2 Corinto 1; 4
“Inialiw sa Atin ng Diyos”
Lahat tayo ay dumaranas ng pighati at kalungkutan, mga sagabal at balakid, at pagkabagabag at sakit. Nang dumanas ng paghihirap ang mga tao sa Corinto, sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan doon upang patuloy na magbigay ng suporta at payo. Pinatotohanan niya ang kapanatagan at kapayapaang matatamo nila sa pamamagitan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa 2 Corinto 1:3–4). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan ang ilan sa mga paraan kung paano nagbibigay ng kapanatagan ang Diyos sa Kanyang mga anak, at matukoy ang mga paraan kung paano mo maibabahagi sa iba ang kapanatagang ibinibigay Niya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang nagpapanatag sa iyo?
-
Ano o sino ang binabalingan mo para makadama ng kapanatagan kapag may mga problema ka?
-
Ano o sino ang nagbibigay sa iyo ng lubos na kapanatagan? Bakit?
Gumawa ng listahan ng mga sitwasyon sa buhay ngayon o sa hinaharap kung saan maaaring kailangan mo ng tulong at kapanatagan upang malampasan mo ang mga ito.
Isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Bakit maaari kang magtiwala na papanatagin ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo sa mga panahong ito?
-
Sa iyong palagay, gaano kahusay mong natutukoy at natatanggap ang kapanatagan na ibinibigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Paano mo maibabahagi sa iba ang kapanatagang ibinibigay Nila?
Hanapin ang mga sagot sa mga nakaraang tanong habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.
Nais ni Pablo na panatagin ang mga Banal sa Corinto sa kanilang mga pagsubok
Habang nasa Macedonia, nabalitaan ni Pablo mula sa isang disipulong nagngangalang Tito na natanggap nang maayos ng mga Banal sa Corinto ang kanyang naunang sulat (tingnan sa 2 Corinto 2:13 ; 7:5). Nalaman din ni Pablo ang mga hamon na patuloy na nararanasan ng mga Banal na ito at sumulat siya ng isa pang sulat (2 Corinto) upang bigyan sila ng kapanatagan at tugunan ang kanilang mga problema.
-
Ano ang naaalala mo tungkol sa Corinto at sa mga paghihirap ng mga Banal doon?
Basahin ang 2 Corinto 1:1–4 , at bigyang-pansin kung paano sinimulan ni Pablo ang kanyang pangalawang sulat sa mga Banal sa Corinto.
-
Ano ang tila pinakamahalaga para sa iyo sa pagbati ni Pablo sa mga Banal?
-
Ano ang mga pangalan o titulong ginamit ni Pablo para sa Ama sa Langit ang napansin mo?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pangalan o titulong iyon tungkol sa Ama sa Langit?
-
Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo sa talata 4 ?
Pagtanggap ng kapanatagan mula sa Ama sa Langit at pagtulong sa iba na matanggap ito
Maaaring may natukoy kang katotohanan mula sa talata 4 na tulad ng sumusunod: Kapag natanggap natin ang ibinibigay na kapanatagan ng Ama sa Langit sa panahong sinusubok tayo, mas matutulungan natin ang iba na matanggap din ito.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “maaliw natin ang nasa anumang kapighatian”? ( talata 4).
-
Sa iyong palagay, bakit inaasahan ito sa mga disipulo ni Jesucristo?
-
Kailan ka nakatanggap o kailan nakatanggap ang isang kakilala mo ng tulong at kapanatagan mula sa Ama sa Langit sa oras ng pagsubok?
-
Ano ang natutuhan mo o niya sa karanasang iyon?
-
Ano sa palagay mo ang magagawa mo upang makatanggap pa ng kapanatagan ng Diyos kapag kailangan mo ito?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985).
Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Samakatuwid, lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100)
-
Sa iyong palagay, bakit madalas tayong gamitin ng Ama sa Langit para tulungan ang iba sa kanilang mga pagsubok upang madama nila ang Kanyang pagmamahal at kapanatagan?
Mag-isip ng isang taong kakilala mo na kasalukuyang nakararanas ng paghihirap. Pag-isipan nang may panalangin kung paano mo siya matutulungang madama ang kapanatagang ibinibigay ng Ama sa Langit habang ginagawa mo ang mga sumusunod:
A. Isipin ang natutuhan mo mula sa 2 Corinto 1:1–4 na maaaring makatulong sa taong ito.
B. Basahin ang dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata, na naglalaman ng mga karagdagang turo ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa mga pagsubok. Maghanap ng parirala o talata na sa palagay mo ay magiging makabuluhan sa taong naisip mo.
C. Gumawa ngayon ng isang bagay upang matulungan ang taong ito na madama ang ibinibigay na kapanatagan ng Ama sa Langit. Maaari mo siyang ipagdasal tulad ng pagdarasal ng mga Banal sa Corinto para kay Pablo (tingnan sa 2 Corinto 1:11). Bukod pa rito, maaari kang sumulat sa taong ito ng isang nakahihikayat na mensahe tulad ng ginawa ni Pablo sa mga taga-Corinto, kahit ang iyong mensahe ay maaaring isang text, email, o maikling sulat o note sa halip na isang liham. (Maaari mong isama ang natutuhan mo sa lesson na ito mula sa 2 Corinto 1; 4, gayundin ang anumang personal na karanasang maaaring makatulong.)
D. Gumawa ng mga karagdagang plano upang matulungan ang taong ito. Maaaring ipadama sa iyo ng Ama sa Langit na gumawa ng mga karagdagang gagawin, tulad ng pagbisita sa kanya o paglilingkod sa kanya sa anumang paraan. Tiyaking isulat ang anumang planong maiisip mo sa isang lugar kung saan mapapaalalahanan kang gawin ito, tulad sa iyong kalendaryo, sa iyong smartphone, o sa isang papel na titingnan mo kalaunan.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
2 Corinto 1:4 . Bakit inaasahan ng Panginoon na tutulungan at papanatagin ko ang mga taong nangangailangan?
Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Noong umahon tayo mula sa mga tubig ng binyag, inatasan na tayo sa gawaing ito. Tumutulong tayo sa ating kapwa nang may pagmamahal dahil ito ang iniutos ng ating Tagapagligtas na gawin natin. … Kapag nahihirapan sa temporal o espirituwal ang ating kapwa, tumutulong tayo sa kanila. Pinapasan natin ang pasanin ng isa’t isa, nang ang mga ito ay gumaan. Nakikidalamhati tayo sa mga yaong nagdadalamhati. Inaaliw natin yaong mga nangangailangan ng aliw. Inaasahan ito ng Panginoon sa atin. At darating ang araw na mananagot tayo para sa pangangalagang ginawa natin sa paglilingkod sa Kanyang kawan.
(Gary E. Stevenson, “Pangangalaga sa mga Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 111)
2 Corinto 4:17 . Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang tukuyin niya ang ating mga hamon sa buhay bilang “magaang kapighatian”?
Itinuro ni Elder Paul V. Johnson ng Panguluhan ng Pitumpu:
Sa gitna ng mga problema, halos imposibleng makita na ang paparating na biyaya ay mas higit sa pasakit, paghamak, o pasakit na maaaring nadarama natin sa oras na iyon. … Itinuro ni Apostol Pablo, “Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan” [ 2 Corinto 4:17 ]. Mapapansing ginamit ni Pablo ang salitang “magaang kapighatian.” Ito ay mula sa isang taong binugbog, binato, nasira ang barkong sinasakyan, ibinilanggo, at dumanas ng maraming iba pang pagsubok. Palagay ko marami sa atin ang hindi ituturing na magaang ang ating mga kapighatian. Subalit kumpara sa mga pagpapala at pag-unlad na tatanggapin natin sa bandang huli, kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, tunay ngang magaang ang ating mga kapighatian. …
Kung minsan gusto nating lumago nang walang mga pagsubok at lumakas nang walang kahirap-hirap. Ngunit hindi tayo lalago sa madaling paraan. Alam na alam natin na ang isang atletang ayaw magsanay nang lubos ay hindi kailanman huhusay. Ingatan nating huwag magdamdam sa mismong mga bagay na tutulong sa atin na maging banal.
(Paul V. Johnson, “Higit Pa sa mga Mapagtagumpay sa Pamamagitan Niyaong sa Atin ay Umiibig,” Liahona, Mayo 2011, 79–80)