Seminary
Mga Gawa 17:1–14


Mga Gawa 17:1–14

Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

A young woman sits in her bedroom and reads her scriptures

Naisip mo na ba minsan kung bakit napakahalagang pag-aralan ang mga banal na kasulatan? Ang ilan sa mga karanasan ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay naglalarawan ng kapangyarihang maibibigay sa atin ng salita ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong mas hangaring maranasan ang mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Hikayatin ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagbibigay ng regular na pagkakataon sa mga titser at estudyante na matutuhan ang ebanghelyo, magkaroon ng patotoo, at marinig ang tinig ng Panginoon. Maghanap palagi ng pagkakataon sa klase upang hikayatin ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Ang pagbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong ibahagi ang natututuhan nila ay makahihikayat sa iba na makibahagi rin sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi ng isang makabuluhang bagay na nalaman nila kamakailan sa kanilang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga natutuhan mula sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan kamakailan at magbahagi ng mga makabuluhang kaalaman na natutuhan nila. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong upang gabayan ang talakayang ito. Maaaring makatulong na ipaalala sa mga estudyante sa unang bahagi ng lesson ang mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan na itinakda nila para sa kanilang sarili sa seminary. Magkakaroon ka ng pagkakataong suriin ang kanilang mithiin sa katapusan ng lesson.

  • Ano ang ilang kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang natutuhan mo mula sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan kamakailan?

  • Ano ang ilang talata o salaysay na napag-aralan mo kamakailan na naging makabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Kung tinanong ka ng isang kaibigan kung bakit sa palagay mo ay mahalagang palaging pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ano ang isasagot mo?

Mga halimbawa ng kahalagahan ng mga banal na kasulatan

Ang ilan sa mga karanasan ni Pablo sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero ay naglalarawan ng kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Isulat ang sumusunod na heading sa iyong study journal: Paano mapagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang aking buhay. Sa pag-aaral mo ngayon, maghanap ng mga kaalamang maaari mong ilista sa ilalim ng heading na ito.

Maaari mo ring isulat ang heading na ito sa pisara at maaari kang magdagdag sa listahan sa buong lesson.

Kung mayroon, gamitin ang Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa 13, “ Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero ,” upang hanapin ang Tesalonica at ang iba pang lugar kung saan naglakbay si Pablo sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.

Basahin ang Mga Gawa 17:1–4 at alamin ang ginawa ni Pablo sa kalipunan ng mga Judio sa Tesalonica.

  • Ano sa palagay mo ang mahalaga sa mga pagsisikap ni Pablo?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan?

Ang mensahe ni Pablo sa mga Judio sa Tesalonica ay nagpapaalala sa atin na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon (tingnan sa Juan 5:39). Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa layunin ng mga banal na kasulatan. Basahin ang pahayag sa ibaba.

2:3
Portrait of Elder D. Todd Christofferson. Photographed in March 2020.

Sa huli, ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala “ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo ( Juan 17:3).”

(D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 34)

  • Alin sa mga pagpapalang binanggit ni Elder Christofferson ang naranasan mo sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Ano ang ilang talata sa banal na kasulatan na nagpalakas ng iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano nakatulong sa iyo ang mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito na mapalakas ang iyong pananampalataya?

Bagama’t maraming kababaihan at kalalakihan sa Tesalonica ang naniwala at nagbalik-loob sa pamamagitan ng mga turo ni Pablo, nagtipon ng mga tao ang iba sa pagtatangkang dakpin sina Pablo at Silas (tingnan sa Mga Gawa 17:4–5). Nakatakas sina Pablo at Silas sa mga tao at nagtungo sila sa kalapit na lungsod ng Berea, kung saan patuloy silang nangaral.

Basahin ang Mga Gawa 17:10–12 , at alamin kung paano tinanggap sina Pablo at Silas ng mga tao sa Berea. Maaari mong markahan ang mga salita at mga parirala na sa palagay mo ay mahalaga.

  • Paano nakatulong sa mga taong ito ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw?

Ang isang katotohanan na matutukoy mula sa salaysay na ito ay ito: ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makapaghahanda sa atin na matukoy ang katotohanan at maniwala rito. Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong itanong ang:

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano magagamit ang katotohanang ito sa mga sitwasyong maaari mong makaharap sa iyong buhay?

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na sitwasyon:

Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Ipinaliliwanag ng isa sa iyong mga titser sa paaralan ang isang konseptong sumasalungat sa iyong mga paniniwala.

  • Hinihikayat ka ng ilan sa mga kaibigan mong makilahok sa mga gawaing sumasalungat sa iyong mga pamantayan at sinasabi nilang, “Hindi naman masama kung minsan lang.”

  • Sa pangkalahatang kumperensya, nagtuturo ang isang Apostol ng isang bagay na sumasalungat sa mga kasalukuyang kalakaran sa mundo.

Iba pang pagpapala ng pag-aaral ng banal na kasulatan

Ang mga katotohanang natukoy mo mula sa Mga Gawa 17 ay naglalarawan ng ilan lamang sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Maglaan ng ilang minuto upang pag-aralan ang ilan o lahat ng sumusunod na scripture passage, at alamin ang iba pang pagpapalang matatanggap natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita at ng mga salita ng Kanyang mga propeta, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Idagdag ang iyong mga nalaman sa iyong listahan sa iyong study journal.

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at magtalaga ng isang talata sa bawat grupo. Sabihin sa mga estudyante mula sa bawat grupo na idagdag sa listahan sa pisara ang kanilang mga nalaman mula sa scripture passage na pinag-aralan nila.

  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa listahang ginawa mo?

  • Alin sa mga pagpapala mula sa iyong listahan ang pinakagusto mong maranasan ngayon? Bakit?

  • Ano ang maaari mong gawin upang maging mas mahalaga at sagradong karanasan ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Anong mga pagpapala ang naranasan mo sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan?

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan at patotoo tungkol sa mga pagpapalang natanggap mula sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Gumawa ng plano

Bilang bahagi ng iyong pakikibahagi sa seminary, inanyayahan kang gumawa ng isang mithiin na may kaugnayan sa iyong araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Suriin sandali ang iyong pag-unlad kaugnay ng mithiing ito at gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang tulungan kang maging mas matagumpay habang nagpapatuloy ka.

Gamitin ang mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang pag-unlad:

  • Anong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang ginawa mo para sa iyong sarili?

  • Paano nakatutulong sa iyo ang mithiing ito para magkaroon ka ng mas makabuluhang karanasan sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin?

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na paunlarin ang kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan. Maaari kang mag-isip ng mga paraan sa buong taon upang maipaalala sa kanila ang kanilang mithiin sa pag-aaral at purihin sila para sa kanilang pag-unlad.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Anong iba pang mga pagpapala ang matatamo sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan?

Sa kanyang pagsasalita patungkol sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw, ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon.

(Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 62–63)

Inihambing ni Pangulong Dallin H. Oaks ang mga banal na kasulatan sa isang Urim at Tummim na magagamit natin upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon:

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Hindi natin inilalahad nang labis ang paksa kapag sinasabi natin na ang mga banal na kasulatan ay maaaring maging Urim at Tummim upang tulungan ang bawat isa sa atin na tumanggap ng personal na paghahayag.

Dahil naniniwala tayo na makatutulong sa atin ang pagbabasa ng banal na kasulatan upang makatanggap tayo ng paghahayag, hinihikayat tayong paulit-ulit na basahin ang mga banal na kasulatan. Sa pamamagitan nito, mahahayag sa atin ang nais ng Ama sa Langit na malaman at magawa natin sa ating mga personal na buhay ngayon. Iyan ang isang dahilan kung bakit naniniwala ang Mga Banal sa mga Huling Araw sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan.

(Dallin H. Oaks, “Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Talikuran ang mundo

Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang pag-aaral ng banal na kasulatan sa pagtanggap ng mga salita ng mga buhay na propeta, maaari mong basahin ang Mga Gawa 17:5–7 kasama ng mga estudyante at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa iyong palagay, bakit nadama ng mga hindi naniniwalang Judio na ang mga turo ni Pablo tungkol sa Tagapagligtas ay “nanggugulo [binabaligtad ang mundo]” ( Mga Gawa 17:6)?

  • Paano maihahanda ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang iyong puso’t isipan na tanggapin ang mga turo ng mga buhay na propeta?

  • Ano ang ilan sa pinakamalalaking pagkakaiba ng mga turo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at ng mga paniniwala at kultura ng mundo ngayon?

Mga Gawa 17:11 . “Tinanggap nila ang salita [nang] buong pananabik”

Maaari kang maglaan ng ilang oras upang talakayin ang Mga Gawa 17:10–12 , at pagtuunan ang kahandaan ng mga tao sa Berea na tanggapin ang ebanghelyo.

Bago pag-aralan ang mga talatang ito, maaaring makatulong na mag-anyaya ng mga boluntaryo na gumamit ng mga kilos upang ipakita kung ano ang hitsura ng pagiging handa sa paggawa ng ilang gawain, tulad ng pagsalo ng bola, pagtakbo sa karera, pagkain, pagbubuhat ng mabigat na bagay, o paghuhukay ng butas. Maaari kang mag-anyaya ng isa o mahigit pang estudyante para ipakita kung ano ang hitsura kapag handa ang isang taong matutuhan ang ebanghelyo gamit lamang ang mga kilos. Maaaring subukan ng iba pang mga estudyante sa klase na hulaan kung ano ang nangyayari.

Pagkatapos ay maaaring sabihin sa mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga kilos, pag-uugali, o asal na maaaring nagpapahiwatig na handa nang matutuhan ng isang tao ang ebanghelyo. Pagkatapos, ipabasa sa mga estudyante ang Mga Gawa 17:10–12 , at alamin kung ano ang nakatulong sa mga tao sa Berea na maging handang paniwalaan at tanggapin ang mga turo nina Pablo at Silas.