“Kabanata 12: Tulungan ang mga Tao na Maghanda para sa Binyag at Kumpirmasyon,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 12,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 12
Tulungan ang mga Tao na Maghanda para sa Binyag at Kumpirmasyon
Ang binyag ay isang masayang ordenansang naghahatid ng pag-asa, kung saan matatanggap ng isang tao ang kapangyarihan ng Diyos sa kanyang buhay. Ang kapangyarihang ito ay dumarating sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Patuloy na matatanggap ng tao ang kapangyarihang ito kapag siya ay nagtiis hanggang wakas sa pagtupad sa tipan sa binyag.
Ang layunin ng iyong pagtuturo ay tulungan ang ibang tao na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, magsisi sa kanilang mga kasalanan, at mabinyagan nang may taos-pusong hangarin na sundin si Cristo. Gaya ng itinuro ni Mormon, “ang mga unang bunga ng pagsisisi ay binyag” (Moroni 8:25). Habang tinutupad ng mga tao ang mga pangakong inanyayahan mo silang gawin, magiging handa sila na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos at matamasa ang mga pangakong pagpapala.
Hindi katapusan ang binyag at kumpirmasyon. Sa halip, ang mga ordenansang ito ay ang paraan para makapasok ang mga anak ng Diyos sa landas ng tipan. Ang landas na ito ay humahantong sa mga ordenansa, tipan, at masasayang pagpapala ng templo—at sa huli, sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 11:20–40).
Mga Kwalipikasyon para sa Binyag at Kumpirmasyon
Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak na lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon (tingnan sa 2 Nephi 26:33; 3 Nephi 27:20). Ang mga kwalipikasyon para sa binyag ay pare-pareho para sa lahat.
Mula sa Doktrina at mga Tipan 20:37:
-
Magpakumbaba sa harapan ng Diyos.
-
Hangarin na mabinyagan.
-
Lumapit nang may bagbag na mga puso at nagsisising espiritu.
-
Magsisi sa lahat ng iyong kasalanan at manalangin para sa kapatawaran.
-
Maging handa na taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo.
-
Magkaroon ng determinasyon na paglingkuran si Cristo hanggang sa huli.
-
Ipakita sa iyong mga gawa na natanggap mo ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng iyong mga kasalanan.
Mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol:
-
Magbigay ng angkop na sagot sa mga tanong para sa interbyu sa binyag.
-
Tanggapin ang lahat ng mga lesson ng misyonero.
-
Makipagkita sa elders quorum president, Relief Society president, at sa bishop.
-
Dumalo sa ilang sacrament meeting.
Ang mga kwalipikasyong ito ay ipinapakita kung nagaganap ang espirituwal na proseso ng pagbabalik-loob. Kapag nagawa ng mga tao ang mga kwalipikasyong ito, sila ay handa na para sa sagradong mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon.
Kapag ang isang tao ay nagtakda na ng isang petsa ng binyag:
-
Maingat na rebyuhin ang kanyang record sa Preach My Gospel app para matiyak na naituro na ninyo ang mga kinakailangang doktrina at mga kautusan.
-
Gumawa ng iskedyul para sa lahat ng kailangang gawin at mangyari upang makapaghanda para sa binyag at kumpirmasyon. Rebyuhin ang iskedyul na ito sa tao.
-
Kung maaari, anyayahan ang tao na dumalo sa isang serbisyo sa binyag bago ang kanyang sariling binyag.
Tulungan ang mga Tao na Maghanda para sa Kanilang Interbyu sa Binyag
Ang interbyu sa binyag ay isang mahalagang hakbang para masiguro na natutugunan ng tao ang mga kwalipikasyon ng Panginoon para sa binyag. Mag-iskedyul lamang ng interbyu sa binyag kapag handa na ang tao.
Tulungan ang mga tao na maghanda para sa interbyu na ito para maging komportable sila rito. Ipaliwanag kung ano ang mangyayari. Sabihin sa kanila na makikipagkita sila sa isang misyonero na tulad mo.
Ipaliwanag ang layunin ng interbyu. Pagkakataon ito para sa kanila na ipakita na sila ay “nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan [at] ipinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na natanggap nila ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 20:37).
Ibahagi ang mga tanong na itatanong ng mag-iinterbyu (tingnan sa ibaba). Tutulong ito sa tao na maghandang sagutin ang mga ito.
Tiyakin na nauunawaan ng tao ang mga itinuro ninyo at ang tipan na gagawin niya sa binyag. Ang tipang ito ay:
-
Maging handang taglayin sa kanyang sarili ang pangalan ni Jesucristo.
-
Sundin ang mga utos ng Diyos.
-
Paglingkuran ang Diyos at ang ibang tao.
-
Magtiis hanggang wakas. (Tingnan sa lesson 4.)
Magpatotoo tungkol sa mga dakilang pagpapalang nagmumula sa binyag at kumpirmasyon at sa pagtupad sa tipan sa binyag. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang kaloob na Espiritu Santo.
Pagsasagawa ng Interbyu sa Binyag
Ang bawat tao na nagnanais mabinyagan ay iniinterbyu ng isang awtorisadong priesthood leader. Sa mission, ang taong ito ay ang district o zone leader. Siya ang nagsasagawa ng interbyu para sa:
-
Mga taong edad 9 pataas na hindi pa kailanman nabinyagan at nakumpirma.
-
Mga batang edad 8 pataas na ang mga magulang ay hindi miyembro ng Simbahan.
-
Mga batang edad 8 pataas na ang magulang ay bibinyagan at kukumpirmahin din.
Nasa ibaba ang mga patnubay para sa mag-iinterbyu.
-
Isagawa ang interbyu sa isang komportable at pribadong lugar kung saan maaaring madama ang Espiritu.
-
Kapag nag-iinterbyu ng bata, kabataan, o babae, ang kompanyon ng nag-iinterbyu ay dapat nasa malapit lamang, sa katabing silid, sa pasukan, o pasilyo. Kung nais ng tao, maaaring anyayahan ang isang adult na sumali sa interbyu. Dapat iwasan ng mga misyonero ang lahat ng sitwasyon na maaaring mabigyan ng maling interpretasyon.
-
Magsimula sa panalangin.
-
Tulungan ang tao na maging komportable.
-
Gawing masiglang espirituwal na karanasan ang interbyu.
-
Tiyakin na nauunawaan ng tao ang layunin ng interbyu.
-
Itanong ang mga tanong para sa interbyu sa binyag na nakalista sa ibaba. Kung kailangan, iangkop ang mga tanong sa edad, antas ng kaalaman at pag-unawa, at kalagayan ng tao.
-
Sagutin ang mga tanong ng tao.
-
Rebyuhin ang impormasyon sa Form ng Binyag at Kumpirmasyon para matiyak na tama ito. Kung ang tao ay menor-de-edad, ang form ay kailangang lagdaan ng isang magulang o tagapag-alaga bago ang binyag (tingnan sa bahaging “Binyag at Kumpirmasyon: Mga Tanong at mga Sagot” sa kabanatang ito).
-
Anyayahan ang tao na magbigay ng patotoo o ibahagi ang kanyang nadarama.
-
Pasalamatan ang tao sa personal na pakikipagkita sa iyo.
Mga Tanong para sa Interbyu sa Binyag
Narito ang mga tanong para sa interbyu sa binyag:
-
Naniniwala ka ba na ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan? Naniniwala ka ba na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig?
-
Naniniwala ka ba na ang Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith? Naniniwala ka ba na si [kasalukuyang Pangulo ng Simbahan] ay propeta ng Diyos? Ano ang ibig sabihin nito sa iyo?
-
Ano ang ibig sabihin sa iyo ng magsisi? Nadarama mo bang napagsisihan mo na ang mga kasalanan mo noon?
-
Itinuro sa iyo na kasama sa pagiging miyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagsunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ano ang pagkaunawa mo sa sumusunod na mga pamantayan? Handa ka bang sundin ang mga ito?
-
Ang batas ng kalinisang-puri, na nagbabawal sa anumang seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae
-
Ang batas ng ikapu
-
Ang Word of Wisdom
-
Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, kasama na ang pakikibahagi sa sakramento linggu-linggo at paglilingkod sa iba
-
-
Nakagawa ka ba ng mabigat na krimen? Kung oo, ikaw ba ay sumasailalim sa probation o parole?
-
Naging bahagi ka ba sa isang aborsiyon o pagpapalaglag? (Tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.1.)
-
Kapag nabinyagan ka, nakikipagtipan ka sa Diyos na handa kang taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo, paglingkuran ang iba, tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sundin ang Kanyang mga kautusan sa buong buhay mo. Handa ka bang gawin ang tipang ito at magsikap na maging tapat dito?
Para sa mga tagubilin kung ang tao ay sumagot ng oo sa tanong 5 o 6, tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, 38.2.8.7 at 38.2.8.8.
Maging pamilyar sa mga patakaran at tuntunin na may kaugnayan sa binyag at kumpirmasyon sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.2.8. Ang ilan sa mga patakarang ito ay kinapapalooban ng mga espesyal na sitwasyon na maaari mong makaharap.
Pagkatapos ng interbyu, ang misyonero at ang taong ininterbyu ay sasama sa ibang mga misyonero. Kung ang tao ay handa nang mabinyagan, ipapaliwanag ng mga misyonero kung ano ang mangyayari sa serbisyo sa binyag. Ipapaliwanag din nila na ang kumpirmasyon ay karaniwang isinasagawa sa isang sacrament meeting ng ward kung saan nakatira ang tao.
Kapag Kailangang Ipagpaliban ang Binyag
Kung minsan, kailangang ipagpaliban ang binyag dahil sa mga hamon sa patotoo o pagiging karapat-dapat. Kapag nangyari ito, maging sensitibo at panatilihin itong pribado. Tulungan ang tao na maunawaan kung paano maghahanda para sa binyag sa hinaharap.
Hikayatin ang tao at tiyaking may pag-asa kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hilingin sa mga miyembro ng ward na magbigay ng suporta. Magpatuloy sa pagtuturo ng mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo hanggang sa maging handa ang tao na mabinyagan at makumpirma. Hintayin na maging handa ang tao bago mag-iskedyul ng bagong petsa ng binyag.
Binyag at Kumpirmasyon: Mga Tanong at mga Sagot
Kailangan ko ba ng pahintulot para binyagan ang menor-de-edad? Inaalala ng Simbahan ang kapakanan ng mga bata at ang pagkakasundo sa kanilang tahanan. Ang isang menor-de-edad, ayon sa pakahulugan ng mga lokal na batas, ay maaari lamang mabinyagan kapag natugunan ang sumusunod na mga kondisyon:
-
Ang nangangalagang (mga) magulang o legal na (mga) tagapag-alaga ay nagbigay ng nakasulat na pahintulot. Dapat mayroon silang pangkalahatang pang-unawa sa doktrina na ituturo sa kanilang anak bilang miyembro ng Simbahan. Dapat handa silang suportahan ang kanilang anak sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag.
-
Inaalam ng taong nagsasagawa ng interbyu kung nauunawaan ng bata ang tipan sa binyag. Dapat madama niya na sisikapin ng bata na tuparin ang tipan na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, kabilang na ang pagdalo sa mga miting ng Simbahan.
Kailangan ko ba ng pahintulot ng asawa para binyagan ang isang taong may-asawa? Oo. Ang isang taong ikinasal ay dapat na may pahintulot mula sa kanyang asawa bago mabinyagan.
Kung hindi pa handang mabinyagan ang isang magulang ng pamilya, dapat ko bang binyagan ang iba pang miyembro ng pamilya o maghintay hanggang maging handa na ang magulang na ito? Hangga’t maaari, mas mainam na sabay na binyagan ang mga miyembro ng pamilya. Gayunman, kung ang ilan ay hindi pa handa, ang ibang miyembro ng pamilya ay maaaring mabinyagan hangga’t naibigay ang mga kinakailangang pahintulot.
Dapat bang ipagpaliban ang binyag ng mga miyembro ng pamilya hanggang sa matanggap ng ama ang Aaronic Priesthood at siya mismo ang magsagawa ng binyag? Hindi. Ang mga bagong binyag na kalalakihan ay hindi natatanggap ang Aaronic Priesthood sa araw ng kanilang binyag. Kailangan muna silang interbyuhin ng bishop at sang-ayunan ng mga miyembro ng ward.
Maaari ko bang turuan at binyagan ang isang taong nagbitiw sa pagiging miyembro ng Simbahan o binawain ng pagkamiyembro sa Simbahan? Ang mga taong nagbitiw sa pagiging miyembro ng Simbahan o binawain ng pagkamiyembro sa Simbahan ay maaaring muling tanggapin sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon. Kung nais nilang maturuan, sumangguni sa mga lokal na priesthood leader at sa inyong mission president tungkol sa anumang magagawa ninyo.
Sa isang stake, ang muling pagtanggap sa pamamagitan ng binyag ay nasa pamamahala ng bishop o stake president. Sa isang mission, ang muling pagtanggap ay nasa pamamahala ng mission president. Ang mga lider na ito ay tatanggap ng patnubay mula sa Unang Panguluhan kung kailangan. Ang mga misyonero ay hindi nagsasagawa ng interbyu sa binyag o nagkukumpleto ng Form ng Binyag at Kumpirmasyon para sa mga taong ito. Gayunman, maaaring anyayahan ang isang misyonero na magsagawa ng binyag.
Ang mga dating miyembro ng Simbahan na muling aanib ay hindi mga convert. Gayunman, ang mga misyonero kung minsan ay mayroong mahalagang papel na ginagampanan sa pagtulong sa kanila na muling matamasa ang mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan.
Paano kung ang isang tao ay may nakaiskedyul nang petsa ng binyag ngunit hindi niya tinutupad ang lahat ng kanyang mga pangako? Mag-iskedyul lamang ng interbyu sa binyag kapag tinutupad na ng tao ang kanyang mga pangako at natutugunan na niya ang mga kwalipikasyon sa binyag. Tingnan ang “Kapag Kailangang Ipagpaliban ang Binyag” sa kabanatang ito.
Paano kung ang isang magkasintahan na nais mabinyagan ay nagsasama sa iisang bahay nang hindi kasal? Ang magkasintahang nagsasama sa iisang bahay sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay hindi maaaring mabinyagan hanggang sa ipamuhay nila ang batas ng kalinisang-puri. Ibig sabihin nito ay hindi na sila magsasama sa iisang bahay nang hindi kasal—bilang magkasintahang lalaki at babae o bilang same-sex couple—o, para sa isang lalaki at babae, ibig sabihin nito ay pagpapakasal. Kabilang dito ang pananampalataya tungo sa pagsisisi ayon sa inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 20:37. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos.
Ang tanong 5 at 6 sa interbyu sa binyag ay nagtatanong kung ang isang tao ay nakagawa ng mabigat na krimen o naging bahagi sa isang aborsiyon o pagpapalaglag. Ano ang gagawin ko kung ang isang tao ay sumagot ng “oo” sa isa sa mga tanong na ito? Kung nalaman mo ang tungkol sa isa sa mga sitwasyong ito habang isinasagawa ang interbyu sa binyag, huwag nang magtanong tungkol sa mga detalye. Huwag mangako na ang tao ay aaprubahan na mabinyagan. Sa halip ay magpahayag ng pagmamahal at ipaliwanag na isang taong mas nakatatanda at mas may karanasan ang kakausap at tutulong sa tao.
Magpadala ng kahilingan sa inyong mission president para sa interbyu sa binyag. Siya o isa sa kanyang mga counselor ang kakausap sa tao. Tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, sa 38.2.8.7 at 38.2.8.8.
Ano ang dapat kong gawin kung may nalikha na membership record bago ko naisumite ang Form ng Binyag at Kumpirmasyon? Kontakin ang inyong mission president para sa mga tagubilin.
Ang Serbisyo sa Binyag
Ang serbisyo sa binyag at kumpirmasyon ay dapat maging mahahalagang espirituwal na karanasan para sa isang bagong miyembro. Dapat mag-iskedyul kaagad ng serbisyo sa binyag kapag natugunan ng tao ang mga kwalipikasyon para sa binyag. Ipaliwanag kung ano ang paplanuhin at bakit. Talakayin sa tao ang angkop na kasuotan, at ipaalam din na pahihiramin siya ng puting kasuotan na susuotin sa binyag.
Ang mga serbisyo sa binyag para sa mga convert ay pinaplano sa ilalim ng patnubay ng bishop. Ang ward mission leader (kung may tinawag) o miyembro ng elders quorum presidency na namumuno sa gawaing misyonero sa ward ang nagpaplano at nangangasiwa sa mga serbisyong ito. Nakikipag-ugnayan siya sa mga full-time missionary. Ang mga serbisyo sa binyag ay dapat simple, maikli, at nagpapasigla sa espirituwal.
Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric, isang miyembro ng Relief Society presidency, at isang miyembro ng elders quorum presidency (kung hindi siya ang mangangasiwa) na dumalo sa serbisyo sa binyag. Kung angkop, anyayahan ang mga lider ng ibang organisasyon, mga youth leader, at mga ministering brother at mga ministering sister (kung may inatasan). Makipagtulungan sa taong bibinyagan para maanyayahan ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak na dumalo sa serbisyo sa binyag at kumpirmasyon.
Isaalang-alang na anyayahan ang ibang taong tinuturuan ninyo. Ang mga karanasang ito ay tutulong sa kanila na madama ang Espiritu at matuto pa tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos ng serbisyo, mag-follow up para talakayin ang kanilang karanasan at anyayahan silang maturuan.
Maaaring kabilang sa isang serbisyo sa binyag ang sumusunod:
-
Pambungad na saliw ng musika
-
Maikling pagbati mula sa priesthood leader na nangangasiwa sa serbisyo (isang miyembro ng bishopric ang dapat mamuno)
-
Isang pambungad na himno at panalangin
-
Isa o dalawang maiikling mensahe tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo, tulad ng binyag at kaloob na Espiritu Santo
-
Isang piling musika
-
Ang binyag
-
Isang panahon ng pagpipitagan habang nagpapalit ng tuyong damit ang mga taong nakibahagi sa pagbibinyag. (Maaaring patugtugin o kantahin ang mga himno o awitin sa Primary sa oras na ito. O maaaring magbigay ng maikling pagtatanghal ang mga misyonero tungkol sa ebanghelyo.)
-
Pagbabahagi ng patotoo ng mga bagong binyag, kung nais
-
Isang pangwakas na himno at panalangin
-
Pangwakas na saliw ng musika
Kung ang serbisyo ay naka-iskedyul sa araw ng Linggo, pumili ng oras na hindi masyadong nakakaabala sa mga regular na pulong sa araw na ito.
Kumpirmasyon
Matatanggap ng isang tao ang ordenansa ng kumpirmasyon matapos siyang binyagan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:41). Ang isang bagong binyag ay itinuturing na miyembro ng Simbahan pagkatapos maisagawa ang mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon at maayos na naitala ang mga ito.
Ang mga kumpirmasyon ay isinasagawa sa ilalim ng pamamahala ng bishop. Gayunman, hindi siya nagsasagawa ng hiwalay na interbyu para sa kumpirmasyon.
Makipagtulungang mabuti sa bishop at sa ward mission leader (kung may tinawag) para matiyak na makumpirma ang mga bagong binyag. Ang kumpirmasyon ay dapat sa lalong madaling panahon pagkatapos ng binyag, at mainam na gawin sa kasunod na araw ng Linggo. Gayunman, maaaring pahintulutan ng bishop na isagawa ang kumpirmasyon sa serbisyo sa binyag bilang eksepsyon (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.8).
Karaniwang kinukumpirma ang mga convert sa sacrament meeting ng ward na kinabibilangan nila. Karaniwang inaanyayahan ng bishop ang mga elder na misyonero na naglilingkod sa ward na makibahagi sa kumpirmasyon. Kung isang misyonero ang magsasagawa ng kumpirmasyon, kailangan din niya ng pag-apruba mula mission president (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.8.1). Nakikibahagi ang kahit isang miyembro ng bishopric.
Kumpletuhin ang Form ng Binyag at Kumpirmasyon
Napakahalaga na makalikha kaagad ng membership record para sa isang taong nabinyagan at nakumpirma. Tungkol sa mga record sa kanyang panahon, isinulat ni Moroni na ang mga bagong miyembro “ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan” (Moroni 6:4).
Habang tinuturuan ninyo ang isang taong naghahandang mabinyagan, simulang punan ang Form ng Binyag at Kumpirmasyon sa Preach My Gospel app. Ipaliwanag na ang form na ito ay gagamitin para makalikha ng membership record. Ang record na ito ay naglalaman ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga ordenansang natanggap ng tao. Kapag lumipat ng tirahan ang mga miyembro ng Simbahan, ang kanilang membership record ay ipadadala sa kanilang bagong ward para masuportahan sila ng mga lokal na lider at miyembro.
Sa lalong madaling panahon matapos ang binyag at kumpirmasyon ng isang bagong miyembro, ilagay sa form ang impormasyon tungkol sa bawat ordenansa, pati na kung sino ang nagsagawa nito. Kapag nakumpleto na ninyo ang form, itala ang impormasyon sa Preach My Gospel app at isumite ito sa ward clerk online. Kapag natanggap na ng clerk ang form, rerebyuhin niya ito at lilikha siya ng membership record.
Matapos malikha ang membership record, naghahanda ang clerk ng Sertipiko ng Binyag at Kumpirmasyon. Ang sertipikong ito ay nilalagdaan ng bishop at ibinibigay sa bagong miyembro.
Ang pangalan at kasarian sa membership record at sertipiko ay dapat tumugma sa birth certificate, civil birth registry, o kasalukuyang legal na pangalan ng tao.
Pagkatapos ng Binyag at Kumpirmasyon
Patuloy na Magminister
Patuloy na makipag-ugnayan at suportahan ang mga bagong miyembro pagkatapos nilang mabinyagan at makumpirma. Tulungan silang magsimba at makabuo ng mga ugnayan sa mga miyembro. Magbasa ng Aklat ni Mormon kasama nila, at tulungan silang ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapamilya at kaibigan. Ipakilala sa kanila ang buklet na Ang Aking Landas ng Tipan. Patuloy na gamitin ang Preach My Gospel app para itala ang kanilang progreso, tulad ng kanilang pagdalo sa sacrament meeting at mga lesson na natanggap nila.
Pagkatapos ng kumpirmasyon, muling ituro ang mga lesson ng misyonero. Kayo ang mangunguna sa pagtuturong ito. Gayunman, makipag-ugnayan sa mga lider ng ward upang makabahagi sa pagtuturong ito ang mga ward missionary o iba pang miyembro. Habang kayo ay nagtuturo, hikayatin ang mga bagong miyembro na tuparin ang mga pangako sa mga lesson.
Sa lingguhang mga coordination meeting, magsanggunian kung paano masusuportahan ng mga miyembro ang mga bagong miyembro at matutulungan silang manatiling aktibo sa Simbahan. Planuhin kung sino ang magpapakilala sa kanila sa mga lider ng korum o organisasyon. Tulungan ang ibang miyembro na makibahagi sa muling pagtuturo ninyo ng mga lesson. Imungkahi na magbigay ng mga ministering brother (at mga ministering sister para sa kababaihan).
Pagkatapos mabinyagan ng isang lalaki, maaari na niyang tanggapin ang Aaronic Priesthood kung siya ay magiging 12 taong gulang sa katapusan ng taong iyon o mas matanda pa. Ang mga ordinasyon sa Aaronic Priesthood ay isinasagawa sa ilalim ng pamamahala ng bishop (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.2.9.1).
Kung angkop, patuloy na makipag-ugnayan sa mga naturuan mo habambuhay. Suportahan sila para matanggap nila ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“Kapag lumalapit tayo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, madarama natin na naririnig tayo ni Jesucristo at yayakapin Niya tayo sa Kanyang nakauunawang mga bisig ng kaligtasan. Ang mga sagradong ordenansa ay nagpapadama ng pagiging kabilang sa tipan at ‘ng kapangyarihan ng kabanalan’ para pabanalin ang hangarin ng puso at ikinikilos [Doktrina at mga Tipan 84:20]. Sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at mahabang pagtitiis, ang Kanyang Simbahan ay nagiging ating Bahay-Panuluyan.” (Gerrit W. Gong, “Silid sa Bahay-Panuluyan,” Liahona, Mayo 2021, 27).
Tulungan ang mga Bagong Miyembro na Makibahagi sa mga Pagpapala ng Templo
Ang mga bagong miyembro na angkop ang edad ay maaaring tumanggap ng temple recommend na magpapahintulot sa kanila na mabinyagan para sa kanilang mga yumaong kapamilya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 26.4.2). Matatanggap nila ang recommend na ito mula sa bishop. Hikayatin at tulungan ang mga bagong miyembro na tumanggap ng temple recommend sa lalong madaling panahon. Kung may malapit na templo, isaalang-alang ang pag-anyaya sa mga miyembro na magsagawa ng mga binyag para sa mga yumaong ninuno sa isang partikular na araw.
Sa lingguhang mga coordination meeting, planuhin kung sino ang magpapakilala sa mga bagong miyembro sa ward temple and family history leader. Ang lider na ito ay makatutulong sa kanila na maghandang tanggapin ang mga pagpapala ng templo sa pamamagitan ng paggawa nila ng kanilang sariling mga tipan sa templo.
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Ilista ang mga hamon na maaaring kaharapin ng isang taong bibinyagan. Bakit mahalagang madama ng tao ang pagmamahal at pakikipagkaibigan ng mga miyembro ng Simbahan?
-
Pag-aralan ang Moroni 6 at Doktrina at mga Tipan 20:68–69. Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pagtulong sa mga tao na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon? Isulat ang iyong natutuhan. Ibahagi ang iyong mga saloobin sa iyong kompanyon sa pag-aaral ninyong magkompanyon.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring kung bakit mahalaga ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Talakayin ang sumusunod na payo. Paano ninyo mahihikayat ang mga tao na magkaroon ng hangaring sundin ang mga pamantayang ito?
“Itinakda ng Panginoon ang Kanyang mga pamantayan para mapagpala Niya tayo. Isipin ang mga pagpapalang iyon: Ipinangako Niya sa mga taong sumusunod sa mga pamantayan ang tulong ng Espiritu Santo. Nangangako Siya ng personal na kapayapaan. Nangako Siya ng pagkakataong matanggap ang mga banal na ordenansa sa Kanyang bahay. At nangangako Siya sa mga habambuhay na sumusunod sa Kanyang mga pamantayan na magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan. …
Dahil mahal natin ang mga taong pinaglilingkuran natin, gusto nating pagbutihin pa ang pagtulong sa mga anak ng Ama sa Langit para maging tapat at dalisay sila, para matanggap ang lahat ng pagpapala ng Panginoon. …
Simulan ninyo ito sa malinaw at walang dudang paninindigan sa mga pamantayan ng Panginoon. At habang lalong nilalayuan at hinahamak ito ng daigdig, mas kailangan nating maging matapang sa paggawa nito” (“Mga Pamantayan ng Pagkamarapat,” Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 2003, 12–13).
-
Rebyuhin ang mga tanong sa interbyu sa binyag. Isipin kung ano ang gagawin ninyo sa mga sitwasyon na tulad ng mga sumusunod:
-
Sinabi ng isang tao sa inyo na siya ay sumasailalim sa probation dahil sa isang krimen.
-
Hindi nakatanggap ang tao ng sagot sa kanyang panalangin na si Joseph Smith ay isang propeta.
-
Nanigarilyo ang tao noong makalawa.
-
Hindi sigurado ang tao kung nakatanggap siya ng sagot sa kanyang mga panalangin.
-
Napilitan lang ang pamilya dahil sa mga kaibigan at hindi sila sigurado kung handa na sila para sa binyag.
-
-
Rebyuhin ang Form ng Binyag at Kumpirmasyon. Bakit dapat tama at kumpleto ang impormasyong ibibigay ninyo?
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Rebyuhin ang kahalagahan ng interbyu sa binyag. Talakayin kung paano matutulungan ng mga misyonero ang mga tao na maghanda para sa interbyu.
-
Talakayin kung paano gagawing oportunidad sa paghahanap ng matuturuan ang mga pagbibinyag at kumpirmasyon.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Makipagtulungan sa mga lokal na priesthood leader at mga lider ng organisasyon para matiyak na mabisa nilang ginagamit ang report ng Pag-unlad sa Landas ng Tipan.
-
Ituro sa mga district leader, mga zone leader, at mga sister training leader kung paano ihahanda ang mga tao para sa interbyu sa binyag. Anyayahan sila na sanayin ang ibang misyonero na ihanda ang mga tao para sa interbyu na ito.
-
Ituro sa mga district leader at zone leader kung paano magsagawa ng mga interbyu sa binyag.
-
Ituro kung paano tutugon sa isang interbyu sa binyag kapag sinabi ng tao na siya ay nakagawa ng mabigat na kasalanan.
-
Kung maaari, dumalo sa mga serbisyo sa binyag ng mga bagong miyembro. Kausapin ang mga bagong miyembro at alamin ang kanilang mga karanasan sa pagbabalik-loob. Ibahagi ang natutuhan mo sa iyong kompanyon at sa mga misyonero.