Mga Calling sa Mission
Kabanata 8: Isakatuparan ang Gawain sa Pamamagitan ng mga Mithiin at mga Plano


“Kabanata 8: Isakatuparan ang Gawain sa Pamamagitan ng mga Mithiin at mga Plano,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 8,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Go Ye Therefore (Go Ye Therefore, and Teach All Nations) [Kaya’t sa Paghayo Ninyo (Kaya’t sa Paghayo Ninyo, Gawin Ninyong Alagad ang Lahat ng mga Bansa)], ni Harry Anderson

Kabanata 8

Isakatuparan ang Gawain sa Pamamagitan ng mga Mithiin at mga Plano

Pag-isipan Ito

  • Bakit kailangan kong magtakda ng mga mithiin?

  • Paano makatutulong sa akin ang mga key indicator para sa pagbabalik-loob na pagtuuan ang espirituwal na pag-unlad ng mga indibiduwal?

  • Paano ako magtatakda ng mga mithiin, gagawa ng mga plano para maisakatuparan ang mga ito, at isasagawa ang aking mga plano?

  • Paano ako magsasagawa ng lingguhan at araw-araw na pagpaplano?

  • Paano ko magagamit ang Preach My Gospel app para matulungan akong maisakatuparan ang gawain?

  • Ano ang alituntunin ng pananagutan? Paano nito mapagpapala ang aking mga pagsisikap?

Itinalaga ka na gawin ang gawain ng Panginoon sa isang partikular na lugar. Nais Niyang pagpalain mo ang mga indibiduwal nang may pagmamahal at katotohanan Niya. Nais Niya na anyayahan at tulungan mo silang lumapit kay Cristo.

Nais ng Panginoon na ikaw ay “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay [na ito].” Hinihiling Niya sa iyo na “gumawa ng maraming bagay sa [iyong] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27; tingnan sa talata 26–29). Gawin ang lahat ng makakaya mo para kapag nilisan mo na ang ward o branch na pinaglilingkuran mo ay maging mas malakas ito kaysa noong pagdating mo.

Tutulungan ka ng kabanatang ito na matutuhan kung paano magtakda ng mga mithiin, gumawa ng mga plano para maisakatuparan ang mga ito, at masigasig na isagawa ang iyong mga plano. Inilalarawan nito ang mga key indicator para sa pagbabalik-loob, na gagabay sa iyong mga pagsisikap na tulungan ang mga anak ng Diyos na umunlad sa espirituwal. Inilalahad nito ang isang simpleng proseso sa pagtatakda ng mithiin na magagamit mo sa lahat ng aspekto ng gawaing misyonero, pati na sa iyong mga personal na mithiin at mga mithiin ninyo ng iyong kompanyon. Ipinaliliwanag nito kung paano magsagawa ng lingguhan at araw-araw na pagpaplano kasama ang iyong kompanyon.

Ang pagkatuto kung paano magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano ay maghahatid ng mga pagpapala iyo habambuhay. Tutulungan ka nito na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, matapat na maglingkod sa Simbahan, magsumikap na magkaroon ng edukasyon, umunlad sa iyong trabaho, at bumuo ng isang matatag na pamilya.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang matututuhan mo mula sa sumusunod na mga banal na kasulatan tungkol sa pagpaplano para makatulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos?

He Healed Many of Diverse Diseases [Pinagaling Niya ang Maraming Iba’t Ibang Sakit], ni J. Kirk Richards

Tulungan ang Ibang Tao na Magbalik-Loob sa Tagapagligtas

Magtuon sa Iyong Layunin Bilang Missionary

Siguro iniisip mo kung alin sa marami mong tungkulin bilang misyonero ang pinakamahalaga. Magandang tanong ito na dapat mong pag-isipan habang ikaw ay nagtatakda ng mga mithiin at mga plano linggu-linggo at araw-araw. Para matulungan kang masagot ito, isipin ang iyong layunin bilang misyonero:

“Anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”

Hayaang gabayan ng iyong layunin bilang misyonero ang iyong mga mithiin at mga plano. Pagtuunan ng pansin kung paano mo matutulungan ang mga indibiduwal na gamitin ang kanilang kalayaang pumili para magbalik-loob sa Tagapagligtas at tanggapin ang Kanyang ebanghelyo.

Hingin ang patnubay ng Espiritu at makipagsanggunian sa iyong kompanyon habang ikaw ay nagtatakda ng mga mithiin at gumagawa ng mga plano. Pagkatapos ay isagawa ang iyong mga plano at mabisang gamitin ang iyong oras.

Pangulong Dallin H. Oaks

“Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para ‘dalhin ang mga tao sa Simbahan’ o para dagdagan ang mga miyembro ng Simbahan. Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para lamang hikayatin ang mga tao na pagbutihin pa ang kanilang pamumuhay. … Iniimbita natin ang lahat na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi at binyag at kumpirmasyon para mabuksan ang mga pintuan ng kahariang selestiyal sa mga anak ng Diyos. Walang ibang makagagawa nito” (Dallin H. Oaks, “The Purpose of Missionary Work,” satellite broadcast para sa mga misyonero, Abr. 1995).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Paano naisakatuparan ng mga misyonero at propetang ito ang kanilang mga plano sa tulong ng Panginoon?

Pag-ayon sa mga Key Indicator para sa Pagbabalik-Loob

Tinukoy ng mga lider ng Simbahan ang anim na key indicator para sa pagbabalik-loob. Ang mga key indicator na ito ay tutulong sa inyo na pagtuunan ang espirituwal na pag-unlad ng mga anak ng Diyos. Layunin ng mga ito na tulungan kayong iayon ang inyong mga pagsisikap sa araw-araw sa inyong layunin bilang misyonero.

Ang mga key indicator para sa pagbabalik-loob ay nakalahad sa ibaba.

mga misyonero na nakikipagkamay sa isang lalaki

Mga Bagong Taong Tinuturuan. Ang bawat tao (hindi pa nabinyagan) na naturuan ng isang lesson sa isang partikular na linggo (ngunit hindi naturuan sa nakalipas na tatlong buwan) at tumanggap ng isang tiyak na appointment para sa muling pagkikita. Ang lesson ay karaniwang may panalangin (kapag angkop), pagtuturo ng kahit isang alituntunin ng ebanghelyo, at pagpapaabot ng paanyaya.

mga misyonero na nagtuturo

Mga Lesson na May Kasamang Miyembro. Ang bilang ng mga lesson sa isang partikular na linggo kung saan ang isang tao (hindi pa nabinyagan) ay tinuruan at ang isang miyembro ay nakibahagi dito.

pamilya sa simbahan

Mga Taong Tinuturuan na Dumalo sa Sacrament Meeting. Bawat tao (hindi pa nabinyagan) na tinuturuan ninyo na nakadalo sa sacrament meeting sa isang partikular na linggo.

pamilyang nagdarasal

Mga Taong May Nakatakdang Petsa ng Binyag. Bawat taong pumayag na mabinyagan at makumpirma sa isang partikular na petsa.

binyag

Mga Taong Nabinyagan at Nakumpirma. Bawat bagong miyembro na natanggap ang mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon at ginawan ng form na elektronikong isinumite sa isang partikular na linggo. (Tingnan sa kabanata 12 para sa kahulugan ng isang convert baptism at para sa impormasyon sa paglikha ng mga record.)

kababaihan sa simbahan

Mga Bagong Miyembro na Dumalo sa Sacrament Meeting. Bawat bagong miyembro na ang Form ng Binyag at Kumpirmasyon ay isinumite sa loob ng nakalipas na 12 buwan na dumalo sa sacrament meeting sa isang partikular na linggo.

Bilang buod, unahin ang pagtulong sa mga tao na piliing makibahagi sa mga karanasang ito. Dapat nakasentro ang inyong mga pagsisikap sa sumusunod:

  • Mga aktibidad na makatutulong sa inyo na makahanap ng mga bagong taong matuturuan

  • Mga aktibidad na makatutulong sa mga tao na umunlad tungo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan

  • Mga aktibidad na makatutulong sa mga tao na nabinyagan at nakumpirma sa nakalipas na isang taon

Kung hindi mo makita kung paano makatutulong ang iyong mga pagsisikap sa isang tao na umunlad sa paraang makakaapekto sa mga key indicator na ito, suriin kung ang aktibidad na iyon ay mainam na paggamit ng iyong oras.

Para sa mga taong kakaunti lamang ang oras na inilalaan ninyo, patuloy na tulungan silang magkaroon ng interes sa ebanghelyo. Maaari ninyong anyayahan ang mga miyembro na kontakin sila. Maaari din kayong gumamit ng teknolohiya para hikayatin sila at patuloy na mag-minister sa kanila. Tingnan sa “Gumamit ng Teknolohiya” sa kabanata 9 para sa karagdagang mga ideya.

Elder Quentin L. Cook

“Ang pinaka-layunin ng pagpaplano at pagtatakda ng mga mithiin ay para gumawa ng mga disipulo—na ibig sabihin ay magkaroon ng mga pinabanal na convert na gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan, simula sa tipan sa binyag tungo sa mga tipan sa templo” (Quentin L. Cook, “Purpose and Planning,” mission leadership seminar, Hunyo 25, 2019).

Magtakda ng mga Mithiin at Gumawa ng mga Plano Para sa mga Key Indicator

Sa inyong lingguhang pagpaplano, kayo ng iyong kompanyon ay nagtatakda ng mga mithiin para sa lahat ng key indicator. Ang inyong mga mithiin para sa mga key indicator ay dapat sumasalamin sa inyong hangaring tulungan ang mas maraming tao na matamasa ang mga pagpapala ng pagbabalik-loob.

Magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano na gawin ang mga bagay na maaari at kaya ninyong gawin na mayroong epekto sa mga key indicator. Halimbawa:

  • Maaari kayong magtakda ng mithiin para sa key indicator na magkaroon ng partikular na bilang ng mga bagong taong matuturuan ngayong linggo. Ang pagkamit ninyo sa mithiing ito ay nakadepende sa kalayaang pumili ng ibang tao. Ngunit gawin ang mga bagay na maaari at kaya ninyong gawin para makamit ito. Maaari kayong magtakda ng mithiin na kumausap ng partikular na bilang ng mga bagong tao bawat araw. Pagkatapos ay planuhin kung paano ninyo ito magagawa. Tingnan ang mga ideya sa Appendix 2 ng kabanatang ito at sa kabanata 9.

  • Maaari kayong magtakda ng mithiin para sa key indicator na dumalo sa sacrament meeting ang partikular na bilang ng mga bagong miyembro at mga taong tinuturuan ninyo. Ang kanilang pagdalo ay nakadepende sa kanilang kalayaang pumili. Ngunit gawin ang mga bagay na maaari at kaya ninyong gawin para maimpluwensyahan ang resulta ng mga key indicator na ito. Gumawa ng plano kung kailan ninyo sila aanyayahan at kung paano kayo magpa-follow up.

  • Maaari kayong magtakda ng mithiin para sa key indicator na magkaroon ng mga miyembro na makikibahagi sa partikular na bilang ng mga lesson ngayong linggo. Ang pagkamit ninyo sa mithiing ito ay nakadepende sa mga miyembro at sa mga taong tinuturuan ninyo. Ngunit gawin ang makakaya ninyo para maimpluwensyahan ang resulta ng key indicator na ito. Magtakda ng mithiin na makipagtulungan sa mga lider ng ward para may mga miyembrong makibahagi sa inyong mga lesson. Pagkatapos ay planuhin kung paano sila makikibahagi.

Bilang magkompanyon, kayo ay nagtatakda ng mga mithiin para sa mga key indicator sa inyong area. Ang mga ito ay dapat nakabatay sa (1) progreso ng mga tinuturuan ninyo at (2) sa pangangailangang makahanap ng mga bagong taong matuturuan ninyo. Palaging kailangan ninyong maghanap ng mga bagong taong matuturuan.

Ang mga mithiin ng buong mission para sa mga key indicator ay nakabatay sa mga mithiing itinakda ng bawat magkompanyon.

Matutulungan kayo ng Preach My Gospel app na makapagtuon sa mga tao habang nagtatakda kayo ng mga mithiin para sa mga key indicator. Matutulungan din kayo ng app na ito na matuto mula sa mga nakaraang mithiin at makita ang inyong progreso sa kasalukuyang mga mithiin.

Ang mga mithiin para sa mga key indicator at mga resulta nito ay awtomatikong ipinapadala sa inyong mga mission leader at mga nakababatang missionary leader sa pamamagitan ng Preach My Gospel app.

Mag-ingat na huwag pumili ng iisang key indicator na bibigyan ninyo ng espesyal na pansin. Ang patuloy na pagbibigay-pansin sa lahat ng key indicator ay tutulong sa inyo na patuloy na anyayahan ang ibang tao na lumapit kay Cristo at gumawa ng mga tipan.

Pangulong Thomas S. Monson

“Kapag sinukat ang paggawa, humuhusay ang paggawa. Kapag ang paggawa ay sinukat at iniulat, ang antas ng paghusay ay tumataas” (sipi ni Thomas S. Monson, “Thou Art a Teacher Come from God,” Improvement Era, Dis. 1970, 101).

Maging Masigasig

Nais ng Panginoon na ikaw ay “kumilos … nang buong sigasig” sa iyong paglilingkod bilang misyonero (Doktrina at mga Tipan 107:99). Ang kasigasigan ay ang patuloy at matapat na pagsisikap.

Maging masigasig sa pagkamit ng inyong mga mithiin para sa mga key indicator. Anyayahan ang mga tao na gumawa ng mga pangako na humahantong sa pagbabalik-loob. Ang pagiging masigasig mo ay magbibigay-inspirasyon sa kanila na gumawa ng mga bagay na tutulong sa kanila na lumpit kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 2:14–16).

Ituro ang ebanghelyo sa paraan na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga tao. Ang doktrina, kapag naunawaan sa pamamagitan ng Espiritu, ay higit na makapagbibigay-inspirasyon sa kanila na kumilos kaysa ano pa mang bagay.

Tandaan din na ang mga mithiin para sa mga key indicator ay nakadepende rin sa kalayaang pumili ng ibang tao. Palaging igalang ang kalayaang pumili ng mga tao.

Tandaan na ang mga key indicator ay hindi ang pinakamithiin natin. Sa halip, ang mga ito ay kumakatawan sa potensiyal na espirituwal na umunlad ang isang tao tungo sa binyag, kumpirmasyon, at habambuhay na pagbabalik-loob. Ang aktuwal na pag-unlad ng mga tao ay nakadepende sa kanilang mga pagpili. Sinusuportahan mo ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo para sa kanila habang ikaw ay nagtatakda ng mga mithiin, gumagawa ng mga plano, masigasig na kumikilos, at naglilingkod sa kanila ayon sa inspirasyong natatanggap mo.

Magtakda ng mga Mithiin at Gumawa ng mga Plano para Maisakatuparan ang mga Ito

Ang pagtatakda ng mithiin at pagpaplano ay pagpapakita ng pananampalataya. Ang mga mithiin ay sumasalamin sa mga hangarin ng iyong puso at iyong pagnanais na tulungan ang iyong sarili at ang ibang tao na lumapit sa Tagapagligtas.

Ang mga mithiin at plano na maingat na isinaalang-alang ay magbibigay sa inyo ng malinaw na direksyon. Tutulungan kayo ng mga ito na makahanap ng mas maraming taong matuturuan. Magagabayan kayo ng mga ito sa pagtulong sa mga tinuturuan ninyo na mapalakas ang kanilang pananampalataya at umunlad tungo sa pagbabalik-loob.

Gawing isang nagbibigay-inspirasyong karanasan ang inyong pagtatakda ng mga mithiin at paggawa ng mga plano. Masigasig na manalangin, sumampalataya, sumangguni sa iyong kompanyon, at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu. Kapag nagplano kayo sa ganitong paraan, madarama ninyo na kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ninyo para pagpalain ang ibang tao.

Pangulong M. Russell Ballard

“Ang mithiin ay isang destinasyon o patutunguhan, samantalang ang plano ay ang ruta kung paano kayo makakarating doon. … Ang pagtatakda ng mithiin ay pag-alam kung ano talaga ang gusto ninyong mangyari. At ang pagpaplano ay pag-iisip ng paraan para makamtan ang mithiing iyon” (M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 62–63).

Mga Alituntunin sa Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng mga Mithiin

Ang sumusunod na proseso ay makatutulong sa iyo sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng mga mithiin.

chart sa pagtatakda ng mithiin
  1. Mapanalanging magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano. Magtakda ng mga mithiin na makatotohanan ngunit tutulak sa iyo na maging mas masigasig at magpakita ng pananampalataya. Iwasan ang pagtatakda ng mga mithiin na masyadong mahirap o masyadong madali. Planuhin kung paano mo isasakatuparan ang mga ito.

  2. Gumawa ng talaan at iskedyul. Itala ang iyong mga mithiin at mga plano sa isang detalyadong iskedyul.

  3. Kumilos ayon sa mga plano mo. Maging masigasig para maisakatuparan mo ang iyong mga mithiin. Sumampalataya sa Panginoon na tutulungan ka Niya.

  4. Magrebyu at mag-follow up. Palaging suriin ang iyong progreso at itala ang iyong mga ginawang pagsisikap. Magpasiya kung ano ang iibahin mo sa iyong ginagawa at kung paano ka mas bubuti pa. Baguhin ang iyong mga plano kung kinakailangan.

Habang ginagamit mo ang prosesong ito sa pagtatakda ng mga mithiin, palalawakin ng Panginoon ang iyong mga pagsisikap. Uunlad ka sa iyong tungkulin bilang kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Marami kang magagawang mabubuting bagay para pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit.

Magtakda ng mga Mithiin at Gumawa ng mga Plano sa Lahat ng Aspekto ng Gawain

Taimtim na hingin ang patnubay ng Espiritu habang ginagamit mo ang proseso sa pagtatakda ng mithiin sa lahat ng aspekto ng gawaing misyonero. Kabilang sa mga ito ang:

  • Pagtulong sa mga taong tinuturuan ninyo na umunlad (tingnan sa Appendix 1 ng kabanatang ito).

  • Paghahanap ng mga bagong taong matuturuan (tingnan sa Appendix 2 ng kabanatang ito).

  • Pakikipagtulungan sa mga miyembro at paglilingkod sa mga tao sa komunidad at ward (tingnan sa kabanata 9 at 13).

  • Pagtatrabaho na kaisa ng iyong kompanyon (tingnan sa item 6 ng “Lingguhang Pagpaplano”).

  • Pagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo.

  • Pagpapahusay ng iyong kaalaman at mga kakayahan, pati na ang pag-aaral ng wika (tingnan sa kabanata 7).

Magtakda ng Tamang mga Mithiin

Iwasan ang pagtatakda ng mga mithiin para sa mga key indicator ng ibang misyonero. Gayunman, maaari mo silang gabayan at hikayatin sa paggamit ng mga alituntunin sa pagtatakda ng mga mithiin habang sila ay nagtatakda ng sarili nilang mga mithiin.

Mag-ingat na huwag ihambing ang iyong sarili sa iba.

Huwag gamitin ang pagkamit ng isang mithiin bilang quota, para sa pagkilala ng publiko, o para itama o ipahiya sa publiko ang sinuman.

Pangulong Spencer W. Kimball

“Tayo ay naniniwala sa pagtatakda ng mga mithiin. Tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng mga mithiin. … Isa sa mahalagang mithiin ay ang paghahatid ng ebanghelyo sa lahat ng tao. … Ang ating mithiin ay ang matanggap ang buhay na walang hanggan. Ito ang pinakadakilang mithiin sa buong mundo” (Spencer W. Kimball, regional representatives’ seminar, Abr. 3, 1975, 6).

Magsagawa ng Lingguhan at Araw-araw na Pagpaplano

Ang lingguhang pagpaplano ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng mas malawak na pananaw at pagtuuan ang mga tao. Tinutulungan din kayo nito na pagtuunan ng pansin ang pinakamahahalagang aktibidad. Ang pagpaplano sa araw-araw ay tutulong sa inyo na iangkop ang inyong plano at maghandang gumawa ng mga partikular na gawain bawat araw. Nanaisin ninyong makagawa ng makabuluhang mga bagay at hindi lang basta maging abala.

Habang ginagawa ninyo ang pagpaplano, itanong sa inyong sarili ang simpleng mga tanong tungkol sa kung ano sa palagay ninyo ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon. Maghangad ng inspirasyon para masagot ang mga tanong na ito sa mga paraan na angkop sa bawat sitwasyon at tao. Ang mga sagot ay dapat na makita sa inyong mga plano.

Lingguhang Pagpaplano

Magdaos ng lingguhang pagpaplano kasama ng iyong kompanyon sa araw at oras na itinakda ng inyong mission president. Sundin ang mga hakbang sa ibaba.

  1. Manalangin at maghangad ng inspirasyon. Hilingin sa Ama sa Langit na gabayan kayo sa paggawa ninyo ng mga plano na tutulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Hilingin sa Kanya na basbasan ang inyong mga pagsisikap na tulungan ang mga tao na umunlad at lumapit kay Cristo.

  2. Magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano para sa lahat ng mga key indicator gamit ang Preach My Gospel app. Gamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin na inilarawan sa unahang bahagi ng kabantang ito. Magsimula sa:

    • Mga taong nabinyagan at nakumpirma sa nakalipas na isang taon.

    • Mga taong may nakatakdang petsa ng binyag.

    • Mga taong tinuturuan ninyo na dumalo sa sacrament meeting.

    • Mga bagong taong tinuturuan.

    • Nagbabalik na miyembro, mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya, at mga prospective elder.

    • Mga taong naturuan dati.

    Tingnan ang Appendix 1 ng kabanatang ito para sa mga ideya kung paano gagamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin sa paglilingkod sa mga taong tinuturuan ninyo.

  3. Gamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin para makahanap ng mga taong matuturuan (tingnan ang Appendix 2 sa kabanatang ito at ang kabanata 9 para sa tulong sa paghahanap).

  4. Gamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin para makabuo ng ugnayan sa mga lider ng ward at mga miyembro. Magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano kung paano ninyo sila susuportahan sa kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo (tingnan ang mga ideya sa kabanata 9 at 13). Maghanda para sa lingguhang coordination meeting (tingnan sa kabanata 13).

  5. Rebyuhin ang inyong mga plano at mithiin sa Preach My Gospel app. Kumpirmahin ang inyong mga appointment at mga miting.

  6. Magdaos ng companionship council. Kadalasang kabilang dito ang mga sumusunod na elemento:

    • Kung nais ninyo, magbahagi ng angkop na personal na mga mithiin at hingin ang tulong ng iyong kompanyon para maisakatuparan ang mga ito.

    • Talakayin kung saan kayo magaling bilang magkompanyon. Talakayin ang anumang hamon sa pagiging masunurin o pagkakaisa sa gawain. Lutasin ang anumang problema sa pamamagitan ng (1) pagbibigay ng pagkakaton sa isa’t isa na malayang magpahayag ng inyong mga pananaw, (2) pag-unawa at pagtanggap sa alalahanin ng isa’t isa, at (3) magkasamang pagbuo ng solusyon na lulutas sa pinakamahahalagang problema.

    • Ibahagi sa iyong kompanyon kung ano sa palagay mo ang nagagawa niya nang mahusay. Humingi ng mga mungkahi kung paano ka mas huhusay.

    • Magtakda ng mga mithiin na magpapabuti ng inyong ugnayan.

    Ang mga companionship council ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng mahahalagang kasanayan na magagamit ninyo sa inyong personal na buhay at sa inyong pamilya, sa paglilingkod ninyo sa Simbahan, sa trabaho, at iba pang mga sitwasyon.

  7. Magtapos sa isang panalangin.

Araw-araw na Pagpaplano

Bawat umaga, maglaan ng 30 minuto para magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano kasama ng iyong kompanyon. Sundin ang mga hakbang sa ibaba.

  1. Manalangin at maghangad ng inspirasyon.

  2. Rebyuhin ang inyong progreso tungo sa inyong mga lingguhang mithiin para sa mga key indicator.

  3. Rebyuhin ang inyong mga plano para matulungan ang mga taong tinuturuan ninyo. Bigyang prayoridad ang inyong mga pagsisikap na tulungan ang mga taong nagpapakita ng pinakalamaking pag-unlad. Baguhin ang inyong mga mithiin at mga plano para sa araw na iyon kung kinakailangan.

  4. Tiyakin kung ano ang gagawin ninyo sa araw na iyon para makahanap ng mga bagong taong matuturuan at matulungan ang mga taong tinuturuan ninyo.

  5. Planuhin kung paano kayo makikipagtulungan sa mga lokal na lider at miyembro.

  6. Magtapos sa isang panalangin.

Pag-aaral ng Magkompanyon

Rebyuhin ang Appendix 1 at Appendix 2 sa dulo ng kabanatang ito para sa mga ideya kung paano gagamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin sa pagtuturo at paghahanap. Tukuyin kung paano ninyo magagamit ang mga ideya na ito.

Gamitin ang Preach My Gospel App

Tungkol sa mga nabinyagan sa kanyang panahon, sinabi ni Moroni, “Ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan” (Moroni 6:4). Ang isang paraan para maisabuhay ninyo ang alituntuning ito ay ang pag-iingat ng maayos na mga record o talaan.

Itala ang Inyong mga Pagsisikap

Ang pag-iingat ng mga record ay bahagi ng masigasig na paglilingkod sa inyong area nang may pagmamahal at malasakit. Panatilihing tama at updated ang inyong mga record. Matutulungan kayo nito na maalala ang dapat ninyong gawin para matulungan ang mga tao.

Matutulungan kayo ng Preach My Gospel app na makipag-ugnayan at magbahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga lokal na lider at miyembro tungkol sa progreso ng mga tao at ng gawain.

Sundin ang mga Tuntunin tungkol sa Data at Privacy

Sundin ang mga tuntunin tungkol sa data retention at privacy kapag nagtatala ng mga mithiin at plano sa Preach My Gospel app at sa mga naka-print na tool. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo, 7.5.

Itanong sa inyong sarili ang sumusunod bago kayo magtala o magbahagi ng impormasyon sa Preach My Gospel app, email, social media, mga tala, o iba pang komunikasyon:

  • Ano ang madarama ng taong ito tungkol sa aking itinatala?

  • Ano ang madarama ko kung ibinahagi ng isang tao sa iba ang ganitong uri ng impormasyon tungkol sa akin?

  • Masusunod ko ba ang mga patakaran ng Simbahan at mga batas ukol sa data privacy sa aming lugar kung itatala o ibabahagi ang impormasyong ito?

mga misyonero na nananalangin

Pananagutan

Ang alituntunin ng pananagutan ay mahalagang bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos (tingnan sa Alma 5:15–19; Doktrina at mga Tipan 104:13; 137:9). Naiimpluwensyahan ng alituntuning ito ang iyong iniisip at nadarama tungkol sa sagradong responsibilidad na ibinigay sa iyo ng Panginoon. Naiimpluwensyahan din nito kung paano mo gagawin ang iyong gawain.

Noong Kanyang ministeryo sa lupa, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mga takdang-gawain sa Kanyang mga disipulo para tulungan silang umunlad, matuto, at maisakatuparan ang Kanyang gawain. Binigyan din Niya sila ng mga pagkakataong magbigay ng ulat tungkol sa gawaing ibinigay sa kanila (tingan sa Lucas 9:10; 3 Nephi 23:6–13). Bilang misyonero, magbibigay ka rin ng ulat para sa gawain na iniatas sa iyo ng Panginoon.

Habang kayo ay nagtatakda ng mga mithiin at gumagawa ng mga plano, isaisip palagi na ikaw ay magbibigay ng ulat sa Panginoon araw-araw sa pamamagitan ng panalangin. Palaging isaisip na ikaw ay mayroon ding pananagutan sa iyong sarili at sa iyong mga mission leader.

Ang pagbibigay ng ulat ay dapat isang may pagmamahal at positibong karanasan kung saan kinikilala ang iyong mga pagsisikap at tinutukoy mo ang mga paraan kung paano ka mas huhusay pa.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananagutan?

Bakit mahalaga ang kalayaang pumili sa pananagutan?

Paano dapat magtulungan ang misyonero at mga mission leader?

Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga matapat sa kanilang mga responsibilidad?


Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay

Personal na Pag-aaral

  • Isipin ang sumusunod na pangungusap mula sa iyong liham ng pagtawag: “Habang itinutuon mo ang iyong oras at pansin sa paglilingkod sa Panginoon, na iniiwan ang lahat ng iba pang personal na gawain, bibiyayaan ka ng Panginoon ng dagdag na kaalaman at patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.” Itanong ang mga sumusunod sa iyong sarili at itala ang iyong mga impresyon.

    • Kumusta ang pagtutuon ko ng aking oras at pansin sa paglilingkod sa Panginoon?

    • Anong mga pagpapala na ang natanggap ko?

    • Paano napalakas ang aking patotoo?

    • Paano ako mas huhusay?

  • Maglaan ng ilang sandali para isipin ang iyong huling araw sa mission field. Pagdating ng araw na iyon:

    • Anong uri ng ugnayan ang nais mong magkaroon ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

    • Ano ang gusto mong maging?

    Isulat sa iyong study journal ang iyong sagot sa mga tanong na ito. Gamitin ang proseso ng pagtatakda ng mithiin para planuhin kung ano ang magagawa mo ngayon para makamit ang mga mithiing ito. Itala ang iyong mga plano.

Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange

  • Sagutin ang mga tanong sa ibaba gamit ang Preach My Gospel app:

    • Lahat ba ng record ay na-update at naglalaman ng tamang impormasyon?

    • Ang isang misyonero na bago sa area ay makikinabang ba sa mga ginawa ninyong record tungkol sa inyong mga pagsisikap na maghanap ng mga bagong taong matuturuan?

    • Kung rerebyuhin ninyo ang app ngayon, matutulungan ba kayo nito na malaman kung nasaan ang mga tao? Matutulungan ba kayo nito na malaman ang kanilang progreso?

District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council

  • Anyayahan ang mga missionary na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mga mithiin at planong ginawa nila para tulungan ang mga tao na umunlad. Kabilang sa mga halimbawa ang mga mithiin at plano para tulungan ang mga tao na:

    • Magkaroon ng higit na pananampalataya sa Tagapagligtas.

    • Magsisi at gumawa ng mga pagbabago para mas mapalapit sa Diyos.

    • Magpabinyag at magpakumpirma.

    • Bumalik sa Simbahan at panibaguhin ang kanilang tipan sa binyag.

  • Basahin sa mga misyonero ang isa sa sumusunod na mga sitwasyon. Hatiin ang mga misyonero sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat grupo na gamitin ang hakbang 1 at 2 sa proseso ng pagtatakda ng mithiin para matulungan ang mga tao sa mga halimbawa na ito na maging handa para sa binyag at kumpirmasyon. Ipabahagi sa bawat grupo ang kanilang mga ideya.

    • Tinanggap ng isang taong tinuturuan ninyo ang paanyayang magsimba ngayong linggo.

    • Tinanggap ng isang tao ang paanyayang mabinyagan at nagtakda siya ng mithiin sa inyo para mabinyagan.

    • Tinanggap ng isang tao ang paanyaya ninyo na basahin ang Aklat ni Mormon at nangako siyang babasahin ang 1 Nephi 1.

  • Anyayahan ang mga misyonero na gamitin ang Preach My Gospel app para matulungan silang magtakda ng mga mithiin na makatotohanan ngunit tutulak din sa kanila na maging masigasig sa pamamagitan ng:

    • Pagrerebyu sa mga nakaraang resulta ng mga key indicator.

    • Pagtatakda ng mga mithiin para sa bawat araw, linggo, at buwan.

    • Pagdaragdag ng mga tao sa mga mithiin para sa mga key indicator.

    Talakayin kung paano makatutulong sa mga misyonero ang mga hakbang na ito para maging mas epektibo ang kanilang pagpaplano upang matulungang umunlad ang mga tao. Sabihin sa mga misyonero na isaalang-alang ang mga sumusunod:

    • Paano mo gagamitin sa hinaharap ang Preach My Gospel app para gumawa ng plano?

    • Ano ang iba pang paraan na natuklasan mo para mas epektibong magamit ang app?

Mga Mission Leader at mga Mission Counselor

  • Palaging rebyuhin ang Preach My Gospel app ng mga misyonero. Anyayahan sila na ibahagi kung paano nila ito ginagamit para subaybayan ang kanilang mga mithiin at plano at para tulungan ang mga tao na umunlad.

  • Paminsan-minsang obserbahan ang mga lingguhan o araw-araw na pagpaplano ng mga misyonero.

Appendix 1

Gamitin ang Proseso ng Pagtatakda ng Mithiin sa Paglilingkod sa mga Taong Tinuturuan Ninyo

Ang bahaging ito ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano ninyo maaaring magamit ang proseso ng pagtatakda ng mithiin sa pagtulong sa mga taong tinuturuan ninyo.

1. Magtakda ng mga Mithiin at Gumawa ng mga Plano

Mapanalanging isaalang-alang ang mga espirituwal na pangangailangan ng mga taong tinuturuan ninyo. Magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano para matulungan silang matugunan ang mga pangangailangang ito. Gamitin ang Preach My Gospel app para makita ang progreso ng bawat tao. Gamitin ang mga key indicator para sa pagbabalik-loob para matukoy ang mga kailangang gawin ng bawat tao na tutulong sa kanila na mas mapalapit kay Cristo.

Habang kayo ay nagtatakda ng mga mithiin at gumagawa ng mga plano, itanong sa inyong sarili ang tulad ng sumusunod:

  • Anong mga pagpili ang ginagawa ng tao na nagpapakita na nagkakaroon siya ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Anong mga karanasan sa Espiritu ang naranasan na ng tao?

  • Anong mga hamon ang maaaring kinakaharap niya?

  • Ano pa ang maaari nating malaman tungkol sa taong ito para matulungan siya?

  • Ano ang kailangang mangyari para matulungan natin ang taong ito na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, madama at mabatid ang Espiritu, magsisi, at magpabinyag?

  • Paano tayo makapaghahanda para sa lingguhang coordination meeting ng ward upang makalahok ang mga lider at miyembro ng ward sa pagtulong sa taong ito? (Tingnan sa kabanata 13.)

  • Anong mga mithiin para sa mga key indicator ang maaari nating itakda na nagpapakita ng ating pananampalataya sa Panginoon?

2. Itala at I-Iskedyul ang Inyong mga Plano

Gamitin ang Preach My Gospel app para detalyadong maitala at mai-iskedyul ang inyong mga mithiin at plano. Matutulungan kayo nito na ma-organisa ang gawain at matukoy ang mga kailangang gawin sa bawat araw. Sundin ang mga batas sa data privacy sa inyong lugar.

Habang itinatala at iniiskedyul ninyo ang inyong mga plano, itanong sa inyong sarili ang mga bagay na tulad ng mga sumusunod:

  • Anong mga partikular na bagay ang magagawa natin ngayong araw at ngayong linggo para masuportahan ang pag-unlad ng taong ito?

  • Anong doktrina (o lesson) ang tutulong sa taong ito na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Cristo at ipamuhay ang ebanghelyo? Paano natin maituturo ang doktrinang ito upang maunawaan niya ito at madama niya ang Espiritu Santo?

  • Paano at kailan natin kukumpirmahin ang mga appointment?

  • Anong mga paanyaya ang dapat nating ibigay o i-follow up? Paano at kailan tayo magpa-follow up?

  • Paano at kailan natin tutulungan ang tao na magsimba, magbasa ng mga banal na kasulatan, manalangin, at tumupad ng mga pangako na hahantong sa paggawa ng mga tipan sa Diyos?

  • Paano makikibahagi ang mga miyembro?

  • Anong online na mga sanggunian ang maaari nating ibahagi sa tao?

  • Anong mga backup na plano ang maaari nating gawin kung sakaling may nangyari na hindi ayon sa plano?

3. Kumilos Ayon sa mga Plano Ninyo

Palaging manalangin sa inyong puso sa buong maghapon habang kumikilos kayo ayon sa inyong mga plano. Tutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung saan kayo pupunta, ano ang gagawin ninyo, ano sasabihin ninyo, at ano ang babaguhin ninyo sa inyong plano.

Sa buong maghapon, itanong sa inyong sarili ang mga bagay na tulad ng mga sumusunod:

  • Paano tayo kikilos nang may pananampalataya, na nagtitiwala na tutulungan tayo ng Panginoon at palalawakin ang ating mga pagsisikap na paglingkuran ang Kanyang mga anak?

  • Paano tayo magiging malikhain at matapang sa pagsasagawa ng ating mga plano?

  • Paano natin iaangkop ang ating mga plano ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga tao?

Ang mga plano ay hindi palaging mangyayari ayon sa nais ninyo. Maging handang baguhin ang inyong plano at gumamit ng mga backup na plano kapag kailangan.

4. Rebyuhin ang Progreso at Mag-follow Up

Rebyuhin ninyong magkompanyon ang progreso ninyo tungo sa itinakda ninyong mga mithiin na turuan ang mga tao at tulungan silang umunlad. Planuhin ang mga gagawin ninyo para mag-follow up. Baguhin ang inyong mga plano kung kinakailangan habang sinisikap ninyong makamit ang inyong mga mithiin.

Itanong sa inyong sarili ang tulad ng sumusunod:

  • Ang mga taong tinuturuan natin ay umuunlad ba tungo sa paggawa ng mga tipan sa Diyos?

  • Anong mga hamon ang kinakaharap nila? Ano ang kanilang mga alalahanin?

  • Ano ang magagawa natin ngayong araw para matulungan at mahikayat sila na kumilos—nang personal o sa pamamagitan ng teknolohiya?

  • Nagkakaroon ba sila ng mga karanasan kung saan nadarama nila ang Espiritu?

  • May kakilala ba silang mga lider at miyembro ng Simbahan at nagkakaroon ba sila ng mga kaibigan? Sino ang maaaring makibahagi sa susunod nating pagtuturo?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga kabiguan?

  • Gaano tayo naging kahusay sa pagkamit ng ating mga mithiin? Mayroon ba tayong dapat baguhin o gawin sa ibang paraan?

  • Panahon na ba para bawasan natin ang dalas ng ating pagkontak sa kanila?

Tingnan ang kabanata 11 para sa karagdagang mga alituntunin at ideya kung paano mag-follow up at paano tulungan ang mga tao na umunlad.

Appendix 2

Gamitin ang Proseso ng Pagtatakda ng Mithiin sa Paghahanap ng mga Taong Matuturuan

Ang bahaging ito ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano ninyo maaaring magamit ang proseso ng pagtatakda ng mithiin sa paghahanap ninyo ng mga bagong taong matuturuan. Gamitin ang prosesong ito sa inyong lingguhan at araw-araw na pagpaplano.

1. Magtakda ng mga Mithiin at Gumawa ng mga Plano

Mapanalangin ninyong isaalang-alang ng iyong kompanyon kung ano ang nais ipagawa sa inyong ng Ama sa Langit para mas marami pa kayong mahanap na mga taong matuturuan. Gawin ito bawat linggo at bawat araw. Manampalataya na may inihahanda Siyang mga tao para sa inyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:3–8).

Magtakda ng mga mithiin para sa paghahanap bawat araw. Gumawa ng mga plano na gawin ang mga bagay na maaari at kaya ninyong gawin na mayroong epekto sa mga key indicator. Kabilang sa mga halimbawa ang:

  • Ilang bagong tao ang kakausapin ninyo tungkol sa ebanghelyo bawat araw.

  • Ilang beses ninyo tatanungin ang mga miyembro, mga taong tinuturuan ninyo, at mga taong nakakausap ninyo kung may kakilala sila na maaaring maging interesado sa inyong mensahe.

  • Gaano kabilis kayo tutugon sa mga referral o comment sa mga post sa social media.

Rebyuhin ang Preach My Gospel app at itanong sa inyong sarili ang mga bagay na tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit ngayong araw at ngayong linggo para makahanap ng mga taong matuturuan?

  • Anong pang-araw-araw at lingguhang mithiin para sa mga key indicator ang maaari nating itakda para makahanap ng mga taong matuturuan?

  • Anong mga aktibidad sa paghahanap ang pinakamainam para sa ganitong oras at lokasyon?

  • Paano natin mabibigyang-inspirasyon at masusuportahan ang mga miyembro ng ward sa kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya?

  • Sinu-sinong mga bagong miyembro ang maaari nating kontakin para matulungan sila na dumalo sa sacrament meeting? May mga kaibigan ba sila na maaari nilang anyayahan?

  • Paano tayo makikipagtulungan sa ward council o sa mga nakikibahagi sa lingguhang mga coordination meeting ng ward para makatukoy ng mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya, mga nagbabalik na miyembro, at mga prospective elder?

  • Sinu-sino sa mga kasalukuyang tinuturuan, mga dating naturuan, at mga referral ang maaari nating kontakin? Paano natin sila kokontakin? (Nang personal, sa pamamagitan ng teknolohiya, telepono, o sa iba pang paraan)

  • Ano ang ilang bagong paraan na magagamit natin para makahanap ng mga tao?

  • Anong mga personal na talento at kakayahan ang maaari nating gamitin?

  • Paano natin mapapahusay ang ating kakayahang makahanap ng mga taong matuturuan?

  • Paano natin matutulungan ang mga taong nakakausap natin na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo?

Para sa mga halimbawa ng mga aktibidad sa paghahanap, tingnan ang kabanata 9, 10, at 13.

Gamitin ang Preach My Gospel app para matulungan kayong matukoy ang mga aktibidad sa paghahanap na naging mabisa noon. Halimbawa, makikita ninyo kung paano nahanap ang mga bagong miyembro.

Maghangad ng inspirasyon at maging bukas sa mga bagong impresyon at ideya. Iwasang paulit-ulit na gawin ang isang bagay. Ang mga misyonero na patuloy na nakahahanap ng mga bagong taong matuturuan ay kadalasang gumagamit ng iba’t ibang paraan sa paghahanap bawat linggo. Patuloy nilang pinapahusay ang kanilang kasanayan sa mga ito.

2. Itala at I-iskedyul ang Inyong mga Plano

Gamitin ninyong magkompanyon ang Preach My Gospel app para detalyadong maitala at maiskedyul ang inyong mga mithiin at plano. Ang pagtatala at pag-iskedyul ng inyong mga plano ay tutulong sa inyo na matukoy kung ano ang inyong gagawin at kung kailan ito gagawin.

Itanong sa inyong sarili ang tulad ng sumusunod:

  • Kailan at paano natin kokontakin ang mga tao? Ano ang pinakamainam na paraan? Saan ang pinakamainam na lokasyon? Ano ang pinakamagandang oras sa buong maghapon para sa iba’t ibang paraan ng paghahanap ng mga tao?

  • Paano tayo magkakaroon ng makabuluhang pakikipag-uusap sa mga taong nakikilala natin?

  • Paano at kailan tayo maghahanap ng mga tao online gamit ang social media at iba pang teknolohiya?

  • Kailan natin kokontakin ang mga referral?

  • Anong mga backup na plano ang gagawin natin kung sakaling hindi matuloy ang mga nakaplanong aktibidad?

3. Kumilos Ayon sa mga Plano Ninyo

Pagsikapang maigi na makamit ang inyong mga mithiin sa paghahanap ng mga taong matuturuan. Palaging manalangin sa inyong puso sa buong maghapon. Maging bukas sa pagbati at pakikipag-usap sa mga taong nakakasalubong ninyo. Tutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung saan kayo pupunta, ano ang gagawin ninyo, ano ang sasabihin ninyo, at ano ang babaguhin ninyo sa inyong plano.

Sa buong maghapon, itanong sa inyong sarili ang mga bagay na tulad ng mga sumusunod:

  • Paano tayo kikilos nang may pananampalataya, na nagtitiwala na tutulungan tayo ng Panginoon at palalawakin ang ating mga pagsisikap na paglingkuran ang Kanyang mga anak?

  • Paano tayo magiging malikhain at matapang sa pagsasagawa ng ating mga plano?

  • Paano natin iaangkop ang ating mga plano ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga tao?

  • Paano natin matutulungan ang mga tao na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo?

Ang mga plano ay hindi palaging mangyayari ayon sa nais ninyo. Maging handang baguhin ang inyong plano at gumamit ng mga backup na plano kapag kailangan.

4. Rebyuhin ang Progreso at Mag-follow Up

Sa buong maghapon at buong linggo, mapanalanging rebyuhin ang inyong progreso sa pagkamit ng inyong mga mithiin sa paghahanap ng mga taong matuturuan. Itanong sa inyong sarili ang tulad ng sumusunod:

  • Gaano tayo naging kahusay sa pagkamit ng ating mga mithiin at pagsunod ng ating mga plano?

  • Ano ang dapat nating baguhin para makamit natin ang ating mga mithiin sa paghahanap ng mga tao?

  • Paano natin maiiwasan ang paulit-ulit na paggawa ng mga bagay na hindi mabisa sa paghahanap ng mga taong matuturuan?

  • Anong bagong aktibidad ang maaari nating gawin sa oras na ito?

  • Ano ang ilang ideya na maaari nating talakayin sa lingguhang coordination meeting ng ward para matulungan tayong makahanap ng mga taong matuturuan? (Tingnan sa kabanata 13.)

Gamitin ninyong magkompanyon ang chart na “Mga Pagsisikap na Maghanap” sa kabanata 9 para masuri ang mga pagsisikap ninyong maghanap bawat linggo at bawat araw. Tukuyin ang mga bagay na mahusay ninyong nagagawa at isipin kung paano pa kayo mas huhusay.

Tumigil at maglaan ng ilang minuto sa buong maghapon para kilalanin ang kamay ng Diyos sa inyong gawain.