Seminary
Mga Gawa 19:1–7


Mga Gawa 19:1–7

Pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo

Larawan
A girl being confirmed.

Ang isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit sa mga disipulo ng tipan ni Jesucristo ay ang kaloob na Espiritu Santo. Samakatwid, nagulat si Pablo nang makilala niya ang mga disipulo sa Efeso na nagsabing sila ay nabinyagan ngunit hindi pa nila kailanman narinig ang tungkol sa Espiritu Santo. Sa katunayan, nabinyagan sila ngunit hindi sa pangalan ni Jesucristo. Pagkatapos nilang mabinyagan sa “pangalan ng Panginoong Jesus,” ipinatong ni Pablo ang kanyang mga kamay sa kanila at ibinigay niya sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo (Mga Gawa 19:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matanggap ang mga pagpapala na nais ibigay sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.

Mapanalanging hingin ang tulong ng Diyos habang nagtuturo ka. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay gawain ng Diyos, at nais Niyang magtagumpay ka sa gawaing iyon. Kung hihingi ka ng tulong sa Ama sa Langit, isusugo Niya ang Espiritu Santo upang bigyan ka ng inspirasyon na maghanda ng karanasan sa pag-aaral na magpapala sa iyong mga estudyante.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pag-uugali na nag-aanyaya sa patnubay ng Espiritu Santo at sikaping gawin nang mas madalas ang mga bagay na iyon sa kanilang mga buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang payo ni Joseph Smith sa Simbahan

Pagkatapos ng kamatayan ni Joseph Smith bilang isang martir, maraming tanong at alalahanin si Brigham Young bilang susunod na propeta ng Simbahan. Sa isang pagkakataon, nagpakita si Joseph Smith kay Brigham Young sa isang panaginip at ibinigay niya sa kanya ang sumusunod na payo: “Sabihin sa mga tao na tiyaking _____________________________________________________” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846–1893 [2020], 61).

Maaari mong isulat sa pisara ang naunang hindi natapos na pahayag at ipakita ang sumusunod na larawan sa ibaba bago itanong ang sumusunod.

  • Ano sa palagay mo ang payong ibinigay ni Joseph Smith upang matulungan ang mga miyembro ng Simbahan?

Larawan
Brigham Young seeing Joseph Smith in a vision.

Ipinayo ni Joseph Smith kay Brigham Young na “sabihin sa mga tao na tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sundin ito, at sila ay aakayin nito sa tama” (Mga Banal, p. 61).

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin matapos marinig ang sumusunod na tanong at mungkahi sa journal entry. Batay sa mga sagot ng mga estudyante, alamin kung dapat iangkop ang lesson.

  • Sa lahat ng payo na maaaring ibinigay ni Joseph kay Brigham Young, sa iyong palagay, bakit niya binigyang-diin na hangaring mapatnubayan ng Espiritu Santo?

Isulat sa iyong journal ang mga dahilan kung bakit sa palagay mo ay kailangan pa rin sa ating panahon at sa iyong buhay ang mensahe ni Joseph Smith sa Simbahan.Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano mapagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang iyong buhay sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.

Ang kaloob na Espiritu Santo

Nang simulan ni Pablo ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, naglakbay siya sa buong Galacia at Frigia. Pagkatapos ay naglakbay siya patungong Efeso (tingnan sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero”). Doon ay nakilala at tinuruan niya ang mga disipulong hindi pa kailanman narinig ang tungkol sa Espiritu Santo. Ang mga taong ito ay nabinyagan dati ng isang taong walang taglay na wastong awtoridad (tingnan sa Joseph Smith, “Baptism,” Times and Seasons, Set. 1, 1842, 904, josephsmithpapers.org).

Basahin ang Mga Gawa 19:1–7 , at alamin kung paano tinulungan ni Pablo ang mga disipulong ito.

  • Sa iyong palagay, bakit itinuon ni Pablo ang kanyang pagtuturo tungkol kay Jesucristo bago muling binyagan ang mga disipulo?

  • Paano mo mailalarawan sa mga taong ito ang kahalagahan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng binyag?

  • Anong mga katotohanan mula sa salaysay na ito ang maibabahagi mo sa isang taong dati nang nabinyagan sa ibang relihiyon?

Ang isa sa mga katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay upang makumpleto ang binyag, dapat ay may kalakip itong pagkumpirma at pagtanggap ng Espiritu Santo.

Maglaan ng ilang minuto upang pagnilayan kung bakit sa palagay mo ay nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mapatnubayan ka ng Espiritu Santo. Pag-isipan ito habang binabasa mo ang mga sumusunod na banal na kasulatan:

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na palagi kang mapatnubayan ng Espiritu Santo?

  • Sa anong mga paraan talagang nakatulong sa iyong buhay ang Espiritu Santo? Bakit?

Makatutulong ang sumusunod na mungkahi sa mga estudyante na talakayin kung ano ang kailangan nating gawin upang mas matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo. Huwag mag-atubiling gumamit ng iba pang pamamaraan upang maisakatuparan ang layuning ito.

Upang matulungan kang mailarawan sa isipan at maunawaan na kailangan mong ihanda ang iyong sarili na tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo, gawin o isipin ang sumusunod na aktibidad.

Maglagay ng tatlong basong walang laman sa isang palanggana o tray na kayang malagyan ng tubig. Takpan ang buong bunganga ng isang baso gamit ang papel o takip. Maglagay ng isang bagay (tulad ng bato) sa isa pang baso na halos magpupuno sa baso. Pagkatapos ay subukang punuin ng tubig ang bawat isa sa tatlong baso.

  • Kung ang mga baso ay kumakatawan sa atin at ang tubig ay kumakatawan sa Espiritu Santo, ano naman ang kinakatawan ng papel (o takip) at ng bato (o iba pang bagay) sa buhay ng isang tao?

Basahin ang dalawang pahayag na ito ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Espiritu Santo:

Larawan
Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Hindi nagkakaroon ng impluwensya ang Espiritu Santo sa ating buhay dahil lamang sa mga kamay na ipinatong sa ating ulunan at sa apat na mahalagang salitang iyon [“tanggapin ang Espiritu Santo”] na sinambit.

(David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 95)

Larawan
Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon.

(David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30)

  • Ano ang itinuro ni Elder Bednar na sa palagay mo ay lalong mahalagang maunawaan ng mga kabataan ngayon? Bakit?

Ipaalala sa mga estudyante ang mungkahi sa paghahanda ng estudyante habang sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano mo makikilala ang patnubay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Kailan mo nakilala kamakailan ang Kanyang impluwensya?

  • Anong mga pagpapasiya ang ginawa mo na nakatulong na mapasaiyo nang mas madalas ang Espiritu Santo? Paano ka napagpala ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kaloob na ito?

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan tungkol sa pagkakaroon ng pagpapala ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Gumawa ng plano na tanggapin ang impluwensya ng Espiritu Santo nang mas lubusan at mas madalas sa iyong buhay. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan ka sa iyong plano at pagpalain ka na makilala ang Kanyang impluwensya sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang isinasakatuparan mo ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit mahalagang matanggap ko ang impluwensya ng Espiritu Santo sa buhay ko?

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paanyaya sa bawat isa sa atin.

Larawan
Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.

Mga mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. Tulutan ninyo ang [araw] na ito … na magdulot ng pagbabago sa inyong buhay. Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.

(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96)

.

Paano ako mas magkakaroon ng patuloy na patnubay ng Espiritu Santo?

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Sa maraming kadahilanan, kailangan natin palagi ang patnubay ng Espiritu Santo. Hinahangad natin ito, ngunit alam natin mula sa karanasan na hindi madaling mapanatili ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip, nakakapagsalita, at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang Espiritu Santo ay makakasama natin sa tuwina kapag ang ating puso ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao at puspos ng kabanalan ang ating mga iniisip nang walang humpay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45 ]. …

… Ang pinakamahalagang inspirasyon ay ang malaman ninyo kung ano ang gustong ipagawa ng Diyos sa inyo. Kung iyon ay magbayad ng ikapu, o bumisita sa isang nagdadalamhating kaibigan, dapat ninyong gawin iyon. Anuman iyon, gawin iyon. Kapag ipinakita ninyo ang inyong kahandaang sumunod, mas maraming impresyong ibibigay sa inyo ang Espiritu tungkol sa nais ipagawa sa inyo ng Diyos.

Kapag sumunod kayo, lalong dadalas ang mga paramdam ng Espiritu, na palapit nang palapit sa patuloy na patnubay Niya.

(Henry B. Eyring, “Ang Espiritu Santo Bilang Inyong Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 105)

Sa kanyang mensaheng “Tanggapin ang Espiritu Santo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 95–97), ibinahagi rin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang mga kaalaman tungkol sa kung paano natin inaanyayahan ang patnubay ng Espiritu Santo.

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Maaaring matagalan bago makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo

Hikayatin ang mga estudyante na maging matiyaga sa kanilang mga sarili at huwag sumuko habang natututuhan nilang tanggapin at kilalanin ang impluwensya ng Espiritu Santo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 9:20 upang makakita ng halimbawa ng matatapat na disipulo na hindi kaagad nakilala ang ganap na impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang mga buhay. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang nakatulong sa kanila na simulang makilala ito sa kanilang mga buhay, kabilang na ang paglalarawan ng iba’t ibang paraan kung paano nila nadamang naimpluwensyahan sila ng Espiritu Santo.

Mga posibleng dahilan kung bakit muling nabinyagan ang mga disipulo sa Efeso

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 11:18–28 , at alamin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa mga kinakailangan upang maging katanggap-tanggap sa Kanya ang pagbibinyag. Alin sa mga kinakailangang ito ang maaaring wala sa naunang binyag ng mga taga-Efeso? Paano tayo inihahanda ng pagpapabinyag sa wastong awtoridad na tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo?

Magpatotoo na ang awtoridad ng priesthood ng Diyos na magbinyag at magbigay ng kaloob na Espiritu Santo ay ipinanumbalik sa mundo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Print