Seminary
1 Juan 2–4; 2 Juan


1 Juan 2–4; 2 Juan

Pagpapakita ng Pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

A women with her hands upward in prayer

Kapag nadarama ng isang tao na minamahal siya o minamahal niya ang isang tao, kadalasang nagbabago ang kanilang mga kilos. Itinuro ni Juan na ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay makahihikayat sa atin na sundin ang Kanilang mga kautusan. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan kung paano ka makapagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.

Pag-anyaya sa mga estudyante na maging higit na katulad ni Jesucristo. Ang pag-anyaya sa mga estudyante na gawin ang mahihirap na bagay ay makatutulong sa kanila na umunlad at maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kapag nag-aanyaya, igalang ang kalayaang pumili at magpakita ng pagmamahal sa mga estudyante, kahit hindi nila tatanggapin ang mga paanyaya.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nadarama nila tungkol sa pagsunod sa mga kautusan. Maaari din nilang itanong sa mga taong kilala nila kung ano ang naghihikayat sa kanilang sundin ang mga kautusan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mapagmahal na pagprotekta ng Diyos

Ipalabas ang sumusunod na video, o hatiin ang salaysay sa mga bahagi upang basahin nang malakas ng mga estudyante.

Habang nasa dalampasigan sa Australia, nasalubong ni Elder Von G. Keetch (1960–2018) ng Pitumpu ang ilang surfer na naglakbay doon na minsan lang mangyayari sa kanilang buhay. Nagrereklamo sila tungkol sa isang makapal na alambreng harang sa tubig, na pumipigil sa kanilang makapag-surf sa malalaking alon.

Upang malaman kung ano ang nangyari, panoorin ang video na “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos” (5:41) mula sa time code na 0:00 hanggang 2:34. Ang video na ito ay mapapanood sa SimbahanniJesucristo.org. O basahin ang sumusunod na salaysay.

5:41
Official Portrait of Elder Von G. Keetch. Photographed March 2017.

Habang bugnot na bugnot ang mga Amerikanong surfer, nabaling ang pansin ko sa isa pang surfer sa di-kalayuan—medyo may edad na ito at halatang tagaroon. Mukhang nayayamot na siya habang pinapakinggan ang walang-tigil na pagrereklamo tungkol sa harang.

Sa wakas ay tumayo siya at lumapit sa grupo. Walang imik na kinuha niya ang largabista sa backpack niya at iniabot ito sa isa sa mga surfer, at itinuro ang harang. Isa-isang nagtinginan sa largabista ang mga surfer. Nang ako na ang titingin, nakita ko, sa pinalaking imahe ng largabista, ang isang bagay na hindi ko pa nakita noon: mga palikpik—malalaking pating na nagsisikain malapit sa bahura [reef] sa kabilang panig ng harang.

Biglang natahimik ang grupo. Kinuha ng matandang surfer ang kanyang largabista at lumakad palayo. Habang papaalis, may sinabi siya na hinding-hindi ko malilimutan: “Huwag kayong masyadong magreklamo kung may harang,” sabi niya. “Iyan lang ang proteksyon ninyo para hindi kayo makain ng pating.”

Habang nakatayo kami sa magandang dalampasigang iyon, biglang nabago ang aming pananaw. Ang harang na dating tila mahigpit at mapagbawal—na dating tila pumipigil sa saya at tuwang masakyan ang naglalakihang alon—ay naging kakaiba na sa tingin namin. Dahil alam na namin na may nakaambang panganib sa di kalayuan, ang harang ay isa na ngayong tagapagbigay ng proteksyon, seguridad, at kapanatagan.

(Von G. Keetch, “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 115–16)

  • Ano ang ilang pag-uugali ng mga tao tungkol sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?

Maaari mong isulat sa iyong study journal ang iyong mga sagot sa sumusunod na tanong.

  • Ano ang nadarama ko tungkol sa mga kautusan ng Diyos? Bakit ko sinusunod o hindi sinusunod ang mga ito?

Pagsunod sa mga kautusan ng Diyos

Lahat tayo ay may mga sariling dahilan na nakakaapekto kung pipiliin nating sundin ang mga kautusan ng Diyos. Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang itinuro ni Apostol Juan na makahihikayat sa ating sundin ang mga ito. Makatutulong na tandaan na isinulat ni Juan ang kanyang mga sulat sa mga mananampalataya na nahaharap sa mga maling turo.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magtulungan sa pagbabasa ng mga scripture passage. Maaaring basahin ng bawat estudyante ang ilan sa mga scripture passage at pagkatapos ay ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila.

1 Juan 2:3–6

1 Juan 3:18–24

2 Juan 1:6, 8–9

(Maaari ding makatulong na basahin ang mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 14:15, 23–24 .)

  • Ano ang mga katotohanang nahanap mo?

Maaaring tumukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin. Maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong tulad ng sumusunod:

  • Paano makadaragdag sa hangarin ng isang tao na sundin ang mga kautusan ang kaalaman nila sa mga katotohanang ito?

Nagturo si Juan ng iba’t ibang katotohanan sa mga talatang ito. Ang isa sa kanila na maaaring natukoy mo ay kapag mas kilala at mahal natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas handa tayong sundin ang Kanilang mga kautusan (tingnan sa 1 Juan 1:5–7 ; 2:3–6 ; 2 Juan 1:6–9).

Kung mayroon, maaari kang gumamit ng teknolohiya upang maiangkop ang sumusunod na aktibidad. Halimbawa, maaaring gumawa ang mga estudyante ng video, isang post sa social media, o text upang ibahagi ang kanilang mga sagot. Madaragdagan nito ang pakikilahok ng mga estudyante at maipararating nito ang mga mensahe ng mga estudyante tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mas maraming tao.

Bilang alternatibo, maaaring ipagpalagay ng mga estudyante na nais ng kanilang titser sa Sunday School na tulungan ang mga miyembro ng klase nila na mahikayat na sundin ang mga kautusan. Hiniling niya sa mga estudyante na isipin ang mga sumusunod na tanong at maghandang ibahagi sa klase ang kanilang mga saloobin.

Habang inihahanda ng mga estudyante ang maaari nilang sabihin, maaari din silang magsama ng mga natutuhan nila mula sa kanilang paghahanda ng estudyante.

  • Bakit ang pagsunod sa mga kautusan ay isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na naghihikayat sa iyong sundin ang Kanilang mga kautusan? Bakit nakahihikayat sa iyo ang kaalamang iyon?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanila nang sundin mo ang Kanilang mga kautusan?

Ipabahagi sa mga nagboluntaryo ang inihanda nila. Maaari itong gawin bilang klase o sa maliliit na grupo. Matapos magbahagi ang mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong, tulad ng “Paano makatutulong ang ibinahagi mo sa isang tao upang naisin niyang sundin ang mga kautusan?”

Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang ibahagi ang kanilang mga saloobin sa isang tao sa labas ng klase.

Paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit?

Tingnan ang larawang ito at pag-isipan ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit at kung ano ang nadarama Nila tungkol sa iyo. Maaari mo ring pag-isipan ang nadarama mo tungkol sa Kanila.

Ipakita ang sumusunod na larawan.

A man standing and embracing Christ after being healed.

Bagama’t tila mahirap ipakita ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil hindi natin Sila pisikal na kasama, maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanila sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan. Maglaan ng oras na pag-isipan kung ano ang gusto mong alalahanin o gawin dahil sa lesson na ito. Ang sumusunod ay ilang paraan na magagawa mo ito:

  • Isulat ang isang paraan na gusto mong mas makilala at mas mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Isipin ang mga kautusan na sinusunod mo ngayon at kung bakit mo sinusunod ang mga ito. Isipin kung nahihikayat ka dahil sa pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo o dahil mas mapagbubuti mo ang aspetong iyon.

  • Tukuyin ang isa o higit pang kautusan na mas lubos mong masusunod upang maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Gumawa ng plano kung paano mo mas lubos na masusunod ang mga kautusang ito.

Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga nadama at impresyong natanggap nila upang maipakita nila ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magpatotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos para sa atin ang mga kautusan?

Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):

14:24
Official portrait of President Thomas S. Monson, 2008.

Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi ibinibigay upang biguin tayo o maging mga hadlang sa ating kasiyahan. Kabaligtaran pa nga nito ang katotohanan. Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan. Naglaan Siya ng mga patnubay na, kung susundin natin, ay gagabayan tayo nang ligtas sa kadalasan ay mapanganib na paglalakbay sa buhay na ito. …

… Nauunawaan Niya na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako Niyang pagpapala.

(Thomas S. Monson, “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” Liahona, Nob. 2015, 83)

Paano naipapakita ng pagsunod ko sa mga kautusan ang pagmamahal ko sa Diyos?

Ipinahayag ni Elder Von G. Keetch (1960–2018) ng Pitumpu:

10:19
Official Portrait of Elder Von G. Keetch. Photographed March 2017.

Ipinapakita natin ang pagmamahal natin sa Diyos—at ang pananampalataya natin sa Kanya—kapag tinatahak natin araw-araw sa abot ng ating makakaya ang landas na inihanda Niya para sa atin at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. Lalo nating naipapakita ang pananampalataya at pagmamahal na iyan sa mga sitwasyon na hindi natin ganap na maunawaan ang dahilan kung bakit inuutos ng Diyos ang isang bagay o kung bakit nais Niyang tahakin natin ang isang partikular na daan.

(Von G. Keetch, “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 116)

Paano ko madaragdagan ang pagmamahal ko sa Diyos?

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

2:3
Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Pinalalago natin ang ating pag-ibig sa ating Ama sa Langit at ipinakikita ang pag-ibig na iyan sa pag-aayon ng ating mga iniisip at ginagawa sa salita ng Diyos. Pinapatnubayan at hinihikayat tayo ng Kanyang dalisay na pag-ibig na maging mas dalisay at banal. Binibigyang-inspirasyon tayo nito na mamuhay sa kabutihan---hindi dahil sa takot o obligasyon kundi sa marubdob na hangaring maging higit na katulad Niya dahil mahal natin Siya.

(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 23)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

3 Juan 1:1–4. Nagagalak tayo kapag tinutulungan natin ang iba na “[lumakad] sa katotohanan”

Kung makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, maaari nilang basahin ang 3 Juan 1:1–4 tungkol sa nadarama ni Juan nang tulungan niya ang iba na lumapit sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaari nilang iugnay ang mga talatang ito sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16 .

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na maaanyayahan nila na mas lumapit sa Tagapagligtas. Hikayatin silang gumawa ng plano na anyayahan ang mga taong iyon.

4:30