2 Corinto 2
“Inyong Patawarin”
Maaaring napakahirap patawarin ang ibang tao. Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa pagpapatawad sa isang nagkasala sa kanilang komunidad. Inanyayahan sila ni Pablo na magpatawad, para sa ikabubuti ng taong papatawarin at para din sa kanilang sariling kapakinabangan. Habang nag-aaral ka, hangaring mas maunawaan mo ang kahalagahan ng pagpapatawad at ang hangarin mong patawarin ang iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang gagawin mo?
Isipin kung paano ka maaaring tumugon at maging ang iba pang tao sa paligid mo sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Naging usap-usapan na nakagawa ng mabigat na kasalanan ang isang miyembro ng iyong ward o branch, tulad ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri.
-
Hayagang sumasalungat sa mga lider ng Simbahan ang isang tao sa iyong ward o branch.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Kahit na nakikipagpulong sa mga lider ng Simbahan at nagsisikap na magsisi ang mga tao sa mga sitwasyong ito, paano sila maaaring pag-usapan at pakitunguhan ng ibang tao?
-
Bakit maaaring mahirap para sa ilang tao na pakitunguhan sila nang may pagmamahal at pagpapatawad?
Sa 2 Corinto 2 , sumulat si Pablo ng isang katulad na sitwasyon sa Corinto kung saan nagkasala at dinisiplina ng mga miyembro ng Simbahan ang isang tao.
Pag-isipang mabuti kung paano mo pinakikitunguhan ang mga taong nasa paligid mo na maaaring nagkasala. Isaalang-alang ang mga sumusunod na tanong ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Mayroon bang tao sa buhay ninyo na marahil ay kailangang patawarin? May tao ba sa inyong tahanan, sa inyong pamilya, sa mga kapitbahay ninyo na nakagawa ng isang bagay na hindi makatarungan o masama o hindi nararapat gawin ng isang Kristiyano? Lahat tayo ay nakagawa ng gayong mga paglabag, kaya tiyak na may isang taong kailangan pa ninyong patawarin.
(Jeffrey R. Holland, “I Stand All Amazed,” Ensign, Ago. 1986, 72)
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hangarin ang tulong ng Espiritu Santo upang mas maunawaan mo ang kahalagahan ng pagpapatawad na katulad ng kay Cristo at kung paano mo mapapatawad ang iba.
Itinuro ni Pablo ang tungkol sa pagpapatawad
Basahin ang 2 Corinto 2:5–11 , at alamin ang mga katotohanang matutukoy mo sa ilalim ng mga sumusunod na kategorya:
Paano natin dapat pakitunguhan ang isang taong nagdulot sa atin ng pagdadalamhati? |
Bakit dapat nating pakitunguhan ang mga tao sa ganitong paraan? |
-
Ano ang natutuhan mo mula sa pag-aaral ng mga scripture passage na ito?
Ang dalawang alituntunin na maaaring natukoy mo ay sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari tayong magpatawad at tumulong nang may pagmamahal sa iba at kung hindi natin patatawarin ang iba, sasamantalahin ni Satanas ang pagkakataong ito.
-
Ano ang mga halimbawa ng paraan kung paano mo mapapatawad, mapapanatag, o mapagtitibay ang iyong pagmamahal sa isang taong nagkasala o hindi naging mabait?
-
Batay sa nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo, bakit nais Niya tayong magpatawad at magpakita ng pagmamahal sa isa’t isa? Paano Niya tayo matutulungang gawin ito?
Itinuro ni Elder Massimo De Feo ng Pitumpu:
Ang mga tunay na disipulo ay gustong magpatawad. Alam nila na binayaran ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang lahat ng kasalanan at pagkakamali ng bawat isa sa atin. Alam nila na ang ibinigay Niyang kabayaran ay “kabayarang para sa lahat.” Kasamang binayaran ang lahat ng mga espirituwal na buwis, bayad, komisyon, at singil na kaugnay ng mga kasalanan, o pagkakamali. Ang mga tunay na disipulo ay madaling magpatawad at madaling humingi ng kapatawaran.
Mahal kong mga kapatid, kung nahihirapan kayong magpatawad, huwag isipin ang ginawa ng iba sa inyo, kundi isipin ang ginawa para sa inyo ng Tagapagligtas, at makadarama kayo ng kapayapaan sa nakatutubos na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.
(Massimo De Feo, “Dalisay na Pag-ibig: Ang Tunay na Tanda ng Lahat ng Tunay na Disipulo ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 82)
-
Kailan ka nakakita ng halimbawa ng isang taong nagpatawad ng ibang tao at pagkatapos ay tinulungan ang taong iyon nang may pagmamahal?
-
Paano tayo “[malalamangan] ni Satanas” dahil sa hindi pagpapatawad? ( 2 Corinto 2:11).
Ipagpalagay na, tulad ng mga taga-Corinto, kailangang dagdagan ng mga tao sa iyong ward ang kanilang pagmamahal at pagpapatawad sa mga nagkasala. Dahil dito, inanyayahan kayo ng inyong bishop na magbahagi ng maikling saloobin tungkol sa pagpapatawad sa simula ng inyong klase o pulong ng korum. Maglaan ng ilang minuto at gumawa ng outline ng maaari mong sabihin. Isama ang sumusunod:
-
Kahit isang talata o parirala mula sa 2 Corinto 2:7–11 .
-
Isa pang banal na kasulatan o pahayag ng isang lider ng Simbahan. (Maaari mong gamitin ang pahayag ni Elder Kevin R. Duncan sa ibaba, ang isa sa mga banal na kasulatan na binanggit niya, o ang isa sa mga scripture passage na kasunod ng kanyang pahayag.)
-
Ang sarili mong mga saloobin at patotoo tungkol sa pagmamahal at pagpapatawad sa iba at kung paano makatutulong ang mga ito sa atin para mas mapalapit sa Tagapagligtas.
Mga turo tungkol sa pagpapatawad
Sinabi ni Elder Kevin R. Duncan ng Pitumpu:
Alam kong marami sa atin ang gustong magpatawad, pero nahihirapan tayong gawin ito. Kapag may di-makatarungang nangyari sa atin, mabilis nating nasasabing, “Mali ang ginawa ng taong iyon. Dapat silang maparusahan. Nasaan ang katarungan?” Nagkakamali tayo sa pag-iisip na kung nagpapatawad tayo, kahit paano ay hindi nagkakaroon ng hustisya at naiiwasan ang mga kaparusahan.
Hindi ito totoo. Ang Diyos ay magbibigay ng parusang makatwiran, sapagkat hindi maaagawan ng awa ang katarungan (tingnan sa Alma 42:25). Buong pagmamahal na tinitiyak ng Diyos sa atin: “Iwan ang paghahatol sa akin, sapagkat ito ay akin at ako ang gaganti. [At hayaang] kapayapaan ang mapasainyo” [ Doktrina at mga Tipan 82:23 ].
(Kevin R. Duncan, “Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 33-34)
-
Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa mga miyembro ng iyong ward na mas makaunawa at makapagpatawad?
-
Paano sila mas mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba?
Pag-isipan kung paano mo pinakikitunguhan ang mga nagkasala.Humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit tungkol sa magagawa mo upang “patawarin siya … at … papagtibayin ang [iyong] pag-ibig sa kanya” ( 2 Corinto 2:7–8). Maaari mong isulat ang iyong mga impresyon at saloobin sa iyong study journal, kabilang ang anumang nadarama mo na dapat mong gawin.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ka personal na mapagpapala ng pagpapatawad?
Itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:
Kung mapapatawad natin sa ating puso ang mga nakasakit at nakapinsala sa atin, aangat tayo sa mas mataas na antas ng paggalang sa sarili at kagalingan.
(James E. Faust, “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2007, 68)
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa awtoridad na ipinagkaloob sa akin ng Tagapagligtas ng mundo bilang apostol, pinatototohanan ko ang kapayapaan sa kaluluwa na ihahatid ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa isa’t isa kung tayo ay mapagpakumbaba at may lakas ng loob na gawin iyon.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 79)
Paano ka matutulungan ni Jesucristo na magpatawad?
Itinuro ni Elder Kevin R. Duncan ng Pitumpu:
Pagpapatawad ang mismong dahilan kaya isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, kaya magalak tayo sa Kanyang alok na pagalingin tayong lahat. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang para sa mga taong kailangang magsisi; ito ay para rin sa mga taong kailangang magpatawad. Kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao o maging ang sarili mo, hilingin na tulungan ka ng Diyos. Ang pagpapatawad ay maluwalhati at nakapagpapagaling na alituntunin. Hindi tayo kailangang maging biktima nang dalawang beses. Maaari tayong magpatawad.
(Kevin R. Duncan, “Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2016, 35)
Paano ko mas mauunawaan kung ano ang pagpapatawad?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi sinabi [ni Jesucristo], “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.” Hindi rin Niya sinabing, “Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.” Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring mangyari sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 79)