Lucas 22:28–34, 54–61
“Ako ay Nanalangin Para sa Iyo Upang ang Iyong Pananampalataya ay Huwag Mawala”
Kababanggit lang ni Jesucristo ang sakramento sa Kanyang mga disipulo nang magsimula silang mag-usap-usap tungkol sa kung sino ang magkakanulo sa Panginoon at kung paano mas nakalulugod ang paglilingkod sa iba kaysa sa mapaglingkuran. Sa gitna ng mga pag-uusap na ito sa silid sa itaas kung saan kumain si Jesus at ang mga Apostol ng Huling Hapunan, tinulungan ni Jesus si Pedro na maunawaan ang oposisyong mararanasan niya sa buong buhay niya. Itinuro ng Tagapagligtas kay Pedro na matutulungan lang niya ang iba kapag napalakas niya ang kanyang sariling pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan kang malaman na kailangan mong umasa kay Jesucristo at patuloy na palakasin ang iyong pananampalataya sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Palakasin ang iyong kakayahan
Gumawa ng listahan ng mga kasanayan o kakayahan na maaaring mawala sa isang tao kung hindi niya patuloy na gagamitin o palalakasin ang mga kakayahang iyon (halimbawa, mga kasanayan sa paglalaro ng sports o kasanayan sa pagsusulat).
-
Paano rin ito maiaangkop sa kakayahan mong manampalataya kay Jesucristo?
Sa lesson ngayon, matututuhan mo kung paano ninanais ni Jesucristo na palakasin mo ang kakayahan mong manampalataya sa Kanya.
Pag-isipan sandali kung ano ang kasalukuyan mong ginagawa o gusto mong gawin upang mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang ginagawa mo araw-araw, linggo-linggo, o kahit buwan-buwan. Maaaring kabilang sa mga gawaing ito ang anumang mithiing pinagsisikapan mong makamit sa kasalukuyan.
Habang nag-aaral ka ngayon, alamin ang mga pagbabago o pagpapabuti na magagawa mo upang mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo upang makaasa ka sa Kanya anuman ang mga sitwasyong kinakaharap mo sa buhay.
Nauunawaan ni Jesucristo ang ating mga pangangailangan at tutulungan Niya tayo
Sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa kahariang darating na naghihintay sa kanila dahil tapat silang nagpatuloy na kasama Niya (tingnan sa Lucas 22:28–30). Gayunpaman, tinulungan din ng Panginoon si Simon Pedro na maghanda para sa mahirap na espirituwal na paglalakbay na kakaharapin niya kalaunan.
Basahin ang Lucas 22:31–34 , at alamin ang gustong ipaunawa ng Panginoon kay Pedro.
-
Ano ang napansin mo tungkol sa nauunawaan ng Tagapagligtas tungkol kay Pedro? Paano ito naiiba sa kung paano nakita ni Pedro ang kanyang sarili?
-
Paano rin nauugnay sa iyong kaugnayan sa Tagapagligtas ang natutuhan mo tungkol sa kaugnayan ni Pedro kay Jesucristo?
-
Matapos ipahayag ni Pedro ang kanyang pananampalataya at katapatan kay Jesucristo, ano ang inihayag ng Tagapagligtas na gagawin ni Pedro?
Kalaunan nang gabing iyon, nang dakpin at dalhin si Jesucristo sa bahay ng mataas na saserdote upang litisin, sumunod si Pedro mula sa malayo (tingnan sa Lucas 22:54).
Basahin ang Lucas 22:55–62 upang malaman kung paano natupad ang propesiya ni Jesus tungkol kay Pedro.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa pakikipag-ugnayan Niya kay Pedro na naging dahilan para manampalataya ka kay Jesucristo?
Pagpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo
Gaya ng pagpapaunawa ng Tagapagligtas kay Pedro tungkol sa mga hangarin ni Satanas (tingnan sa Lucas 22:31), binalaan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “pinatitindi ng kalaban ang kanyang pag-atake sa pananampalataya at sa atin at sa mga pamilya natin sa napakabilis na paraan” (Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 7). Itinuro din niya na “lalong pinatitindi ng kaaway ang kanyang mga ginagawa para pahinain ang mga patotoo at hadlangan ang gawain ng Panginoon” (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 68).
-
Ano ang ilan sa mga paraan kung paano hinahangad ni Satanas na sirain ang ating pananampalataya kay Jesucristo ngayon?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
Nagbahagi si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ng ilan sa mga paraan kung paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo.
Hindi lalakas ang pananampalataya ninyo nang wala kayong ginagawa, kailangan ninyong pumili.
Ang pananampalataya natin ay nadaragdagan o nababawasan batay sa pamumuhay natin. Ang panalangin, pagsunod, katapatan, kadalisayan ng pag-iisip at gawa, at pagiging di-makasarili ay nagpapalakas ng pananampalataya. Kung wala ang mga ito, manghihina ang pananampalataya. Bakit sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya”? ( Lucas 22:32). Dahil mayroong kaaway na natutuwang sirain ang ating pananampalataya! Gawin ang lahat ng makakaya ninyo para maingatan ang inyong pananampalataya.
(Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 66)
-
Ano ang natutuhan mo ngayon tungkol sa nais ni Jesucristo para sa iyo?
-
Ano ang isang bagay na sisimulan o patuloy mong gagawin upang mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
-
Sa iyong palagay, paano ka pagpapalain ng mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Lucas 22:31 . Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya kay Pedro na hangad ni Satanas na “ligligin [siya] gaya ng trigo”?
Upang ligligin ang trigo, ang mahahalagang butil ay inihihiwalay mula sa mga hindi nagamit na bahagi ng halaman. Ginamit ni Jesus ang analohiyang ito upang tulungan si Pedro (at ang bawat isa sa atin) na matukoy ang mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang ating pananampalataya at hadlangan tayo sa pagiging mahalagang bahagi ng kaharian ng Diyos.
Ano ang makapagpapalakas ng aking pananampalataya kay Jesucristo?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang ating pananampalataya ay nakasentro sa ating Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos. Suportado ito ng ating kaalaman na ang kabuuan ng ebanghelyo ay ipinanumbalik sa mundo, ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at ang mga propeta at apostol ngayon ang mayhawak ng mga susi ng priesthood. Pinakaiingatan natin ang ating pananampalataya, sinisikap na palakasin ito, ipinagdarasal na maragdagan pa ito, at ginagawa ang lahat ng kaya natin para protektahan at ipagtanggol ang ating pananampalataya. …
… Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, sundin ang mga utos, at maglingkod sa kapwa.
(Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 39–40)
Ano ang maaaring sumira sa aking pananampalataya kay Jesucristo?
Itinuro ni Ahmad S. Corbitt, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency:
Mga kaibigan ko, ang sadyang pag-iisip o pagtingin sa mga bagay na salungat sa inyong tunay na identidad, lalo na sa pornograpiya, ay magpapahina sa inyong pananampalataya kay Cristo at, kung walang pagsisisi, mawawasak ito.
(Ahmad S. Corbitt, “Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!,” Liahona, Mayo 2021, 62)
Lucas 22:32 . Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagbabalik-loob mula sa pag-unawa sa pahayag ng Tagapagligtas na nagpapahiwatig na hindi pa lubos na nagbalik-loob si Pedro?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nakatutuwa na ang dakilang Apostol na ito ay nakausap at nakasama ang Panginoon, nasaksihan ang maraming himala, at nagkaroon ng malakas na patotoo sa kabanalan ng Tagapagligtas. Gayunman, si Pedro ay nangailangan pa rin ng dagdag na tagubilin mula kay Jesus tungkol sa nakapagpapabalik-loob at nakadadalisay na kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa kanyang tungkuling maglingkod nang tapat.
Ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay humihingi ng mahalaga at permanenteng pagbabago sa ating katauhan na nagiging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagdudulot ng pagbabago sa paniniwala, puso, at buhay ng isang tao upang tanggapin at sundin ang kagustuhan ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 3:19; 3 Nephi 9:20) at nakapaloob dito ang tapat na pangako na maging disipulo ni Cristo.
(David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–7)