Learning Experience 5
Paggamit ng Learning Pattern
Buod
Kabilang sa learning experience na ito ang mga sumusunod na konsepto:
-
Pagpapakilala sa learning pattern
-
Pagtulong sa mga estudyante na lubos na madama at maunawaan ang ebanghelyo
-
Pag-unawa sa learning pattern
-
Paggamit ng learning pattern sa pag-aaral ng ebanghelyo
Mga Pangunahing Konsepto
Ang mga propeta at mga apostol sa panahong ito ay nagbigay ng responsibilidad sa mga titser sa Seminaries and Institutes of Religion na turuan ang mga estudyante na matukoy, maunawaan, at maisabuhay ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Tungkol sa responsibilidad na ito, itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan:
“Kayo ang dapat magturo ng ebanghelyong ito, gamit bilang mga mapagkukunan at mapagsasanggunian ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga tinawag ng Diyos na mamuno sa Kanyang mga tao sa mga huling araw na ito” (The Charted Course of the Church in Education, rev. ed. [1994], 10).
Pagpapakilala sa Learning Pattern
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng ebanghelyo ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta, kinakailangang maitimo nang mallaim sa kanilang puso ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Upang mangyari ito, binigyang-diin ng Seminaries and Institutes of Religion ang pangunahing learning pattern na makatutulong sa mga titser at mga estudyante na matuklasan, maunawaan, at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Kabilang sa learning pattern na ito ang mga sumusunod na pangunahing alituntunin:
-
Unawain ang konteksto at nilalaman.
-
Tukuyin ang doktrtina at mga alituntunin.
-
Unawain ang doktrina at mga alituntunin.
-
Damhin ang katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin.
-
Ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin.
Kapag lalo mong nauunawaan at ginagamit ang mga pangunahing alituntuning ito sa iyong personal na pag-aaral ng ebanghelyo, mas matutulungan mo ang mga estudyante na magawa ang mga ito.
Ang layunin ng learning experience na ito ay ibuod ang limang pangunahing alituntunin ng learning pattern. Ang bawat pangunahing alituntunin ay pag-aaralan nang mas detalyado sa learning experience 6–8.
Panoorin ang video na “Ang Talinghaga ng mga Mamahaling Bato” (6:47), na makukuha sa LDS.org. Habang pinanonood mo ang video, tanungin ang iyong sarili, “Paano maikukumpara ang paghahanap at pagkakita sa mga mamahaling bato sa buhanginan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at matuto mula rito?”
Matapos mong panoorin ang video, itala ang iyong mga pananaw at impresyon sa iyong study journal o sa ibang lugar kung saan maaari mo itong mahanap agad at matingnan muli at maibahagi sa iyong inservice leader o grupo.
Gamitin ang Talinghaga sa Learning Pattern
Ang talinghaga ng mga mamahaling bato ay tumutulong sa atin na maunawaan ang mga pangunahing alituntunin ng learning pattern. Basahin ang mga paglalarawan sa ibaba para mas matutuhan ang tungkol sa bawat pangunahing alituntunin.
-
Unawain ang konteksto at nilalaman:Ang dalagitang naghahanap ng mga mamahaling bato sa buhanginan ay sumisimbolo sa isang estudyante na naghahanap ng mga walang-hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta. Ang buhanginan ay sumasagisag sa mga detalye sa mga banal na kasulatan o mga turo—ang takbo ng kwento, mga tao, lugar, petsa, at iba pa. Ang dalagitang sinasala ang buhangin sa kanyang mga kamay para makakita ng mga mamahaling bato ay tulad ng isang estudyante na sinusuri ang mga detalye ng mga banal na kasulatan para hanapin ang doktrina, mga alituntunin, at iba pang mahahalagang katotohanan. Ang paraang ito ay tinatawag na pag-unawa sa konteksto at nilalaman.
-
Tukuyin ang doktrtina at mga alituntunin:Ang dalagitang nakahanap ng mga mamahaling bato sa buhanginan ay sumisimbolo sa pagtukoy ng doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Tulad ng ilang mamahaling bato na nasa mababaw na parte ng buhanginan at ang iba ay mahahanap lamang sa malalim na bahagi, ang ilang mga walang-hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan ay madaling mahanap, habang ang iba naman ay nangangailangan ng mas malaking pagsisikap para mahanap ito.
-
Unawain ang doktrina at mga alituntunin:Ang dalagitang masusing sinusuri ang bawat mamahaling bato ay kumakatawan sa isang estudyante na masigasig na nag-aaral para lalo pang maunawaan ang doktrina at mga alituntunin.
-
Damhin ang katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin:Ang dalagitang nakadama ng kasiyahan para sa natatanging ganda at halaga ng bawat mamahaling bato ay maikukumpara sa isang estudyante na nakadarama ng katotohanan at kahalagahan ng doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.
-
Ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin:Tulad ng dalagita na naisip kung paano niya gagamitin ang bawat mamahaling bato, dapat ding isipin ng mga estudyante kung paano isasagawa at ipamumuhay ang doktrina at mga alituntunin ayon sa ibibigay na tagubilin ng Espiritu sa kanilang isipan at puso.
Paggamit ng Learning Pattern sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Ang mga sumusunod na pahayag ay mga halimbawa kung paano natutulungan ng learning pattern na ito ang mga estudyante na gamitin ang mga banal na kasulatan para matuklasan, maunawaan, at maisabuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang buhay:
-
“Lalo kong naunawaan ang mga banal na kasulatan. Alam ko kung paano magtanong at maghanap ng mga sagot. Nagbabasa ako ngayon para mahanap ang katotohanan at para lalo pang maunawaan kung ano ang dapat kong ugaliin at ikilos.”
-
“Hindi pa ako nagbasa at nag-aral ng mga banal na kasulatan nang mag-isa, pero ngayon ay nakakagawian ko na itong gawin tuwing gabi. Napakasaya sa pakiramdam na mahanap at maunawaan ang mga katotohanan na nakaantig sa iyo at na matindi agad ang epekto sa iyong puso.”
-
“Hindi ako madalas magbasa ng mga banal na kasulatan dati dahil hindi ko ito nauunawaan. Pero ngayon ay alam ko na puno ito ng mga alituntunin at na maaari ko itong saliksikin para makahanap ng mga sagot. Mas nagawa ko iyan ngayong taon nang higit kaysa noon.”
-
“Ang isang bagay na pinakanaitulong sa akin ng seminary ay ang lalong mahalin at unawain ang mga banal na kasulatan. Napakarami kong mga panalangin na nasagot. Napalakas ko rin ang aking ugnayan sa aking Tagapagligtas, at labis kong pinasasalamatan ito. Ano pa ang mahihiling ko?”
-
“Talagang natutuhan ko kung paano pag-aralan nang mas mabuti ang mga banal na kasulatan, at hindi na nakakainip na pag-aralan ito para sa akin. Gusto ko talagang pag-aralan ang mga ito at pagnilayan kung paano ako dapat mamuhay para makabalik sa Ama sa Langit.”
-
“Minsan kapag nagbabasa ako, tila hindi lamang ako nakadarama ng pagmamahal at saya, halos nadarama ko rin ang kaalaman at karunungan na nasa buong aklat.”
Buod at Pagsasabuhay
Mga Alituntuning Dapat Tandaan
-
Bilang mga titser ng seminary at institute, kayo ay may responsibilidad na turuan ang mga estudyante ng doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta.
-
Dapat matutuhan ng mga titser at mga estudyante kung ano ang gagawin upang maitimo nang malalim sa kanilang puso ang ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta.
-
Binibigyang-diin ng Seminaries and Institutes of Religion ang pangunahing learning pattern na naghihikayat sa mga titser at mga estudyante na tuklasin, unawain, at ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
-
Habang lalo mong nauunawaan at ginagamit ang mga pangunahing alituntunin ng learning pattern sa iyong personal na pag-aaral ng ebanghelyo, mas matutulungan mo ang mga estudyante na magawa rin ang mga ito.
“Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na alamin ang isang bagay, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na maging natatangi sa lahat” (Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32).
“Ano Ngayon ang Gagawin Natin?”
Tapusin ang learning experience na ito sa pagsulat ng ilang bagay na gagawin mo ayon sa mga alituntunin na natutuhan mo sa araw na ito.