Seminary
Mga Hebreo 11, Bahagi 1


Mga Hebreo 11, Bahagi 1

Pananampalataya kay Jesucristo

A woman holding a small picture of Jesus Christ. The picture is a reproduction of a painting by Robert Barrett.

Maraming tao ang nag-uusap tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya—sa kanilang sarili, sa iba, at maging sa mga pangyayari o bagay. Kaya, ano ang nagpapalakas at nagpapahalaga sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo? Sa Mga Hebreo 11, nabasa natin ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang pananampalataya kay Jesucristo at kung bakit ito personal na mahalaga sa iyo.

Pagtuon sa mga alituntuning nagpapabalik-loob. Habang tinutukoy ang pacing ng lesson, tiyaking sapat na oras ang igugugol sa pagtulong sa mga estudyante na makilahok sa mga bahagi ng lesson na nakatuon sa mga alituntuning nagpapabalik-loob.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag na “Ang pananampalataya ay ________” at maghandang ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang katiyakan ng pananampalataya kay Jesucristo

Ito ang unang bahagi sa lesson na may dalawang bahagi na nagbibigay-diin sa mga turo ni Pablo tungkol sa pananampalataya sa Mga Hebreo 11. Kung limitado ang oras ng klase at isang lesson lang sa Mga Hebreo 11 ang maituturo, isipin kung paano maaaring pagsamahin nang epektibo ang dalawang lesson.

Maaaring gamitin ng mga estudyante ang kanilang paghahanda ng estudyante para sa sumusunod na aktibidad. Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang isang kahulugan ng pananampalataya na ibinigay ng klase at sabihin sa mga estudyante na baguhin o iakma ang mga salita sa buong oras ng lesson.

  • Ano ang sasabihin mo kung may nagtanong sa iyo kung ano ang pananampalataya?

Isulat ang iyong kahulugan sa iyong study journal o sa digital note. Maaari mong baguhin o dagdagan ang kahulugang ito at isulat ang iba pang ideya at impresyon habang nag-aaral ka ngayon.

Basahin ang Mga Hebreo 11:1 at markahan kung paano binigyang-kahulugan ni Apostol Pablo ang pananampalataya. Maaaring makatulong na malaman na sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang ito, pinalitan ng Propeta ng kapanatagan ang salitang katiyakan.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ulitin ang Mga Hebreo 11:1 sa sarili nilang mga salita upang matiyak na nauunawaan nila ang mga salita sa talata.

  • Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng katiyakan o tiwala sa mga bagay na inaasam mo?

  • Paano posibleng magkaroon ng paninindigan o katibayan sa mga bagay na hindi mo nakikita?

  • Batay sa talatang ito, paano mo mababago o madaragdagan ang iyong kahulugan ng pananampalataya?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag o sabihin sa mga estudyante na baguhin o iakma ang kahulugang ibinigay ng klase para maisama ang kaparehong mga ideya.

Ang isang simpleng katotohanan na itinuturo sa Mga Hebreo 11:1 ay ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.

Para sa ibang paraan ng pagbabasa ng mga sumusunod na talata, maaari mong hatiin sa dalawa ang klase o sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner. Ipabasa sa kalahati ng klase ang Alma 32:21 at sa natirang kalahati ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4. Pagkatapos ay maaaring paghambingin ng mga estudyante ang mga natutuhan nila.

Basahin ang Alma 32:21 at ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4 , at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa pananampalataya. Maaari mong i-cross reference o iugnay ang dalawang talatang ito sa Mga Hebreo 11:1 .

  • Ano pa ang natutuhan mo tungkol sa pananampalataya?

  • Paano mo mababago o madaragdagan ang iyong kahulugan ng pananampalataya dahil sa natutuhan mo?

“Christ and the Rich Young Ruler,” by Heinrich Hofmann.

Ang isang paraan upang maiakma ang naunang pahayag ng katotohanan ay ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita na totoo.

Kung nakasulat sa pisara ang naunang pahayag o ang kahulugan ng klase, baguhin o iakma ang mga salita upang ang “pananampalataya kay Jesucristo” ay malinaw na maipahayag.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang nauunawaan nila tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo, itanong ang ilan sa mga sumusunod. Tulungan silang malaman ang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan at sa Kanyang personal na ginagampanan sa kanilang buhay.

Maaaring makatulong na ibahagi ang unang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” ng lesson.

  • Sa iyong palagay, paano naiiba ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa isang tao o sa ibang bagay?

  • Paano makatutulong sa iyo ang iyong pananampalataya kay Jesucristo na magtiwala sa Kanya kapag may kinakaharap kang mga tanong o pag-aalinlangan?

Palalimin ang nauunawaan mo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo

Pagnilayan ang nadarama mo tungkol sa sarili mong pananampalataya kay Jesucristo. Sa anong mga paraan mo nadarama na malakas ang iyong pananampalataya sa Kanya? Sa anong mga paraan mo nadarama na mas lumalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

15:1
Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Ang pananampalataya ay hindi basta lamang natin natatamo o nananatili sa atin bilang karapatan ng pagkapanganay. … Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kaloob mula sa langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala at hangarin at panghawakan ito. Ang inyong pananampalataya ay maaaring lumalakas o humihina. Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan, na mahalaga hindi lamang sa buhay na ito, kundi maging sa ating pag-unlad sa kabilang-buhay. Sa biyaya ni Cristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan balang-araw [tingnan sa Mga Taga Efeso 2:8]. Ang kalakasan ng inyong pananampalataya sa hinaharap ay hindi basta mangyayari kung wala kayong pagpiling gagawin.

(Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 65)

  • Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga salita ni Elder Andersen?

  • Ano ang ipinauunawa niya sa iyo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo?

Maglaan ng oras upang malaman pa ang tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng ilan sa sumusunod na resources. Isulat ang mga nalaman mo sa iyong study journal. Maging maingat, at anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang matutuhan kung ano ang kailangan mo ngayon.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong at iminumungkahing resources upang magamit ng mga estudyante bilang sanggunian habang nag-aaral sila. Maaaring makatulong na magbigay ng ilang naka-print na kopya ng isa o mahigit pang mensahe para sa mga estudyanteng walang digital device upang ma-access ang mga materyal na ito.

Pag-isipang mabuti ang mga kakayahan sa pag-aaral o pangangailangan ng bawat estudyante sa klase. Ang ilan ay maaaring makinabang sa pag-aaral nang may kapartner. Iakma ang assignment o mga kaugnay na tanong kung kinakailangan.

Maaari mong pag-isipan ang mga tanong na ito o ang sarili mong mga tanong habang nag-aaral ka:

  • Ano ang kahulugan sa akin ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bakit mahalagang magkaroon ako ng pananampalataya sa Kanya?

  • Ano ang magagawa ko upang mapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?

Maaari kang lumibot sa buong silid-aralan habang nag-aaral ang mga estudyante upang matukoy ang mga indibiduwal na maaaring may mga tanong o nangangailangan ng tulong. Hikayatin sila na patuloy na magsikap, o magbigay ng mga tanong na naglilinaw na makatutulong sa mga estudyante na makapag-isip nang mabuti.

Mga iminumungkahing banal na kasulatan at tulong sa pag-aaral

Alma 32:26–34

Eter 12:6–9

Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pananampalataya

Maaari kang makakita ng iba pang resources sa mga banal na kasulatan o sa Gospel Library app sa pamamagitan ng paghahanap sa mga katagang “Pananampalataya kay Jesucristo.”

Mga iminumungkahing payo mula sa mga lider ng Simbahan

Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4

Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 65–68

Richard C. Edgley, “Pananampalataya—Kayo ang Pumili,” Liahona, Nob. 2010, 31–33

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sila sa maliliit na grupo upang maibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila. Kung may oras pa, maaaring ibahagi sa klase ng mga handang estudyante ang mga nalaman nila. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pamilya o sa simbahan. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano nagbago ang kanilang mga kahulugan ng pananampalataya kay Jesucristo sa buong oras ng lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit mahalagang manampalataya ako kay Jesucristo?

Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Kapag pinag-usapan natin ang pananampalataya—ang pananampalatayang makapagpapagalaw sa mga bundok—hindi natin pinag-uusapan ang pangkaraniwang pananampalataya kundi pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. …

Maitatanong natin sa ating sarili, nasaan ang ating pananampalataya? Nasa isang koponan ba? Sa isang brand? Sa isang artista? Kahit ang pinakamahuhusay na koponan ay natatalo. Ang mga artista ay nalalaos. Sa Isa lamang mananatiling ligtas ang inyong pananampalataya, at iyon ay sa Panginoong Jesucristo.

(Russell M. Nelson, “Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2014, 29)

Bakit dapat kong sikapin na mapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ang pakiusap ko sa inyo … ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay [tingnan sa 1 Nephi 7:12 ], kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.

Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. Nangangailangan iyan ng paggawa. …

Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya [tingnan sa Marcos 9:23].

(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102–3, 104)

Ano ang kailangan upang matuto ako sa pamamagitan ng pananampalataya?

Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Batay sa karanasan, natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon, kung matatandaan pa. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. Ang [pinaka]mahahalagang aral na natutuhan sa buhay ay [nararanasan]—hindi itinuturo.

Hindi natin basta na lamang maibibigay sa ibang tao ang espirituwal na [pagkaunawa] na naipagkaloob sa atin, at [napagtibay na totoo] sa ating puso. Ang pagpupunyagi na maging masikap at matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay dapat gawin para makamtan at personal na “maangkin” ang gayong kaalaman. Sa ganitong paraan lamang [madarama] sa puso ang nalalaman ng isipan. Sa paraang ito lamang makakakilos ang isang tao nang higit pa sa pag-asa sa espirituwal na kaalaman at karanasan ng iba at maangkin ang mga pagpapalang iyon. Sa ganitong paraan lamang tayo [magiging] espirituwal [na handa] para sa kung ano ang darating pa. Dapat tayong “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” ( D at T 88:118).

(David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 23)

Paano nakakaapekto ang pananampalataya kay Jesucristo sa aking buhay sa araw-araw?

3:25

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Ang limang mungkahi ni Pangulong Russell M. Nelson upang mapalakas ang pananampalataya

Maaari mong ibahagi ang limang mungkahi ni Pangulong Russell M. Nelson para mapalakas ang pananampalataya kay Jesucristo, na matatagpuan sa kanyang mensaheng “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok” (Liahona, Mayo 2021, 103–4). Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isa sa mga mungkahi at planuhing gawin ito sa loob ng isang linggo. Sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang nagawa nila o ang mga hamon na naranasan nila.