Seminary
1 Juan 2–4


1 Juan 2–4

“Mga Minamahal, Mag-ibigan Tayo sa Isa’t Isa”

A painting of a mass of people from different ethnic backgrounds. Submission for the 11th Annual Art Competition.

Bakit mahirap kung minsan ang magpakita ng pagmamahal para sa ibang tao? Paano nauugnay ang ating pagmamahal sa Diyos sa pagmamahal sa kapwa? Itinuro ni Apostol Juan sa mga Banal kung paano sila mahihikayat ng pagmamahal ng Diyos na mahalin ang Diyos at ang kapwa (tingnan sa 1 Juan 4:11, 19). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at maipamuhay ang utos na mahalin ang kapwa habang minamahal mo ang Diyos.

Pagtulong sa mga estudyante na epektibo at matwid na kumilos. Kapag kumilos ang mga estudyante nang may pananampalataya na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, patototohanan sa kanila ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon (tingnan sa Juan 7:17). Gumawa ng mga pagkakataon na magagamit ng mga estudyante ang mga alituntunin sa klase upang mas maitimo ng Espiritu Santo ang mga katotohanan sa kanilang puso.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok na handang magbahagi ng mga karanasan kung saan nagpakita sila ng pagmamahal sa kanilang kapwa o nagpakita ng pagmamahal sa kanila ang ibang tao at ang naging epekto nito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagmamahal sa kapwa

Mag-isip ng ilang paraan para matapos mo ang mga sumusunod na pangungusap:

Madaling mahalin ang ating kapwa kapag …

Mas mahirap mahalin ang ating kapwa kapag …

Maaari mong isulat sa pisara ang mga parirala sa itaas, at pagkatapos ay ipasulat sa ilang estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang isa sa mga pangungusap.

Pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang naghihikayat o nagpapahirap sa iyo na magpakita ng pagmamahal sa iyong kapwa?

Mga turo ni Juan tungkol sa pagmamahal

Buong tapang na itinuro ni Apostol Juan ang tungkol sa pangangailangang mahalin ang kapwa.

Basahin ang 1 Juan 3:16–17 ; 4:7–11, 19–21 at markahan ang mga katotohanan na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo habang pinag-iisipan mo ang mga hamon ng pagmamahal sa kapwa. (Tandaan na ang ibig sabihin ng salitang pantubos [ 1 Juan 4:10 ] ay ang nagbabayad-salang sakripisyo na tumutugon sa katarungan ng Diyos.)

  • Ano ang naging interesante o makabuluhan para sa iyo sa mga turo ni Juan? Bakit?

Makinig nang mabuti sa mga estudyante. Sikaping maipadama sa mga estudyante na komportable sila na magbahagi sa klase ng kanilang mga saloobin. Maaari mong itanong kung paano makatutulong sa kanila ang nalaman nila na mahalin ang kapwa.

Ang isa sa mga katotohanang itinuro ni Juan sa mga scripture passage na ito ay kung mahal natin ang Diyos, mamahalin din natin ang ating kapwa. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa 1 Juan 4:21 .

Mag-isip ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan nang mas malalim ang katotohanang ito. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa ilan o sa lahat ng sumusunod na tanong: Sa iyong palagay, bakit nauugnay ang pagmamahal sa Diyos sa pagmamahal sa kapwa? Paano nakaiimpluwensya ang pag-iisip ng pagmamahal ng Diyos sa iyo at sa iba sa pakikitungo mo sa iyong kapwa? Paano maiiba at magiging mas mabuti ang buhay natin at ng mga nasa paligid natin kung nauunawaan at ipinamumuhay natin ang katotohanang ito?

Maaari ding makinabang ang mga estudyante sa pagkumpleto ng isang aktibidad sa pag-aaral tulad ng sumusunod:

Upang matulungan kang pagnilayan ang mga pagpapala ng pagmamahal sa kapwa, pumili ng isa sa mga halimbawa sa ibaba at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

Ipakita ang mga sumusunod na opsiyon para sa mga estudyante at ipaalala sa kanila ang kanilang paghahanda para sa klase. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawang halimbawa, bilang isang klase o nang mag-isa.

  • a. Isang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas nang magpakita Siya ng pagmamahal sa kapwa 

  • b. Isang taong kilala mo na palaging halimbawa ng pagmamahal sa kapwa 

  • c. Ang sarili mong mga karanasan sa pagsisikap na mahalin ang kapwa, o mga karanasan kung saan nagpakita ng pagmamahal sa iyo ang iba 

  • d. Mga halimbawa ng pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o mga video ng Simbahan, tulad ng “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo” mula sa time code na 4:43 hanggang 6:15 (matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org)

2:3
  • Ano ang ginawa ng taong ito/mo upang magpakita ng pagmamahal?

  • Paano nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos ang kanyang/iyong mga ginawa?

  • Ano ang mga resulta ng pagpapakita niya/mo ng pagmamahal?

  • Ano ang natutuhan mo mula sa halimbawang ito?

Kung ginawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang mag-isa, maaari mong ipabahagi sa kanila ang kanilang mga sagot sa maliliit na grupo o sa klase.

Pagtanggap ng mga pagpapala ng pagmamahal sa kapwa

Basahin ang 1 Juan 3:17–18 upang malaman kung paano tayo hinikayat ni Juan na mahalin ang ating kapwa.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mahalin ang ating kapwa “sa gawa at sa katotohanan”? ( 1 Juan 3:18).

Maaari ding makabuluhang basahin ang ilan sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mahalin ang isa’t isa na nakatala sa Mateo 5:43–44 ; 22:37–40 at Juan 13:34 , at alamin kung paano itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating mahalin ang ating kapwa. (Tingnan din sa Juan 15:12, 17 .)

Gumawa ng listahan ng mga paraan na maipapakita mo ang pagmamahal sa kapwa “sa gawa at sa katotohanan,” o tulad ng pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong na mag-isip ng mga paraan upang magpakita ng pagmamahal sa iba’t ibang tao, tulad ng mga kapamilya, kaibigan, o kaklase.

Makatutulong na makakita ng ilang halimbawa ng pagmamahal sa kapwa “sa gawa at sa katotohanan.”

2:18
  • Alin sa mga ideya ng pagpapakita ng pagmamahal ang pinakanamukod-tangi sa iyo? Bakit?

  • Bakit mahalagang tapat ang ating mga kilos?

  • Paano makatutulong ang mga tapat na kilos na ito na maging mas katulad tayo ni Jesucristo?

Ipamuhay

Mag-isip ng isang taong kilala mo na maaaring nais ng Panginoon na pakitaan mo ng higit na pagmamahal. Sikaping isipin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa kanya. Maaari kang manalangin sa Ama sa Langit. Pakinggan at damhin ang inspirasyon tungkol sa kung ano ang nais Niyang ipagawa sa iyo upang maipakita mo ang pagmamahal sa taong ito. Maaari mong ipagdasal na tulungan ka sa iyong mga pagsisikap. Maaaring makatulong din na ibahagi sa isang mapagkakatiwalaang nasa hustong gulang o kaibigan ang plano mong gawin at hilingin sa kanya na tulungan ka.

Maaari mong itanong kung may mga estudyanteng gustong magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagmamahal sa kapwa at kung paano nito ipinapakita ang ating pagmamahal sa Diyos. Maaari ka ring magbahagi ng personal na patotoo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Juan 3:18. Ano ang ibig sabihin ng magmahal “sa gawa at sa katotohanan”?

Ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Last official portrait of Elder Joseph B. Wirthlin of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Died December 1, 2008.

Kadalasan, ang pinakamatinding pagpapahiwatig ng pagmamahal ay nasa simpleng kabaitan at pagmamalasakit na ibinibigay natin sa mga nakikilala natin sa buhay.

(Joseph B. Wirthlin, “Ang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2007, 29)

Ano ang ilan sa mga pagpapala ng pagmamahal sa kapwa?

Nagpatotoo si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, tungkol sa mga pagpapalang maaaring magmula sa pagmamahal sa kapwa.

2:3
Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Dahil pag-ibig ang dakilang utos, dapat ay ito ang sentro ng lahat ng ating ginagawa sa ating pamilya, sa ating mga tungkulin sa simbahan, at sa ating hanapbuhay. Pag-ibig ang balsamong nagpapahilom sa mga hidwaan sa personal na relasyon at sa pamilya. Ito ang bigkis na nagbubuklod sa mga pamilya, komunidad, at bansa. Pag-ibig ang kapangyarihang nagpapasimula ng pagkakaibigan, pagpaparaya, pagpipitagan, at respeto. Ito ang kapangyarihang dumaraig sa di-pagkakaisa at poot. Pag-ibig ang ningas na nagpapaalab sa ating buhay sa walang-kapantay na galak at banal na pag-asam. Dapat tayong kumilos at magsalita nang may pagmamahal.

Kapag tunay nating naunawaan ang kahulugan ng magmahal tulad ng pagmamahal ni Jesucristo sa atin, naglalaho ang pagkalito at umaayos ang ating mga priyoridad. Mas sumasaya ang ating buhay bilang mga disipulo ni Cristo. Nagkakaroon ng bagong kahulugan ang ating buhay. Lumalalim ang kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit.

(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 21)

1 Juan 3:18. Paano natin maipapakita ang pagmamahal “sa gawa at sa katotohanan” sa ating mga ugnayan sa pamilya?

Panoorin ang “Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa” mula sa time code na 6:23 hanggang 8:41 upang mapanood si Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inilalarawan ang pagpapakita nilang mag-asawa ng kabutihan sa isa’t isa.

15:3

//media.ldscdn.org/webvtt/general-conference/april-2011-general-conference/2011-04-5010-elder-richard-g-scott-en.vtt

6:12

1 Juan 4:12. Ano ang ibig sabihin ni Juan nang sabihin niya na “walang nakakita kailanman sa Diyos”?

“Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ang maling pagkaunawa na hindi makikita ng mga mortal ang Diyos: ‘Walang sinumang tao ang nakakita sa Diyos kailanman, maliban sa kanila na naniniwala’ (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, 1 Juan 4:12). Nagpatuloy si Juan sa pagtuturo na: ‘Kung tayo’y nag-iibigan sa isa’t isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin’ ( 1 Juan 4:12). Nakita mismo ni Juan ang Diyos Ama (tingnan sa Apocalipsis 5:1 ; D at T 67:11). Upang makabasa pa ng tungkol sa mga mortal na nakakita sa Diyos, tingnan sa Juan 14:23 ; Mga Gawa 7:56 ; D at T 93:1 ; Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17 “ (New Testament Student Manual [2014], 517).

1 Juan 4:20–21. Sino ang ating mga “kapatid”?

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ang una nating mga priyoridad sa buhay ay mahalin ang Diyos at ang ating kapwa. Kabilang diyan ang ating sariling pamilya, komunidad, bansa, at ang mundo.

(Russell M. Nelson, “Teach Us Tolerance and Love,” Ensign o Liahona, Mayo 1994, 69)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

1 Juan 3:1–3 ; 4:12. Maaari tayong maging katulad ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagiging dalisay

Kung makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral pa ng tungkol sa kung paano sila magiging katulad ng Ama sa Langit, sabihin sa kanila na pag-aralan ang 1 Juan 3:1–3 at ibahagi ang natutuhan nila mula sa scripture passage na ito. Tingnan din sa Mosias 5:7 .

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Ama sa Langit “bilang siya” ( 1 Juan 3:2). Magpabahagi sa kanila ng mga ideya tungkol sa kung paano natin “[ma]lilinis [ang ating] sarili” ( 1 Juan 3:3) upang tayo ay maging katulad ng Diyos. Ang isang posibilidad ay sikaping magmahal tulad ng pagmamahal ng Diyos (tingnan sa 1 Juan 4:12).

Ipaalala sa mga estudyante na hindi tayo magiging dalisay kung wala ang Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang paksa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na may pamagat na “ Pagpapabanal ” (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) at alamin kung paano tayo magiging mas dalisay sa tulong ni Cristo. Anyayahan silang gumawa ng plano kung paano ito gagawin.