang sagot ng mga estudyante, maaari mong ipasulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ganitong uri ng tanong sa kanilang study journal, sa halip na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
Pag-aralan ang bahagi 5.1.4 sa pahina 62 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning. Markahan ang mga salita o mga parirala na naglilinaw sa kahalagahan ng pagtatanong na humihikayat sa mga estudyante na ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin.
Panoorin ang video na “Pagtatanong: Paghihikayat na Ipamuhay” (0:50), na makukuha sa LDS.org. Sa video na ito, tinalakay ng klase ang isang alituntunin mula sa Lucas 5:12–26. Pansinin kung paano nagtanong ang titser na nakatulong sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang alituntunin.
Paggamit ng mga Tanong na Nasa Manwal ng Titser
Isa sa mga pinakamagandang mapagkukunan mo ng mga halimbawa ng epektibong tanong ay ang manwal ng titser. Bawat lesson ay naglalaman ng mga iminungkahing tanong na dapat mong isaalang-alang na gamitin sa iyong lesson. Maraming tanong sa manwal ng titser ang ginawa para tulungan ang mga estudyante na maisagawa ang mga bahagi sa learning pattern.
Kapag hinangad mong mapagbuti ang iyong mga kasanayan sa pagsusulat ng tanong, makatutulong sa iyo ang pagrebyu sa mga tanong sa manwal ng titser upang mas maunawaan ang mga katangian ng mga mahusay na tanong.
Buod at Pagsasabuhay
Mga Alituntuning Dapat Tandaan
-
Ang pagtatanong at pagsagot sa mga tanong ay mahalagang bahagi sa lahat ng pag-aaral at pagtuturo.
-
Ang epektibong pagtatanong ay isa sa pinakamahahalagang kasanayan na maari mong mapagbuti bilang titser.
-
Ang paggamit ng mga tanong na pinag-isipang mabuti ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga estudyante na makamtan ang resultang inaasam mo.
-
Ang paggawa ng mga epektibong tanong ay nangangailangan ng oras, sigasig, at praktis.
“Gumamit ng mga tanong na pinag-isipang mabuti na maghihikayat ng pag-iisip. Bagama’t hindi perpekto ang mga sagot, madaragdagan ang posibilidad na mas matutuhan ang mahahalagang aral” “To Understand and Live Truth” [an evening with Elder Richard G. Scott, Peb. 4, 2005], 3, si.lds.org).
“Ano Ngayon ang Gagawin Natin?”
Tapusin ang learning experience na ito sa pagsulat ng ilang bagay na gagawin mo ayon sa mga alituntunin na natutuhan mo sa araw na ito.