Seminary
Mateo 23


Mateo 23

Kinondena ng Tagapagligtas ang Pagpapaimbabaw

Larawan
Jesus talking to Pharisees in Jerusalem. Movie still from The Life of Jesus Christ Bible Videos.

Sa huling linggo ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging mapagpakumbabang tagasunod ni Jesucristo.

Pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan. Ang pag-aaral tungkol sa kultura at mga kaugalian sa panahon ng Bagong Tipan ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga Bagong Tipan. Ang pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan ay maghahanda sa mga estudyante na matukoy ang mga mensahe ng mga inspiradong may-akda ng mga ito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga taong nagsisikap na sundin ang Tagapagligtas nang may katapatan at dalisay na layunin habang naglilingkod sila sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kung mas makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral tungkol sa proteksyong ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas kaysa sa Kanyang mga turo tungkol sa pagpapaimbabaw, maaari mong ituro ang aktibidad sa Mateo 23:37 sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.”

Ano ang pagpapaimbabaw?

Maghanda ng tatlong basong hindi transparent. Dumihan ang labas ng unang baso at ang loob ng pangalawang baso, at iwanang malinis ang pangatlong baso. Ipakita ang mga baso, at itanong sa klase kung alin ang gugustuhin nilang gamitin sa pag-inom. Anyayahan ang isang estudyante na tingnan nang mabuti ang loob ng mga baso at ipaliwanag kung aling baso ang gugustuhin niyang gamitin sa pag-inom at bakit.

Larawan
Photo of three cups. One that is dirty on the inside, one that is dirty on the outside, and one that is clean
  • Sa paanong mga paraan maaaring kumatawan ang maruruming baso sa mga mapagpaimbabaw?

Habang tinatalakay ng mga estudyante ang pagpapaimbabaw, dapat silang tumingin at magtuon lang sa kanilang mga sarili. Iwasang ipatukoy sa mga estudyante ang pagpapaimbabaw ng iba.

Ang salitang mapagpaimbabaw ay isinalin mula sa isang salitang Griyego na nangangahulugang “aktor” at ito ay tumutukoy sa isang taong nagkukunwari, nagpapalabis ng isang bahagi, o mapanlinlang at pabagu-bago sa kanyang mga kilos. Ito ay “karaniwang tumutukoy sa isang taong nagkukunwaring relihiyoso kahit hindi siya relihiyoso” (Bible Dictionary, “ Hypocrite ”). Maaari din itong tumukoy sa isang tao na nagkukunwaring hindi relihiyoso kahit ang totoo ay relihiyoso siya.

Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 23 , alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging higit na katulad ni Jesucristo.

Bilang bahagi ng huling mensahe ng Tagapagligtas sa publiko na ibinigay Niya sa huling linggo ng Kanyang ministeryo sa mundo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo. Binigyang-diin Niya na ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay “umuupo sa upuan ni Moises” ( Mateo 23:2), na nangangahulugang sila ay may katungkulan na may awtoridad na magturo ng doktrina at bigyang-kahulugan at pangasiwaan ang batas. Itinuring nila ang kanilang sarili na mas karapat-dapat kaysa sinuman sa sinagoga.

Basahin ang Mateo 23:3–7 , at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano naging mapagpaimbabaw o mapagkunwari ang mga eskriba at ang mga Fariseo. Bago ka magbasa, maaaring makatulong na malaman na ang “mga pilakteria” ( talata 5) ay maliliit na kahon na yari sa balat na itinatali ng mga Judio sa noo at kaliwang bisig. Sa loob ng mga pilakteria ay may maliliit na bilot ng papel na may mga partikular na talata ng banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan. Ang mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakteria upang matulungan sila na maalalang sundin ang mga utos ng Diyos.

Larawan
Combined image of two men wearing phylacteries and an image of the wailing wall in Jerusalem
Larawan
Combined image of two men wearing phylacteries and an image of the wailing wall in Jerusalem
  • Ayon sa talata 5 , bakit pinalalapad ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang kanilang mga pilakteria, at “ang mga laylayan ng kanilang mga damit”?

Hindi kinondena ng Panginoon ang mga nagsusuot ng mga pilakteria, ngunit kinondena Niya ang mga nagsusuot ng mga ito nang may pagpapaimbabaw o nagpapalapad ng mga ito upang mapansin sila ng iba o magmukha silang mas mahalagang tao.

  • Ano ang ilang panganib na dulot ng pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng mga nakikitang kilos dahil gusto mong mapansin ka ng iba?

  • Sa iyong palagay, bakit gusto ng Diyos na sambahin mo Siya nang tapat at nang may mabuting layunin?

Bukod pa sa pagbibigay ng babala sa mga tao na huwag sundin ang pag-uugali ng mga eskriba at Fariseo, direkta ring kinausap ng Tagapagligtas ang mga eskriba at Fariseo. Ibinalita Niya ang ilang kahabag-habag na sasapit sa kanila dahil sa kanilang pagpapaimbabaw (tingnan sa Mateo 23:13–33). Ang ibig sabihin ng kahabag-habag ay paghihirap, pagdurusa, at kalungkutan.

Basahin ang Mateo 23:23–28 , at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo.

  • Paano nakadaragdag ang mga talatang ito sa nauunawaan mo tungkol sa pagpapaimbabaw?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang isang problemang dulot ng pagpapaimbabaw ay nakahahadlang ito sa atin na maging tunay na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kapag tayo ay mapagpaimbabaw, mas nagtutuon tayo sa kung paano tayo makikita ng iba kaysa sa kung sino talaga tayo.

  • Ano ang masasabi mo sa isang taong nag-aalala tungkol sa pagiging mapagpaimbabaw kapag nagkakamali siya habang sinisikap niyang ipamuhay ang ebanghelyo?

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa tanong sa itaas, ibahagi ang pahayag ni Elder Jeffrey R Holland sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon.”

Paano natin maiiwasan at madadaig ang pagpapaimbabaw

Kumpara sa mga eskriba at Fariseo, hindi kailanman naging mapagpaimbabaw ang Tagapagligtas. Itinuro Niya sa mga tao na huwag ituring ang kanilang sarili na mas mabuti kaysa sa iba, dahil silang lahat ay mga anak ng Diyos, at pantay-pantay sa Kanyang paningin. Pinatotohanan Niya na ang Ama sa Langit ang Lumikha sa atin at na Siya, si Cristo, ay isinugo ng Ama at ang ating tunay na Panginoon na nagbibigay ng buhay (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 23:6; Mateo 23:8–10).

Basahin ang Mateo 23:11–12 , at maghanap ng mga turo na makatutulong sa atin na madaig at maiwasan ang pagpapaimbabaw. &#160

  • Sa iyong palagay, anong alituntunin ang itinuturo sa atin ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

Itinuro ng Tagapagligtas na kung magiging mapagpakumbaba tayo at maglilingkod sa iba, itataas tayo ng Panginoon. Tutulungan Niya tayong maging higit na katulad Niya, at sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at tunay na pagsisisi ay ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang kadakilaan sa kahariang selestiyal.

  • Paano naging halimbawa si Jesucristo ng pagiging mapagpakumbaba, paglilingkod sa iba, at pag-iwas sa pagpapaimbabaw?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagiging mapagpakumbaba at paglilingkod sa iba upang maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag, at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang pinakamadalas na tumutukoy sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu habang nagninilay sila. Ipaalala sa kanila na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at gusto silang tulungang madaig ang pagpapaimbabaw. Maaaring isulat ng mga estudyante sa study journal ang kanilang mga naisip.

  • Nagkukunwari ako bilang isang taong hindi ako.

  • Gumagawa ako ng mabuti upang mapansin ako ng iba.

  • Madalas kong isiping mas mabuti ako kaysa sa iba.

  • Bagama’t nagkakamali ako, tapat kong sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.

  • Sinusubukan kong paglingkuran ang iba at gumawa ng mabuti nang hindi naghahangad ng pagkilala.

  • Sinusubukan kong magpakumbaba at huwag tingnan ang sarili ko na mas mabuti kaysa sa iba.

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang tinutukoy mo ang anumang bagay na maaari mo pang pagbutihin. Tandaan na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nalalaman Nila ang anumang taos-pusong pagsisikap mo na ipamuhay ang ebanghelyo. Kapag humingi ka ng tulong sa Ama sa Langit, tutulungan ka Niyang madaig ang anumang kahinaan o pagpapaimbabaw.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano tiningnan ng Tagapagligtas ang mga mapagpaimbabaw na eskriba at Fariseo?

Sa kanyang mensahe na “Ang Tinig ng Babala,” itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano kinondena ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo (Ensign o Liahona, Mayo 2017, 108–11).

Mapagpaimbabaw ba ako kung nagkakamali ako habang sinisikap kongipamuhay ang ebanghelyo?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Mga kapatid, bawat isa sa atin ay naghahangad ng buhay na mas katulad ng kay Cristo kaysa sa pamumuhay natin ngayon. Kung tapat nating aaminin iyan, at nagsisikap na mas bumuti pa, hindi tayo mga mapagkunwari; tayo ay tao.

(Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 42)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Isang alternatibong paraan upang simulan ang lesson

Tulungan ang mga estudyante na suriin ang maaaring maging problema sa bawat isa sa mga sumusunod na sitwasyon. (Kung gusto mo, maaari mong baguhin ang mga sitwasyon upang maipakita ang mga lokal na kaugalian at tradisyon na maaaring mas nauugnay sa mga estudyante.)

  1. Isang taong dumadalo sa mga pulong ng simbahan ngunit mas iniisip ang mapansin siya ng iba kaysa ang pagsamba sa Diyos

  2. Isang miyembrong nagsasabing sasang-ayunan ang mga lider ng Simbahan at pagkatapos ay pupunahin ang kanilang mga desisyon

  3. Isang taong nagpo-post ng materyal sa social media na nagpapalabis sa kanilang mabubuting katangian

Pagkatapos suriin ng mga estudyante ang mga sitwasyong ito, ipaliwanag kung ano ang mapagpaimbabaw, at tingnan kung mailalarawan ng mga estudyante kung paano naging halimbawa ng pagpapaimbabaw ang mga sitwasyong ito. Pagkatapos ay simulan ang pag-aaral ng Mateo 23 .

Mga Potemkin village at pagpapaimbabaw

Habang naglilingkod noon sa Unang Panguluhan, ginamit ni Pangulong Diete F. Uchtdorf ang halimbawa ng mga Potemkin village upang ituro ang tungkol sa mga panganib ng pagpapaimbabaw. Maaari mong panoorin ang video na “Sa Pagiging Tapat,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 4:59. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila tungkol sa pagpapaimbabaw at kung paano natin ito maiiwasan.

Mateo 23:37 . “Gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak”

Sa Mateo 23:34–39 , nagbabala ang Tagapagligtas sa mga naninirahan sa Jerusalem na dahil hindi nila tinanggap ang mga propeta, sila ay maiiwang wasak.

Larawan
A mother hen and her baby chicks.

Maaari kang magpakita ng larawan ng inahing manok at ng mga sisiw nito at magtanong, “Paano pinoprotektahan ng inahing manok ang mga sisiw nito?”

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 23:37–39 , at alamin kung paano tumugon ang mga tao sa Jerusalem sa pagsisikap ni Jesus na tipunin sila gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa mga sisiw nito.

Binigyan ni Jesus ang mga tao sa Aklat ni Mormon ng gayon ding mensahe. Ang mga hindi tumanggap sa mga propeta ay nasawi sa pagkalipol na kasunod ng Kanyang kamatayan (tingnan sa 3 Nephi 9:1–12). Pagkatapos ay inanyayahan ng Manunubos ang mga naligtas.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 9:13–14 ; 10:4–6 , at alamin ang paanyaya ng Tagapagligtas.

Maaari kang magtanong ng mga bagay na tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas?

  • Ano ang ilang paraan upang matipon, maprotektahan, at mailigtas tayo ng Tagapagligtas?

  • Sa iyong palagay, paano nagiging paraan ang pagsunod sa mga propeta upang matanggap natin ang proteksyon ng Tagapagligtas?

  • Ano ang gagawin mo upang matipon sa Tagapagligtas nang sa gayon ay patuloy mong matanggap ang Kanyang pangangalaga at proteksyon?

  • Paano nakakaapekto ang mga talatang ito sa nadarama mo tungkol kay Jesucristo?

Print